Prologue
BINUKSAN NI Aiyana ang pinto ng luxurious condominium unit at ipinasok ang mga dala niya. Siniguro muna niya na naroon na ang lahat ng kailangan niya bago niya iginala ang paningin sa paligid. Hindi na bago sa kanya ang mararangyang lugar at tahanan ngunit hindi pa rin niya mapigilan ang paghanga na nadarama niya sa tuwina.
Malawak ang unit. May tatlong silid iyon, ayon sa kanyang file. Maaliwalas ang paligid. Hindi parang compact o suffocating katulad ng ibang unit na napupuntahan niya. Buhay ang mga kulay, hindi safe pastels o neutrals. Hindi gaanong feminine ang design pero hindi rin naman masasabing masyadong masculine. Ang sabi sa kanya ay mag-ama ang titira roon. Wala pang mga larawan na nakakabit pero nakita niyang nakahanda na ang ilang walls para sa picture frames.
Kahapon lang talaga natapos ang pagsasaayos niyon at ngayon ang final touches at clean-up. Bukas ay lipatan na. Kailangan niyang siguruhin na maayos at malinis ang lahat.
Ipinusod ni Aiyana ang mahabang buhok at sinimulan na ang paglilinis. Sinimulan niya sa silid ng bagets. Mas napangiti siya nang makita ang ayos niyon. Parang may pink explosion. Sampung taong gulang na babae raw ang maninirahan doon. Mahal na mahal siguro ito ng ama dahil parang sa isang prinsesa ang silid. Four-poster ang bed na may organza at mumunting ilaw na nakapaikot sa mga poste. May isang shelf na puro stuffed toy ang laman. Mga makukulay na bulaklak ang mga nakakabit na painting sa pader. Ilang mumunting paru-paru rin ang nakakalat sa pader. Ang medyo nalilihis lang sa prinsesang tema ay ang munting goal post sa isang sulok at ilang soccer balls.
“Kapag nagkaanak ako ng babae ay ganitong kuwarto rin ang ibibigay ko,” ang sabi niya sa sarili. Kaagad siyang natawa nang mabatid ang nasabi.
Ang totoo ay madalas iyong sabihin ni Aiyana sa sarili at sa ibang tao sa tuwing nakakakita siya ng ganoong silid. Wala nga siyang boyfriend para isipin talaga ang pagkakaroon ng anak. Wala rin siyang balak na lumagay sa tahimik sa lalong madaling panahon. Wala nga siyang gaanong panahon para isipin masyado ang pagkakaroon ng love life.
Treinta y tres anyos na siya. May ilan nang nagsasabi sa kanya na matanda na siyang dalaga. Nadadalas na ang pagsasabi sa kanya na kailangan na niyang maghanap ng mapapangasawa. Madalas niyang itugon na darating din siya roon pero hindi talaga siya gaanong seryoso. Ang totoo, parang hindi rin naman masama ang pagiging matandang dalaga.
“Trabaho na, Aiyana. Tigilan mo na ang pag-iisip ng mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Marami kang bayarin. Marami kang kargo.”
Nang maalala ang mga responsibilidad ay kusa nang kumilos ang kanyang katawan. Ipinagpatuloy niya ang paglilinis.
Nang matapos siya ay siguradong walang mairereklamo ang mga lilipat bukas. Siniguro niyang malinis na malinis ang lahat. Pinakintab niya ang lahat ng dapat kumintab. Kahit na anino ng alikabok ay hindi maaaninag.
Kahit na glorified maid siyang maituturing, proud pa rin si Aiyana sa trabaho. Sineseryoso niya ang bawat paglilinis. Kailangan niya ng repeat customers. Umaasa siyang kunin nang permanente ng may-ari ng unit ang serbisyo niya kapag nakita nito kung gaano kaganda ang trabaho ng cleaning service company.
Inaayos na ni Aiyana ang mga cleaning supply niya para makauwi na nang makarinig siya ng tunog mula sa pinto. May papasok. Natigilan siya. Hindi naman siya gaanong nag-aalala dahil nabanggit na sa kanya na baka tingnan ng may-ari ang unit sa araw na iyon para masiguro na walang magiging aberya sa paglilipat bukas.
Itinuwid ni Aiyana ang katawan at naghanda ng isang magandang ngiti sa mga labi. Siguro ay kailangan niyang samantalahin ang pagkakataon para makapagpakitang-gilas. Kailangan niya ng impressed na kliyente.
Pumasok sa loob ang isang lalaking nakasuot ng puting polo shirt at itim na pantalon. “Hi, Sir! Ako po—“ Biglang natigil sa pagsasalita si Aiyana nang mapagmasdan ang mukha ng lalaking pumasok sa loob. Pakiramdam niya ay pansumandaling tumigil sa pagtibok ang kanyang puso.
Kaagad niyang nakilala ang lalaking kaharap. Kahit na malaki na kung tutuusin ang ipinagbago nito, kaagad pa ring naiproseso ng kanyang isipan kung sino ito. Si Aiden.
Most of the time, matibay ang paniniwala ni Aiyana na hindi na niya makikita pang muli ang lalaking ito, pero may mga pagkakataon din na lihim siyang humihiling. Maraming pagkakataon pa rin niyang naitanong kung kumusta na ito, kung maayos ba ang kalagayan nito. Kahit na kinaiinisan niya ang sarili, patuloy pa rin siyang nagwa-wonder.
Napatanga rin si Aiden kay Aiyana. Waring labis din nitong ikinagulat ang kanilang paghaharap. “Aiyana…” ang naiusal ng bibig nito. Bahagyang nanlalaki ang mga mata nito.
Ilang taon na nga ba ang nakalipas? Halos labing-apat na taon. Masyado nang matagal. Masyado nang maraming nangyari sa kanyang buhay. Hindi naman niya malaman kung bakit napakalinaw pa rin ng mga alaala sa kabila ng lahat.