Dumating ang labing walong taong gulang na si Janine sa bahay nila nang alas nuwebe ng gabi. Tahimik ang buong kabahayan. Pagkatapos siyang pagbuksan ng gate ng kasambahay nila ay sinabihan na niya itong puwede nang magpahinga. Wala ang mga magulang niya. Sa isang araw pa ang uwi. At si Draco… malamang nasa party pa na inorganisa ng isang Fraternity. Sa pagkakaalam niya ay ngayong gabi iyon. Malamang kasama na naman nito si Camille. Nayakap ni Janine ang shoulder bag nang bumigat ang pakiramdam niya sa isiping iyon. Dalawang taon na mula nang magtapos ng kolehiyo si Camille pero palagi pa rin niya itong nakikita na kasama ni Draco. Mula noong sixteen sila at una niyang makita ang lalaki na kasama si Camille ay naging constant part na ng buhay nito ang babae. Sa loob ng dalawang taon, kahi

