Prologue

956 Words
Makulimlim ang kalangitan. Nagbabadya ang pagbasak ng ulan. Damang-dama ni Ara ang malakas na paghampas ng hangin sa kaniyang balat ngunit hindi niya ito ininda. Nanatili ang matatalim niyang tingin sa lalakeng kaharap niya ngayon—ang lalakeng minahal at pinag-alayan niya ng atensyon at pagmamahal ngunit sakit lamang ang ibinalik nito sa kanya. "Binigay ko sa'yo lahat, Francisco! Lahat-lahat!" puno ng hinagpis na sigaw niya. "Bakit mo hinayaang mapahiya ako sa lahat ng mga tao?! Bakit hindi mo ako sinipot sa kasal?!" Dinampot niya ang vase na nakita niya sa gilid at hinagis iyon sa direksyon ni Francisco. Nakaiwas ang huli kaya lumikha ng ingay ang pagkabasag niyon sa sahig. "Tama na!" sigaw ni Francisco. Nais niyang yakapin si Ara para pakalmahin ito ngunit nangibabaw ang takot niya sa kaya nitong gawin. "Patawarin mo ako, pero hindi kita kayang pakasalan!" Naglapat ang mga labi ni Ara at mabilis pa sa kidlat na hinawakan ang magkabilang braso ni Francisco, na ikinagulat ng lalake. "Hindi mo alam kung anong kaya kong gawin!" Napalunok si Francisco habang nakatingin sa nanlilisik na mga mata ni Ara. Ang mga kuko nito'y unti-unting bumabaon sa kaniyang braso kung kaya't mas nangibabaw ang takot niya. "P-Patawarin mo ako, Ara! H-Hindi ko nais na saktan ka! Hindi ako ang lalakeng nararapat para sa'yo!" Natatakot man ay nagawa niya iyon sabihin nang deretso sa babae. "Sana sa una pa lang ay hindi mo na ako pinaibig!" Tumulo ang mga luha ni Ara. "Sana hindi mo pinaglaruan ang damdamin ko dahil wala akong ibang ginawa kung hindi ang mahalin ka! Nais ko lang na siputin mo ako sa ating kasal ngunit pinahiya mo ako!" "Ginusto nating pareho 'yon, Ara!" Sa wakas ay nagkaroon ng lakas ng loob si Francisco. "Hindi ko batid na aabot sa ganito kaya mong isisisi sa akin ang lahat!" "Pero ikaw ang dahilan kung bakit nasira ang aking pamilya at aking buhay!" Mas humigpit pa ang pagkakahawak niya sa braso ng lalake. "Ikaw ang dahilan ng mga paghihirap ko!" "Bitawan mo 'ko!" Humapas ang tiyan ni Ara sa sulok ng mesa nang itulak siya ng lalake. Umawang ang kaniyang bibig nang maramdaman ang p*******t ng kaniyang tiyan. Hinawakan niya iyon at dahan-dahang napaluhod sa sahig dahil sa naramdamang panghihina. "A-Ara!" Dinaluhan siya ng lalake ngunit nanlaki ang mga mata nito nang makita ang duguan niyang hita. "A-Ara! Dinudugo ka!" Nag-umpisang manginig ang buong katawan ni Ara nang makita ang duguan niyang mga kamay at hita. Nanginig ang kaniyang mga labi habang tahimik na bumubuhos ang kaniyang mga luha. "A-Anak ko..." "D-Dadalhin kita sa pagamutan—" "Hayop ka!" Tinulak niya palayo ang lalakeng dahilan kung bakit siya dinudugo ngayon. "Hindi pa ba sapat na hindi mo ako sinipot sa ating kasal? Pati ang batang nasa sinapupunan na simbolo ng aking pagmamahal para sa'yo ay nais mong mawala?! Sinadya mo 'to para wala ka nang pananagutan sa akin! Hayop ka!" Umawang ang bibig ni Francisco habang pinapanood magwala sa harap niya si Ara. Hinawakan niya ang sariling buhok, hindi alam ang gagawin. "H-Hindi ko sinasadya—" "Sinadya mo! Hayop ka! Nagsisisi ako na minahal kita!" Muling tiningnan ni Ara ang mga kamay na puno na dugo na galing sa kaniyang hita. Binabayo ng malakas na pagkabog ang dibdib niya at unti-unting namuo roon ang pagkasuklam para sa lalakeng kaharap niya. Dahan-dahang kumuyom ang kaniyang kamao. Pumikit siya nang mariin upang umusal ng mga salitang siya lang ang nakakaalam ng ibig sabihin. "A-Ara, anong ginagawa mo?" Dahan-dahang tumayo si Francisco nang makita niyang nakapikit na ang babae habang umuusal ng lenguwaheng hindi niya maintindihan. Batid niya na matagal nang may balita sa baryo nila na may lahing mangkukulam ang pamilya ni Ara, ngunit hindi niya alam kung totoo ito sapagkat noong una niya itong makilala ay napakabait nito sa kaniya. Hindi niya binigyan ng pansin ang mga sabi-sabi ng iba dahil napakalayo ng itsura nito sa pagiging mangkukulam. Maliit at maamo ang mukha ni Ara. Ang mga mata nito ay malalim na parang balon, itim na itim at kumikislap tuwing ngumingiti. Ang ilong nito'y maliit ngunit matangos na para bang nagmamalaki. Ang kaniyang mga labi ay maninipis at natural na mapupula. At isa sa mga dahilan kung bakit niya ito nagustuhan noon ay dahil sa magkabilang biloy sa pisngi nito na lumilitaw tuwing ngumingiti. Ngunit sa kabila ng maganda nitong mukha ay hindi niya inakala na may kakaiba itong kapangyarihan. Unti-unting naramdaman ni Francisco ang paninikip ng dibdib niya. Napahawak siya sa kaniyang leeg nang hawakan siya roon ni Ara na ngayon ay nakatayo na pala sa harap niya. Lumakas ang ihip ng hangin, dahilan para sumabay ang mahabang buhok ni Ara na ngayon ay sobrang sama na ng tingin sa kaniya. Unti-unti, nakita niya ang pagpalit ng kulay ng mga mata nito sa itim. "A-Ara..." Hindi niya magawang makapagsalita nang maayos dahil sa higpit ng pagkakasakal sa kaniya ni Ara. "A-Anong...g-ginagawa mo—" "Aking hinihiling na iyong maranasan...ang pait at sakit na iyong pinaramdam," mariing sambit ni Ara habang hindi pa rin binibitawan ang lalake sa pagkakasakal. Alam niyang hirap na hirap na ito sa paghinga ngunit wala siyang balak na pakawalan ito. "Itatak mo sa iyong puso at isipan, ang iyong angkan ay aking pahihirapan..." nakangising dagdag niya. Nanlaki ang mga mata ni Francisco sa sinambit nito ngunit wala siyang magawa. Kung gano'n ay totoo nga talaga na isang mangkukulam si Ara! At gumagawa ito ng sumpa para sa kaniya at sa mga susunod niyang angkan! "Ikalawang dekada ng kanilang buhay ay hindi na nila mararanasan!" Kasabay ng huling salitang binitawan ni Ara ay ang pagliwanag ng kalangitan na sinabayan ng malakas na pagkidlat at pagkulog. "Mamatay ka na!!!" Umalingawngaw ang malagim na tinig ni Ara sa buong paligid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD