CHAPTER 3

1731 Words
ARABELLA’S POV Maaga pa lang ay gising na ako, pero hindi dahil sa alarm. Gising ako dahil sa pag-iisip. Pagbalik ko kagabi mula sa lakad namin nina Camille, hindi agad ako nakatulog. Paulit-ulit kong iniisip ang mga sinabi ni Liam kung paanong hindi niya diretsong sinabi, pero malinaw pa rin ang intensyon. Sa kanyang mga tanong, ramdam ko ang pag-aalala, ang pagkalinga, at ang tahimik niyang pananatili. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o malito. Kasi ang totoo... napagod ako sa katahimikan ni Alexander. Napagod akong ako ang laging nagsisikap na mapanatili ang koneksyon. At kahit minsan ay umaasang may kapalit halos wala. Pero si Liam... isang sulyap, isang tanong lang, parang biglang may bumalik sa akin ‘yung Arabella na masaya lang, hindi pinipilit, hindi natutuyuan ng pag-asa. Bago ko pa malunod sa sarili kong mga iniisip, tumunog ang phone ko. Isang text mula kay Tita Eleanor. > Tita Eleanor: Arabella dear, would you and Alexander be available for a quick supplier meeting later at 3? I’ve already reserved the venue at Fio's Café. Kaagad akong nag-reply. > Arabella: Yes po, Tita. See you there. --- Alas tres ng hapon, naroon na ako sa café, bitbit ang notebook at mood board na pinapagawa sa akin ng stylist. Nang pumasok si Alexander, napansin kong wala siyang dalang laptop o folder. “Hi,” bati ko, tipid. “Hi,” balik niya. Naupo siya sa tapat ko. May dala siyang kape para sa kanya. Wala man lang tanong kung gusto ko rin. Isa na namang paalala ng distansyang sinusubukan kong habulin araw-araw. “Kamusta ka?” tanong ko, sinusubukang panatilihin ang koneksyon. “Okay lang,” maikling sagot niya. “Ikaw?” “Okay rin.” Hindi ko alam kung paano namin mararating ang “masaya” kung ni “okay” ay hindi namin mabigkas nang may tunay na damdamin. Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay, dumating ang stylist at ang representative ng catering. Nagsimula ang meeting tungkol sa layout ng table arrangement at backdrop styling. Tahimik lang si Alexander, paminsan-minsan ay tumatango, pero hindi talaga nakikilahok. Hanggang sa tinanong ako ng stylist, “Do you have a specific flower arrangement in mind, Arabella?” “Rustic garden-style lang po. Wildflowers, eucalyptus, muted tones—” “Mas bagay nga ‘yon sa personality mo,” sabat bigla ni Alexander, halatang hindi sinasadya. “Simple pero may dating.” Napatingin ako sa kanya. Iyon marahil ang unang pagkakataon na tinawag niya ang personality ko nang may admiration. Pero hindi ko alam kung matutuwa ba ako… o kung sakit pa rin ang nangingibabaw dahil palaging huli ang mga banat niyang ganito. --- Matapos ang meeting, magkasabay kaming lumabas ng café. Hindi kami agad nagsalita. Pareho kaming tahimik habang naglalakad papunta sa parking. Hanggang sa binasag niya ang katahimikan. “May kasama ka kagabi, di ba?” tanong niya. Napatingin ako sa kanya, hindi sigurado kung may halong selos ang tanong o curiosity lang. “Si Liam. Kababata ko. Kaibigan namin nina Camille,” sagot ko. Tumango siya. “Matagal na kayong magkakilala?” “Simula elementary. Lumipat lang siya ng high school noon kaya medyo nawala ang communication.” Tahimik siya. Isang maikling tango ulit. “Okay lang ba sayo?” tanong ko, hindi ko rin alam kung bakit ko natanong. Hindi siya agad sumagot. Inabot niya ang door handle ng kotse niya pero hindi pa binuksan. “Wala naman akong karapatang magtanong o magalit,” mahina niyang sabi. “Pero... hindi ko inakala na may mga lalaking pupuno sa puwang na hindi ko kayang punan.” Napatigil ako. Sa tagal ng mga linggo na ako lang ang nagsisikap, ngayon lang siya nagsalita nang ganito. “Hindi siya pumupuno sa puwang, Alexander,” sabi ko. “Pero hindi ko rin kayang mabuhay sa espasyong puro katahimikan.” Nagkatinginan kami. Para sa unang pagkakataon, walang takas sa mga mata naming dalawa. “Hindi ko intensyon na saktan ka,” dagdag niya. “Alam ko. Pero minsan, kahit hindi sinasadya, nakakasakit pa rin.” Bumuntong-hininga siya. “Ayokong mawalan ng respeto ka sa akin.” Hindi ko alam kung paano sasagutin ‘yon. Dahil kahit gusto kong maniwala, parang unti-unti na rin akong napapagod. --- Kinabukasan, habang nakaupo ako sa terrace ng bahay namin, may dumating na bouquet ng bulaklak. White tulips simple, tahimik, pero elegante. May kasamang maliit na card: > “I don’t know how to do this right. But I’m trying. – A.” Tahimik akong napangiti. Hindi dahil sa bulaklak. Kundi dahil sa pagsubok. Pero bago ko pa man ma-enjoy ang sandaling iyon, may isa pang dumating na text. > Liam: May pupuntahan kami nila Camille sa Linggo. Sama ka. Libre ako maghatid at sundo. Napahawak ako sa dibdib ko. Dalawang mundo ang dahan-dahang gumagalaw sa paligid ko. Isa kay Alexander, na sinusubukang magsimulang muli. At isa kay Liam, na handang saluhin ako kung sakaling masaktan muli. --------- Linggo. Maagang umaraw. Maaga rin akong nagising, dala ng magkahalong kaba at pananabik. Nasa harapan ko ang dalawang damit isang simpleng white dress at isang floral sundress. Hindi ko alam kung bakit ako nahirapang pumili. Kung bakit parang may gusto akong… mas maganda, mas maayos, mas kaaya-ayang suotin. At habang nag-aayos ako ng buhok, na-realize ko kung kaninong presensya ako ginaganahan. Hindi kay Alexander. Kay Liam. Mula kahapon, hindi pa ako nagre-reply sa text niya. Pero hindi ibig sabihin ay wala akong balak sumama. Gusto kong sumama. Gusto kong makahinga. At siguro, gusto ko ring maramdaman kung anong pakiramdam ng may taong kusang nagbibigay ng atensyon hindi kailangan habulin, hindi kailangan ipilit. --- “Uy, Ara!” bungad ni Camille nang salubungin niya ako sa labas ng café kung saan kami magkikita-kita. “Ang ganda mo naman. May date ka ba?” “Hindi ah,” sagot ko, sabay tawa. “Talaga lang ha,” singit ni Ally na dumating na rin. “Kasi si Liam, todo porma rin oh.” Napalingon ako. At ayun siya. Liam, naka-white button-up shirt, nakaayos ang buhok, naka ngiti ‘yung tipong parang siya lang ang araw na kailangan mong silungan. “Hi,” bati niya. “Hi,” balik ko. Maiksi lang. Pero parang ang daming gustong lumabas mula sa pagitan ng aming mga titig. “Ready ka na?” tanong niya. Tumango ako. “Oo.” --- Ang lakad namin ay road trip sa isang flower farm sa tagaytay. Simple lang picture-picture, lakad, kain. Kasama namin sina Camille at Ally, pero hindi ko maiwasang mapansin kung gaano ka-natural ang kilos ni Liam palibot sa akin. Hawak niya ang camera. Hawak din niya ang tubig para sa amin. Nasa likod siya kapag paakyat, para “just in case” daw. At kung paanong wala siyang sinabi… pero mararamdaman mong palagi kang kasama sa iniisip niya. “Dito ka,” sabi niya nang nakita niyang napagod ako sa lakad. Hinila niya ako sa lilim ng puno. “Pahinga ka muna.” “Okay lang ako,” sagot ko. “Alam ko. Pero kahit ang okay, puwedeng mapagod.” Napatingin ako sa kanya. Napahinga nang malalim. “Hindi mo naman kailangang tanungin kung pagod ako, no?” tanong ko. “Hindi,” sagot niya. “Pero gusto ko pa ring marinig.” Tahimik. Doon ko naramdaman — ang sakit na matagal kong hindi pinapansin, ay unti-unting lumalabas sa tahimik na paraan. Ang mga bagay na hindi ko nasasabi kay Alexander, nasasabi ko nang hindi sinasadya kay Liam. --- Habang kumakain kami sa isang maliit na restaurant bandang Tanauan, tumunog ang phone ko. Isang message mula kay Alexander. > Alexander: Kumusta ang Sunday mo? Napahawak ako sa dibdib ko. Kasi ngayon lang ulit siya nag-text nang walang kailangan. Walang follow-up. Walang pwersa. Pero huli na. Kasi kahit gustuhin ko mang sagutin, parang wala akong masabi. ‘Kumusta ang Sunday mo?’ Sasagutin ko ba ng: Masaya. Kasi sa wakas, naramdaman kong may may gusto ring makinig sa akin? Hindi. Kaya hindi ko siya sinagot. Hindi pa. --- Pauwi na kami bandang 5 PM. Malamig na ang simoy ng hangin at ang araw ay unti-unti nang lumulubog. Tahimik sa loob ng van. Si Camille, Ally at Grace ay parehong nakatulog sa likod. Ako, nakasandal sa bintana. Si Liam, hawak ang manibela. “Arabella,” tawag niya. Mahina, pero malinaw. “Hmm?” “May tanong ako.” Tumingin ako sa kanya. Nakatingin pa rin siya sa kalsada. “Masaya ka ba… sa kanya?” Hindi ko agad nasagot. Hindi ko rin alam kung paano. “Hindi ko gustong makialam,” dagdag niya. “Pero… matagal na kitang kilala. At kanina, habang kasama kita, ang daming Arabella na naalala ko — ‘yung masayahin, ‘yung matapang, ‘yung palabiro.” Napangiti ako, pilit. “Wala na ba ‘yon ngayon?” tanong ko. “Hindi ko sinasabing wala na. Pero… parang palaging may bitbit kang bigat. At gusto ko sanang malaman, kung may espasyo pa ba ‘ko sa buhay mo para maibalik kahit konti ‘yung Arabella na ‘yon.” Napapikit ako. Gusto kong umiyak. Pero hindi dahil nalulungkot ako. Kundi dahil may isang taong nagtangkang buhatin ang bigat na hindi naman niya kailangang pasanin. “Hindi ko alam, Liam,” sagot ko. “Hindi ko alam kung nasaan na ako. Kung anong nararamdaman ko. Ang alam ko lang, napapagod na ako. Pero hindi pa ako handang sumuko.” Tumango siya. “Hindi ko hinihiling na sumuko ka. Gusto ko lang… kung darating man ‘yung araw na piliin mong bumitaw, sana may masalo.” At sa mga salitang ‘yon, doon ako tuluyang natahimik. Kasi sa unang pagkakataon, hindi ako sinabihan na lumaban. Pinayagan akong mapagod. At pinayagan akong may saluhin kung sakaling bumigay. --- Pag-uwi ko sa bahay, madilim na. Tahimik. Pero magaan ang pakiramdam ko kahit saglit. Pagpasok ko sa kwarto, binuksan ko ang phone ko. Nandoon pa rin ang message ni Alexander. Hindi pa rin ako nagrereply. Tumitig ako sa screen. > Kumusta ang Sunday mo? Walang kasamang emoji. Walang kasamang “I miss you.” Pero may effort. May tanong. Naisip ko tuloy… may halaga pa ba ang mga tanong kung huli na ang sagot? I-type ko na sana ang reply, pero hindi ko natapos. Sa halip, inilapag ko ang phone. Pinikit ang mga mata. Dahil minsan, ang katahimikan ang pinakamatapat na sagot. Hinayaan ko na lamang na lamunin ako ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD