“FAITH, puwede bang pumunta ka dito sa Romantic Events?” tawag sa kanya ni Eve. “May bago tayong kliyente. Metikulosa ang bride to-be. Kung puwede daw ay iyong printer ang mismong makausap tungkol sa imbitasyon.”
“Anong oras ba?” Sa tono niya, kung puwede lang ay tumanggi siya. Nasa harapan niya ang mga rush invitations na mag-isa niyang tinatapos. Umabot ng sampung araw ang bakasyon ni Gigi dahil namatay na rin ang tiya nito. Tumawag ito na pagkatapos na lang daw ng libing makakaluwas. Kailangan man niya ito ay inintindi na lang niya ang sitwasyon nito.
“Alas dos ang meeting namin. Pangalawang punta na niya rito. Noong una, mag-isa lang siya. Nag-inquire lang. Ngayon, kasama daw niya ang fiancé niya. Marami nang details ang sinabi sa akin sa telepono. I guess, maisasara natin ang kontrata sa kasal na ito. Kailangan lang talaga ng na mapag-usapan pa mga requests and demand niya.”
“May pi-pick up ng imbitasyon dito, bandang alas dos din, eh. Darating ako kaya lang baka maatraso ako nang kaunti. Titingnan ko rin kung puwede kong pagtauhin dito si Mama tutal wala namang pasok ngayon si Robin.”
“Sige. Darating din dito ang ibang wedding girls. Mukhang iwa-one on one kayong lahat para sa mga detalye. Since hindi naman kayo sabay-sabay na makakausap, okay lang siguro na ma-delayed ka. I’m sure, kay Julianne pa lang ay malaking oras na ang mauubos. Baka sila na ang maunang mag-usap. Halos lahat ng wedding girls, pinagdadala ko ng latest creations. Lalo ka na. Huwag mong kalimutang magdala ng latest sample mo.”
“Pang-wedding of the year ba iyan?” tanong niya.
“Malamang. Wala naman daw problema sa budget. Gusto lang talaga na masiguro bawat detalye. See you, Faith. Gagawa pa ako ng concept para sa kanila.”
“Okay.” Ibinaba na niya ang telepono at hinarap ang mga dapat pa niyang tapusin.
Bagaman kabisado niya ang trabaho dahil palagi naman silang magkatulong ni Gigi sa paggawa ng imbitasyon, iba pa rin na nasa tabi lang niya ang assistant niya. Kay Gigi niya ipinapasa ang mga trabahong kumakain nang mahabang oras kagaya ng paglalagay ng ribbon o pag-cut ng papel.
Siya ang mismong nakikipag-usap sa customers. At mas lalo na kapag ganitong package deal sa Romantic Events ang magiging customer niya. Sa puwesto niya sa Recto na mahigpit ang kompetisyon, isang malaking biyaya na sa kanya na siya ang naging official printer ni Eve. Mahirap ding umasa sa walk-in customer sa dami nilang gumagawa ng imbitasyon sa lugar na iyon. Madalas ding mangyari na verbal nang nakipagsara sa kanya ang cusrtomer pero babalik para lang bawiin ang usapan dahil nakakita ng ibang supplier.
Tinapos niya ang mga imbitasyong kukunin sa araw na iyon at tinawagan ang ina. Matapos ang tanghalian, dumating na rin ito at ang anak niya para magbantay sa puwesto.
“Uuwi muna ako sandali, Mama. Maliligo uli ako para naman presko at presentable ako kapag nakipag-usap ako sa kliyente. Robin, dito muna kayo ni Mama, ha? Be a good boy.”
“Yes, Mommy.”
“Ma, bahala na muna kayo dito, ha? Hingin ninyo iyong resibo saka iyong balance bago ninyo ibigay iyong pinagawa nila.”
“Oo na,” naiiling na wika ng kanyang ina. “Para namang ngayon lang ako tatao dito. Alam ko naman ang gagawin. Sige, umuwi ka na at baka maatraso ka pa sa kausap mo.”
*****
NAATRASO nga rin siya ng dating sa opisina ni Eve. Naroroon na ang ibang wedding girls. Sina Dindin at Scarlett ay magkatsikahan. Tila nagkukumpara ng ipinagbago ng waistline dahil parehong halos kapapanganak pa lamang. Si Lorelle naman ay kalaro ang anak na hindi nalalayo sa edad at tangkad ni Robin. Si Charity, ang official emcee ng Romantic Events ang unang nakapansin sa kanya. Ito rin ang unang lumapit.
“Long time no see,” bati nito sa kanya. “Kumusta?”
“Eto, gaya pa rin ng dati. Kikita ba tayo sa bagong kliyente ni Eve? Mukhang big time yata, ah? Imagine, halos naririto tayong lahat.” Nginitian niya sina Dindin, Scarlett at Lorelle.
Umikot ang mga mata ni Charity. “Kayo, baka kumita. Ako, hindi. Pinsan daw niya iyong isang host sa isang noontime show sa TV. Iyon yata ang magiging emcee niya. Okay lang din naman sa akin. Actually, I have the feeling na hindi ako kikita sa kasalang iyan. Kaya lang nagpunta na rin ako dito, nabalitaan kong darating kayo. Mas after ako na maka-bonding ko ang wedding girls today. Coffee tayo later? Mukhang sobrang daming demands ng babae,” pabulong na sabi nito sa kanya. “Buti pa iyong groom, patingin-tingin lang.”
“Baka under,” kaswal na komento niya.
“Hindi naman siguro. Baka likas lang na tahimik. Hay, naku! Kunswelo ko na iyong makita ang groom. Guwapo, Faith! Hunk pa. Feeling ko, nakita ko nang malapitan ang look-alike ni Enrique Iglesias.”
“Talaga, ha? Nasaan, ako man, patingin!” sakay niya bagaman ang totoo, hindi na siya interesadong mag-ukol ng paghanga sa kahit na sinong lalaki. Ewan ba niya pero buhat nang maranasan niyang mabigo sa pag-ibig, tila nawalan na rin ng appeal ang pinakaguwapo mang lalaki sa daigdig.
“Sabi ko na nga ba, ikaw ang isa pang kikiligin,” lapit sa kanya ni Lorelle. “Iyong would-be groom ang pinag-uusapan ninyo, ‘no? Taken na iyon. Kaya nga naririto, eh.”
“Titingnan lang naman, hindi aagawin,” ngisi ni Charity. “Si Julianne ang nasa loob. I’m sure, nagpipista ang mga mata niya sa groom habang nag-e-explain ng details ng wedding gown. ‘Kainggit!”
“Hello, Faith,” lapit din ni Scarlett. “Fresh na fresh ka ngayon, ah?”
“In love?” sabi naman ni Dindin.
“In love kayo riyan. Bagong paligo lang, kaya fresh!” tatawa-tawang sabi niya.
“Faith, nariyan ka na pala,” wika ni Eve na lumabas ng opisina. “Halika.”
“Excuse, ha?” aniya sa mga wedding girls at lumapit kay Eve. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang kinabahan. Sa tono pa lang ni Eve ay parang naalarma na siya. Hindi iyon ang natural na pagbati nito sa kanya.
“May problema ba?” tanong na agad niya.
Hindi ito kaagad nakapagsalita. “Tumawag ako sa iyo agad kaninang dumating sila, eh. I mean yung client natin. Sabi ng mama mo, umuwi ka raw. Doon ako tumawag. Siguro, nakaalis ka na kaya wala nang sumasagot.”
“What’s the problem?” Kumunot ang kanyang noo. Hindi siya kumportable sakabang nakadagan sa dibdib niya. “Mayroon nang ibang gagawa ng imbitasyon nila? H-hindi naman iyon problema sa akin. Minsan naman talaga, hindi sa atin nagpapagawa ng imbitasyon ang magpapakasal.” Kaswal ang tono niya pero natural na hindi niya maiaalis ang panghihinayang. Sayang namang talaga ang kikitain niya roon kung sakali.
“It’s not that—”
“Puwedeng maki-CR, Eve?” sabi ng lalaki na lumabas ng private office ni Eve.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niyang nabalisa nang husto si Eve. “Doon,” tila namatandang sabi nito na bahagya lang sinulyapan ang lalaki at bumalik ang tingin sa kanya. “Faith.”
“Faith!” wika rin ng lalaki, sa tonong gulat at hindi makapaniwala.
Tila slow motion ang naging paggalaw ng leeg niya para lingunin ito. Pero hindi slow motion ang pag-rehistro sa isip niya kung sino ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Nang ganap niyang makita ang mukha ng lalaki, kasing-bilis naman ng kisap-mata ang kumpirmasyon na makilala niya ito.
“Patrick?!”