THOMAS Titig na titig ako sa mag-ina ko. Ang sarap nilang pagmasdan habang payapang natutulog. Parang kailan lang, mag-isa ako sa silid na ito, pero ngayon, may dalawa na akong kasama. Matagal kong hinintay na makasama si Chazzy, pero hindi ko inaasahan na sa pagbabalik niya, may magandang mangyayari. Napaisip ako bigla, kung dati pa siya bumalik sa akin, malalaman kaya kaagad namin na anak pala talaga namin si Travis? Marahang kumilos ang asawa ko. Naramdaman siguro niya ang haplos ko sa pisngi niya. Mayamaya lang ay unti-unti na niyang minulat ang kanyang mga mata. Kaagad na sumilay ang matamis na ngiti sa labi niya nang makita ako. “May masakit ba sa ‘yo?” Nag-aalala ako dahil baka ngayon lang niya nararamdaman ang pananakit ng anit niya dahil sa paghila ni Precilla sa buhok niya.

