LUCIFER
Hindi ko maiwasang humanga sa bar na sinasabi ni Sergio. Tinapik niya ang balikat ko. “Di ba maganda? Sabi ko naman sa iyo magugustuhan mo ang lugar na ito.”
“Mukhang pangmayaman ang bar na ito, ah? Sa tingin mo papapasukin nila tayo? Tingnan mo naman ang mga suot natin sa kanila.” Turo ko sa mga taong kasabay naming naglalakad papasok ng bar.
“Sus, wala yan! Basta may pang-entrance tayo hindi na sila magtatanong.”
Hinila niya ako at sumunod naman ang mga kasama namin na natatawa sa akin. Pagkapasok namin sa loob bumungad sa amin ang maliwanag at sopisdikadong bar. May counter na mahaba at may ilaw sa ibabang bahagi kaya nagmukhang maliwanag ang ibaba niyon. May matataas na upuang pang-isahan. May mga nakaupo na roon at sa likod ng lalaking nagse-serve ng alak ay may naka-display na mga alak at mukhang mamahalin. Sa paligid naman ay may mga lamesa at upuan na parang sofa na sa tingin ko ay nakaka-relax upuan at mag-inom.
May napansin akong grupo ng mga kababaihang nakatingin sa amin. May isa roon na mukhang mestisahin, nakatingin sa akin habang iniinom nito ang hawak na baso na sa tingin ko ay alak ang laman niyon. Gusto kong matawa sa naisip ko. Natural naman na alak ang laman niyon. Ano pa ba ang maiinom dito kundi nakalalasing na inumin.
Umupo kami at nag-order ng alak si Sergio. Patingin-tingin kami sa paligid at may paghanga sa aming mga mata.
“Try niyo itong alak na ito. Well, sa una matapang ang lasa nito lalo na sa baguhan sa pag-inom ng alak.” Ani Sergio.
Napatingin siya sa akin. Hindi na bago sa akin ang nakalalasing na inumin. Sa tingin ko sa in-order ni Sergio ay mahal. Mukhang mabibitin ang dala kong pera.
Napatingin ako sa mga kasama ko nang sabay-sabay nilang tunggain ang hawak nilang mga baso. Napangiwi silang lahat maliban kay Sergio na mukhang sanay na sa lasa ng alak.
“Ano ba naman ito Sergio. Parang bubutasin ang mga bituka namin sa sobrang tapang ng lasa!” Reklamo ni Hubert.
“Oo nga!” segunda naman ni Larry.
“Wala bang beer dito?” sabi ni Ellen. Napangiti sa akin.
“Ano ba kayo puro kayo reklamo. Mag-inom na lang tayo dahil birthday nitong binata natin,” sabi ni Jade at kinindatan pa ako.
“Alright, cheers!” sabi ni Sergio. Wala kaming nagawa kundi tunggain ang alak.
Isang oras ang lumipas at huminto na kami sa pag-inom. Nagkwentuhan na lang kami habang pinabababa ang amats naming lahat. May lumapit na mga kalalakihan at kababaihan sa amin.
“Mukhang bago kayo rito, ah?” sabi ng isang lalaking madaming tattoo sa katawan. Nangunot ang noo ni Sergio na napatingin sa lalaking mukhang maangas.
“Eh, ano naman kung bago lang kami rito? Wala ka ng pakialam doon!” inis na sabi ni Sergio. Hinawakan ni Hubert ang braso ni Sergio para patigilin ito sa pagsasalita.
“Uwi na tayo,” sabi ni Harry. Tatayo na sana kami nang pigilan kami ng isa pang lalaking may hikaw sa ilong at sa kanang kilay. Maputi ang lalaki at may pangong ilong.
“Hindi kayo pwedeng umalis sa lugar na ito hangga’t hindi namin kayo napaglalaruan,” nakangising sabi ng lalaki.
Naningkit ang mata ni Sergio at tumayo. Dinuro niya ang lalaking madaming tattoo.
“Tangina mo! Wala kang karapatang paglaruan kami dahil tangina lang, hindi kami laruan. Baka gusto mong manghiram ng mukha sa aso? Subukan mong kantiin isa sa mga kasama ko kundi mananagot ka sa kamao kong gago ka!” Galit na sabi ni Sergio.
“Huwag mo na lang patulan ang mga iyan. Wala lang magawa ang mga iyan,” sabi ni Jade. Lumapit ang isang babae kay Jade at hinawakan ang buhok nito.
“Huwag kang sumasabat, b***h!” anito.
“Bitiwan mo ang buhok ko kundi makakatikim ka ng suntok sa mukha!” Galit na sabi ni Jade. Pilit niyang inaalis ang kamay ng babae sa kanyang buhok, ngunit tila ayaw niyang pakawalan.
Tumayo na ako para ilayo ang babae kay Jade, ngunit hindi ko pa nahahawakan ang babae nang may sumuntok sa kabilang pisngi ko. Muntik na akong sumadlak sa semento kundi nga lang nakahawak sa upuan. Napahawak ako sa kabilang pisngi ko.
“Don’t ever touch my girl!” Galit na sabi ng lalaki sa akin. Hindi ko naman naintindihan kung ano’ng ibig sabihin ng lalaki. Akmang susuntukin niya ako nang itulak ko ang lalaki. Napaupo ang lalaki.
Hindi ko napaghandaan ay nang sugurin ako ng kasamang lalaki. Suntok at sipa ang ginawa nila sa akin. Napasubsob ako sa sahig at hindi nakagalaw. Naramdaman ko ang sakit sa tagiliran ko dahil sa lakas ng suntok nila sa akin. Namilipit ako sa sakit.
Napapikit ako nang may susuntok na naman sa akin. Ilang segundo ang lumipas ay walang kamaong dumapo sa mukha ko kaya nagmulat ako ng mata. Pinagtanggol ako ng mga kasama ko. Tatayo na sana ako nang makaramdam ng kirot sa bandang tagiliran.
Pakiramdam ko ay may bali ang tadyang ko. “Kailangan nating umalis na rito. Nanganganib tayo sa mga lalaki!” sabi ni Jade. Inalalayan niya ako at tinulungan naman siya ni Ellen.
“Sergio, tayo na!” Sigaw ni Ellen habang naglalakad kami palabas ng bar. Kahit masakit ang buo kong katawan ay sinikap kong ilakad ang nanghihinang tuhod ko. Pumara agad ng taxi si Ellen at agad din kaming pumasok sa loob. Hindi ko na nakita sila Sergio at ibang kasama namin nang makalayo ang taxi na sinakyan namin.
“Hindi natin dapat iniwan sila Sergio at baka manganib sila,” sabi ko.
Umiling si Ellen. “Kung hihintayin pa natin sila ay baka hindi na tayo makauwi ng buhay. Kaya na nila Sergio iyon, sanay naman sa kaguluhan ang mga iyon. Huwag ka ng mag-alala at makauuwi rin sila.” Pagpapanatag niya sa akin.
Nagbuntonghininga ako. Sana nga dahil kung may masamang mangyari sa kanila ay ako ang may kasalanan kung bakit sila nasaktan. Ano ba naman birthday ko ngayon, pero heto napaaway pa kami. Mukhang ako ang malas sa grupo kaya sila napaaway.