LUCIFER Hindi ako nagpunta sa address na binigay ng lalaki sa akin. Ayokong samantalahin ang pagtulong ko sa matanda. Bukal sa loob ko ang ginawa ko at wala akong hininging kapalit sa pagtulong sa matanda. “Ang akala ko pupuntahan mo ang address ng matandang tinulungan mo?” Tanong ni Hubert nang paalis na kami upang magtrabaho. “Hindi ko naman kailangan ang tulong ng ibang tao upang umangat ako. Naniniwala ako sa sariling pagsisikap ay aangat ako. Alam kong mahirap, ngunit naniniwala akong matutupad ang pangarap ko,” sabi ko. Napailing si Hubert. “Pagkakataon mo na iyon, Luci. Pinakawalan mo pa,” sabi nito na nanghihinayang sa naging desisyon ko. Napangiti ako at inakbayan siya. “Ayos lang naman sa akin. Ang mahalaga nakatulong ako sa nangangailangan. Iyon ang mas importante.”

