TUTOL na tutol ang mama niya nang umalis sila ni Jude. Bagaman hindi nila sinabi, halata namang si Patrick ang pakay ng pag-alis nila. Tumawag sila sa mansyon pero ang bagong nakatira na doon ang nakasagot sa kanila. Wala naman iyong ideya nang magtanong sila ng tungkol sa binata.
“Pumunta tayo sa dati kong pinapasukan, Jude. Baka nanggaling din doon si Patrick.”
“Okay.”
Gulat ang ekspresyon ng mga dati niyang kaopisina nang lumitaw sila roon. Halos mag-unahan ang mga ito na estimahin sila.
“Faith, galing dito si Patrick. Maryosep, ang itsura! Haggard na haggard ang mukha,” sabi agad ng isa.
“ Kagagaling lang daw niya sa airport at dito sa opisina dumiretso. Sabi namin, noong isang linggo ka pa nag-resign,” sabad nung isa pa.
“Baka sa inyo na pumunta. Teka, di ba kasal ninyo ngayon?” Naglipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa ni Jude. “Hindi ba natuloy ang kasal?”
“G-galing nga sa amin. Kapitbahay lang namin ang nakausap niya,” sagot niya.
“We just got married this morning,” anunsyo naman ni Jude.
“Life talaga, no? Akala namin, kayo na ni Patrick pero diyan ka pa rin pala sa best friend mo mauuwi. Anyway, congrats! Pag nagpakasal kayo ng en grande, kumbidahin ninyo kami, ha?”
“Hayaan ninyo, hindi kayo mawawala sa guest list,” kaswal lang na sagot ni Jude at inaya na siya.
“Ano na ang gagawin natin?” tanong niya kay Jude nang sakay na sila ng taxi. Parang lumulutang ang pakiramdam niya. Nakasabog ang direksyon ng isip niya. Hindi niya alam kung alin ang pagtutuunan ng atensyon. Basta iisa lang ang alam niya. Gusto niyang makita si Patrick at makausap ito.
“Ikaw?” blangkong sagot nito. “Umuwi na muna kaya tayo. Baka pagod ka na pati iyang baby.”
Dahil totoong pagod na nga siya ay pumayag na siya. Pero hindi makuhang magpahinga ng isip niya. Gustong-gusto niyang malaman kung paano niya matatagpuan si Patrick. Gustong-gusto niyang malaman kung bakit bigla na lang ay nawala ito noon.
“Faith, ipahinga mo ang isip mo. Makakasama iyan sa bata,” wika sa kanya ng mama niya. Si jude na ang nagkuwento dito ng nangyari sa lakad nila.
“Gusto kong makita si Patrick,” giit niya.
“Noong hinahanap mo siya noon, hindi mo nakita. Ngayon namang hindi mo na hinahanap, saka naman biglang dumating. Mabuti pa, magpirmi ka na lang sa bahay. Malay mo, bumalik uli dito iyon.”
“Besides, hindi ka nga dapat na magpagod,” sabad ni Jude. “Maselan ang kalagayan mo. Di ba, sabi ng doktor nung magpa-check up ka, hindi ka dapat masyadong nagpapagod. Iwasan mo rin ma-stress.”
Wala na siyang nagawa nang dalawa na ang pumipigil sa kanya na huwag umalis. Pero nakiusap pa rin siya kay Jude.
“Puwede kaya tayong mag-inquire sa mga hotel? Baka doon tumuloy si Patrick.”
“Faith, confidential iyon. Hindi nila ibibigay ang pangalan ng guests nila nang basta-basta. Saka ilang hotel ang gagalugarin nito kung sakali. Malabo iyon.”
*****
LUMIPAS ANG MGA araw na wala na sila talagang naging balita kay Patrick. Ilang beses siyang dinugo sa pag-iisip ng tungkol dito kaya pinagalitan na siya ng mama niya at ni Jude.
Nagdesisyon si Faith, hindi niya magagawang isakripisyo ang kalagayan ng baby niya kaya isinantabi niya ang pag-iisip kay Patrick. Itinuon niya ang atensyon sa kung paano maiingatan ang baby niya.
Si Jude ang lumipat sa kanila sa halip na siya ang ibukod ni Jude. Ayaw din naman niyang maiwang mag-isa ang kanyang mama kaya kahit na itinutulak din sila nito na mamuhay nang nakabukod ay hindi siya umalis.
Magkasama sila ni Jude sa kuwarto niya pero kahit kailan ay hindi sila nagtabi sa pagtulog. Hindi nila pinag-usapan ang tungkol doon. Mula’t mula pa, nagkusa na si Jude na maglatag ng higaan nito sa lapag. At para naman maging kumportable ito sa pagtulog ay siya na ang nag-aya dito na bumili sila ng kutson. Bagay na ikinataas ng kilay ni Aling Adeling pero hindi naman na nagsalita pa.
Nang maging maayos ang pagbubuntis niya ay sinimulan na nila ang negosyong binalak nila. Faith’s Design ang pangalan ng desktop publishing nila. Pinagbuti niya ang paggawa ng mg imbitasyon sa kasal dahil iyon ang mas madalas na ipinapagawa ng customer kaysa ibang okasyon. Suwerte nga yata ang buntis dahil maganda agad ang naging takbo ng kanilang negosyo.
Isang buwan lang ay kinailangan na niya ng assistant. Si Gigi.
Natutuhan na rin niya ang pasikot-sikot sa imprenta. Sa isang trade fair, nakilala niya si Evelyn May Olivares. Wedding planner ito at kasalukuyang naghahanap ng mga wedding suppliers para sa Romantic Events.
Ipinakita niya rito ang trabaho niya. At nagustuhan ni Eve ang designs niya ng mga imbitasyon—na naging specialty niya. Mabilis silang nagkasundo sa presyo kaya siya na ang palagiang kinukuha nito sa mga printing jobs.
Nang ipanganak niya si Robin, stable na rin ang takbo ng negosyo niya. Nasa tabi pa rin niya si Jude. Pinaninindigan ang pagiging ama sa anak niya. Malaki ang ambag na oras ni Jude sa mga gabing namumuyat si Robin noong sanggol pa ito. He was a good provider. Naglalaan din ito ng oras na masamahan siya kada check up ni Robin. Palagi nang nasa tabi nila ito at bukas din palag ang bulsa sa pangangailangan nila kahit na madalas ay tumatanggi siya dahil katwiran niya, mayroon nama siyang sariling pera.
“Kahit sa papel lang, mag-asawa tayo. Hayaan mo lang akong mag-sustento sa inyo. Masaya ako ng gawin iyan para sa inyong mag-ina. Mahal ko rin si Robin.” Pagdating doon ay wala siyang maipipintas sa kaibigan. Kung sana nga lang ay matuturuan niya ang puso na umibig kay Jude marahil ay na-in love na siya dito.
Pero sa sarili lang niya aaminin, na bagaman bumabaw na ang sugat na nalikha ni Patrick sa puso niya, hindi pa rin niya magawang ibaling sa kahit na kaninong lalaki ang pagtingin niya.
Sinikap din niyang ma-develop kay Jude. Kung kabaitan at malasakit ang sukatan ay panalong-panalo na si Jude para umibig siya dito. Sana nga ay noon pa siya na-in love kay Jude.
Pero iba pa rin si Patrick. Sa kabila ng mga nangyari, hindi pa rin niya ito magawang kalimutan.
*****
ANIM NA buwan na si Robin nang mag-usap sila ni Jude na maghiwalay na sila. Alam nila pareho na kahit pilitin nila ang kanilang mga sarili ay hanggang doon na lang talaga ang turing nila sa isa’t isa.
“Sa iyo na ang business, Faith. Alam ko namang tatanggihan mo na ang suporta ko sa inyong mag-ina kapag umalis na ako kaya ibinibigay ko na sa iyo ang negosyong iyon. Huwag mo nang isipin na may sosyo ako doon. Para sa inyo na iyon ni Robin,” sabi sa kanya ni Jude.
“Napakabuti mo, Jude. Sana makatagpo ka ng babaeng mamahalin ka nang husto.”
Ngumiti lang ito. “Ewan natin. Hindi naman ako naghahanap. Gusto ko lang magkaroon tayo ng space sa isa’t isa kaya maghihiwalay tayo. Maganda ka, Faith. Kung hindi si Patrick, mayroon pang ibang lalaking magkakagusto sa iyo. Gusto kong maging malaya ka ngayon pa lang.”
“Kasal pa rin tayo,” paalala niya.
“Ipapa-annul natin iyon. Kokonsulta ako ng abogado para doon.”
“Malulungkot si Mama. Saka ang pamilya mo, tiyak na magtataka sila.”
“Hayaan mo sila. Desisyon naman natin ito. Basta huwag mo lang ipagkait sa kanila si Robin. Alam mo naman, kahit na alam na rin nila na hindi ako ang tunay na ama ng bata, tinanggap din naman nila si Robin.”
“Oo nga. Laking pasasalamat ko nga. Akala ko, magagalit sila sa akin nang sabihin mo sa kanila ang totoo. Sobrang bait ang pamilya mo, Jude. Dapat, kapag nag-asawa ka na talaga, mabait din. Kasi baka maabuso ang pamilya mo sa sobrang kabaitan.”
“Hayaan mo, titingnan natin kung makakapagpasadya ako ng ulirang asawa,” biro nito.
Nalungkot nga ang mama niya nang maghiwalay sila ni Jude pero iginalang nito ang kanilang pasya.
Pero hindi basta nawalang parang bula si Jude. Sa mga espesyal na okasyon ay dumarating ito sa kanila. Kahit kailan na nag-birthday si Robin ay dumarating ito maging ang pamilya nito.
Iyon nga lang, sumuko na rin ang lahat na i-match pa sila sa isa’t isa.