2004
“KUMUSTA NA ANG LOVE life, Faith?” tanong sa kanya ni Eve na ikinabigla niya.
Nasa opisina siya ng Romantic Events para dalhin ang order ng mga imbitasyon. Mayroon siyang imprenta ng social letters pero pinaka-espesyalidad niya ang wedding invitations. Malaki ang demand sa mga wedding invitations. Kahit yata pinaka-budgeted na kasal, hindi nawawala sa gagastusan ang imbitasyon. At siya bilang negosyante, alam din niya kung paano hawakan ang customer niya.
Kaya niyang magbaba ng presyo na hindi rin naman siya lugi. Kaya din naman niya na magtaas ng presyo para kumita siya nang maganda. At ganoon din ang kalakaran sa Romantic Events.
Bilang supplier ni Eve, sa kanya nito ibinibigay ang final decision sa pricing. At palibhasa mas nakakarami sa nakukuhang kontrata ay en grandeng kasal, maganda rin ang kanyang nagiging kita—lalo na kung kasali ang paggawa ng souvenirs na parang naging kakambal na ng paggawa niya ng imbitasyon.
“Hoy, hindi ka na sumagot?” untag sa kanya ni Eve.
“Kung itanong mo na lang kaya sa akin kung ano ng latest designs ko sa invitations at souvenirs?” sagot niya. “Mas gusto na ngayon ng mga customer ang computerized na imbitasyon. Though iba pa rin ang dating ng embossed letters, talaga nga yatang computerized na ang trend ngayon. May mga bagong dating akong papel ngayon. Superb ang quality.”
Binuksan niya ang folder na may plastic sleeves. “Look at this. Gawa ko iyan. Pinagpuyatan ko kagabi. Maganda, di ba?”
“Yeah. Well, lahat naman ng gawa mo maganda. Mag-iwan ka ng sample niyan. Alam mo naman ang karamihan sa mga kliyente, kung alin ang latest, iyon ang gusto nila.”
“Of course. Siyanga pala, since lumalaki na ang demand para sa mga souvenir items, dumadami na rin ang kakumpetensya ko. Puwede kong bawasan ang presyo ko ng mga five to ten pesos per piece.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Eve. “Sigurado ka, Faith? Malaki iyon. Baka naman wala ka nang tubuin.”
“Meron pa rin siyempre. Hindi naman ako magbababa ng presyo kung lugi na ako. Paano ko bubuhayin ang anak ko kung magpapakalugi ako? Actually, medyo mataas pa rin ang presyo ko kumpara sa ibang gumagawa ng ganoon klase ng souvenir. Pero ang laban natin ay iyong best quality. Maiisip din ng client na kesa mag-canvass pa sila sa iba, dito na lang at kumpleto na. At competitive din naman ang price.”
“Well, tama ka diyan. Speaking of your child, kumusta na siya? Bakit hindi mo na isinasama dito?”
“May pasok si Robin. Kinder na doon sa school na malapit sa bahay namin. May mga sarili nang friends kaya kung minsan, kahit ako na ang nag-aaya, hindi na sumasama. Mukhang maagang nagiging independent. Sabagay, gusto ko rin iyon. Lalaki pa naman ang anak ko.”
“H-hindi ba naghahanap ng daddy?” maingat na tanong ni Eve. “I mean, ng totoong daddy?”
“Ano bang hindi? Nagiging makulit nga. Ano bang isasagot ko, eh, hindi ko rin naman alam? Baka nga mamaya may iba na iyong pamilya.” Sa ilang taon ng pagkakaibigan nila ni Eve ay nasabi na rin niya rito ang maselang detalye sa buhay niya. Kung sabagay, wala naman siyang balak na ilihim ang tungkol sa nakaraan niya. Iyon nga lang, pinipili rin niya ang mga taong sinasabihan niya ng tungkol doon. Marami pa ring taong mapanghusga na agad hindi pa man naiintindihan ang tunay na kuwento ng buhay nya.
“Wala na bang pag-asa?”
Napabuntong-hininga siya. “Pagkatapos ng mga nangyari? Nawala siyang parang bula, Eve. Hindi na ako umaasa ngayon.”
“Hindi niya alam na buntis ka noon?”
Umiling siya. “Kahit naman ako, hindi ko rin alam na buntis ako noon. Dalawang linggo pa ang lumipas bago ko nalaman ang kalagayan ko. Kung alam mo lang kung gaano ang naging takot ko noon.” Minsan pa ay isang paghinga ang pinakawalan niya.
“Mahal mo pa ba siya, Faith?”
Tumigas ang anyo niya. “It had been six years, Eve. Sa dami ng hirap at dusa na dinaanan ko, hindi mo siguro ako masisisi kung nakalimutan ko na ang damdaming iyan. Kahit yata galit, hindi ko na rin nararamdaman. Ayoko na nga sanang isipin si Patrick kung hindi lang makulit ang anak ko sa paghahanap ng ama.”
“Hindi mo maiaalis sa sistema mo si Patrick. Siya ang ama ni Robin.”
Isang matabang na ngiti ang ginawa niya. “Sad to tell, it’s the truth. Pero, Eve, kahit kailan, hindi siya naging magulang sa anak ko. Ni hindi nga niya alam na may anak siya.”
Isang tawag sa telepono ang pumutol sa pag-uusap nila. For the next minutes, doon natuon ang atensyon ni Eve. Ginamit naman niya ang pagkakataong iyon para ayusin ang kanyang mga gamit. Nang ibaba ni Eve ang telepono, handa na rin siyang magpaalam.
“Aalis na ako, Eve. Babalik pa ako sa shop.”
“Sinong nag-aalaga kay Robin?”
“Si Mama. Mabuti na nga lang, sa lahat ng nangyari sa akin, nasa tabi ko palagi si Mama para suportahan ako.”
Nginitian siya ni Eve. “Talagang ganyan ang mga ina. Kung halimbawa na si Robin ang magdanas ng mga nangyari sa iyo, hindi mo rin naman siya iiwan, di ba?”
“Siyempre naman.” Tumayo na siya. “I’ll go ahead.”
“Sandali, Faith,” habol nito sa kanya. “Ayaw mo bang sumubok uli? Marami pang mga lalaki. Iyong hindi ka iiwan. Iyong tatanggapin kayong mag-ina.”
Tipid siyang ngumiti. “Madaling sabihin, mahirap mapatunayan. Kuntento na ako kay Robin, Eve. Siya ang buhay ko.”
“How about Jude? Wala bang pag-asa na mag-work ang marriage ninyo? Talagang desidido kayo na ipa-annul iyon?”
“Eve, mula’t sapul, magkaibigan kami ni Jude. Pinakasalan lang niya ako noon para bigyan ng pangalan ang anak ko. Alam namin pareho, sooner or later, ipapawalang-bisa namin ang kasal. Medyo natagalan nga lang bago kami nag-file kasi naging busy siya. Anyway, under process na iyon ngayon. Naghihintay na lang kami ng decision.”
“Alam na ba ni Robin na sa pangalan lang niya daddy si Jude? Sayang din kayo ni Jude. Bakit hindi kayo na-develop?”
“Sa hindi kami na-develop, eh,” naiiling na lang na sagot niya. “Actually, nag-try din naman kami na ma-in love sa isa’t isa since mag-best friend kami. Kaso, wala talagang mangyari, eh. Mabuti nga, six months pa lang noon si Robin. Parang blessing in disguise na rin na ganoon kaaga kami naghiwalay ni Jude. Hindi nahirapang mag-adjust si Robin na bigla siyang nawalan ng ama. I mean, si Jude. Paglaki-laki ng anak ko, ipapaliwanag ko rin sa kanya ang naging sitwasyon ko. Sa ngayon, I try to explain things to him na madali para sa kanya na maintindihan niya. Eve, kung ii-involve ko pa ang sarili ko sa ibang lalaki, baka mas lalo nang maguluhan ang anak ko. Isa pa, ako mismo, hindi interesadong makipagrelasyon.”
“But don’t close your doors to other men. I’m sure, mayroon pa rin namang nagkakainteres sa iyo sa ganda mong iyan. Nakita mo naman siguro, halos sunod-sunod na nagpapakasal ang mga wedding girls. Malay natin, ikaw na ang kasunod.”
“Malabo,” may pag-iling pa na sagot niya. “Malabo.”