Part 4

1332 Words
“MAMI-MISS kita, bruha,” nakasimangot, tila maiiyak na sabi sa kanya ng ni Jenny habang nakamasid ito sa pag-eempake niya.             “Sa isla lang ako pupunta, hindi sa abroad, di pumunta ka rin doon,” sabi naman niya dito. Kinuha ang mga damit na dala nito. “Sigurado ka bang akin na ito? Mga bago pa ito, ah? Ang gaganda!” “Bago pa talaga ang mga iyan. Eh, kaibigan naman kita at magkasukat tayo kaya sa iyo na ang mga iyan. Para mas maayos ang damit mo kapag nagtrabaho ka doon.” “Pag nakaluwag ako, babayaran ko sa iyo itong mga damit na ito.” “Sira ka ba? Bigay ko nga iyan sa iyo. Eh, teka muna, yaman rin lang na mapapalayo ka, tara munang mag-videoke. Sagot ko na ang barya pang-videoke, basta sagot mo ang pagkanta.” Dahil hilig naman niya talaga ang pagkanta at may hilig din sa kanya ang kanta, ilang sandali lang ay naroon na sila ni Jenny sa tindahan sa kanto na may videoke machine. Sandali niyang nakalimutan ang mga alalalahanin niya nang magsimula siyang kumanta. At ginanahan pa sya lalo nang makita ang ibang kapitbahay nila na nakikinig sa kanya. Kung ang mga iyon ang pagbabasehan niya, maniniwala siyang magaling nga siyang kumanta. Malakas ang palakpakan ng mga miron nang matapos siyang bumirit ng Munting Pangarap ng Aegis. Feel na feel niya talaga ang mga kanta ng bandang iyon kaya kahit hindi na siya tanungin ni Jenny, kusa na itong pipindot sa reference number sa videoke. “Ate!”             Hindi na niya nasimulan ang susunod pang kanta nang kawayan siya ni Tan-tan para umuwi siya. "Tuloy ka nang talaga, Ate Missy? Paano naman kami?” “Wala naman akong gagawing masama. Basta ikaw ang aalalay kay Nanay, ha? Iiwan ko dito iyong cellphone number ni Aling Bining para mai-text ninyo ako doon. Magpapakabait kayo ni Karen.” Napagpasyahan niyang iwan na lang sa bahay ang cellphone niya para mas madali niyang nakokontak ang pamilya niya. Impraktikal na bumili ng panibagong cellphone, gaano man iyon kamura. Saka na lang siguro kapag nakaluwag na sila. “Si Karen bantayan mong mabuti. Mukhang maagang makikipagligawan. Aba’y kilig na kilig kapag nakakita ng guwapo. Kulang na lang ay humalik doon sa TV kapag nakikita iyong Ico Abella. Awatin mo din agad kapag nakikita mong nakababad sa Piso-Net. Ang bata-bata puro Internet ang inaatupag. Daig pa ako, siya may f******k. Ako nga di nag-e-sss. Saka si Nanay, iyong gamot niya, ha? Saka palagi mong titingnan. Kapag may idinaing, dalhin mo agad sa center,” mahabang sabi niya. “Ayos, ah. Sermon ang peg?” kantiyaw sa kanya ni Jenny na humabol sa paglalakad nila. “Huwag kang mag-alala, Tan-tan. Dadalawin ko din kayo nina Aling Lagring.” “Sige,, Ate Jenny” sabi naman ni Tan-tan. "Ate Missy, magtatagal ka ba doon sa pagtatrabahuhan mo?" "Depende," sabi niya. “Basta iyong mga bilin ko, ha?”     NAKARATING na sila sa Isla Morante.             Manghang-mangha si Missy. Hindi pala eksaherado ang mga naririnig niya na maganda ang isla. Tunay palang maganda. Mahaba ang baybayin at hindi man puting-puti ay mapusyaw ang kulay ng buhangin. Tunay na kay ganda ng tanawin, maraming mga resorts at kainan na nakahilera paharap sa dagat. "Aling Bining," lapit ng isang lalaki sa kanila. "Drigs, nariyan ka na pala. Mabuti at hindi kami maiinip nitong si Missy sa paghihintay. Missy, iyan si Drigs, driver at errand boy din ni Teddy.” “Kumusta ka, Missy?” “Mabuti naman.” “Siya, tara na at baka naiinip na si Teddy sa amin.” Sa likuran ng resort na dinaanan nila nakaparada ang isang service pick up. Sumakay na sila doon ni Aling Bining. “Sa kabilang bahagi ng isla ang bahay ni Teddy, Missy. Hindi bukas para sa turista iyon. Pero nakaharap din iyon sa dagat kaya para ka ring nasa resort. Mas maganda dahil nga private.” “Aling Bining, ang Teddy po ba na tinutukoy ninyo ay ang mismong boss?” “Siya nga at wala nang iba. Teddy lang siya magpatawag sa lahat.” “Wala pong sir?” nagtatakang tanong pa niya.             “Wala,” si Drigs ang sumagot. “Tiyak na magugustuhan mo dito, Missy. Para kang nagbabakasyon palagi. Maganda ang lugar at masarap ang pagkain. Champion magluto iyang si Aling Bining,” sabad naman ni Drigs.             Friendly si Drigs kaya naisip niyang hindi siya mahihirapan na pakisamahan ito. Sana ay ganoon din ang iba pang tao doon. Hindi naman siya nainip at pumasok na ang sasakyan sa isang pagkalawak-lawak na bakuran. At hindi bahay ang istrukturang natatanaw niya kundi isang mansyon. Puti ang dominanteng kulay ng pintura niyon na sa tingin niya ay tama lang, contrast sa halos madilim na paligid gawa ng masinsing tanim ng mga punong kahoy at malagong halamanan. “Si Drigs na ang bahala sa bagahe natin, Missy. Tara na kay Teddy.” Papasok sa malaking bahay ay lalo siyang namangha. Kulang ang mga salitang nasa isip niya upang isalarawan ang mararangyang bagay na nakikita. Pero napalitan ng kaba ang pagkamangha niya nang kumatok si Aling Bining sa isang makapal na pinto. “Ito ang library. Dito siya madalas dahil ito na rin ang opisina.” “Tuloy.” Narinig nilang sabi ng isang tinig. Nang itulak ni Aling Bining ang pinto, lalo siyang kinabahan. "Teddy..."             Isang lalaki na katamtaman ang pangangatawan ang nasa likod ng malapad na mesa. Naka-sleeveless shirt lang ito, may tatak ng pangalan ng resort. Isla Morante. Mestisuhin at hindi siya makapaniwala na napakabata pa nito. Parang nasa treinta lang ang edad nito sa tantya niya. Kaya siguro hindi rin ito nagpapatawag ng sir sa mga tauhan, sapantaha niya. “Kumusta ang biyahe? Maupo kayo,” mainit na saludar nito. “Ayos lang, Teddy. Ito si Missy. Siya ang kinuha kong maging personal assistant ninyo.” Ilang sandali na tinitigan siya ni Teddy bago ito napatango-tango. “Sige na, Aling Bining, iwan mo na muna kami. What's your name again?" baling nito sa kanya. "Missy po," aniya sa medyo nangingiming tinig. “Melissa Infante po.” "And how old are you?" "Twenty-two po." "Oh, you look younger than your age. Ano bang natapos mo?” “Third year college lang po, sir. Pahinto-hinto po kasi ako sa pag-aaral. Education po ang course ko.” “Hindi ka na ba mag-aaral sa pasukan kaya magtatrabaho ka ngayon?” “Bakasyon pa naman po. Saka kailangan ko na rin pong magtrabaho. Kapag nakaipon po, sisikapin ko rin pong maipagpatuloy ang pag-aaral ko.” Nahagip ng mata niya ang nakakuwadrong larawan sa malaking chest sa likuran ng don. Pamilyar sa kanya ang mukhang iyon. Si Ico Abella. Nakaakbay pa ito kay Teddy sa kuhang iyon. Nagtaka siya kung bakit may larawan ang dalawa. Siguro ay naging bisita ito sa isla, konklusyon niya. O magkaibigan ang dalawa? O baka nagluto din siguro iyon sa resort. Hindi ba’t cook nga ang lalaking iyon? “Tell me something about your family.” Hindi siya nag-alangan sa pagsagot at walang dahilan para hindi niya aminin ang totoong kalagayan niya sa buhay. “I see,” wika nito mayamaya. “Alam mo ba ang trabaho ng personal assistant? You will do some secretarial jobs, too.” Pahapyaw nitong ipinaliwanag ang magiging trabaho niya at sa palagay niya ay napakagaan lang niyon para sa halaga ng susuwelduhin niya. “Pag-aaralan ko po ang trabaho.” “Nice to hear that. Sana nga ay makatagal ka dito, Missy. Ang mga nauna sa iyo ay hindi makatagal. Naiinip sila. Sige na, Missy. Bukas ka na magsisimula ng trabaho mo. For now, maglibot ka muna sa paligid para maging pamilyar ka at pati na rin sa ibang tauhan dito.” “Sige po, sir. Marami pong salamat.” “Drop the sir. Just call me Teddy.” “Pero, sir--” “Kung mapapansin mo, lahat sila Teddy kung tawagin ako.” “Sige po. Kayo ang masusunod.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD