LUCIFER
Habang nasa byahe pabalik ng tinitirhan namin ay nakatingin lang ako sa labas ng bintana ng sasakyan. Sinundo ako ng tauhan ng boss namin matapos ang dalawang oras na pananatili ko sa kliyente.
Gusto kong masuka sa tuwing naalala ang ginawa ng babaeng iyon sa akin. Binaboy niya ang katawan ko. Gusto kong tumanggi ngunit tinakot niya akong sasabihin sa boss namin ang gagawin ko. Wala akong nagawa kung hindi pagbigyan ang gusto ng babae.
Nag-init ang sulok ng mata ko. Ramdam ko ang p*******t ng buo kong katawan dahil sa paghagupit niya sa akin. Hindi ko alam kung tao pa ba ang babaeng iyon o demonyo. Isang manyak ang babaeng iyon.
“Kumusta naman ang pananatili mo roon?” Biglang tanong ng lalaki na kasama ko. Napalingon ako sa kanya.
“A-Ayos naman po,” sagot ko. Ayokong sabihin sa kanila ang sinapit kong kalupitan ng babae.
“Siguradong bibigyan ka ni Master Tom ng bonus niyan,” sabi ng lalaki. Hindi na ako sumagot sa sinabi niya. Pakiramdam ko ang dumi ko na kahit maligo ako ay hindi matatanggal ang bawat laway at nakakarimarim na haplos ng babaeng iyon sa katawan ko.
Pangalawang beses na itong nangyari sa akin, ngunit mas malupit ito dahil may mga bagay siyang ginawa sa akin na hindi ko masikmura.
Napatingin ako sa perang hawak ko. Ibinigay sa akin ng babae pagkatapos niya akong babuyin. Hindi ko alam kung ilang libo itong ibinigay sa akin. Sa tingin ko ay malaki dahil makapal.
Nang makarating sa tinutuluyan namin ay nagpunta ako sa silid ko. Inilapag ko sa lamesita ang pera. Napasinghot ako at ilang sandali lang ay nagsituluan ang mga luha kong kanina ko pa pinipigilan. Impit ang pag-iyak ko dahil ayokong marinig nila ang iyak ko. Nanginginig ang kamao kong nakakuyom. Gusto kong ilabas ang galit ko at doon ko lang kayang gawin iyon.
Hindi ko na nakayanan ay napahagulgol ako nang iyak. Hinubad ko ang suot kong kamiseta. Lumantad ang mga pasa ko sa katawan. Nagtagis ang bagang ko at kumuyom ang kamao ko. Ang galit ko sa puso ko ay umaapaw. Gusto kong saktan ang mga taong lumaspatangan sa akin, ngunit wala akong magawa. Wala akong sapat na lakas upang labanan sila.
Napangiwi ako nang hawakan ko ang pasa sa tagiliran at maging sa aking braso. Napakalupit ng babaeng iyon. Hindi ko alam kung tao ba iyon o halimaw. Sayang-saya ang mukha niya habang hinahampas niya ng latigo ang katawan ko. Umagos ang mga luha ko habang inaalala ang ginawa sa akin ng babae. Demonyo ang babaeng iyon.
Bumukas ang pinto. Hindi ako nakagalaw nang makapasok sa loob si Sergio. Awang ang labi niyang nakatingin sa katawan ko. Pinulot ko ang kamiseta at isinuot agad. Pinahid ko ang luha at saka hinarap ang kaibigan.
“Tangina! Anong ginawa sa iyo ng kliyente mo?” Aniya na tila may galit sa boses nito. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang braso ko. Nakita niya ring may pasa rin ang braso ko. Tumingin siya sa akin. Nagtatanong ang mga tingin niya. Napayuko ako.
“Sabihin mo sa akin sino ang may gawa nito?” tanong niya. Umiling lang ako at hindi nagsalita.
Narinig ko ang malalim na buntonghininga. “Lucifer, magkaibigan na tayo. Alam mo na ang uri ng trabaho ko - natin. Nandito ako bilang kaibigan mo at maging kapatid mo dahil itinuring ka na naming parang pamilya. Uulitin ko, sino ang may gawa nito?”
Sa tanong niyang iyon ay hindi ko napigilang mapahagulgol muli.
“Binaboy niya ako. Binaboy niya ako.” Tanging nasabi ko. Ni hindi ko masabi ang pangalan ng babaeng lumaspatangan sa katawan ko. Walang salitang napayakap si Sergio sa akin. Lumakas ang iyak ko. Nanginginig ang buo kong katawan habang walang humpay ang pag-iyak.
“Huwag ka ng umiyak dahil makakaganti rin tayo sa mga taong lumapastangan sa atin. Hindi pa sa ngayon, ngunit ipinapangako kong pagbabayaran nilang lahat ng mga iyon,” sabi ni Sergio.
Isang linggo ang lumipas ngunit tila kahapon lang nangyari ang bangungot sa buhay ko. Itinuturing kong isang masamang panaginip iyon.
Isang tapik ang ginawa ni Sergio nang magkita kami sa likod ng stage. Napangiti ako sa kanya.
“Enjoy lang natin ang trabaho natin. Kailangan natin ang pera nila,” sabi ni Harry.
“Tsk. Tangina nila!” Pagmumura ni Leon.
“Wow, ang lutong ng mura mo, ah? May pinaghuhugutan ba?” natatawang sabi ni Hubert. Masamang tingin ang ibinigay nito rito.
“Ano ba kayo, mag-aaway? Nandito tayo sa iisang layunin - upang magkapera. Tandaan ninyo kailangan natin ang pera nila upang makaalis sa impiyernong kinalalagyan natin. Kaya kung ano man ang ayaw ninyo rito isantabi muna natin ang mga iyan,” sabi naman Jade.
Tumango naman ang iba bilang pagsang-ayon sa sinabi nito. Tama si Jade. Sumabay lang kami sa agos kung ano mang buhay ang meron kami ngayon. Makakaalis din kami rito sa tamang panahon.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Isang taon na ang nakalilipas. Nasanay na rin akong magtrabaho bilang dancer sa gabi at sa umaga naman ay drug runner sa mga parokyano ng club namin. Noong una hindi ko masikmura ang kalakalang meron sa trabaho ko, ngunit wala akong magawa kundi sumunod sa agos. Kung hindi ko gagawin ay walang mangyayari sa buhay ko. Baka pulutin ako sa lansangan. Mas mabuti nang ganito kaysa walang makain at pagala-gala sa daan at walang matitirhan. Kahit paano ay meron kaming maayos na tirahan at kumakain kami tatlong beses isang araw. Minsan kumakain kami ng masarap dahil malaki ang binibigay ng boss namin sa tuwing maganda ang review sa amin ng mga kliyente.
Ilang araw na lang pala birthday ko na. Ikalabing walong taong gulang ko na.
“Saan ang selebrasyon natin ng birthday mo, Luci?” tanong ni Sergio nang pumasok sa silid ko. Natawa ako.
“May ganun pa?” natatawang sabi ko. Natawa siya. Umupo siya sa nag-iisang silyang nandoon.
“Siyempre naman. Kahit naman ganito tayo kailangan pa rin nating i-celebrate ang kaarawan natin. Ano, inom tayo? Nasa tamang edad ka na para uminom. Tamang-tama day-off naman natin kaya may dahilan tayo para lumabas at mag-celebrate.”
Napakamot ako sa ulo ko. Kapag itong si Sergio ang nag-aya wala akong tanggi. May tama naman kasi siya. Sa kabila ng nangyari sa aming mga buhay, mabuti man o masama ay may karapatan pa rin kaming mag-celebrate ng kaarawan namin kahit masaklap ang naging buhay namin.
“Okay, payag ako,” pagpayag na sabi ko.
“Alright! Mamayang alas sais ang alis natin. May alam akong bar na maganda at siguradong magugustuhan mo roon. Bukod sa maraming iba’t ibang klase ng alak may mga babaeng magaganda roon,” anito. Nangunot ang noo ko. Paano niya nalamang maganda roon?
“Nakapunta ka na ba sa lugar na iyon?” tanong ko.
“May isa akong kliyenteng nagpunta roon. Pinainom niya ako ng masarap na alak. At binigyan pa ako ng babae.”
“Lalaki ang kliyente mo?” pagtataka kong tanong dito.
“Babae ang kliyente ko. Adventurous ang babaeng iyon. Gusto niyang nakikita akong may kasiping na ibang babae. Ibang klase ang babaeng iyon. May saltik yata sa utak,” natatawang sabi ni Sergio.
“Mabuti na lang sa akin medyo matino pa, pero may konting saltik din,” sabi ko.
Nagkatawanan kaming dalawa. Tinatawanan na lang namin ang buhay namin dito sa club. Ano pang silbi kung mag-iiyak kami sa nangyari sa aming mga buhay. Ipagpatuloy na lang namin. Patigasan na lang ng loob at sikmura para mabuhay lang.