Nicomaine's POV
Kausap ni Maine sa phone ang panganay na kapatid na si Nikki. Nakatira pa rin ito sa Bulacan, malapit sa bahay ng mga magulang nila. Sa totoo lang, ay sobrang namimiss ni Maine ang buong pamilya niya. Hindi pa rin kasi siya nakakauwi simula nang lumipat siya ng Bukidnon. Nagkikita lang sila sa pamamagitan ng Skype, or video calls.
Alam niyang hindi 'yun sapat. At alam din niya na dadating din ang tamang panahon na magkakaharap harap ulit sila ng buong pamilya niya. Ngunit, ipinangako ni Maine sa sarili na hindi siya babalik ng Bulacan hangga't wala pa siyang maipagmamalaki sa kanila. Habang kinakausap ni Maine ang kapatid, ay nakatingin siya sa mga naka display na picture frame sa sala.
"Meng, kelan ka ba uuwi dito sa Bulacan?", tanong ng kapatid sa kabilang linya.
"Hindi ko pa alam, Ate Nikki."
"Ano ka ba. Iniisip mo parin ba na galit pa sina Tatay at Nanay sa 'yo?"
"Hindi nga ba, Ate?", nagpakawala siya ng isang malalim na buntong hininga.
"Meng, it was 5 years ago. Wala na 'yun. Matagal na panahon na ang nakaraan."
"Ewan ko ba, Ate Nikki. Pero feeling ko galit parin sina Tatay at Nanay sa 'kin dahil sa ginawa ko eh."
"Don't be too hard on yourself, Meng. Miss na miss ka na namin dito. At saka gustong gusto na naming makita si Chelsea."
"Miss na miss ko na din kayong lahat diyan, Ate Nikki.", sagot niya na nagpipigil ng pag iyak.
Nahalata ito ng kapatid sa kabilang linya. "Hoy, Menggay. Kilala kita. Kapag ganyan na 'yung boses mo, for sure iiyak ka na."
"Wala 'to, Ate. Basta, ingat kayo diyan. Mahal na mahal ko kayo. Hayaan niyo, kapag maayos na ako dito...uuwi din ako diyan."
"Ikaw ang mag iingat. Kayo lang tatlo nila Ate Pearl at Chelsea ang nandiyan. Malayo kami sa inyo. Basta ha, tandaan mo. Mahal na mahal ka namin, Meng."
"Salamat Ate Nikki. Mahal na mahal ko din kayo."
"Oh, paano? Nagising na si Matti. Tawag nalang ulit ako ha. Bye, Meng."
"Bye...Ate..."
Ibinababa na ni Maine ang phone niya. Nakaramdam siya ng lungkot. Marahil dahil sa sobrang pangungulila sa pamilya niya sa Bulacan. Alam naman ni Maine na mahal siya ng kanyang mga magulang at natanggap na nito ang lahat ng nangyari sa kabila ng pagkakamali niya. Pero, may takot parin sa puso niya.
Ayaw na niyang magkamali ulit. Ayaw na niyang saktan ang pamilya niya gaya ng dati. Nasa malalim siyang pag iisip nang makita niya na paparating ang anak na si Chelsea. Malapit na magtanghalian. Napansin nito kahit sa malayo ay tila ba umiiyak ang anak. Nakasunod dito si Ate Pearl. Agad naman itong yumakap sa kanya pagdating. Tila ba naghahanap ng kakampi.
"Hello, anak. Kumusta ang school?", bati niya dito habang nakangiti.
"Okay lang po Mama.", sagot nito na tila ba pahikbi na.
"Anak, anong nangyari? Umiiyak ka ba?"
Pinaupo niya ang anak sa sofa. Inayos ang buhok nito at pinunasan ang pawis sa noo. Namumula ang mga mata nito. Alam niyang kagagaling nga nito sa pag iyak.
"Ate Pearl, anong nangyari?"
"Hay naku. Umiyak 'yan kasi ginulo ng classmate niya 'yung mga gamit niya sa school."
Agad niyang tinanong ang anak. "Chelsea, totoo ba ang sabi ni Ate Pearl?"
"Opo, Mama. Si Cedrick po kasi eh...'yung classmate ko po. Ginulo niya po 'yung mga gamit ko. Sabi niya maarte daw po ako. Bad po siya Mama."
"Hindi mo ba siya sinumbong kay Teacher?"
"Hindi po. Takot po ako kay Teacher Mia. Gusto ko po si Teacher/Ninang Hazel. Nasan po ba siya? Hindi pa po ba siya uuwi dito?"
"Ahmmm. Hindi pa anak. Pero, babalik din siya. Wag ka nang umiyak, okay?"
"Opo Mama. Nag cry lang naman po ako kasi ayoko po na magulo ang gamit ko. Tapos si Cedrick...kinuha niya bag ko. Tapos tinanggal lahat ng gamit ko sa loob."
"Basta sa susunod. Wag kang iiyak, okay? Isumbong mo siya kay Teacher."
"Opo Mama."
"Oh, anong gusto mong ulam? Gutom ka na 'di ba? Niluto ko ang favorite mo."
Agad na sumaya ang mukha ng anak. "Talaga po? Chicken and pork adobo?"
"Oo nak. Halika na. Kumain na tayo."
"Tara po Mama. Halika na po Ate Pearl."
Pagkatapos nilang magtanghalian ay pinatulog muna ni Maine si Chelsea. Pinagmasdan niya ang natutulog na anak. Aaminin niya na kamukhang kamukha nito ang ama. Naibaling niya ang paningin sa kabuuan ng kuwarto nito. Napansin ni Maine na napaka ayos ng mga gamit ng kanyang anak. Ayaw na ayaw nito na magulo ang mga gamit niya sa kuwarto.
Kahit bata pa lang si Chelsea ay naturuan na niya ito na maging responsable. Ayaw ni Maine na magaya ito sa kanya na naging pabaya sa buhay. Minsan nga, ay umiiyak ito kapag nadadatnan ang kuwarto niya na madumi at may kalat. May kusa itong maglinis ng kuwarto ng hindi inuutusan.
Kapag wala siyang pasok ay madalas nasa loob lang ito ng kuwarto niya at nag aayos ng mga laruan. Ayaw din nito na nagugulo ang kama niya...kagaya ng kanyang ama.
Umupo si Maine sa gilid ng kama ng anak. Hinaplos niya ang pisngi nito. May isang alaala ang bumalik sa isip niya. Naalala niya ang unang araw na nakaapak siya sa bahay ni Richard Faulkerson Jr. Siya pa noon ang COO, or Chief Operating Officer ng RoChard Handicraft and Furnitures.
*flashback*
Mahigit dalawang linggo pa lang si Maine bilang intern sa kompanya ni Richard nang mga panahong 'yun. Isa siyang third year Computer Software Engineer Student. Bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa secretary ni Richard. Pinapapunta siya sa bahay nito sa Laguna. Sa totoo lang ay pwede naman siyang hindi pumunta dahil araw naman ng Linggo at wala naman silang trabaho.
Isa pa, ay napakalayo ng Laguna mula sa Bulacan at balak niya sana na Lunes ng madaling araw na siya umalis pabalik ng Laguna. Simula kasi nang mag intern siya sa RoChard Furnitures ay tumira muna si Maine sa condo ng kaibigang si Kat. Nakatira ito sa Laguna at dahil mag isa lang naman ito sa condo niya 'dun na muna siya nito pinatira upang may makasama ito.
"Maam Mae, sure po ba kayo na pinapapunta ako ni Sir Richard sa bahay nila?", tanong niya dito habang kausap sa phone.
"Yes, sure ako Ms. Mendoza."
"Pero bakit daw po? 'Di ba pwedeng bukas nalang sa office?"
"Naku, Ms. Mendoza. Hindi pwede. Nakalimutan mo na ba na aalis bukas papuntang Singapore si Sir Richard?"
"Ay, oo nga pala noh? Eh bakit daw po niya ako pinapapunta sa kanila?"
"He wants you to personally check his laptop. Sabi ni Sir na tawagan daw kita. Gusto niya masiguro na nasa maayos na condition ang laptop niya. Lalo na dahil may presentation siya with some Singaporean investors...and since ikaw naman ang pinakamagaling sa ganyang bagay. Kaya ikaw na ang ni recommend ko."
"Pero Maam kase ano e..."
"Anong problema Ms. Mendoza? Takot ka pa rin ba kay Sir Richard? May phobia ka pa rin ba dahil sa naging first meeting niyo?"
"Huh? Ehhh. Naku, wala po Maam."
"That's good. Okay, so paano? I'll just message you his address. Call me if you have questions. Bye."
Matapos ang mahigit apat na oras na biyahe ay nakarating din siya sa bahay ni Richard. Malaki ang bahay nito at sobrang maaliwalas. Napaka ayos sa loob nito. Napaka dominante ang mga kulay na black and white. Sinalubong siya ng isang kasambahay.
"Ate, nasan po si Sir Richard?"
"Nasa kuwarto niya. Baka nagpapahinga."
"Ah, sige po. Wait ko nalang dito."
Maya maya ay dumating ang isang babae na sa tingin niya ay kapatid ni Richard. Agad itong nagpakilala sa kanya.
"Hi, ikaw si Maine?", tanong nito sa kanya.
"Oo. Ako nga po Maam."
"Hello! I'm Riza Mae. Uy, wag mo na akong tawaging Maam. Just Riza, okay?"
"Okay..."
"Ikaw 'yung software engineer intern sa company namin, 'di ba?"
"Oo, ako nga."
Bigla siya nitong hinila sa kamay paakyat ng hagdan sa ikalawang palapag ng bahay.
"Alam mo mabuti pa puntahan mo nalang si Kuya RJ sa kuwarto. Ikaw na gumising sa kanya. Nakipag hang out kasi siya sa mga kaibigan niya kagabi kaya tulog pa siya ngayon."
"Pero baka magalit si Sir Richard eh."
"Hindi 'yan magagalit. Akong bahala sa 'yo. At saka patitingnan ko din sa 'yo 'yung laptop ko eh. Alam ko na matagal kang pakakawalan ni Kuya RJ. Kaya halika na..."
Nasa labas na sila ng kuwarto ni Richard. Agad naman siyang iniwan ni Riza Mae at pinaalalahanan ito na wag siyang magtatagal sa Kuya niya.
Kumatok siya ng unang beses at tinawag ang pangalan nito. "Sir Richard...si Maine po ito."
Walang sumagot. Nanatiling tahimik ang buong paligid. Kumatok siya ng pangalawang beses.
"Sir Richard...si Maine po ito..."
Ngunit wala pa ring sumasagot sa kanya. Nag desisyon siyang buksan ang pintuan ng kuwarto nito. Bahala na kung magalit ito sa kanya. Ang mahalaga ay nagawa niya ang kanyang trabaho. Hindi naman naka lock ang pinto. Medyo madilim sa loob ng kuwarto nito.
Dahan dahan siyang pumasok sa loob. May naaninag siya na isang pigura na nakahiga sa couch. Naaninag niya na sobrang maayos ang kabuuan ng kuwarto ni Sir Richard. Parang wala itong alikabok.
Nilapitan ni Maine ang taong nakahiga sa couch. Nakatagilid kasi ito. Pero alam niyang si Richard 'yun. Dahan dahan niya itong ginising.
"Sir Richard...Sir...", sabi niya dito habang ginigising.
Hindi ito agad tumugon sa kanya. "Sir...Sir Richard...", niyugyog at ginising niya ito ng ikalawang beses.
Nilapit niya ang kanyang mukha sa mukha nito. Napaka amo nitong tingnan na tila isang anghel na bumaba mula sa langit. Hindi maipagkakaila na napaka guwapo nga nito. Hindi na rin nakapagtataka na palihim siyang pinagnanasaan ng mga babae sa opisina.
"Infairness...kahit masungit ka. Guwapo ka naman pala Sir Richard."
Bigla itong nagising na tila naalimpungatan. Niyakap siya nito. Nagulat si Maine. Pero hindi niya maintindihan kung bakit may tila parang kuryente siyang naramdaman nang maglapit ang mga katawan nila. Pinilit niyang makawala sa pagkakayap dito.
Maya maya ay nahimasmasan ito at agad na bumangon mula sa pagkakahiga. Tumayo ito at napansin ni Maine na nakasuot lang ito ng boxer shorts at white shirt. Napalunok ng laway si Maine. Parang gusto niyang himatayin dahil sa magkahalong kaba at hiya.
"Hey, what are you doing here?"
"Ahm Sir. Sorry po kung na disturbo ko kayo. Pero tinawagan po kasi ako ni Maam Mae. She told me na pinapunta niyo daw ako dito."
"Ahhh. Yeah right. Just wait for me in my study room.", sabi nito sa kanya bago pumasok ng banyo.
Napaisip si Maine kung bakit sa couch ito natutulog at hindi sa kama. Kagaya ng kuwarto ni Richard ay napakaayos din ng study room nito. Maayos na naka display ang mga libro. Napakaaliwalas ng buong paligid. Maya maya pa ay pumasok ang kapatid nitong si Riza Mae. Naalala niya na may gustong itong ikonsulta tungkol sa laptop niya.
"Riza, may itatanong sana ako sa'yo kung okay lang?"
"Ano 'yun?"
"Si Sir Richard ba talagang maayos sa mga gamit niya? Para kasing wala akong nakikitang kahit anumang kalat 'dun sa loob ng kuwarto niya. Kahit sa buong bahay niyo parang wala eh."
"Hay naku. Totoo 'yan. Ayaw na ayaw ni Kuya RJ ng makalat. Ayaw niya din 'yung may mga electrical wires na nakasabit. Nagagalit siya kapag makalat kami dito sa bahay."
"Talaga ba? Eh napansin ko kanina na 'dun siya natulog sa couch at hindi sa kama niya. Ganun ba talaga siya?"
Biglang napahagikhik si Riza Mae. "Talaga ba? Naku, loko loko talaga 'yang Kuya RJ ko eh."
"Huh? Bakit mo naman nasabi 'yun?"
"Eto ha...atin atin lang 'to. Pero kasi may ugali si Kuya RJ na kapag may trip siya outside the country kinabukasan, eh sa couch siya natutulog. Kasi ayaw niya magulo ang ayos ng kama niya.", natatawa nitong sabi sa kanya.
"Ha? Ganun ba? Ang weird naman niya."
"Sus, sinabi mo pa. Pagpasensiyahan mo 'yang kapatid ko ha. Masungit lang 'yan dahil pressured. Pero mabait 'yan. Promise."
"Hala, mabait daw? Parang 'di naman..", pabulong niyang sabi.
"May sinasabi ka?"
"Ahmm. Wala naman. Sige, check ko na 'yung laptop mo."
*end of flashback*
Hindi maipagkakaila ni Maine na maraming ugali ng ama ang namana ng anak na si Chelsea. Isa na nga dito ang pagiging maayos sa kanyang kagamitan. Muli niyang pinagmasdan ang natutulog na anak. Hinaplos ang pisngi nito at buhok. Hinalikan niya ito sa noo.
"Nagmana ka nga sa Tatay mo..", nasabi niya nalang.
Maya maya ay tumunog ang phone niya. Tumatawag ang kaibigang si Hazel mula sa Thailand.
"Hello, Mars. Kumusta kayo diyan?", bati nito sa kanya sa kabilang linya.
"Okay naman. Ikaw?"
"Heto medyo busy kasi next week na 'yung traditional wedding namin ni James dito. Excited na nga ako eh."
"Mukha nga..."
Nahalata nito na ang tamlay sa boses niya. "Uy, Mars! Okay ka lang?"
"Si Chelsea kasi eh. Inaway ni Cedrick...'yung classmate niya."
"Ha? Anong nangyari?"
"Eh kasi ginulo daw ni Cedrick 'yung mga gamit ni Chelsea. Kaya umiyak 'yung bata."
"Wala bang ginawa 'yung substitute teacher ko na si Mia?"
"Hindi na nagsumbong si Chelsea sa kanya. Siguro kasi natatakot siya. Ikaw kasi ang hinahanap eh."
"Naku. Kahit kelan talaga pasaway 'yang si Cedrick. Hayaan mo at mananagot 'yun sa akin pagbalik ko diyan. At wag kang mag alala. Tatawagan ko si Teacher Mia para kausapin niya ang mga magulang ni Cedrick."
"Ano ka ba! Wag mo nang patulan 'yung bata. Para kang hindi Teacher eh. Ang alalahanin mo ngayon...'yung kasal mo."
"Eh Mars...hindi ka ba talaga makakapunta dito sa Thailand? Kayo ni Chelsea? Sige na naman. Kami na ang bahala ni James. Wala kayong gagastusin."
"Mars, sorry talaga ha. Hindi pwede eh. At saka wag ka nang magtampo. Nakapunta naman kami sa kasal niyo dito sa Pilipinas."
"Hay naku. Sige na nga."
"Sige na. Ikumusta mo nalang ako kay James."
"...kay James lang?"
"Huh? Bakit? Meron pa ba dapat?"
"Alam mo, Mars...ang pogi ng mga kapatid ni James. 'Di ba sabi ko sa 'yo na may dalawa pa siyang kapatid na single? Si Chai Lek na isang archaelogist at si Chai Pe na isang airforce pilot. Balita ko naghahanap sila ng mapapangasawa. Ayaw kasi nila 'dun sa mga babaeng pinagkasundo sa kanila ng mga lola nila. Gusto mo, ireto kita?"
"Baliw! Alam mo kahit saan ka talaga pumunta, ang tsimosa mo. Tumigil ka nga."
"Eto naman. Na miss lang kita, Mars."
"I miss you too, Mars. Jusko, ang keso natin."
Nakangiti si Maine habang pinagmasdan muli ang anak. Pinapangarap niya na sana kagaya ng kaibigang si Hazel, ay makakamtan din nila ng kanyang anak na si Chelsea ang tunay na kaligayahan.