20

1759 Words
 KADARATING PA lang niya sa shop nang tawagan siya ni Eve. “Kumusta ka, Faith?” Napatawa siya nang mahina. “Kumusta’ng paano? Ako ba mismo o ang trabaho ko?” “Sige, pareho na rin,” sagot ni Eve na parang nakikinita na niyang nakangiti. “All right, gusto kitang kumustahin dahil alam ko naman na nabigla kang makita uli si Patrick. Well, ako man ay nagulat din. Hindi ko naman siya personal na kilala. Pero noong marinig ko ang pangalan then si Janica nga, I put their names together at naisip kong pamilyar ang mga pangalang iyon ayon na rin sa mga kuwento mo sa akin. Tama naman ako, di ba?” “Yes, unfortunately.” At napabuntong-hininga siya. “Hindi ko alam kung anong klaseng biro ito, Eve. Bakit bigla na lang siyang lumitaw? At ikakasal pa?” Eksaherado ang ginawang pagtikhim ni Eve. “Sa totoo lang, wala akong makitang masama kung lumitaw siya uli. Ibig sabihin lang, buhay pa siya. Iyon nga lang, alam ko ring may maapektuhan sa muli niyang paglitaw. Di ba, apektado ka nga? Naba-bother ka ngayon na ikakasal pa siya.” “Hindi naman sa ganoon,” buwelta niya agad. “Alam mo naman ang tungkol sa anak ko. Paano kung malaman niya ang tungkol kay Robin? At saka hindi talaga ako makatulog. Nakita mo naman, di ba? Siya pa itong may ganang magalit sa akin.” “He must have his reasons.” “Reasons? Eve, hindi ba’t ako ang mas may karapatang magalit sa kanya?” “Well, since mayroong kayong unfinished business sa isa’t isa, ang masasabi ko lang, kailangan ninyong mag-usap.” “Hindi ako ang gagawa ng paraan para lang makausap siya,” matigas na wika niya. “Paano kung mayroong isang taong gustong kumausap sa iyo?” “Si Patrick?” dudang tanong niya. “Si Janica. Tumawag siya ngayon-ngayon lang. She asked me on how to contact you. Sabi ko, tatanungin muna kita.” “Bakit daw?” napakunot ang noo niya. “Faith, sa palagay mo ba sasabihin niya sa akin ang dahilan? I don’t think so that’s why I didn’t to ask in the first place. Kayo ang mag-usap. Ano, ibibigay ko ba ang number mo?” “No. I mean, hindi muna ako makakapag-decide ngayon. Gusto kong pag-isipan muna.” She sighed. “Mula’t sapul, hindi ako lumipat ng tirahan. Kung gusto nila akong hanapin, iyon pa rin ang bahay namin.” “Faith, si Janica ang may gustong makausap ka. Si Patrick ang may kabisado sa bahay mo. What if, hindi pala alam ni Patrick na kakausapin ka ni Janica? They may be engaged to each other but we cannot be so sure if they tell each other everything. Lalo na kung may kinalaman sa iyo ang bagay na iyon.” Natahimik siya. Naisip niyang may punto roon si Eve. “Sige, itong number ko na lang dito sa shop ang ibigay mo.” ***** EKSAKTO SA oras na pinagkasunduan nila ni Janica nang tawagan siya nito ay dumating siya sa restaurant. Nakita niyang naghihintay na sa kanya ang babae. Iniwasan niyang makaramdam ng insecurity kahit na nga ba magandang-maganda ang anyo nito. Tila hindi nagdaan ang anim na taon sa buhay nito. Samantalang siya, ang nadagdag na timbang sa kanya buhat nang ipanganak niya si Robin ay hindi na nawala sa kanya. Hindi na din siya masyadong nagpapaganda. Basta nakaligo siya, nagbihis nang maayos at makapag-lipstick ay ayos na sa kanya. “Have a seat, Faith,” kaswal na bati nito sa kanya. “We are not formally introduced to each other yet pero alam ko, kilala natin pareho ang isa’t isa.” Bahagya siyang tumango. “Ano ang pag-uusapan natin, Janica?” “Would you like to order first? On diet ako ngayon kaya tama na sa akin itong juice. Feel free to order. I’ll take the bill.” “Salamat. Pero mas interesado ako sa pag-uusapan natin,” pormal na sagot niya. “All right, it’s about Patrick.” At bahaw itong tumawa. “Well, wala naman talaga tayong ibang pag-uusapan kung hindi siya.” Hindi siya kumibo at tiningnan lang ito. “Maliit talaga ang mundo, isn’t it? Sa dami ng professional wedding planners na pinagpilian naming kontratahin para sa kasal namin, it’s really surprising na connected ka pala sa napili namin. Alam mo ba, kung nagkataong alam ko na doon kayo uli magkikita ni Patrick, hindi na sana iyon ang pinili kong konsultahin kahit marami akong kakilala na ang Romantic Events ang inirerekomenda sa akin.” “Deretsahin mo na ako, Janica,” inip na sabi niya. “Masyadong ininda ni Patrick ang ginawa mo noon, Faith. Matagal bago siya naka-recover. Nag-aalala ako. Sana, hindi maka-apekto sa kanya nang husto ang muli niyang pagkakakita sa iyo. But the way I see him now, alam kong apektado pa rin siya ng nakaraan ninyo.” Kumunot ang noo niya. “Ano ang ibig mong sabihin?” Tumaas ang kilay ni Janica. “Parang wala kang alam sa tono mong iyan.” Tumigas ang anyo niya. “Janica, iniwan ako ni Patrick. Sumama siya sa mama niya sa America.” Tumango ito. “Yes. Dahil noong panahong kailangang-kailangan ka ni Patrick, wala ka naman sa tabi niya.” “Kailangan ba niya akong talaga? Iniwan nga niya ako.” “He badly needed you then.” Lumalim pa ang pagtataka niya. “Puwede bang sabihin mo sa akin kung ano ang nangyari kay Patrick noon?” Tinitigan siya nito. “Nagkukunwari ka bang walang alam o talagang wala kang alam?” Lumambot ang mukha niya. “Please, Janica. Tell me what happened.” Tila nag-isip pa ito bago umiling. “Hindi ko masasabi sa iyo nang buong-buo. Nakabalik na ako sa America nang mangyari iyon. Basta ang alam ko, nang bumalik sa States si Auntie Paz ay kasama na rin si Patrick. He has not recovered yet from his accident.” “Accident? Anong aksidente ang sinasabi mo?” Parang pinanlamigan siya ng buong katawan. Pinagmasdan siya nito. “Sa itsura mo na iyan, mukha ngang wala kang alam. So iyon na nga, dinala siya ni Auntie Paz sa Amerika para doon siya lubos na magpagaling. Nang gumaling nang kaunti ay tumakas siya sa mama niya para balikan ka dito sa Pilipinas. Pero nag-asawa ka na pala. Kay Patrick na rin namin nabalitaan ang tungkol diyan.” “Oh, my God,” anas niya. “Nasaan si Patrick? Gusto ko siyang makausap.” Bigla ay nakalimutan niya ang anumang galit na iniukol niya sa binata. Ang lumutang ay ang pag-ibig niya rito na hindi naman tuluyang nawala. Hindi agad nagsalita si Janica. “Please?” pakiusap niya. “Hihingi ka ba ng tawad sa kanya?” “Marami kaming dapat na linawin sa isa’t isa.” “I love him, Faith. Ilang taon akong naghintay para matutunan niya akong mahalin—hindi bilang isang kinakapatid o bilang kaibigan. Hindi ganoon kadali na kinalimutan ka niya. Kahit galit siya sa iyo, nararamdaman kong mahal ka pa rin niya. Ako naman ang makikiusap sa iyo ngayon. Bigyan mo na ng katahimikan si Patrick. Hindi pa ba sapat na sinaktan mo siya noon?” Napailing-iling siya. “Hindi mo naiintindihan, Janica. Bigla na lang nawala noon sa akin si Patrick. Hinanap ko siya. Ilang beses akong tumawag sa kanila at nagtanong pero wala akong nakuhang sagot. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya. Tapos nabalitaan ko na lang sa isang katulong nila na umalis na sila patungo sa America at pinaupahan na ang bahay nila. Please, Janica. Kailangan naming mag-usap ni Patrick.”  “Ikakasal na kami, Faith. Hindi mo lang alam kung gaano katagal kong hinintay na alukin ako ni Patrick ng kasal. Alam mo kaya iyong sakit na mararamdaman ko kung dahil sa iyo ay bigla na lang magbabago ang isip ni Patrick? Kung bibitaw siya sa engagement namin?” Napabuntong-hininga siya. Alam na alam niya ang pag-aalinlangan ni Janica. Halos nararamdaman din niya ang takot nitong iwan ni Patrick. “I’m so sorry, Janica. W-wala akong intensyon na guluhin ang plano ninyo ni Patrick. But you also have to understand me. Maraming bagay ang dapat na linawin namin ni Patrick sa isa’t isa. Kailangan naming mag-usap. Basta nawala na lang siya na parang bula sa buhay ko noon.” “Alam mo ba, anhin ko na lang ay ilipad ngayon si Patrick pabalik sa America? Nagsisisi ako dahil ako pa ang nagpilit sa kanya na umuwi kami dito sa Pilipinas para dito magpakasal. Ayaw na talaga niyang bumalik dito. Ayaw na niyang maalala ka pa. Ako pa ngayon ang dapat sisihin dahil nagkita kayong muli.” “Please, Janica. Kailangan talaga naming mag-usap,” halos magmakaawang sabi niya. Mapakla ang ngiting gumuhit sa mga labi ni Janica. “Alam mo bang nang hilingin kong mag-usap tayo ngayon, ang gusto ko sanang ipakiusap sa iyo ay ang huwag na uling magtagpo ang landas ninyo ni Patrick? In fact, balak ko na ring ayain na si Patrick pabalik sa America tutal naman ay doon na kami naka-base pareho. But it seemed, ako rin ang gumawa ng kabiguan ko.” Nakagat niya ang kanyang mga labi. “M-mahal ko pa rin si Patrick, Janica. Pero hindi ko siya aagawin sa iyo. Hindi ko balak na guluhin kayo. Ang gusto ko lang, magkausap kami. May mga bagay na kailangang maunawaan namin pareho kaya kami nagkahiwalay noon.” Napuno ng lungkot ang mukha ng babae. “Kagabi, naglasing siya. Paulit-ulit niyang tinatawag ang pangalan mo. At hindi ako tanga, Faith. Alam ko, ikaw pa rin ang mas matimbang sa puso niya.” Hindi niya alam kung dapat siyang magdiwang. At bago pa niya ganap na maramdaman iyon, pinili niyang pairalin na lamang ang pakikisimpatya kay Janica. Dahil kahit na hindi na ito nagsasalita, nababasa naman niya ang pagkabigo sa anyo nito. Tahimik na kumuha ito ng isang papel at sumulat doon. “Iyan ang hotel na tinutuluyan namin.” Nagkaroon ng kislap ng pasasalamat ang mata niya nang basahin iyon. “Thank you, Janica.” Malungkot itong ngumiti. “Kailangan kong tanggapin ang katotohanan. Kahit kailan, hindi magiging akin si Patrick. Pinaniwala ko lang ang sarili ko na magiging akin siya. Ikaw pa rin ang mahal niya. Ngayon pa lang, sumusuko na ako.”  Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isukli sa mga sinabing iyon ni Janica. Pinili niyang manahimik na lang. “Good luck, Faith,” anito. Napatango siya. “Thanks. I think I need that.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD