CHAPTER 2

1672 Words
ALEXANDER'S POV Tahimik ang loob ng kotse habang binabaybay namin ang daan pauwi. Nasa passenger seat si Arabella. Nakatingin siya sa bintana, pero ramdam kong lumilingon siya paminsan-minsan para silipin ako. Hindi ako makatingin. Hindi dahil sa wala akong pakialam kundi dahil hindi ko alam kung anong pwede kong ipakita. May isang parte sa akin na gusto siyang kausapin. Pero mas malakas pa rin ang parte ng pusong ayaw muling masaktan. “Salamat sa paghatid,” mahinang sabi niya. Tumango lang ako. “Oo naman.” Walang kasunod na salita. Sa halip, binalik niya ang tingin sa labas ng bintana. “Masarap ‘yung pagkain kanina,” dagdag niya, pilit na binubuo ang katahimikan. Hindi ko alam kung bakit napalalim ang buntong-hininga ko. Siguro dahil hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin nang hindi siya bibigyan ng maling pag-asa. Hindi siya masama. Hindi siya si Elise. Pero hindi ko rin siya kayang maging Arabella na may sariling kwento — dahil ang kwento ko pa rin ay nakasabit sa isang taong iniwan ako. “Ayokong paasahin ka, Arabella,” bigla kong sambit, halos pabulong pero malinaw. Lumingon siya sa akin. Hindi siya nagulat. Para bang matagal na niyang hinintay ‘yung linyang ‘yon mula sa bibig ko. “Hindi mo naman ako inaasahan,” sagot niya, mahinahon. “Pero hindi ibig sabihin noon na hindi na kita dapat asahan.” Napahinto ako. Napatingin ako sa kanya, sa unang pagkakataon nang diretso. Tahimik ang mga mata niya. Hindi nagmamakaawa. Hindi rin lumalaban. Parang sinasabi lang niya ang totoo — at ang totoo, mas totoo pa siya kaysa sa sarili kong emosyon. Tumigil kami sa harap ng bahay nila. Huminga siya nang malalim, saka ngumiti. “Wala akong hinihingi sa'yo. Hindi pa ngayon,” ani Arabella. “Pero sana, kapag handa ka nang tumingin sa harap, nando’n pa rin ako.” Bumaba siya, marahang isinara ang pinto. At ako, naiwan sa loob ng sasakyan, tahimik na nakatitig sa likuran niya habang papasok siya sa gate nila dala ang isang uri ng tapang na hindi ko pa rin kayang buuin. ARABELLA'S POV Pagpasok ko ng kwarto, agad akong naupo sa gilid ng kama. Hindi ko alam kung masaya ako o malungkot. Hindi ko alam kung may patutunguhan ba ‘to, o kung ako lang ang maglalakad sa direksyong ‘to habang siya ay nakaapak pa rin sa nakaraan. Pero isang bagay ang alam ko hindi ako aalis agad. Hindi pa ngayon. Dahil kahit hindi pa niya kayang mahalin ako... kaya ko munang mahalin kami. ---- Kinabukasan, tinawagan ako ni Mama. “Ara, may lunch meeting tayo mamaya with the Huxleys. Parang formal engagement announcement na rin ‘yan. Ready ka ba?” Ngumiti ako kahit hindi niya ako nakikita. “Oo, Ma. Ready na.” Pagdating ko sa venue, naroon na sina Mama at Papa. Si Alexander ay naroon na rin, kasabay ng mga magulang niya. Umupo ako sa tabi ng Mama ko, at bahagyang tumango kay Alexander bilang pagbati. “Hi,” mahinang bati ko. Tumango siya. “Hi.” Ganoon lang. Wala nang dagdag. Wala ring init. Pero sapat na para hindi ako tuluyang sumuko. Habang kumakain kami, nag-uusap ang mga magulang tungkol sa petsa ng engagement party, sa supplier, sa mga bisita. Pero sa gitna ng plano, hindi ko maiwasang mapansin si Alexander na laging nakatingin sa ibang direksyon, palaging nakakunot ang noo, at ni minsan ay hindi pa rin ako tinanong kung okay lang ba ako. Nang matapos ang lunch, niyaya ako ni Tita Eleanor. “Arabella, would you like to check some of the gown catalogs for the engagement?” Napatingin ako kay Alexander. Tila wala namang intensyon na samahan ako. Kaya ngumiti na lang ako. “Sure po, Tita.” Pero bago ako lumayo, naramdaman kong may kamay na dumampi saglit sa braso ko. Si Alexander. Marahan. Walang salita. Paglingon ko, tiningnan niya lang ako saglit saka muling ibinaling ang tingin sa ibang direksyon. Wala siyang sinabi. Pero sa maliit na paghawak niyang ‘yon… doon ko naramdaman na kahit konti, naroon pa rin ako sa isip niya. Pag-uwi ko, hindi ko maiwasang mapangiti ng bahagya habang hinahaplos ang lugar sa braso kung saan dumampi ang kamay ni Alexander. Minsan, sapat na ang mga simpleng bagay para piliin mong manatili. Kahit hindi pa niya ako mahal, kahit hindi pa niya ako pinipili… Pinipili ko pa rin siyang intindihin. Hindi ko alam kung saan kami patutungo. Pero sana… bago kami tuluyang mawala sa isa’t isa, Matutunan pa niya akong mahalin. ----- Nagsimula na ang sunod-sunod na meeting para sa engagement party. Iba’t ibang supplier ang kinakausap nina Mama at Tita Eleanor. Sa tuwing may pagkakataon akong makita si Alexander, palagi siyang tahimik. Hindi suplado. Hindi rin bastos. Pero palaging mailap. Hanggang isang araw, habang nasa café ako para tingnan ang design ng engagement invitation, biglang dumating si Alexander. “Can I sit?” tanong niya. Tumango ako. “Of course.” Tahimik siyang umupo. Ilang segundo ang lumipas bago siya nagsalita. “Naalala ko lang... gusto mo raw ng rustic theme?” Napatingin ako sa kanya, medyo nagulat. “Oo... Paano mo nalaman?” “Mom mentioned it,” sagot niya. “Maganda. Classic. Calm. Katulad mo.” Hindi ko alam kung dahil ba sa compliment o dahil bigla siyang naging present, pero parang biglang lumambot ang hangin sa pagitan naming dalawa. “May gusto ka bang idagdag sa design?” tanong ko. Umiling siya. “Wala. Gusto kong ikaw ang pumili ng lahat. Basta ikaw ang masaya.” Hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang sariling kiligin. Bago siya umalis, tumingin siya sa akin, diretso, at sa unang pagkakataon, nakita ko ang isang bagay sa mga mata niya. Hindi pa pagmamahal. Pero siguro, isang uri ng pagsisimula. At sa araw na iyon, umuwi akong may ngiti. Kahit alam kong bukas, maaaring bumalik na naman siya sa katahimikan niya… sapat na muna ito para sa akin ngayon. -------- Kinagabihan, habang hinihigaan ko ang kama ko, hindi pa rin mawala sa isip ko ang pag-uusap namin ni Alexander kanina sa café. Iba siya ngayon. Hindi siya ‘yung Alexander na palaging malamig ang tingin, hindi rin ‘yung tahimik lang na parang wala akong halaga. Sa ilang minutong pag-upo niya sa harap ko, naramdaman kong may effort na siyang maging bahagi ng prosesong ito kahit pa maliit lang. Gusto ko sana siyang tawagan, pero pinili kong huwag. Baka ‘yun na ang kabuuan ng lakas ng loob niya para sa araw na ‘to at ayokong pilitin pa siya. Nasa gitna ako ng pag-iisip nang biglang tumunog ang phone ko. Tumatawag si Camille. “Uy Ara! di ka busy tonight, ‘di ba?” bungad agad niya. “Oo. Bakit?” “Gumala tayo, please! Grabe ka na, puro engagement planning na ang inaatupag mo. Bigyan mo naman kami ng oras. Miss ka na namin!” Napatawa ako. “Grabe ka, parang ilang buwan na akong nawala.” “Tatlo tayo. Ako, si Grace, si Ally. Tapos... guess what? Sasama rin si Liam!” Natahimik ako saglit. “Si Liam?” “Yup! Napilit ni Grace. Sabi niya ikaw daw ang hinahanap-hanap nun, HAHA!” “Tumigil ka nga.” Pero hindi ko maitago ang ngiti. Liam Park kababata ko, kaibigan mula pa noong elementary, at minsan na ring nagparamdam ng interes bago ako lumipat ng school noong high school. Hindi naging kami, pero hindi rin kami ganap na walang koneksyon. “Okay, sama ako,” sagot ko sa wakas. “Sige! ngayon na ha, kita-kits sa Riverwalk Café!” --- Maganda ang panahon. Sakto lang ang lamig, presko ang simoy ng hangin. Suot ko ang simpleng blue dress na may manipis na cardigan, at kaunting makeup lang. Gusto ko lang maging presentable hindi dahil kay Liam, kundi dahil gusto ko ng araw na hindi tungkol sa wedding, sa pressure, o kay Alexander. Nauna ako sa café. Ilang minuto pa lang ang lumipas, dumating na sina Camille at Ally, sabay si Grace na may kasamang lalaki. Si Liam. Mas matangkad siya ngayon kaysa sa huling beses naming nagkita. Mas defined ang panga, mas matured ang hitsura pero ‘yung ngiti niya? Pareho pa rin. ‘Yung tipong parang laging sinasabi, “Uy, ikaw na naman.” “Ara,” bati niya, kasabay ng bahagyang yuko. “Hi, Liam,” ngiti ko. Nagkatinginan kami ng ilang segundo. Hindi awkward. Hindi rin dramatic. Pero may kakaiba. ‘Yung tipong masarap lang sa pakiramdam na may taong kilala ka sa pinakaugat mo bago pa ang lahat ng komplikasyon sa paligid mo ngayon. “Ang laki ng pinagbago mo ah,” dagdag niya habang nauupo kami. “Masasabi ko rin sa’yo ‘yan,” sagot ko. Nagkatawanan kami. Nagsimula ang kwentuhan, tawanan, at pagbabalik-tanaw ng masasayang kalokohan noong bata pa kami. Nawala ang tensyon. Wala akong naramdaman na pressure na kailangang maging “perfect fiancée” ni Alexander. Masarap pala ulit huminga. Habang masaya kami sa kwentuhan, hindi ko naiwasang mapansin kung paanong panay ang sulyap ni Liam sa akin. Hindi bastos, hindi rin halata pero ramdam kong may iniisip siya. Nang bumaba ako para kumuha ng drinks para sa amin, sumunod siya. “Arabella,” mahinang tawag niya habang nakapila kami. “Hmm?” “Okay ka lang ba? I mean… I heard about the engagement.” Napatingin ako sa kanya. Nag-aalala ang tingin niya. “Oo. Okay naman ako.” Tahimik siya saglit. “Pero masaya ka ba?” Hindi ko agad nasagot. Hindi ko alam kung bakit, pero ‘yung tanong na ‘yon sa sobrang simple parang mas sumalamin sa tunay kong nararamdaman kaysa sa lahat ng tanong na ibinato sa akin sa mga nakaraang linggo. “Hindi ko pa alam,” sagot ko. “Pero sinusubukan kong maging masaya.” Tumango siya, marahang ngumiti. “Kung kailan mo gustong magpahinga… nandito lang ako, okay?” At sa sandaling ‘yon, ramdam kong hindi lang ang kahapon ang bumalik kundi pati ‘yung pakiramdam ng may matibay na kakampi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD