Kabanata 3
K I M
"Lumabas ka na d'yan. Nakaalis na," ani Ethan pagkatapos ng ilang sandali. Agad akong lumabas ng kwarto niya. Matalim ko siyang tinipunan ng tingin.
"Ang kapal ng mukha niyong magkaibigan na pagkatuwaan ako! Ano? Akala mo hindi ko narinig 'yong halakhak mo dahil sa kagaguhan ng kaibigan mo? Ano, tuwang-tuwa lang, Ethan? Eh, kung pag-untugin ko kaya kayong dalawa ng kaibigan mo? Ako pa talaga ang napili niyong pag-usapan. Akala niyo nakakatuwa 'yon. Takpan ang bunganga at ayos na? Supalpalin ko kaya ang bunganga niyong dalawa! Akala naman ng Walcott na 'yon na kapag ibinigay niya ang number ko sa'yo ay papayag na akong makipagdate sa'yo. Asa siya! Hindi pa ako nasisiraan ng ulo para makipag-date sa tulad mo, 'no. Ni hindi ka pa nga nakakalimot sa ex mo, bakit kita ide-date? Baliw ba ako? Kahibangan 'yon! 'Tsaka akala yata ng ugok na 'yon nagagwapuhan ako sa'yo. Duh! Bukod sa nabubwisit ako kapag nakikita ko 'yong pagmumukha mo, hindi pa kita type!"
Tamad niya lang akong tinignan habang nakahalukipkip at nakasandal sa pader. Nang matapos ako ay umayos siya ng tayo at itinaas ang dalawang kilay.
"Are you done?" aniya na tila ba tamad na tamad.
"Wala ba talagang preno 'yang bibig mo? Kaya walang nagtatagal na lalaki sa'yo, eh."
"At anong pakialam mo? Eh, ano ngayon kung walang nagtatagal sa akin? Sapat bang rason iyon para pag-usapan niyo ako ng kaibigan mo? Ang gagaling niyo rin, 'no? Pipili na lang kayo ng pagkakatuwaan ako pa talaga ang napili niyo. Kung naiinis ka sa bunganga ko, pwes ako bwisit na bwisit ako sa pagmumukha mo! Kung pwede nga lang sana huwag na kitang makita kahit kailan!" iritadong sabi ko.
Hindi ko alam kung bakit bigla na lang kumulo 'yong dugo ko nang magsalita siya laban sa akin. Siguro dahil sobra akong naapektuhan sa sinabi niyang iyon. Sa sinabi niyang iyon para na din niyang sinabi na hinding-hindi siya papatol sa akin dahil sa bunganga ko. Ewan ko kung bakot pa ako naaapektuhan doon, eh matagal ko naman nang alam at tanggap na hinding-hindi niya ako magugustuhan. Nasaktan lang siguro ako dahil sa bibig niya na mismo nanggaling. Hindi man niya sinabi ng eksakto iyon pero ganoon pa din ang pagkakaintindi ko doon. Letse, ang sakit pala.
Kumunot ang noo niya at bahagyang natigilan. Hindi niya siguro inasahan na magre-react ako ng ganito. Kahit naman ako ay nagulat din sa biglan kong pagsabog. May halong inis na umiling siya bago ako tinalikuran. Bumuntong hininga ako.
"Aalis na ako," malamig kong sinabi. Tumango lang siya nang hindi manlang ako nililingon. Ngumuso ako at napairap.
"Kapag kinakausap ka lumingon ka manlang. Bastos ka ba?"
Bumaling siya sa akin nang may sarkastikong ngisi sa mga labi.
"Look, I'm doing you a favor here. You just said you hate seeing my face. Kaya ano pang nirereklamo mo d'yan?"
Galing din ng hindot na 'to! Galing magdahilan. Alam naman naming pareho na bastos talaga siya.
"Ang sabihin mo bastos ka lang talaga."
Umiling siya halatang naiirita na.
"Bastos na kung bastos. Ano pa? May gusto ka pang sabihin?"
Mas lalo akong nayamot pero imbes na makipagtalo pa sa kanya ay nilayasan ko na lang siya. Bahala na siya d'yan! Hindi porque mahal ko siya ay hindi na ako pwedeng maasar sa kanya. Nakakainis talaga siya!
"Isarado mo ang pinto," habol pa niya na mas lalong nagpataas ng dugo ko. Padabog kong isinarado ang pinto ng makalabas ako.
"Jerk! Hindi manlang nagpasalamat na inalagaan ko siya kagabi!"
Hindi ba niya naisip na ako pa ang nagpalit sa kanya ng damit para lang makatulog siya ng maayos? Ang kapal talaga ng mukha! Kung bakit ba naman ako nahulog sa bwisit na 'yon ay hindi ko na talaga alam! Tangang-tanga ako sa sarili ko dahil kahit anong pangbubwisit niya sa akin ay hindi ko pa rin siya magawang kalimutan na lang. Ang dami-dami namang lalaki d'yan. Bakit ba kasi siya pa? Abnormal naman ang isang 'yon. Kung sabagay, si Stephen lang naman talaga ang matino sa kanilang magkakaibigan mula pa noon. Iyong apat puro lumaking abnormal. Lalo na ang Zachary Walcott na 'yon. Talagang pumunta pa dito. Kabuwanan na ng asawa niya kung saan-saan pa nagpupunta.
Bigla tuloy akong napaisip. Magiging dalawa na ang anak ng kaibigan ko samantalang ako wala pa ring asawa hanggang ngayon. Magkakaasawa pa kaya ako o tatanda na lang talaga akong mag-isa. Walang problema sa aking tumanda mag-isa pero syempre babae lang din ako at naghahangad din akong makasal at magkaroon ng sariling pamilya. Pero kung hindi talaga iyon para sa akin, wala na akong magagawa pa. Baka nga tama si Ethan. Baka nga wala talagang lalaking kayang magtagal sa akin dahil sa ugali ko. Hindi lang naman iyon ang dahilan kung bakit walang nagtatagal sa akin. Alam kong walang nagtatagal sa akin dahil hindi ko magawang ibigay at ipaubaya ng tuluyan ang sarili ko sa kanila. Siguro dahil hindi naman talaga ako napamahal sa kanila ng husto tulad ng pagmamahal ko kay Ethan.
Napabuntong hininga ako sa kalagitnaan ng pag-iisip. 'Tsaka ko lang tuloy napagtanto na naroon pa din pala ako sa tapat ng condo ni Ethan. Ano ba naman 'to!
"Ano bang nangyaring emergency kagabi at bakit hindi ka na nakarating? Tapos ngayon late ka pa?" usisa ni Jade nang late akong pumasok sa trabaho.
Napasimangot ako nang maalala ang mga nangyari kagabi. Hindi ko nasipot ang mga kasamahan ko dahil sa Ethan na 'yon tapos hindi manlang siya nagpasalamat sa akin? Nakakainis talaga ang lalaking 'yon. Kung hindi ko lang talaga siya mahal, naku! Hinding-hindi ko siya tutulungan. Hahayaan ko siya doon.
"Huwag mo nang tanongin at naiinis lang ako."
Tumaas ang kilay ni Jades at pinaningkitan ako ng mga mata.
"Ano ngang nangyari? Share mo naman 'yan."
Umiling ako at umirap.
"Sabing huwag mo nang tanongin, eh. Wala namang nangyari. Walang ganap kaya huwag ka nang magtanong."
Tumawa siya at napailing.
"Anong walang ganap ang sinasabi mo d'yan, girl? Ano ba kasi 'yan?"
Napahawak ako sa sintido ko. Hindi talaga ako titigilan ng isang ito. Alam ko 'yon, sa araw-araw ba naman naming magkasama. Kabisadong-kabisado na namin ang isat-isa. Alam kong hindi siya matatahimik nang hindi ako nagkukwento. Masasayang lang ang laway ko sa pakikipagtalo sa isang ito kaya sinumulan ko nang magkwento.
"Kilala mo naman na si Ethan, di ba?"
Biglang lumawak ang ngisi sa labi niya nang marinig ang pangalang iyon. Tinignan ko siya ng masama. Alam ko na agad kung anong iniisip niya.
"So, si Ethan pala ang emergency na sinasabi mo, ah! Kaya pala hindi na sumipot."
"Magkukwento ba ako o mang-aasar ka na lang diyan?" pataray na sabi ko. Tumawa siya at tumango.
"Okay. Sige na. Magkwento ka pa."
"Muntik ko na siyang masagasaan kagabi. Humarang ba naman siya sa dadaanan ko. Lasing na lasing kaya wala na akong nagawa kundi ang dalhin siya condo niya. Hindi ko naman kasi siya pwedeng iwan na lang doon, 'no. May konsensya pa naman ako."
"O, tapos? Anong nangyari pagdating sa condo niya? Bakit hindi ka na nakarating sa usapan natin at bakit late ka ngayon?" May makahulugang ngiti sa kanyang mga labi.
Anong iniisip ng babaeng 'to? Napailing ako. Iniisip niya sigurong may nangyari na sa aming dalawa ni Ethan kaya di na ako nakabalik sa bar at na-late pa ako sa trabaho. Kahit kailan ang dumi talaga ng isip ng babaeng ito. Palibhasa marami na siyang experience sa ganoon kaya kung ano-ano nang tumatakbo sa isip niya. Aminado akong maharot ako pero hindi naman ako mabilis bumigay. Alam naman niyang virgin pa din ako hanggang ngayon. Kung sabagay, siya lang ang nakakaalam ng lihim kong pagtingin kay Ethan kaya siguro naisip niyang bumigay agad ako sa lalaking 'yon kagabi. Tinulugan nga ako! Paano ako bibigay?
"Pataposin mo muna ako pwede ba?" iritadong sabi ko. Tumawa pa ang loka.
"Sorry naman. Na-excite lang. Go, continue!"
Umirap ako at napabuntong hininga.
"Napagkamalan niya kong 'yong ex niya," may halong pait na sabi ko. Lumunok ako at nagpatuloy sa pagkukwento.
"Nang aalis na sana ako para iwanan na siya doon ay bigla naman niya akong hinigit at niyakap kaya hindi na ako nakaalis pa. Doon na ako nakatulog," tuloy-tuloy kong sabi.
Hindi makapaniwalang tinignan ako ni Jade.
"What? Iyon na 'yon? Natulog lang kayo? Walang nangyari? Sigurado ka ba diyan? Na-late ka tapos wala naman palang nangyari sa inyo ng lalaking 'yon? Pinagloloko mo ba ako, Kim? Akala ko ba gustong-gusto mo 'yon? Bakit tinulugan mo lang? Bakit hindi mo pa ginapang? Ang tanga mo, girl! Sana tinikman mo na o nagpatikim ka na. Akala ko ba gusto mo 'yon? Nakahain na sa harapan mo hindi mo pa sinunggaban! Ewan ko sa'yo, Kim! Kaya wala kang usad, eh," naiiling na sabi ni Jade. Pinanlakihan ko siya ng mga mata.
Hindi ako makapaniwala sa babaeng ito. Talaga bang iniisip niyang kaya kong gawin 'yon? Sabihin nating maharot nga ako pero hindi ako ganoon. Hindi ko sasamantalahin 'yong kahinaan ni Ethan para lang matikman ko siya tulad ng sinasabi nitong si Jade. Gusto ko siya, yes! Pero hindi ko magagawa sa kanya 'yon. Hindi ko din naman kaya. Paano 'yon? Habang pinapaligaya ko siya, ibang pangalan ang inuungol niya? No, thanks. Huwag na lang! Ang sakit kayang matawag na ibang babae. Tiniis ko nga lang kagabi dahil naaawa ako sa kanya, at hindi ko siya kayang iwan sa gano'ng kalagayan.
Hamukipkip si Jade habang ang sama ng tingin sa akin. Napailing ako at hindi na lang siya pinatulan pa. Binuksan ko ang computer ko para simulan ang trabaho. Kailangan ko pa nga pa lang gumawa ng thirty shoe design para sa Shoe Collections this year. Anim pa lang ang nagagawa ko kaya kailangan ko pang magsipag. Sana lang maraming mapili sa mga design ko. Kailangan ko ng maraming experience para magkaroon ako ng chance na makapasok sa mas malalaki pang kompanya sa ibang bansa.