Kabanata 5
K I M
Napalingon sa akin ang mga kasamahan ko nang bigla akong tumayo. Pati na rin si Tom na nasa tabi ko ay nag-angat ng tingin sa akin. Nag-iwas ako ng tingin kay Ethan para bumaling sa mga kasama ko sa lamesa.
“Restroom lang ako,” paalam ko.
“Samahan na kita,” agad na sabi ni Tom sabay tayo. Tumango lang ako at hindi na tumanggi. Nakatayo na siya, ayoko namang tanggihan pa. Kumunot ang noo ni Jade sa akin na para bang napansin niya ang biglang pagbabago ng mood ko. Hindi na ako umimik at tumuloy na sa restroom habang nakasunod sa akin si Tom. Nilagpasan ko ang lamesa nina Ethan at ng babae niya. Napailing ako nang makitang hinalikan pa talaga niya ito sa labi. Binilisan ko ang lakad ko hanggang sa tuluyang makarating sa restroom. Nagpaalam ako kay Tom bago pumasok sa girl’s room.
Agad na bumagsak ang mga luha ko pagkasarado ng pinto. Mabuti na lang at wala masyadong tao kaya agad akong nakapasok sa isang cubicle. Gusto kong murahin ang sarili ko sa inis. Anong iniiyak-iyak mo d’yan? Punyeta, napaka-arte! Para namang bago pa ito sa’yo? Ilang beses mo na bang nakitang may kahalikan ang gagong ‘yon? Ano, hindi ka pa din sanay? Letse! Ni hindi nga naging kayo ng lalaking iyon kaya bakit ka nasasaktan ng ganyan? Kagagahan!
Pumikit ako ng mariin at sandaling pinakalma ang sarili bago nagpunas ng mga luha. Nang medyo humupa ang galit na nararamdaman ko ay lumabas na ako ng cubicle. Inayos ko sandali ang itsura ko bago naisipang lumabas. Tipid akong ngumiti kay Tom na nag-iintay sa akin pero kumunot lamang ang noo nito. Lumapit siya sa akin at tinitigan akong mabuti. Nag-iwas agad ako ng tingin sa takot na mapansin niya ang pag-iyak ko sa loob ng restroom pero huli na ang lahat. Umangat ang kamay niya at dumapo iyon sa baba ko. Tumikhim siya at agad din namang binawi ang kanyang kamay na nakahawak sa baba ko.
“Are you okay?” may bahid ng pag-aalala sa kanyang tono. Dahan-dahan akong tumango at ngumiti.
“Oo naman,” sabi ko pilit na pinapasigla ang boses.
Stupid, Kim! Bakit naman kasi nagpapaapekto pa ako sa mokong na ‘yon. Hindi ko na dapat iniintindi pa iyon. Ang dami-daming lalaki d’yan, Kim. Huwag mo nang pangarapin pa ang isang iyon dahil wala kang pag-asa doon. Hindi ka magugustuhan no’n kahit ano pang gawin mo.
“Hindi ka mukhang okay. Gusto mo bang umuwi na?”
Bumuntong hininga ako at dahan-dahang tumango.
“Magpapaalam muna ako kina Jade. Babayaran ko din muna ang mga in-order nila,” sabi ko dahil sa totoo lang gusto ko na nga talagang umuwi na lang.
“Nabayaran ko na. Magpaalam ka na lang kay Jade at ihahatid na rin kita… kung ayos lang.”
Sasabihin ko pa lang sana sa kanyang may dala akong sasakyan kaya hindi na niya ako kailangang ihatid nang may biglang sumabat sa pag-uusap namin.
“May sasakyan ‘yan.”
Sabay kaming napalingon ni Tom sa nakangising si Ethan. Naka-akbay siya sa babaeng kahalikan niya kanina lang. Talagang sinamahan niya pa dito ang babae niya o baka naman may kung ano silang gagawin dito. Matalim ko siyang tinignan.
“Balik na tayo kina Jade,” sabi ko kay Tom, hindi pinansin ang pagsabat ni Ethan sa usapan namin. Hinawakan ko ang kamay ni Tom at hinila na siya pabalik sa lamesa namin pero bago kami makalayo sa dalawa ay nagsalita ulit si Ethan.
“Hey, woman! You left something in my unit.” Pumikit ako ng mariin at nagpatuloy lang sa paglalakad.
“Kilala mo ba ‘yon?” tanong ni Tom nang makalayo kami kina Ethan.
Tumango ako.
“Is he the reason why you cried?” kuryoso ang tono niya. Pilit akong ngumiti at umiling.
“Hindi ako umiyak, Tom,” sabi ko sa seryosong tono. Nagtaas siya ng dalawang kilay.
“Okay, then is he the reason why you want to leave already?” Bumuntong hininga ako at wala ng nagawa pa kundi ang tumango.
“May I ask why? Is he your ex-boyfriend?” Agad akong umiling.
“No. Huwag na natin siyang pag-usapan. Hindi naman mahalaga kung sino siya. Hindi ko lang maiwasang mainis kapag nakikiyta ko siya.”
Tumango-tango si Tom bilang pagsang-ayon sa sinabi.
“Alright, then. But is it okay if I ask for your number?”
“Sure.”
Nagpalitan kami ng numero hanggang sa marating namin ang lamesa namin. Nagpaalam na ako sa mga kasama ko. Nagpaalam na din si Tom sa kanila. Hindi naman na ako pinigilan pa ni Jade. Mukhang may iba siyang iniisip sa bigla naming pagpapaalam ni Tom. Bahala na siyang isipin kung anong gusto niyang isipin diyan tutal sobrang dumi na ng isip niya.
Sabay kaming nagtungo ni Tom sa parking area ng bar. Hinatid niya pa talaga ako sa tapat ng sasakyan ko. Hinarap ko siya nang nakangiti.
“Salamat, mauna na ako,” paalam ko.
“Salamat din. Ingat ka,” aniya. Tumango ako.
“Mag-ingat ka din,” nakangiting sabi ko. Pinauna ko na siyang umalis bago ako tuluyang pumasok sa sasakyan ko.
Hindi ko agad iyon pinaandar. Isinubsob ko ang mukha ko sa manibela at mariing nagmura.
Fvck, Kim! Ano bang nangyayari sa’yo? Anong kagagahan ‘yon? Seriously? Bakit ka magdadrama dahil lang sa walang kwentang lalaking iyon? Mygod! Ni hindi nga naging kayo tapos kung makadrama ka diyan akala mo galing kayo sa isang malalim at matagal na relasyon? Baliw ka na! Ayon na nga ‘yong pagkakataon mong magkaroon ulit ng boyfriend na matino tapos pinalagpas mo pa. Pinalagpas mo dahil sa bwisit na Ethan na ‘yon! Hindi ka pa ba nasanay? Hindi naman talaga nawawalan ng babae ang gunggong na ‘yon! Bwisit!
Bigla kong naalala iyong sinabi niya kanina. May naiwan daw ako sa unit niya.
“Ano naman kaya ‘yong naiwan ko sa unit niya?” Halos mapatalon ako nang may kumatok sa bintana ng sasakyan ko. Sa mismong side ko pa. Nang mag-angat ako ng tingin ay napamura ako. Umirap ako at agad na binuksan ang bintana ng sasakyan ko.
“What the hell do you want, Ethan?” mariin at malakas kong sabi. Luminga-linga siya sa loob ng sasakyan ko at kumunot ang noo.
“Wala kang kasama?” Kumunot na rin ang noo ko.
“May nakikita ka ba na hindi ko nakikita?” sarkastikong sabi ko. Umangat ang gilid ng labi niya.
“Ano bang kailangan mo sa akin?”
“May naiwan ka nga sa unit ko,” aniya.
“Ano ba kasi ‘yon?”
“Puntahan mo na lang para malaman mo.”
Hindi makapaniwalang tinignan ko siya.
“Seriously, Ethan? Papabalikin mo pa ko doon? Bakit hindi mo na lang dinala at bakit hindi mo masabi kung ano ba ‘yon?”
“Malay ko bang makikita kita dito?” Umirap ako.
“Pwes kung anuman iyong naiwan ko sa condo mo iyo na. Wala na akong balak pang bumalik pa sa lugar na iyon.”
“At bakit?” may multo ng ngiti sa kanyang mga labi.
“Doon mo inuuwi ang mga babae mo, di ba? Kadiri. Baka kung anong virus pa ang kumapit sa akin,” naiiling na sabi ko. Humalakhak siya kaya sandali akong napatitig sa mukha niya. s**t. Iba talaga ang epekto sa akin kapag ngumingiti siya ng ganito. Agad kong inilihis ang tingin ko sa kanya.
“Hindi ako nag-uuwi ng babae doon, Kim, para lang alam mo.”
Pairap ko siyang tinignan.
“Ano naman ngayon, Ethan? Hindi mo na kailangang sabihin ‘yan, hindi ako interesado,” kunwa’y tinatamad na sabi ko.
“Sinasabi ko lang kasi inaakusahan mo ko.” Umirap ako.
“O, tapos?”
“Hindi mo talaga kukunin?”
“Ano nga ba kasi iyon? Bakit ayaw mong sagutin na lang?”
“Puntahan mo na lang para malaman mo.”
“Ano ako uto-uto? Kung anuman iyon, sa’yo na. Isaksak mo sa baga mo o kaya naman ibigay mo sa babae mo.”
Ngumisi siya.
“Talaga okay lang sa’yo ‘yon?”
“Oo nga! Ang kulit! Nasaan ba iyong babaeng kasama mo at bakit hindi ka na lang bumalik doon? Doon ka mangbwisit, huwag dito sa akin!” iritadong sabi ko.
“Bakit? Nasaan na rin ba iyong boyfriend mo?” Kumunot ang noo ko. Napagkamalan niyang boyfriend ko si Tom.
“Iniwan ka agad?” may nanunuksong ngisi sa labing sabi niya. Pumikit ako ng mariin pero nang dumilat ako ay sobrang lapit na ng mukha ni Ethan sa akin. Agad akong napalayo sa gulat ko.
“Ano ba, Francisco! Pinagtitripan mo ba ako? Umalis ka na nga sa harapan ko bago pa kita hambalusin d’yan!” pasigaw na sabi ko. Napatakip siya sa kanyang tainga.
“O tignan mo na. Paano kang hindi iiwan kung ganyan ang bunganga mo. Lagi kang nasigaw. Ayaw ng mga lalaki sa maingay na babae.”
“Wala akong pake! Bwisit!” Tumawa siya at nailing.
“Inis na inis ka na inilapit ko lang ang mukha ko. Paano kung hahalikan kita, baka mapatay mo na ako,” tumatawang sabi niya. Natigilan ako at agad na naghuramentado ang puso ko sa ideyang hahalikan niya ako. Oh, s**t! Masisiraan talaga ako ng ulo sa lalaking ito.
Nagtiim bagang ako at humugot ng isang malalim na buntong hininga.
“Ano pa bang kailangan mo sa akin, Ethan?” tanong ko sa isang mahinahong paraan.
“Kunin mo ang gamit mo sa condo ko. Ayoko ng may pakalat-kalat na gamit mo doon.”
Umirap ako.
“Kung ganoon itapon mo.”
“Gamit ko ba ‘yon? Gamit mo ‘yon di ba? Ikaw na ang magtapon kung gusto mo.”
“Siraulo ka pala talaga, eh! Ayoko na ngang bumalik doon! Hindi mo ba maintindihan? Umalis na nga sa harapan ko nang makaalis na ako.”
“Nagmamadali? May pupuntahan ka?”
Muling umikot ang mga mata ko sa iritasyon.
“Wala! Lumayas ka na nga!” sigaw ko. Tumawa siya at lumayo na rin naman sa sasakyan ko. Nakuha pa talaga nitong kumindat bago tuluyang umalis. Abnormal talaga ang bwisit na iyon. Ano bang problema niya sa buhay?
Bigla na lang susulpot dito at mang-iinis. Gustong-gusto niya talaga akong nakikitang nabubwisit, eh. Para bang napakalaking ginhawa para sa kanya pag nakikita niya akong naiinis. Iniwan niya pa talaga iyong babae niya para lang mangbwisit dito?
Nakita kong pumasok siya sa kanyang Aston Martin. Malamang naroon na sa loob ang babae niya, naghihintay sa kanya. Hinampas ko ang manibela ng sasakyan ko bago isinarado ang bintana. Ano naman ngayon kung may babae siya. Hindi naman na bago iyon. Sanay na ako doon. Bahala na siya sa buhay niya! Gawin niya kung anong gusto niyang gawin!