14

1020 Words
“PAKAKASALAN kita,” walang gatol na wika ni Jude nang malaman ang kalagayan niya. “Huwag, Jude. Sobra-sobra nang kadakilaan iyon,” tanggi niya. “Faith, mas kailangan mo ako ngayon. Para sa inyo ng magiging baby mo.” “Pero, Jude, paano ka? May sarili ka ring buhay. Kapag pinakasalan mo ako, paano kung may dumating na babae para sa iyo? Kami ng anak ko ang magiging hadlang sa kaligayahan mo.” Umiling siya. “I appreciate your offer. Pero hindi ito kasing dali lang ng pag-aalok mo sa akin na magpa-partner tayo sa isang negosyo.” “For now, wala pa ang babaeng iyon. For now, ang kaligayahan ko ay ang matulungan kita. I’m going to marry you, Faith. Bibigyan ko ng pangalan ang anak mo,” seryosong deklara nito. Napakurap siya dito. “You’re too good to be true, Jude. Hindi ko alam kung kaibigan nga ba kita o anghel na isinugo ng langit.” Napangiti ito. “Tao lang din ako, Faith. At nagkataon na mahal kita.” Napatda siya. Tumango ito at tumingin ng diretso sa mga mata niya. “Yes, it’s true. Mahal kita. Mahal kita bilang kaibigan at bilang kapatid. Nami-misinterpret lang ng iba ang pagtitinginan natin sa isa’t isa. Pero ang importante, iyong alam natin kung hanggang saan ang trato natin sa bawat isa. Handa kong isakripisyo ang kalayaan ko para sa inyong mag-ina, Faith. Hayaan mong gawin ko ito dahil maligaya din ako na gawin ito.” “Jude, hindi ko na alam ang sasabihin ko. K-kulang ang magpasalamat sa iyo. Pero ayoko munang pumayag. N-nakakahiya sa iyo at sa pamilya mo. Saka unfair sa iyo na panagutan mo ang pananagutan ng ibang lalaki.” “Huwag mong isipin iyong nakakahiya. Faith, kung nandiyan si Patrick, hindi ko ipagpipilitan ang sarili ko. Think about it, Faith. And think fast. Remember, lalaki ang tiyan mo. Kung magpapakasal tayo, iyong hindi pa halata ang tiyan mo para maganda ka pa rin kapag naka-wedding gown.” She couldn’t think of what to do but smile timidly. ***** DALAWANG LINGGO pagkatapos ay nag-resign siya sa trabaho at nagpakasal sila ni Jude sa pamamagitan ng civil rites. Kasali na rin ang mama niya sa pagkumbinse sa kanya na pumayag nang magpakasal kay Jude alang-alang man lang sa pagkakaroon ng pangalan ng anak niya kapag isinilang ito. Pero tinanggihan na niya ang pagnanais ni Jude na pakasalan pa siya na kumpleto sa trimmings. Malaking gastos na iyon para kay Jude. Isa pa, binuksan rin niya sa kaibigan ang posibilidad na ipawalang-bisa ang kasal nila pagdating ng panahong kailanganin. Hindi niya nakikita sa sarili niya na magkakaroon siya ng iba. Mas para kay Jude ang rason na iyon. Gusto niyang maging madali dito na makalaya sa kanya kung may darating na babaeng para talaga dito. Mas mahirap magpa-annul ng kasal kung sa simbahan sila magpapakasal. Tama na ang civil wedding sa paniniwala niya. Pero ang payo ng mama niya, pag-aralan din nilang mahalin ang isa’t isa. Hindi nila tinutulan ni Jude ang payong iyon. Pero hindi rin nila sinang-ayunan. Mahal naman nila ang isa’t isa. Bilang magkaibigan na puno ng malasakit sa isa’t isa. “Hoy, Faith!” tawag sa kanya ng kapitbahay niya nang dumating sila. Kagagaling lamang nila sa isang restaurant kung saan simple nilang ipinagdiwang ang kasal nila sa huwes. “Bakit?” “May naghahanap sa iyo kanina. Patrick daw. Di ba, iyon ang boyfriend mo dati?” Nanlaki ang mga mata niya. Hindi niya nagawang magsalita at napatingin na lamang kina Jude at Aling Adeling. “Sabi ko’y kasal ninyo ngayon ni Jude. Hindi ba’t iyon ang sabi mo sa akin kanina nang batiin kitang maganda iyang bestidang suot mo? Naku, Faith, parang biglang nagalit iyong lalaki. Bigla na lang umalis, eh. Tingin ko nga mukhang makakasuntok pag nagkamaling biruin.” “Edna, sigurado ka bang Patrick ang pangalan ng naghahanap sa anak ko?” anang mama niya. “Oo, ah! Nakikita ko rin naman iyon na madalas magpunta sa inyo dati. Di ba’t nakakotse pa iyon ng pula pag pumupunta sa inyo? Pero kahit naka-taxi lang kanina sigurado naman akong si Patrick iyon. Medyo pumayat nga lang.” Napapikit nang mariin si Faith. Hindi niya alam kung bakit tila maliliyo sa mga narinig. Hindi na nagawang magpasintabi ni Faith at nauna na siyang pumasok sa bahay. “Faith.” Puno naman ng pag-aalala na dinaluhan siya agad ni Jude. Umiwas siyang salubungin ang tingin nito. Hindi niya alam kung mahihiya kay Jude pero isa lang ang gustong-gustong gawin niya nang mga sandaling iyon. Ang hanapin si Patrick. Hanggang sa pumasok si Aling Adeling ay tahimik pa rin sila ni Jude. “Gusto ko lang ipaalala sa iyo, Faith. Mag-asawa na kayo ni Jude ngayon,” pormal na wika ng mama niya. Napatingin siya kay Jude. “Ano ang gagawin ko?” mahinang tanong niya. Hinawakan nito ang kamay niya. “Ano ba ang gusto mong gawin?” balik na tanong nito. Napahugot siya ng paghinga. “G-gusto ko siyang makita.” “Faith!” sabad ng mama niya. “Jude, Mama, hindi ba’t dapat na magkita kami ni Patrick? Buntis ako. Karapatan niyang malaman ang tungkol sa baby namin.” “Huli na ang lahat, Faith,” may pagtutol na wika ng kanyang mama. “Iba na ngayon. May-asawa ka na. Isipin mo na lang ang magiging konsekwensya kapag nagkita kayo uli ng lalaking iyon. Kung ipipilit ni Patrick ang karapatan niya sa inyong mag-ina, paano naman si Jude? Paano ang pamilya ni Jude na buong-puso kang tinanggap sa kabila ng kalagayan mo? Marami kang taong masasaktan. Hindi laban-bawi ang isang kasal.” Napatingin siya kay Jude na nanghihingi ng pang-unawa. Isang marahang pagtango ang ginawa nito. “Kung gusto mo talaga na makita si Patrick, di, subukan nating hanapin.” “Jude?!”Labis ang pagkontra sa tono ni Aling Adeling. “Mama,” baling dito ni Jude. “Naiintindihan ko po ang pakiramdam ngayon ni Faith. Huwag po ako ang alalahanin ninyo.” Napaiyak na siya.  Dinaluhan siya ni Jude. “Faith, naunawaan kita. Don’t worry about me.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD