Part 3

1666 Words
HINANG-HINA na napansandal na lamang si Missy sa dingding ng back-stage. Milagro para sa kanya na napagtagumpayan niya ang buong kanta gayong hindi siya halos makahinga sa maraming emosyong pumupuno sa dibdib niya. Hindi niya inaasahang mahahanap siya doon ni Ico. At hindi rin niya inakalang makaka-duet pa niya ito. Dapat ay naisip na niya iyon. That song. Pamilyar na pamilyar sa kanya pero hindi niya naiugnay na maaring si Ico ang mag-request niyon. O malamang ay masyado siyang lutang kaya hindi niya napagtugma ang dalawang bagay. Yet, she sang from the heart. Kaya siguro sa kabila ng maraming bagay na gumugulo sa isip at puso niya nakuha niyang tapusin ang kanta. “Are you okay?” concerned na tanong sa kanya ni Flint. “Halata namang hindi,” sagot niya dito habang nakapako ang tingin sa mga paa niya. Sumunod na sandali ay nanlabo ang paningin niya. Nang ikurap nya ang mga mata, sunud-sunod na pumatak ang luha sa mumurahing sapatos na suot niya. “Masyado kang nasaktan,” kaswal na sabi sa kanya ni Flint. Inabutan siya nito ng isang panyo. “Malinis iyan, in case, maselan ka,” pabiro pang dugtong nito. “Huwag na nakakahiya naman sa iyo. May panyo din ako.” Dinukot niya sa sariling bulsa ang isang floral printed na panyo. “Grabe ka, Missy. Kulang na lang tanggihan mo ang lahat ng galing sa akin. I care about you, iyan naman ay sinasabi ko lang sa iyo. Hindi ko isinusumbat.” “Salamat sa lahat ng tulong mo, Flint. Maliit na bagay lang iyang panyo mo kumpara sa malaking tulong na ibinigay mo sa akin. Alam mong hindi ako makakaluwas kundi dahil sa iyo.” “Kasi nga I care about you.” “Tantanan mo na nga ako, Flint. Pahaging ka nang pahaging, eh.” “Kahit naman anong pahaging ang gawin ko, hindi ka naman tatamaan. Kasi nga kahit nag sakit-sakit na diyan sa iyo, mahal mo pa rin siya. Iyon ang talagang masaklap doon.” Tinalikuran siya nito at maya-maya ay inabutan naman siya ng isang basong tubig. “Baka gusto mong uminom? May isang set pa tayo ng kanta. Pakalmahin mo iyang sarili mo.” “Salamat, Flint. Tunay ka talagang kaibigan.” Umungol ito. “Hanggang kaibigan lang talaga ang turing mo sa akin, iyon ang masaklap doon.” He cleared his throat at saka bumanat ng kanta. “Mahal kita, mahal mo siya, mahal niya ay... iba?” “Wala naman yata siyang ibang mahal. Masyado lang niya akong nasaktan.” “See? Ikaw pa talaga ang tagapagtanggol niya. Ako naman ang nasasaktan habang dinedepensahan mo siya.” Sinipa niya nang bahagya ang lulod nito. “Missy naman, physically and emotionally hurt na ako sa iyo, ha?” Tinitigan niya ito. “Magsabi ka nga nang totoo, Flint. In love ka ba sa akin?” Napaubo ito. “Kino-corner mo naman ako na bigla. Hindi ako handa, Missy.” “Sira-ulo ka talaga, Flint.” “Of course not. Ang ibig kong sabihin, hindi ako prepared na umamin. But what I feel here...” Ipinuwesto nito sa tapat ng dibdib ang isang kamay. “Sincerity, Missy.” “Iba iyong sincere sa in love.” “Kahit naman in love ako sa iyo hindi mo naman mararamdaman dahil nga may iba kang mahal. Ang sakit-sakit na pero mahal mo pa rin siya.” “First love. Eh. Di ba, first love never dies?” “Mukha namang ikamamatay mo na iyang sakit na nararamdaman mo dahil sa first love mo.” “Grabe ka naman. Hindi pa ako puwedeng mamatay,” tutol niya. “Hindi pa talaga puwede. Aba kung ako lang hindi ako papayag na siya ang maging cause of death mo.” “Excuse me.” Sabay silang lumingon ni Flint sa nahawing kurtina. It was Pepper. “Yes, ma’am?” halos sabay na tugon nila dito. Lumapit ito sa kanila. “May isa pa kayong set, di ba? And, Missy, iyong ka-duet mo kanina. Nasa labas pa. I think he’s waiting for you. After your set, you are both free to go.” Iniabot nito sa kanila ang tig-isang sobre. “Thank you sa performance ninyo ngayon. We’ll call you for the next sked ng gig ninyo dito.” “I might stay here for a while, Ma’am Pepper. Okay lang ako mag-extend. And don’t worry about my TF. For Valentine’s sake, let’s just jam.” “Oh, you are welcome to stay here, Flint. Thank you and enjoy.” “That’s one of the nice words to hear. That I am welcome. Thank you, ma’am.” Napangiti lang ito at iniwan na sila. Sumunod ng hakbang dito si Flint. Akala niya ay mapag-iisa na siya at mag-e-emote pero maya-maya ay bumalik dito ito. “Mukhang seryosong maghihintay sa iyo ang cause of death mo.” “Grabe ka, Flint.” “Mas grabe ka, Missy. Siya pa rin ang pinipili mo kesa sa akin. Ang sakit-sakit na kaya dito.” Natawa siya nang mababaw. “Mag-artista ka, Flint. Ang galing mong umarte.” “Hindi arte lang ang pagke-care ko sa iyo. I’m just wondering how could you fall for him? Sinaktan ka na pero mahal mo pa rin.” Isang malalim na paghugot ng hininga ang naisagot niya. Paano nga ba siya nahulog kay Ico samantalang hindi pa nga iya ito nakikita nang personal ay inis na inis na siya dito...     “And, of course, we must not forget wiping the side of the plate for a clean look of our dish.”             “Patayin mo nga iyang TV!” inis na sabi ni Missy.             “KJ ka naman, Ate. Ang galing-galing ngang magluto ni Ico Abella, eh,” angal ni Karen na kapatid niya. Ito ang bunso at grade six pa lang.             “Magaling ka diyan. Nag-scramble lang ng itlog na nilagyan ng mestisong sibuyas, magaling na? Milyon-milyon ang mga tao na kayang-kaya ang luto niya. Ang sabihin mo, kilig na kilig ka sa lalaking iyan palibhasa guwapo.”             Tumawa si Karen. “Bakit, ate, talaga namang guwapo, ah? Sa eskuwelahan nga, laging siya ang pinag-uusapan. Sayang nga, eh. Nilipat ng mas maaga ang show niya. Hindi ko na siya masyadong mapapanood.”             “O, kitam? Affected na affected ka diyan. Yung leksyon mo kaya ang asikasuhin mo? Kapag di ka na-honor sa graduation, mapapalo ka pa sa akin.”             “Sungit! Buti pa noong buhay si Tatay, hindi ka masungit,” pabulong na sabi ni Karen at saka umalis ng sala.             Hindi na niya ito pinatulan at nilapitan ang TV. Naroroon pa rin ang celebrity chef na si Ico Abella. May ilang sandali na natutok din ang tingin niya dito. Easy breakfast with a twist ang tema ng cooking show nito ngayon. Pinapaliwanag naman nito ngayon kung paano mas maging masarap ang scrambled egg sa pamamagitan ng paglahok ng sariwang gatas sa itlog. Sa mabilis na sandali ay nailuto iyon at nilagyan pa ng tinadtad na parsley sa ibabaw. “Sa taong kinakapos, iyong dalawang binating itlog na tinimplahan ng asin ay pagkakasyahin na sa apat na mga anak. Ano bang gatas-gatas pa? Iyong maisaing nga lang sa susunod na tanghalin ay problema pa. Pampa-arte lang iyang mga dahon-dahon na iyan.” Napailing si Missy, pinatay na niya ang TV bago pa siya ma-hook sa telebisyon. Madami pa siyang aasikasuhin. Hindi niya priority ang pagtutok sa mga palabas sa TV. Sinilip niya ang ina na nasa silid. “Nay, kumusta po ang pakiramdam ninyo?”             “Nahilo ako kanina. Siguro mataas na naman ang sugar ko,” sagot nito na hindi nag-abalang ibukas ang mga mata. “Nakaubos ka ba?”             “May natira, ‘Nay. Tumubo naman ng konti.” Panganay siya sa tatlong magkakapatid. Pangkaraniwan lang ang buhay nila, sapat nang makaraos sa araw-araw. Pero dahil ilang panahon ding nagkasakit ang tatay nila bago tuluyang namatay, mas mahirap ang naging buhay nila. Hindi kalabisang sabihin na lubog pa sila sa utang sa kung kani-kanino dahil sa laki ng gastos nila noong panahong nagpapagamot pa ito.             “Nay, kinukumusta nga ho pala kayo ni Aling Bining, iyong suki nating sa Isla Morante nagtatrabaho.” Ang naturang isla ay nasa dulo ng kanilang probinsya. Kung mula sa kanila sa Pura, mahigit isang oras din ang biyahe patungo sa pantalan para makalipat sa islang iyon at idagdag pa ang kalahating oras na biyahe sa bangka ang tagal bago makarating sa isla. Maraming dumarayo doon kahit na nga ba magaganda din ang baybayin sa Pura. Balitang-balita na napakaganda ng mga resort doon.             “O, kumusta naman si Bining?”             “Mayordoma pa rin daw ng may-ari ng pinakamalaking bahagi ng isla. Inaalok nga pala niya ako na magtrabaho doon. Personal assistant daw ho ng amo niya.”             “Personal assistant? Alalay?”             “Ganoon na nga ho siguro. Eh,’Nay, bakasyon naman ho ngayon. Naisip kong subukan. Six thousand five hundred daw ang suweldo, ‘Nay. Libre lahat. Kada ikalawang linggo daw ang day off kung papayag ako. Dalawang araw na magkasunod kaya makakauwi din ako dito. Kung libre naman lahat pagdating ko doon, halos hindi mababawasan ang sahod ko. Sige na, ‘Nay, pumayag ka na,” mahabang sabi niya.             “Paanong pag-aaral mo sa pasukan?”             “Saka ko na lang iisipin, ‘Nay. Napakarami pa nating utang na dapat bayaran.”             “Kakalimutan mo nang makatapos.” Tila masama ang loob nito. "Nanay, para nga iyon sa ating pare-pareho. Mahina ang kita ngayon sa tinapa. Sapat-sapat lang na makatawid tayo sa araw-araw. Kung magtitinda si Tan-tan at may susulweduhin ako doon sa isla, malaking bagay iyon. Kailangan ho nating maging praktikal.” Mayamaya ay nagsalita ito sa napapaiyak na tinig, "Kailan naman daw ang alis ninyo patungong Isla Morante?" "Kung desidido daw po ako, isasama na niya ako doon pagbalik niya sa Sabado."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD