Chapter 1-Woman Like Orion

2904 Words
[Orion Hale De Castro] What if we rewrite the stars and let our hands choose our paths? Iyon ang tanong na paulit-ulit na pumapasok sa isip ko habang umaandar ang jeep na sinasakyan ko. Ang daming pangyayari sa mundo na hindi kontrolado ng mga tao—dahil ang mga iyon ay nakatakda na. Pero sa katulad kong may kakaibang kakayahan, hindi imposible na mabago ang hinaharap kung kaya naman itong pigilan. "Holdap 'to! Ilabas n'yo mga gamit at pera n'yo!" Humigpit ang pagkakahawak ko sa hawakan ng jeep sa taas nang marinig ko iyon sa loob ng isip ko. Napatingin ako sa katabi kong lalake. Nakasuot siya ng itim na sumbrero at may nakapatong na backpack sa may hita niya. Ang mga kamay niya ay nakatago sa ilalim niyon. Palinga-linga siya sa paligid, nagmamasid. Bumuga ako ng hangin at inayos ang collar ng suot kong denim jacket, nagsisisi na ito pa ang sinuot ko ngayong hindi naman pala tutuloy ang pagbagsak ng ulan. Ang init! Halo-halo pa ang mga amoy ng kili-kili rito sa loob. Kulang na lang ay masuka ako! Nagkunwari akong uminat at itinaas ang dalawa kong kamay, humihikab. Sinadya kong itulak ang pisngi ng lalakeng katabi ko para mabaling sa akin ang atensyon niya. "Hay, nakakaantok!" Humikab ulit ako. Napatingin sa akin ang ibang pasahero pero nginitian ko lang sila. "Nakakaantok, 'no?" "Miss...'yang kamay mo..." Nangibabaw ang malalim na boses ng lalakeng katabi ko. "Ay, sorry..." Ibinaba ko ang kamay ko at nginitian siya. Bumaba ang tingin ko sa isa niyang kamay na may kinukuha sa loob ng bag niya. "Hay naku..." Bumuga ako ng hangin at binuksan ang sling bag para kunin ang wallet ko. Pasipol-sipol pa ako habang kumukuha roon ng isang libo. "Oh, Kuya...kunin mo na 'to." Inabot ko sa lalake ang isang libo. Kunot-noong tiningnan niya iyon bago ibinalik ang tingin sa akin. "Ano 'yan?" "Tanga mo naman, Kuya." Napapalatak ako. "Pera, malamang! Kailangan mo 'to, 'di ba?" Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko at umawang ang bibig. Hindi niya nagawang ituloy ang pagkuha ng bagay sa loob ng bag niya at napatingin na lang sa'kin. "Bakit? Ayaw mo?" bulong ko. "Ito naman ang kailangan mo kaya ka nagbabalak magnakaw, 'di ba? Kaya sige na, bumaba ka na—" Natigil ako sa pagsasalita nang hinablot niya ang pera ko kasabay ng pagtutok ng nguso ng baril sa mismong mukha ko. Tutang inamoy naman, oh... "Holdap 'to! Ilabas n'yo mga gamit at pera n'yo!" sigaw niya, katulad na katulad ng narinig ko sa isip ko kanina. Napuno ng sigawan ang loob ng jeep. May ibang sumubok na bumaba pero pinigilan sila ng lalake sa pamamagitan ng pagtututok ng baril. "Ibigay n'yo ang mga pera n'yo at walang masasaktan!" sigaw ng lalake. "Hijo, maawa ka naman." Biglang nagsalita ang matandang babae na nakaupo sa harap ko. Isang maliit na bayong at kulay asul na payong ang hawak niya. Halos puro puti na rin ang buhok niya at sobrang kulubot na rin ng balat. Nakaramdam tuloy ako ng awa sa kaniya. "Wala akong perang dala. Hikahos din ako sa buhay," dagdag ng matanda. "Hindi pwede! Akin na 'yang bayong mo—" Hinuli ko ang pupulsuhan niya nang akmang hahablutin niya ang bayong ng matanda. Gulat na napatingin sa akin ang mga tao maging ang holdaper. Tinutok niya sa akin ang baril pero hindi man lang ako natinag. "Masyado kang pakialamera—" Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita at siniko ko na ang mukha niya, dahilan para mabitawan niya ang baril at bumagsak sa sahig ng jeep. "Lola, okay lang po kayo?" tanong ko sa matandang babae na ngayon ay nakatingin sa akin. Bumuka ang bibig niya para magsalita pero nakita ko sa gilid ng mata ko na gumalaw ang holdaper. Hinawakan ko ang braso niya at buong lakas na tinulak palabas. Tumili ang mga babaeng pasahero nang mahulog siya sa gitna ng kalsada habang umaandar pa rin ang jeep. Tinapik ko nang dalawang beses ang taas ng jeep. "Happy trip! Ako nang bahala!" Nag-thumbs up pa ako sa kanilang lahat bago patalon na lumabas ng jeep. Umaandar pa rin ang jeep kaya halos masubsob ang mukha ko sa kalsada. Mabuti na lang at naitukod ko ang dalawa kamay at ang mga tuhod ko. "Sama ng bagsak ko, ah," nakangiwing bulong ko. Tumayo ako at inayos ang suot kong high-waisted ripped pants dahil halos makita na ang panty ko. Napatalon ako sa gulat nang biglang may bumusinang kotse sa harap ko. "S-Sandali naman, Kuya!" Napahawak ako sa dibdib ko. "Nagwawa-warshock ka ba?!" Umirap ako at tumakbo papunta sa tabi ng kalsada. Buti na lang at kaunti ang mga sasakyan ngayon dahil alas-tres na ng hapon. Hinihingal na luminga ako sa paligid para hanapin 'yong holdaper. Tumaas ang sulok ng labi ko nang makita ko siya sa kabilang kalsada na iika-ikang maglakad. Napasama yata ang bagsak niya kanina. Hinintay ko na kumunti ulit ang mga sasakyan na dumadaan bago ako tumawid sa kabila. Nakita ako ng holdaper na nakaupo na ngayon sa gutter, dumudugo ang mga tuhod. Tumayo siya at akmang tatakbo pero pumulot ako ng bato at hinagis sa direksyon niya. "Bullseye!" sigaw ko nang makitang nasapol siya sa likod ng ulo at nadapa. Inayos ko pagilid ang mahaba kong buhok na ngayon ay naka-braid at saka nagmartsa palapit sa lalake. "Ibalik mo sa'kin ang isang libo ko!" sigaw ko sa lalake. Hinila ko ang damit niya para patayuin siya. "Bobo ka ba? Pagkatapos mong ibigay sa'kin babawiin mo?!" nakangiwing sagot niya, nakahawak sa likod ng ulo. "Ulol! Malamang pera ko 'yon! Akin na!" Inilahad ko ang kamay ko. "Magnanakaw kang besugo ka! Bakit hindi ka magtrabaho, ha?!" Isang malakas na suntok ang isinagot sa akin ng holdaper. Napahawak ako sa pisngi ko nang maramdaman ang kirot doon. Bumira ng isa pang suntok ang holdaper pero hinuli ko ang braso niya at tinuhod ang sikmura niya. "P*ta!" Napaluhod siya sa lupa, namimilipit sa sakit. "Babae ka ba talaga?!" Tumaas ang sulok ng labi ko sabay hinipan ang bangs na nakaharang nang kaunti sa mga mata ko. "Hindi ba pwedeng marunong lang akong ipagtanggol ang sarili ko?" Yumuko ako para bumulong sa kaniya. "Kaya huwag mong minamaliit ang mga katulad kong babae." Tinulak ko ang mukha niya at hinablot mula sa kamay niya ang isang libo ko. "Isang libo na lang ang pera ko kaya huwag kang ano riyan!" Tinampal ko ang pisngi niya sa sobrang gigil. Mabuti na lang at may dumaan na patrol car at nakita kami. "Hulihin n'yo 'yan, Kuya! Muntik na kaming ma-holdap niyan!" pagsusumbong ko sa isang pulis na bumaba. "Paano mo nahuli?" kunot-noong tanong ng pulis. "Ginamitan ko ng charm ko, Kuya," biro ko sabay tawa. "Abnormal," bulong niya sabay iling. "Ipasok mo na 'yan." "Maganda naman," nakangising sagot ko sabay talikod. Bumusina ang patrol car bago umalis. Kumaway ako sa kanila, nakangiti. "Bye, bobong holdaper!" Nakangiti akong naglakad paalis sa lugar na 'yon. Mabuti na lang at malapit na roon ang Trivia, isang maliit pero sikat na mall dito sa bayan ng Primavera. Nang makita ko na ang maliit na building ng Trivia ay lumawak ang ngiti ko. Binati ko ang lady guard na nakabantay habang tinitingnan niya ang loob ng bag ko. "May sugat ka sa mukha mo," turo niya sa pisngi ko. "Ay, keri lang 'yan, Ate!" Ngumiti ako bago pumasok sa loob. Naramdaman ko kaagad ang malamig na hangin mula sa aircon sa taas kaya napangiti ako. Patalon-talon akong naglakad, hindi pinapansin ang mga nagtatakang tingin ng mga taong nakakasalubong ko. "Baliw yata..." "Sayang, maganda pa naman..." Natigil ako sa paglalakad at sinamaan ng tingin 'yong dalawang babae na nakatingin sa akin at pinagbubulungan ako. Bakit ba big deal sa kanila kapag nakakakita ng katulad ko? Hindi ba pwedeng masaya lang ako kasi nakatikim na ako ng aircon? Mga abnormal na 'to! Tiningnan ko sila mula ulo hanggang paa bago pinaikot ang mga mata ko at naglakad ulit. Dumiretso ako sa restroom at inayos ang itsura ko. Nagkaroon ng gusot ang suot kong denim jacket pero keri lang. "May bangas ka na naman," natatawang sabi ko habang nakatingin sa repleksyon ko sa salamin. Kumuha ako ng band aid mula sa loob ng bag ko at nilagay iyon sa sugat ko sa may cheekbone. Doon kasi nag-landing 'yong kamao ng bobong holdaper kanina. Sinuklay ko nang kaunti ang bangs ko na medyo nagulo dahil sa nangyari kanina. Inayos ko rin ang make-up ko na medyo nahulas dahil pinagpawisan ako. Nilabas ko ang mascara, foundation at liptint ko. "Paubos na pala..." bulong ko nang makita ang mga pang-make-up ko. Bumuga ako ng hangin. "Okay lang 'yan, Orion. Makakahanap ka ng trabaho, kaya mo nang maging independent mula ngayon." Bumuntong-hininga ako at nagsimulang mag-retouch nang kaunti. Tinipid ko na ang paggamit kasi alam kong paubos na. Tinanggal ko na rin ang suot kong denim jacket at isinabit na lang sa braso ko. Ayoko sanang tanggalin kaso naiinitan pa rin ako kahit may aircon na rito sa loob. Hinatak ko pababa ang suot kong dark red racerback. Maikli iyon kaya kita ang pusod ko. Okay lang, sexy naman ako. Chos! May grupo ng mga babae ang pumasok kaya niligpit ko na ang gamit ko at nag-spray ng pabango bago lumabas ng restroom. "Hi, ganda..." bati sa'kin ng poging lalake na kakalabas lang ng restroom mula sa kabila. Ngumiti lang ako sa kaniya at naglakad na ulit. Bawat madadaanan ko na food kiosk sa gitna ay tinitingnan ko nang maigi. May balak kasi akong mag-apply ng trabaho rito pero hindi ko alam kung saan ako susubok. Wala akong alam sa pagtatrabaho, ang alam ko lang noon ay...gumala. "Wow! Milktea!" Namilog ang mga mata ko nang makita ang food kiosk ng milktea, katabi ng food kiosk ng pizza! Kaagad akong lumapit doon at tiningnan ang menu na nakalagay sa harap. Walang costumer kaya malaya akong tumingin doon. "Wow, ang sasarap naman ng mga 'to," nakangusong bulong ko. "Kaso ang mahal. Hindi ako pwedeng gumastos ngayon." "Hi, Ma'am! May I take your order?" Biglang nagsalita ang isang babaeng nakasuot ng red polo shirt na pinatungan ng brown apron. May tatak ng logo ng 'Take a Sip', ang pangalan ng store nila. Nakapaskil ang isang malawak na ngiti sa labi niya habang nakasuot ng kulay red na visor sa ulo. Alanganin akong ngumiti. "S-Sorry. Tumitingin lang ako." "Do you want to try our bestseller, Ma'am?" Nakangiti pa rin siya sa'kin. Tumawa ako. "Next time na lang, Miss. Walang datong, eh." "Reese, pabukas." Napalingon sa lalakeng dumating ang babaeng kausap ko. Napasunod ang tingin ko roon at nakita ko ang isang lalakeng nakasuot din ng uniform ng Take a Sip. May tulak-tulak siyang foldable push cart at nakapatong roon ang isang kulay red at malaking cooler. Binuksan ng babae ang maliit na pinto para papasukin ang lalakeng hindi ko makita ang mukha dahil sa suot nitong visor. "Nasaan ang resibo?" tanong ng babae. "Hindi ka makapaghintay?" Bakas ang inis sa boses ng lalake. Tumawa lang ang babae. Binuhat niya ang malaking cooler para ilagay sa tabi ng maliit na refrigerator sa gilid. Maliit lang kasi ang lugar nila. Umawang ang bibig ko nang makita ang paglabasan ng mga ugat ng lalake mula sa mga braso at kamay nito. "Lakas mo talaga, Hunter!" "May costumer, kanina pa 'yan nakatingin," sabi ng lalake at saka dumiretso sa maliit na lababo para maghugas ng kamay. Teka, paano niya nalaman na nakatingin ako? Lakas ng pakiramdam, ah! Hinawakan ko ang strap ng sling bag ko at naglakad papunta sa gilid kung saan naghuhugas ng kamay 'yong lalake. Pasimple akong sumilip sa mukha niya dahil nakayuko siya at may visor pa na nakaharang. Kinailangan ko pang tumuwad nang kaunti para makita siya nang maayos. "Miss, tabi!" Napatili ako nang may bumunggo sa pwet ko. Paglingon ko ay nakita ko ang mga cart na magkakadugtong habang tinutulak ng isang lalakeng nakasuot ng polo-shirt na kulay blue at may suot na apron na may tatak ng Trivia. Malamang ay isa siya sa mga bagger ng Supermarket. "Nasaktan ka ba, Miss?" tanong niya. "Sorry, ha?" Nag-thumbs up ako at ngumiti para hindi siya ma-guilty. Tinanguan niya ako bago umalis at tinulak ulit ang mga push cart. Kaunti lang iyon kaya hindi niya yata kailangan ng kasamang magtutulak. Tumingin ulit ako sa lalakeng tinitingnan ko kanina at nabura ang ngiti ko nang makitang nakatingin na rin siya sa'kin, salubong ang mga kilay na para bang may ginawa akong katangahan. Umawang ang bibig ko nang mapagtantong pamilyar siya sa'kin. Katamtamang kapal na mga kilay, matangos na ilong, masungit na mga mata pero nakaka-inlove kapag tinitigan ka at mga labing akala ko pang-babae dahil sa katamtamang nipis nito. Dumagdag pa ang panga niya na bagay na bagay sa hugis ng mukha niya ang tabas. Oo! Naalala ko na! Hinawakan ko ang sling bag ko at naglakad palapit sa kaniya, nakangiti. "Hunter James!" bulalas ko. "Ikaw 'yon, 'di ba? Hunter James Acosta!" Nanlaki ang mga mata niya at umawang ang bibig habang nakatingin sa mukha ko. Tumingin siya sa paligid na para bang nahihiya siya sa pagsigaw ko. "Hoy, ano? Hindi mo ako maalala?! Ako 'to si Orion! Ang daya mo naman! Ikaw nga hindi kita makalimutan, eh! Pa'no ba naman, tumae ka sa classroom natin noong Kinder, 'di ba?! 'Di ba?! Ikaw 'yon—hmp!" Tinakpan niya ang bibig ko para patigilin ako sa pagsasalita. Natuod tuloy ako habang nakatingin sa iritadong mukha niya. "Hindi mo kailangan na ipagsigawan ang pagtatae ko sa classroom noon," seryosong sabi niya habang hindi pa rin binibitawan ang bibig ko. "At hindi kita kilala." Napasimangot ako at inis na inalis ang kamay niya sa bibig ko. "Grabe ka sa'kin, ah! Palibhasa wala kang kaibigan noong elementary tayo! May sarili kang mundo, 'di ba?! Kaya siguro hindi mo ako maalala. Pero okay lang! Natatandaan ko pa kasi noon kung paano mo ako ipagtanggol sa mga bully nating kaklase kasi bungal ako noong bata pa ako! Tapos noong hinabol ako ng asong ulol, binato mo para layuan ako, kaya ang nangyari ay ikaw ang hinabol—" "Guard!" Tinaas ni Hunter ang kamay niya para kunin ang atensyon ng lady guard na nakabantay sa entrance. "May baliw na nakapasok dito! Pakiradyo naman at nakakabulabog!" "Hoy, grabe ka!" Tinulak ko ang mukha niya na ikinagulat niya. "Wala kang pinagbago! Ogag ka pa rin!" "A-Anong sabi mo?!" "Excuse me, anong nangyayari dito?" Lumapit ang isang lalakeng nakasuot ng uniform ng guard. Sa tansya ko ay nasa 25 na siya. 'Verdadero'. Iyon ang nabasa ko sa bandang dibdib niya. Apelyido niya yata. "Hindi ako baliw, Kuya!" Umatras ako palayo sa kaniya. "Aalis na lang ako! Epal kasi 'to!" Inamba ko kay Hunter ang bag ko sa sobrang panggigigil. Hinarang niya ang braso niya kaya binelatan ko siya. "Oh, loko! Patola!" "Ma'am, tara na po..." mahinahong sabi ng guard. Naiintindihan ko naman na ayaw nila na magkaroon ng gulo rito kaya hinayaan ko na lang siyang hawakan ako sa braso at ihatid ako palabas. "Okay na ako rito, Kuya," sabi ko nang makalabas kami. "Pakibitawan na ang braso ko." "Pasensya na." Tumawa siya at saka ako binitawan. "Ginagawa ko lang ang trabaho ko." "Okay na 'yon, Kuya." Bumuga ako ng hangin para pakalmahin ang sarili ko. Bwesit na Hunter na 'yon! Epal! Epal! Epal! "Hayaan mo na 'yon. Kilala ko si Hunter. Gano'n talaga ang ugali n'on lalo na kapag pagod. Tulad ko, halos maghapon kaming nakatayo sa entrance kaya nakakapagod." "Bakit hindi kayo mag-resign kung pagod na kayo?" pilosopong tanong ko. Tumawa ulit siya. "Siempre, may pamilya akong umaasa sa'kin. Kaya kahit anong pagod ko, tinitiis ko kasi sa kanila naman ako humuhugot ng lakas tuwing nakikita ko sila sa pag-uwi." Natahimik ako at napatingin sa kaniya. Gusto kong humingi ng sorry. Hindi kasi ako breadwinner at hindi pa ako nakaranas na mahirapan sa pagtatrabaho kaya kung ano-anong nasasabi ko. Ngayong nakatingin ako sa kaniya, nakikita ko ang pagod sa mga mata niya pero dinadaan niya lang iyon sa pagngiti. Hindi ko alam kung paano nila nagagawa 'yon pero nakuha niya ang respeto ko. "Sige. Ingat ka na lang pag-uwi." Tinapik niya ang braso ko at saka tumalikod. Magsasalita sana ako para humingi ng sorry nang biglang naging itim ang paningin ko. Nawalan ako ng pandinig at bumilis ang t***k ng puso ko. Suminghap ako nang malalim, nakaawang ang bibig. "Tulungan n'yo 'yong lalake! Nasagasaan!" "Si Verdadero 'yan!" "Asawa ko! Bakit mo kami iniwan?!" Hinawakan ko ang ulo ko, umaasang mawawala ang mga boses na narinig ko sa isip ko. Limang segundo ang lumipas at unti-unting bumalik sa dati ang paningin ko. Nawala na rin ang mga boses pero ang malakas na pagkabog ng dibdib ko ay naroon pa rin. Napahawak ako sa dibdib ko, nanlulumo. Lumingon ako sa entrance pero hindi ko na nakita si Kuyang guard. Bumuntong-hininga ako at papasok sana ulit para sundan siya pero napahawak ulit ako sa ulo ko nang maramdaman ang pag-ikot ng paningin ko. Kumurap ako nang tatlong beses dahil nag-umpisa na ring lumabo ang paningin ko. Alam ko na ito ang kapalit ng kakayahan kong makakita ng hinaharap. Unti-unti kong nararamdaman ang pagkaubos ng lakas ko lalo pa't dalawang beses akong nakakita ng future ngayong araw. Ang pagkakaroon ng kakayahan ay may kapalit. Napaluhod ako sa sahig at sinalat ko ang ibabang bahagi ng ilong ko. Pagtingin ko sa mga daliri ko ay punong-puno iyon ng dugo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD