GUSTUHIN man ni Janine na umaktong normal ay hindi niya nagawa. Habang nasa biyahe sila ni Draco ay tahimik lamang siyang nakatingin sa labas ng bintana. Nakatitig pero walang nakikita. Kahit anong gawin niya ay bumabalik sa isip niya ang mga sinabi ni Camille sa kaniya. Na noong magpaalam silang uuwi na ay muling hinalikan sa pisngi si Draco at binati pa siya na para bang hindi nangyari ang naging engkuwentro nila sa loob ng comfort room. Pilit na sinasabi ni Janine sa sarili na huwag magpaapekto. Na huwag hayaang diktahan na naman ng mga pangit na alaala ang buhay niya at ang pakikitungo niya sa ibang tao na tulad noon. Subalit kanina, nang tangkain ni Draco na hawakan siya nang papunta na sila sa sasakyan nito ay napaigtad siya at tila may sariling buhay ang kaniyang katawan na lumayo

