XARA’S POV
Umiiyak akong napatingin kay Nanay, hawak ang kahon na walang laman kung saan ko inilalagay ang aking ipon. Pera na aking pinaghirapan at ilang buwan ko ring inipon.
“Ha? Anong sinasabi mo? Nawawala ang pera mo? Hindi mo ba nakaligdaan lang?” Napatayo na rin Nanay at lumapit sa akin.
“Wala po talaga, Nay. Dito ko lang naman po itinatago ang pera ko. Hindi ko po iyon inilalabas ng bahay pero paano iyon nawala?” nanghihinang sagot ko.
“Wala akong nakitang pera. Baka naman nalaglag, teka ako na ang maghahanap.” Pumunta si Nanay sa aparador at hinalungkat ang bawat sulok nito ngunit gaya ng sa akin ay wala itong nakita.
“Nay, sino naman kaya ang kumuha ng pera ko? Pinaghirapan kong ipunin iyon.”
“Aba’y hindi ako anak. Masaya na ako sa ibinibigay mo sa akin dahil malaki na nga iyon kaya hinding-hindi ko kukunin ang perang pinaghirapan mo. Mas gugustuhin ko ng magtinda ng daing buong araw kaysa nakawin ang pera ng sarili kong anak,”sabi ni Nanay.
Sandali akong natahimik.
Naihilamos ko ang aking mukha ng aking palad.
Ilang sandali pa ay para bang nagbalik sa aking alaala ang aking naabutan.
Ang pagluluto ng masasarap na ulam ni Ate Melba at ang sinabi ni Nanay na nanggaling sina Kuya Rolan sa kabilang isla sa bayan kanina.
“Nay, namalaot ba si Kuya kanina?”
“Oo pero kaunti lang ang naging huli nila, bakit?” tanong ni Nanay. Dali-dali akong bumaba ng hagdan at hinarap si Ate Melba na nasa lamesa na para bang nakikinig sa aming pag-uusap ni Nanay.
“Ate, kayo ba ang kumuha ng pera ko? Sagutin niyo po ako,” diretso kong tanong habang pinapahid ang basa kong pisngi gamit ang aking palad.
“Hindi ako ang kumuha. Wala akong kinukuha,” pagtanggi nito.
“Paano kayo nakabili ng ganyan karaming baboy? Mahal ang kilo ng baboy ngayon at pagkatapos may lechon manok pa. At ano ito? Long neck? Andami niyong binili,” sabi ko rito at kinuha ko pa ang isang long neck ng alak na nakita ko sa ibabaw ng lamesa katabi ng thermos.
“Sinabi ko na ngang hindi ako ang kumuha, Xara. Hindi ka ba naniniwala sa akin? Pagbibintangan mo pa akong magnanakaw. Si Rolan ang nagyaya sa akin,” sigaw na galit na rin ni Ate Melba.
“Ano bang ingay iyan? Tahimik na ang mga tao sa paligid at naghahapunan na samantalang kayo ay nagsisigawan pa rin. Hindi ba kayo nahihiya sa mga kapitbahay?” Sermon ni Tatay na kakapasok lang ng bahay at nakasunod sa kanya si Kuya Rolan.
“Pagsabihan mo nga itong kapatid mo Rolan. Sabihin mo sa kanya na hindi ako ang kumuha ng pera niya,” singhal ni Ate Melba kay Kuya na dinuro pa ako.
“Tayo-tayo lang ang nandidito, magkakanakawan pa ba tayo? Pera ko ang nawala, ilang buwang pagtatrabaho ko sa resort ang nawala na parang bula,” sagot ko. Pakiramdam ko ay umaakyat ang lahat ng dugo ko sa ulo dahil sa galit at pagkalugmok.
“Alam niyo ba kung magkano ang perang nawawala? Humigit kumulang sa kinse mil. Bukod sa cellphone ay balak kong bumili ng maliit na solar panel para dito sa bahay upang hindi tayo nagtitiis sa gasera at de bateryang ilaw. Pinaghirapan ko iyon, pinagpaguran ng ilang buwan tapos mawawala ng ganun lang,” himutok ko.
“OO NA! AKO NA ANG KUMUHA, EH ANO NGAYON? Hindi mo pa kailangan ng ganoon kalaking halaga dahil wala ka pang pamilya,” sigaw ni Kuya Rolan.
“Hindi kailangan? Kuya, may pangangailangan din akong pansarili at gusto kong makuha iyon kaya naghirap ako sa pagtatrabaho. Ibalik niyo sa akin ang pera ko dahil pinaghirapan ko iyan. Hindi naman ako nagkulang sa pagtulong dito sa bahay, kaunti na nga lang ang itinitira ko para sa sarili ko tapos nanakawin mo pa.”
“P***ina, Xara! Ako ba ang sinasabihan mong magnanakaw? T**ina. Porket nagkatrabaho ka lang naging mataas na tingin mo sa sarili mo?” Galit na sabi ni Kuya Rolan na tila hindi nagustuhan ang sinabi ko.
“Hindi ba pagnanakaw ang tawag doon? Kinuha mo ang pera ko ng walang paalam!” hindi ako magpapatinag kahit na sabihing ako ang pinakabunso pero mali ang ginawa niya at gusto kong makuha ang pera ko.
“TAMA NA!” malakas na sigaw ni Tatay na siyang umawat sa umiinit na bangayan sa pagitan namin ni Kuya Rolan na naging dahilan upang mapatakbo si Kuya Jim papunta sa amin mula sa kanilang bahay ilang metro lang ang layo mula sa amin.
“Xara, bakit ganyan mo tawagin ang kuya mo? Walang magnanakaw sa pamilya natin. Ang pera na nasa loob ng bahay na ito ay pera ng lahat. Hindi ka ba naawa sa kalagayan ng kuya mo?” sermon sa akin ni Tatay. Natigilan ako sa kanyang sinabi.
Sandali nga, bakit parang kasalanan ko pa?
“Tay, nagbibigay naman ako para rito sa bahay. Kakarampot na sahod ko sa isang buwan ang iniipon ko para lang mabuo iyon pero bakit ako ang sinisisi niyo? Bakit sa tuwing may problema rito sa bahay na si Kuya Rolan ang may gawa ay kami ni Kuya Jim ang pinagbabalingan niyo ng kasalanan? Bakit, kasalanan ba namin kung bakit naging ganyan siya? Tay, palagi na lang si Kuya ang kinakampihan niyo kahit na maliwanag pa sa sinag ng araw na siya ang may kasalanan. Babaliktarin niyo pa rin para sa paborito niyong anak!” Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na sumagot.
Isang malakas na sampal ang nagpayanig sa aking katauhan.
“Romeo!”
“Tay!” sabay na sigaw ni Kuya Jim at ni Nanay na agad na napalapit sa amin.
Nakakasagad din pala ang umunawa. Iyan din ang dahilan kung bakit naging malayo ang loob ni Kuya Jim kay Tatay dahil walang ibang pinapanigan si Tatay kung hindi si Rolan.
“Sumasagot ka na? Sinusumbat mo na ang mga naitulong mo at ng dahil sa maliit na halaga ay magkakaganyan ka? Parang pera lang iyan, Xara nagiging animal ka!” galit na sabi ni Tatay na inaawat ni Nanay.
“Tapos ka na ba Tay? Ngayon Kuya, ibabalik mo ang pera ko o mag-eeskandalo ako rito! Kahit sampalin niyo ako Tay ng paulit-ulit, ipaglalaban ko kung ano ang sa akin kahit pa sabihin niyo na maliit na halaga lamang iyon dahil pinaghirapan ko pa rin iyon.” Ramdam ko ang sakit ng aking pisngi na para bang naiwan pa roon ang palad ni Tatay.
“Rolan, ibalik mo ang pera ng kapatid mo!” utos ni Tatay. Galit na kinuha ni Kuya Rolan ang pera na nasa bulsa nito.
“Heto ang pera mo, isaksak mo sa bunganga mo,” pagkasabi ay hinagis nito iyon na parang isang papel.
“Rolan! Tumigil ka na rin! Pera ng kapatid mo iyan kaya wala kang karapatan na kunin ang hindi iyo. Ganyan ba ang itinuro namin sa inyo? Ang kumuha ng pag-aari ng iba?” sabat na ni Nanay na hindi na nakapagpigil pa.
“Narinig niyo naman ang sinabi ni Tatay, Nay. Kung ano ang meron dito sa bahay ay pag-aari ng lahat.”
“Pero hindi ka na rito nakatira, hindi ba? Umuwi na nga muna kayo! Melba, isama mo iyang asawa mo sa inyo,” dugtong pa ni Nanay.
Magkasama at nagdadabog na umalis si Kuya kasama ang kanyang asawa at pagkatapos ay umalis din si Tatay.
Doon lamang ako napahagugol sa sakit na aking inabot mula sa aking ama.
“Pagpasensyahan mo na ang tatay mo, Xara. Sadyang nagiging mainitin ang kanyang ulo kapag kaunti ang huli,” ani ni Nanay ngunit hindi ako nagsalita. Iniabot sa akin ni Kuya Jim ang mga nakakalat na pera sa sahig.
“May sakit pa rin ba si Jimuel, Kuya?” wala sa loob na tanong ko.
“Mainit pa rin pero napahilot at napatawas ko na siya kanina kaya baka bukas ay gumaling na siya. Ikaw, ayos ka lang ba?” tanong ni Kuya.
Tumango lang ako at saka tahimik na umakyat sa kwarto.
Dahil sa nangyari ngayon, naging buo ang aking desisyon na umalis na ng isla.
Marahil, sa sobrang sama ng loob ni Tatay ay hindi ito natulog sa bahay bagkus ay kina Kuya Rolan ito naglagi. Habang tulog si Nanay ay maingat kong ipinasok sa aking lumang bag ang ilang pares ng damit. Nang sumapit ang madaling-araw ay lumabas ako ng bahay at nagtungo sa tapat ng resort. Alas-kwatro kasi ng madaling araw ay may mga umaalis ng mga bangkang de motor patungo ng bayan at ginamit ko ang oportunidad na iyon upang makaalis ng isla. Habang papalayo ang bangka ay parang unti-unting lumuluwag ang aking paghinga.
Sa wakas ay nakalaya rin ako sa islang tila nagsilbing kulungan at sa wakas ay nakalayo na rin ako sa aking ama.