EPISODE 20

1285 Words
LUCIFER Seryoso ang mukha ni Hubert. “Ano’ng pumasok sa isip mo at gusto mong kausapin si Sergio? May balak ka bang sabihin sa kanya ang nangyari sa inyo ni Jade?” aniya. “Paano mo nalaman na may nangyari sa amin ni Jade? S-Sinabi niya ba sa iyo?” utal na tanong ko. Nakaramdam ako ng hiya dahil sa ginawa ko. “Nakita ko kayo ni Jade na magkatabi sa kama. Papasok sana ako sa silid mo kanina, hindi na ako tumuloy. Sa susunod mag-lock ka ng pinto. Mabuti ako ang pumasok at hindi sila. Kung nagkataon sigurado malalaman ni Sergio ito. Hindi naman sa naiinis ako sa iba nating kasama. Ang tiwala nila ay sa kanya. Maliit mang impormasyon ay malalaman niya. Kaya mag-iingat ka, Luci. Dahil kung hindi ihanda mo na ang sarili mo. Mabuting kaibigan si Sergio, ngunit kapag ginalit mo masama siyang kaaway.” Napalunok ako sa bilin ni Hubert. Mukhang kailangan ko ng matinding pag-iingat. Tinapik niya ang balikat ko. “Pinaalalahanan lang kita at hindi tinatakot. Mabuti kang kaibigan sa akin. Tinuring na kitang kapatid. Naalala ko sa iyo ang nakababata kong kapatid.” Kuwento niya pa. Kita ko ang lungkot sa kanyang mata. Gusto kong tanungin ang tungkol sa pamilya niya, ngunit mas pinili ko na lang hindi magtanong. Hahayaan ko siyang magkwento ng buhay niya. Napangiti ako. “Itinuring ko na rin kayong pamilya ko. Naging mabuti kayo sa akin.” Isang oras magmula nang magkausap kami ni Hubert hindi ko nakita si Jade at maging si Sergio. Napatingin ako sa tauhan ni boss palapit sa kinaroroonan ko. “Ipinatatawag ka ni boss. May mahalaga siyang sasabihin,” sabi niya. Hindi ako nakagalaw. “Ano pang hinihintay mo riyan. Puntahan mo na si boss. Baka mainip iyon masaktan ka pa niya.” Masungit na sabi niya. Hindi na lang ako kumibo at tahimik na naglakad. Nang nasa harap na ako ng pinto ay nag-atubili akong pumasok sa loob ng opisina. Medyo kabado ako. Hindi ko alam kung bakit siya pinatatawag, hindi niya maiwasang kabahan at matakot. Huminga muna ako ng malalim bago pumasok sa loob. Pagkapasok sa loob nakita ko ang boss ko, nakaupo sa upuan nito. Naninigarilyo na naman ng tabako. Halos mapuno ng usok ang buong opisina niya. “Boss, pinatatawag niyo raw po ako,” sabi ko nang makalapit sa lamesa niya. Napasulyap siya sa akin. “Upo ka.” Utos nito. Umupo ako sa silyang nasa harapan ng lamesa. Hindi ko maiwasang kabahan at mag-isip nang kung ano-ano. Kapag ganitong pinatatawag ako ay aasahan ko ng may ipagagawa sa akin. “Gusto kong malaman mong natutuwa ako sa trabaho mo.” Anito. Ibinaba ang hawak na tabako sa ash tray na nasa ibabaw ng lamesa. Humalukipkip at mataman akong tinitigan. Napalunok ako. Wala akong ideya kung anong tumatakbo sa isipan niya. “Magmula sa araw na ito, ikaw na ang gagawin kong lider sa grupo niyo. Ikaw ang mangunguna sa performance niyo at hindi na si Sergio. Napansin kong mas tinitilian ka ng mga tao kaysa kay Sergio. Siguro nga’y mas malakas ang karisma mo sa mga tao.” Napaawang ang labi ko sa sinabi ni Boss. Bakit ako ang gagawin niyang lider? Hindi pa ako ganoon kabihasa sa pagsasayaw. Si Sergio ay bihasa na sa ganoong larangan. “Pero boss hindi ba makatarungan kay Sergio na ako ang ipapalit niyo sa kanya? Matagal na po siya rito nagtatrabaho. Samantalang ako ay baguhan pa lang.” Paliwanag ko sa amo. “Hindi naman pinag-uusapan dito kung gaano katagal sa trabaho o mas magaling sa iyo. Ang usapan dito mas gusto ka ng mga tao kaysa sa kanya. Doon ako bumabase at hindi sa galing. Sa tingin ko naman konting praktis pa gagaling ka na rin sa pagsasayaw. Kita ko naman ang determinasyon mong matuto pa. Yun ang nagustuhan ko sa iyo, Lucifer. Hindi ako nagkamaling kunin kita.” Hindi ako nakapagsalita. Maganda sa pandinig ang mga sinabi niya sa akin, ngunit paano ang pagkakaibigan namin ni Sergio? May sama pa naman siya ng loob sa akin. Kung malaman niya ito ay baka mas lalong mag-apoy sa galit si Sergio sa akin. Hanggang sa natapos ang pag-uusap namin ng amo ko ay hindi pa rin ako mapakali. Pakiramdam ko ay sobrang sama ko. Nagulat ako nang lumapit si Hubert. Tinapik ang balikat ko. “Nakakagulat ka naman,” sabi ko. Natawa ang huli sa naging reaksyon ko. “Tinapik ko lang ang balikat mo, nagulat ka na? Mukhang malalim ang iniisip mo, ah?” sabi niya. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko. “Kinausap ako ni Boss tungkol sa. . .” Napahinto ako sa sasabihin. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba kay Hubert ang sinabi ni Boss. “Tungkol saan?” Tanong niya. “Sinabi niyang ako ang gagawing lider sa grupo natin. Ayokong gawin iyon dahil masasaktan si Sergio kung kukunin ko ang posisyon niya. Alam mo namang may sama pa rin siya ng loob sa akin.” Malungkot na sabi ko. Napailing si Hubert. Mukhang hindi rin siya sang-ayon sa ginawa ng boss namin. “Mas lalong magagalit iyon sa iyo. Sa aming grupo walang naglakas ng loob na pumalit sa puwesto niya. Alam mo si Sergio ang tingin sa sarili siya ang nakatataas. Wala dapat umagaw sa kahit anong pagmamay-ari niya. Kahit kay Jade, dapat walang makagagalaw dito. Ginawa niya ang lahat upang hindi ito mailabas ng customer na gustong maikama siya.” Napalunok ako. Mas du-doble ang galit niya sa akin kapag nalamang ako ang nakauna sa mainamahal niyang babae at ako ang bagong lider ng grupo namin. “Gusto kong tumanggi sa gusto ni boss, pero wala akong magawa. Siguro nga’y kakausapin ko si Sergio. Baka naman maintindihan niya ang naging pasya ni Boss. Sasabihin ko sa kanya na siya pa rin ang lider ng grupo,” sabi ko. Baka naman mapakiusapan ko siya. Alam kong may puso pa rin si Sergio. Hindi naman siguro habang buhay na galit siya sa akin. “Hindi tumatanggap ng pagkatalo si Sergio. Una palang siya na ang naging lider at iyon ang itinatak sa isipan niya. Walang makakabali ng paniniwala niya. Kausapin mo man siya ay hindi iyon makikinig sa ano mang sasabihin o paliwanag mo.” Bakit lagi na lang kabuntot ko ang kamalasan? Pilit kong maging mabuti at nakikisama sa mga tao dito, ngunit parang may nanghihila sa aking maging magulo ang buhay ko. Ano bang meron sa kapalaran ko at palagi na lang akong malas sa buhay? “Baka naman mapakikiusapan ko pa siya. Hindi naman ganoon siguro kasama si Sergio para magalit siya ng lubusan sa akin. Labag din sa akin ang kagustuhan ni Boss na ako ang gawin niyang lider sa grupo natin. Siya pa rin naman ang lider. Trabaho lang itong gagawin ko at sana huwag niyang personal-in.” Paliwanag ko. “Huwag mo ng tangkain dahil hindi ako tumatanggap ng paliwanag ng isang sinungaling na tao!” Nanigas ang katawan ko nang marinig ang tinig ni Sergio. Nagkatinginan pa kami ni Hubert at parehong napalunok ng laway, bago pa kami lumingon nang dahan-dahan. Nasa likuran namin si Sergio. Seryoso ang mukha at matalim ang mga matang nakatingin sa akin. Bumilis ang t***k ng puso ko. Nakaramdam ako ng takot - takot na baka saktan niya kami ni Hubert. Kung titingnan ang katawan ni Sergio hindi mo akalaing desi otso lang ang edad niya. Malalaki ang muscle sa mga braso at maganda ang hubog ng katawan na parang takot kumapit ang mga taba sa katawan. Bumagay rin ang mataas na height niya. Kaya lahat ng mga kostumer ng bar ay kinahuhumalingan si Sergio. “S-Sergio. . .” Tanging na sambit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD