“ONE-THIRTY na,” kunwa ay reklamo niya kay Jude nang pabalik na sila sa opisina niya. “Late na ako ng thirty minutes.”
“Tumigil ka, Faith. Hindi naman mahigpit sa oras ang boss ninyo. Ikaw ang mismong maysabi sa akin niyan kanina lang na kumakain tayo. Hindi ka nga nagmamadali sa pagnguya mo.”
Napabungisngis siya. “Di, sana pala’y isinagad mo na ang panglilibre pati meryenda!”
“Oo ba! Ano, magkita tayo mamayang alas tres? Sa Glorietta naman tayo.”
Umiling siya. “Hindi na, no? Hanggang hapunan na ang ipinakain mo sa akin. Tingnan mo nga ang tiyan ko, naninigas na sa kabusugan.”
Humalakhak si Jude. “Aba, magpasalamat ka at nabusog ka.”
“Salamat po, sir. Sa uulitin sana.” mabilis namang sabi niya na may kasamang panunudyo.
“Welcome. Didiretso na ako. May prospect akong kliyente diyan sa kabilang building. Malay mo, makabenta uli ako ng kotse?”
“Ay, oo nga. Para ilibre mo ako uli.”
“Sure, Faith.”
Pumasok na siya sa building at si Jude naman ay dumiretso na ng lakad. Paglagpas niya sa may guard ay nagulat pa siya nang makitang may naghihintay sa kanya.
“Patrick!”
Tiningnan siya nito ng tinging nanunumbat/nagtatanong.
“Tinawagan ako ni Jude,” mabilis na paliwanag niya. “In-invite niya ako for lunch. Treat niya dahil nakuha na niya ang komisyon niya sa kotseng naibenta niya.”
“Hindi mo naisip na baka pumunta ako dito?” mababa pero halata ang tinitimping galit sa tinig nito.
Napipilan siya. Napatingin siya sa mga empleyadong napupunta na ang pansin sa kanila.
“Aalis na ako,” wika ni Patrick at nagsimulang humakbang.
“Teka, saan ka pupunta?” habol niya.
“Faith, tara na! Late na tayo,” wika sa kanya ng kasamahan na mukhang kagaya niya ay sa labas din nananghalian.
Sandali niyong nakuha ang atensyon niya. Nang lingunin niya uli si Patrick, mabilis na itong nakalayo. Napailing na lang siya. At sumunod na rin sa kaopisina na sumakay ng elevator.
Tuluyan na siyang nawala sa kondisyong magtrabaho. Hindi niya maintindihan, kanina lang ay mataginting ang tawa niya. Ngayon, hindi na naman maipinta ang mukha niya.
Kung kanina ay hindi niya maintindihan kung ano ang nararamdaman niya kay Patrick, ngayon ay tukoy na tukoy na niya iyon. Naiinis siya sa kasintahan. Ngayon niya na-realize na naunahan siya ng sindak ni Patrick. Siya ang dapat na sumita dito. Ito ang hindi tumawag nang umagang iyon. Kung tumawag ang binata at sinabihan siyang pupunta ng lunch break niya, di wala sanang problema.
Madali namang tumanggi kay Jude. Alam naman ng kaibigan niya na basta si Patrick ang dahilan ng hindi niya pagsama ay hindi na ito nagpupumilit.
Pero ngayong sumama siya kay Jude, para bang siya lang ang may kasalanan kay Patrick. At para bang napakalaking kasalanan niyon.
At unti-unti, ang pagkainis na iyon ay nahaluan ng pagkainip. Inaasahan niyang tatawag sa kanya si Patrick. Ganoon naman ang binata basta may problema sila. Tatawag at tatawag ito, hindi na importante kung sino ang may kasalanan kanino.
Nang lumampas ang alas tres at hindi ito tumawag, naglaho na rin ang inis niya sa binata. Siya na rin ang nagbigay ng katwiran sa pagiging mainit ng ulo nito kanina. After all, one-thirty na ang oras at malamang ay hindi pa ito nagla-lunch. Likas na maigsi ang pasensya ni Patrick kapag ganoong gutom ito.
Nang pumatak ang alas singko at hindi pa rin tumatawag man lang si Patrick, nagpasya siyang tawagan na ito.
“Si Sir Patrick?” wika sa kanya ni Yolly. “Lumabas sila ni Ma’am Janica. Pupunta daw sa Megamall.”
Naumid siya. Ni hindi niya inisip ang posibilidad na iyon.
“Sino iyan, Yolly?” narinig niyang tanong buhat sa background.
“Si Faith po, Senyora.”
“O, Faith, ikaw pala.” Ang mama na ni Patrick ang may hawak ng telepono sa isang iglap.
“Good afternoon ho. W-wala ho pala diyan si Patrick?” asiwang tanong niya. Ngayon niya natuklasan na sa personal man o sa telepono ay talagang nai-intimidate siya sa mama nito.
“Wala nga. Namasyal sila ni Janica. Ah, Faith, hindi ka pa ba kinakausap ni Patrick?”
“T-tungkol ho saan?”
“Sa pakikipaghiwalay niya sa iyo.”
Namanhid ang buong pakiramdam niya. Hindi siya makaapuhap ng isasagot.
“Nag-usap na kami ng anak ko. Nangako siya sa akin na sasama na siya sa pagbabalik namin ni Janica sa America. Pasensya ka na, hija. Hindi puwede ang gusto ni Patrick na magpakasal muna kayo para makasama ka rin. Mga bata pa kayo. Getting married is a serious thing. Hindi basta-basta sinusuong iyan. Bakit hindi ninyo muna abutin ang mga pangarap ninyo at saka kayo magpakasal? Saka anong malay ninyo, hindi naman pala kayo para sa isa’t isa.”
Humigpit ang hawak niya sa telepono. Hindi niya kayang bigyan ng salita ang eksaktong nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Nag-init ang sulok ng mga mata niya.
“Ang sabi ho ni Patrick, hindi siya pupunta sa America.”
Tumawa nang bahaw ang babae. “Hija, hindi ko alam kung ano na napag-usapan ninyo pero kagabi lang ay nagkausap kami uli ng anak ko. I’m sorry to tell you but he has changed his mind. Pinapaayos na nga niya ang travel papers niya.”
Napalunok siya. “P-puwede po bang pakisabi na lang kay Patrick na mag-usap kami pagdating niya?”
“Titingnan ko,” tila naniniryang sagot nito. “Alam mo kasi, basta nagkasama sina Patrick at Janica ay nakakalimutan na nila ang oras. Baka nga tumuloy na sila sa Palawan. Iyon kasi ang paboritong lugar ni Janica. Baka pagka-shopping nila, dumiretso na ang mga iyon sa airport. Pareho din naman silang mahilig sa scuba diving. Alam mo ba, dito man o sa America, puro beach ang inaatupag ng dalawang iyon? Mamasyal muna si Janica dito sa Pilipinas habang hinihintay namin na maayos ang papel ni Patrick. Kapag naayos na iyon, baka sabay-sabay na rin kaming aalis. Anyway, masasabi din iyan sa iyo ni Patrick kapag nag-usap kayo. Paano, Faith? Busy din ako, eh. Bye.”
At bago pa siya nakahuma, dial tone na lamang ang narinig niya.
Walang ingay na ibinaba niya ang telepono. Hindi siya makatinag sa kinatatayuan. Parang namimingi ang magkabila niyang tenga sa narinig. Tila isang masamang panaginip lamang iyon. Kinurot niya ang sarili at ganoon na lang ang naging pagtamlay niya nang matiyak na gising nga siya.
Kabaligtaran ng tuwa ng mama niya dahil maaga siyang umuwi ay ang labis na lungkot niya. Sinikap lamang niyang magpakita ng masayang mukha sa ina at nagkulong na sa sariling kuwarto para doon magmukmok.
Itinatanggi ng puso niya ang lahat ng narinig niya buhat sa mama ni Patrick. Hindi niya gustong maniwala doon. Kagabi lang, ilang beses na sinabi sa kanya ng binata na mahal siya nito. Na hindi nito magagawang iwan siya.
Pero hindi niya magawang maapektuhan. Lalo na kapag naiisip niya na natiis siya ngayon na hindi tawagan ni Patrick—dahil kasama nitong namamasyal si Janica. Naghahalo ang sama ng loob at selos sa buong sistema niya.