TILA IPINAKO si Faith sa kanyang kinatatayuan. Sa matagal na panahon ay umasa siya at naghintay na magkikita silang muli ni Patrick. At nang kinalimutan na niyang umasa, iniwasan na rin niyang isipin ang posibilidad na iyon. Itinuon niya ang buong atensyon sa pagtataguyod niya kay Robin. Hindi niya alam ngayon kung paano siya magre-react. Sa gilid ng mga mata niya, tila nawalan din ng kilos ang iba pang taong naroroon.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong sa kanya ni Patrick.
Lalo pa siyang nagulat. Ang emosyong siya ang mas may karapatang magtaglay ay tila inagaw nito. Galit ang nangingibabaw sa matigas na tinig nito. At mababakas rin ang maraming panunumbat.
Tumiim ang bagang niya. Sa isang saglit ay mabilis na umahon sa dibdib niya ang lahat ng galit at sama ng loob sa lalaki.
“Bakit? Pag-aari mo ba ang lugar na ito para hindi ko tapakan?” maanghang na sabi niya.
Nagbuka ng mga labi si Patrick para tila gantihan ang sinabi niya pero isang babae na pamilyar sa kanya ang lumabas ng pinto. Sa kabila ng maraming taong lumipas, hindi niya makakalimutan kung sino ang nagmamay-ari ng magandang mukhang iyon. Si Janica. Sa likuran nito ay si Julianne na may hawak na sketch pad. “Darling, tingnan mo itong design na ito,” may excitement na wika ni Janica, walang duda na hindi siya napapansin.
Doon mabilis na bumaling ang atensyon ni Patrick. “Halika na, Janica. We have to go.”
“What?” Gulat at nagtatakang sagot nito. “Nakakahiya sa kanila. Nakipag-appointment tayo.”
“Halika na.” mariing sabi ni Patrick at hindi na nito hinintay pang kumilos ang babae at nauna nang lumabas ng shop.
Magkahalo naman ang pagkapahiya at pagsisintir na bumuntong-hininga ang babae. “I’m sorry, Eve. Mag-set na lang tayo ng panibagong appointment.”
“I understand,” wika na lang ni Eve.
Patungo na ang mga ito sa pintuan para ihatid ni Eve ang babae nang mapahinto ito ng hakbang sa tapat niya. “You look familiar,” sabi ni Janica na tila iniisip kung sino nga ba siya habang nakatitig sa kanya.
Isang matabang na pagtango ang ginawa niya. “Siguro nga. Ako si Faith.”
Napaawang ang mga labi ni Janica. “Oh, my God!” bulalas nito at napabilis ang paghakbang palabas.
“I’m sorry, guys,” wika na lamang niya sa mga wedding girls na alam niyang puno ng katanungan ang mga mata. “Baka mawalan kayo ng kita dahil sa akin.”
“Stop it,” saway ni Eve na ini-lock ang pinto bago humarap sa kanila. “Huwag mong isipin iyan, Faith. Ikaw ang higit na concern ko. Iyan nga ang danilan kaya kinokontak kita kanina pang bago ka dumating dito. Kanina ko lang din nalaman. Nung magkasama silang dumating at ipakilala siya ni Janica. Okay ka lang ba? ”
“Ewan ko,” matabang na sagot niya. Naupo siya sa kalapit na silya dahil naramdaman niya ang tila panghihina ng mga tuhod niya.
“Puwede bang mayroong mag-explain?” wika ni Julianne. “Clueless kami, eh.”
“Old flame mo iyong groom to-be, Faith?” tanong naman ni Lorelle.
“Old flame?” si Eve ang sumagot. “Iyon ang ama ni Robin.”
“What?!” chorus na sagot ng wedding girls.
“Yes,” mahinang kumpirma niya.
“Akala ko ba si Jude ang tatay ng anak mo?” ani Charity.
“Sa pangalan lang iyon,” sabi niya.
“Mukhang ibang klase yata ang istorya mo, ah?” wika ni Dindin.
“Pang-Maalaala Mo Kaya,” ani Scarlett. Lumapit ito sa water dispenser at kumuha ng tubig. “Uminom ka nga, Faith. Baka bigla ka na lang himatayin diyan.”
“Salamat,” aniya at tinanggap ang baso.
“Paano iyan? Since, umalis na iyong kliyente, di mag-bonding na lang tayo,” suhestyon ni Charity. “Baka magkaiyakan tayo dito kapag nagsimulang mag-emote si Faith. Sino ang may gustong magkape o gumimik?”
“Kayo na lang,” mabilis na tanggi niya. “Babalik na lang ako sa puwesto ko. May mga rush jobs ako, eh.”
“Ipapahatid kita sa driver ko,” sabi ni Eve.
“Huwag na. Sanay naman akong mag-commute.” Tumayo na siya at naramdaman pa niya ang tila pangangalog ng tuhod niya.
*****
PARANG WALA SA tamang huwisyo si Faith nang bumalik sa printing shop. Bahagya lang niyang nabati ang ina at anak. Pinili niyang abalahin ang sarili sa mga iniwang trabaho doon.
“May problema ka,” bakas ang kumpirmasyon na wika sa kanya ng ina. “Ano ba iyon?”
Napatingin siya dito. Kilalang-kilala na siya ng ina para makapagkaila pa siya. Isang buntong-hininga ang ginawa niya. “Hindi naman siguro problema,” walang tonong sabi niya. “Ayokong isipin na problema. Nakakagulat lang. Kung kelan hindi na inaasahang mangyari.”
“Ano nga iyon?”
“Si Patrick. Nagkita kami ni Patrick.”
Gulat din ang unang reaksyon ni Aling Adeling. “Saan? Nalaman ba niya ang tungkol sa anak ninyo?”
Umiling siya. “H-hindi naman kami nag-usap talaga. Nagkagulatan lang kami. Siya pala iyong kliyente ni Eve na dapat ka-meeting ko. Ikakasal na siya.”
Tinitigan siya ng ina. “Nasasaktan ka pa ba?”
“H-hindi ko alam, Ma. Parang manhid ang utak ko. Parang ayokong mag-isip ng kahit ano.”
“Paano kung malaman niya ang tungkol kay Robin?”
Nagkaroon ng tigas ang anyo niya. “Hindi niya basta-basta makukuha ang anak ko, Mama. Si Jude ang nakapirmang ama ni Robin sa lahat ng records. At sigurado ako, kahit anong oras ay makukuha ko ang suporta ni Jude para lang matiyak kong hindi makukuha ni Patrick ang anak ko.”
Tumango ang kanyang ina. “Wala talagang karapatan ang lalaking iyan. Pinabayaan niya kayo.” Bahagyang tumaas ang tinig nito.
Napatingin siya sa anak na naglalaro malapit sa kanila. “Saka na lang natin uli pag-usapan, Ma. Baka marinig tayo ng bata.”
“Mommy, gusto ko ng Jollibee. May bago silang toys,” lapit sa kanya ni Robin.
“Mamaya, anak. Pagkasara natin dito.”
“May hapunan na tayo sa bahay, ah? Iinitin na lang pagdating,” kontra ng mama niya.
“Hayaan mo na, Ma. Medyo matagal na rin naman tayong hindi lumalabas.”
“Ayokong sumama. Kayong mag-ina na lang ang mamasyal. Mauuna na akong uuwi.”
“Sigurado ka, Ma? Manonood kami ng sine,” lambing niya sa ina. Gusto niyang ipagpalagay na wala siyang problema. Na parang balewala lang ang nangyari kanina. “Tara na para makapag-bonding naman tayo.”
Umungol lang si Aling Adeling. “Alam mo namang wala akong hilig sa mga ganyan. Kayo na lang. Basta huwag lang kayong masyadong magpagabi para naman hindi ako nag-aalala.”
Dinala niya sa SM ang anak. Lahat ng gusto nito ay ibinigay niya tutal pagkain at rides lang naman ang gusto nito. Kahit nakamasid lang siya sa paglalaro ng anak, nakadama din naman siya ng pagod. Kung sabagay, iyon din naman ang gusto niyang mangyari. Iyong mapagod siya para pag-uwi nila, matutulog na lang siya at hindi na mag-iisip pa.
Pero nagkamali siya. Dahil pagod man ang katawan niya, tila tumatanggi pang mamahinga ang mismong isip niya. Matagal na silang nakahiga at himbing na si Robin pero gising na gising pa rin siya.
Wala na siyang interes na makipagrelasyon sa kahit na sinong lalaki. Kahit na sino pa ang i-match make sa kanya ay tinatawanan lang niya. Kuntento na siya sa buhay nilang mag-ina. Ang pagpapalaki kay Robin ang focus niya. Gusto niyang patunayan na kahit mag-isa siya sa pagtataguyod sa anak niya, kayang-kaya niyang ibigay ang maayos na kinabukasan dito.
Iniwasan na rin niyang isipin si Patrick. Alam niyang walang magyayari sa pagmumukmok niya at kailangan na niyang mag-move on. Mag-move forward.
Pero bakit kung kailan hindi na niya iniisip ang isang tao ay saka naman iyon tila bigla na lang lumutang?
Isang malaking sorpresa talaga sa kanya na makitang muli si Patrick.
Ayaw na niyang isipin kung ano ba ang damdamin niya na muling makita si Patrick. Punong-puno ng katanungan ang isip niya.
Ano nga ba ang nangyari kay Patrick nitong mga nakaraang taon? At bakit ngayon lamang ito ikakasal kay Janica kung noon pa man ay halos ipagtulakan na ito ng mama nito sa babaeng iyon?
At bakit ganoon na lamang ang galit na nakita niya sa mga mata ni Patrick nang magkita sila? Hindi ba’t siya ang mas may karapatan na magalit dito dahil siya nga una nitong iniwan?
At si Robin? Ano ang mangyayari sa anak niya ngayong nakita na niyang muli ang tunay na ama nito? Hindi niya nakakalimutang naghahandap ng daddy ang anak niya.
Balisang-balisa siya sa buong magdamag. Habang hindi siya nakakahanap ng sagot sa mga tanong na bumabangong sa isip niya ay tila lalo pang dumarami ang mga tanong na iyon.
*****
“NANGANGALUMATA ka, Faith,” anang mama niya nang magkaharap na sila sa almusal. “Hindi ka ba nakatulog nang matino?”
“Ma, paano ba ako mahihimbing ng tulog samantalang naiisip ko si Patrick?” amin niya.
Tinitigan siya ng mama niya. “Hanggang ngayon ba, hindi ka pa rin nakaka-recover sa ginawa sa iyo ng lalaking iyon?”
“Hindi iyon, Ma. Siyempre, si Robin ang mas matimbang na dahilan. Hindi ako mapakali kapag naiisip ko kung halimbawang matuklasan niya ang tungkol sa anak ko.”
“Tama ang sinabi mo, Faith. Anak mo. Anak ninyo ni Jude kung birth certificate ng apo ko ang titingnan.”
“Pero, Ma, alam natin ang totoo. Saka hindi ninyo ba napapansin? Mientras lumalaki si Robin, mas nagiging kamukha ni Patrick?”
Hindi agad nakakibo ang mama niya. “Faith, hindi ko pa rin nakakalimutan na sinaktan ka ng lalaking iyon. Saksi ako kung paano ka nagdusa. Akala mo ba, hindi ko naririnig ang mga pag-iyak mo noon? Hinahayaan lang kita dahil alam kong ayaw mo na kinakaawaan ka. Pero ina mo ako. Nasasaktan din ako kapag alam kong nasasaktan ka. Kung guguluhin ka pa ni Patrick ngayon, hindi ko basta hahayaang mangyari iyon. Sobra na ang ginawa niyang p*******t sa iyo noong dati.”
Natigil ang pag-uusap nila nang makita nilang pababa na si Robin. Kinukusot pa nito ang mga mata. Nasa itsura na inaantok pa.
“Aalis ka na, Mommy?” wika nito nang lumapit.
“Yes, son. Pupunta na ako sa shop. Wala pa si Ate Gigi kaya wala akong katulong doon. Marami akong trabaho, eh.”
“Puwedeng sumama?”
Napatingin siya sa ina. Ito ang agad na umiling. “Next time na lang, Robin,” sagot niya sa anak. “Hindi kita mababantayan masyado doon. Paano kung makalabas ka habang busy ako makipag-usap sa kliyente? O baka kunin ka ng bad person? Ikamamatay ni mommy at lola kapag nangyari iyon.” And it was true. Isa sa mga nightmare niya ang ganoong posibilidad.
Nanulis ang nguso nito pero nagpasalamat siya na hindi na ito nagpilit pa. Pinakain muna niya ito bago siya tumayo.
“Ma, ikaw na munang bahala sa kanya. Nasa shop lang ako.”
“Sige, mag-iingat ka.”
“Babay na, anak. Kiss mo na ako.”
Tumalima naman agad ang bata. “Bye, Mommy. Pagbalik mo, mag-SM uli tayo, ha?”
“Robin, kae-SM ninyo lang kagabi,” saway agad ng mama niya.
Napangiti na lang siya at iniwan na ang mag-lola.