Kabanata 1

3251 Words
Nakayuko ako habang naglalakad sa pasilyo ng building sa aking bagong university. Inayos ko ang makapal na salamin sa aking mata upang malinaw na makita ang dinaraanan ko. Natatakot na akong pumasok. Unang buwan ko pa lamang bilang first year college sa kursong Architecture ngunit hindi na naging maganda ang turing sa akin ng mga tao. Hindi ko ba naman kasi maintindihan kay Ate Maricar kung bakit sa ganitong unibersidad niya pa ako gustong mag-aral. Sikat ito at kilala kaya naman halos lahat ng tao dito ay mayayaman. Pakiramdam ko ay hindi ako nababagay dito. Hindi naman kami mayaman. Nagsusumikap si Ate na mabigyan ako ng magandang kinabukasan kaya dito niya ako gustong mag-aral. Tingin niya kasi ay kapag mas popular ang paaralan, mas maganda ang kalidad ng edukasyon. Napailing ako. Kaya kong makuntento kahit nasa state colleges or universities lang ako. Hindi rin naman papahuli ang mga sistema ng edukasyon doon. Atleast kung naroon ako, hindi ko mararamdaman na kakaiba ako. Hindi ako makakaramdam ng pangmamaliit sa aking paligid. Hindi pa mahihirapan si Ate sa mga gastusin ko sa pag-aaral. Pumasok ako sa silid kung saan ang aking unang subject. May iilang tao na rin sa loob at ramdam ko ang bigat ng titig nila sa akin. Nagtungo ako sa dulo at pinakasulok. Malayo sa mga mapanghusgang tingin ng aking mga kaklase. Inayos ko ang mahabang tela ng aking suot na uniform. Sinadya kong pahabaan iyon dahil nahihiya akong suotin ang normal na haba niyon pagkabili ko. Hanggang sa ibabaw ng tuhod ang original na haba niyon at nakakahiya dahil hindi naman maganda ang kutis ko. Mabilis kong tinali ang aking sabog na buhok para walang hadlang sa aking pagsusulat at pakikinig mamaya kapag dumating na ang aming professor. Kinuha ko ang aking maliit na phone para tignan ang aking itsura. Ang aking makapal na kilay ay napakakalat. Ang aking singkit na mata ay natatakpan ng makakapal na salamin. Ang aking ilong na katamtaman ang tangos ngunit may kung ano-anong itim na tumutubo doon. May mga tigyawat din ako sa pisngi hanggang sa aking baba. Ang aking manipis na labing tuyong-tuyo at halos magsugat na. Napahinga ako nang malalim. Paanong hindi ako makakatanggap ng kakaibang tingin sa mga nakapaligid sa akin? Kalait-lait naman talaga ang itsura ko. Hindi ako marunong mag-ayos ng sarili at bukod pa roon ay wala rin akong oras. Wala rin naman akong sapat na pera para makabili ng mga skincare na kagamitan. Ganoon ata talaga, kapag mahirap ka, mahirap ang tyansa mong gumanda. Itinago ko ang aking phone nang dumating ang aming professor. Wala akong katabi sa aking upuan dahil kahit isang buwan na ang nakalipas, wala namang nagtangkang lumapit sa akin para makipagkaibigan. Sanay naman na ako doon. Kahit noong high school pa talaga ay parang outcast na ako sa lahat. Masakit pero sanay na ako. Tahimik akong nagsusulat sa library habang bakante ang aking oras. Hangga’t maaari ay dito ko na tinatapos ang lahat ng mga assignments ko dahil pagkatapos ng klase ay diretso naman na ako sa trabaho ko. Napaigtad ako nang may limang notebook na nilapag sa aking lamesa ang isa kong kaklase sa major subject. Inayos ko ang aking salamin bago inangat ang tingin sa kanya. Tinaasan niya ako ng kilay bago tinapik ang mga notebook. “Gawin mo nga itong assignment namin,” mataray na sabi niya. “S-Sorry pero hindi ko magagawa iyan ngayon. Thirty minutes na lang tapos na ang break ko, may klase na ko ulit.” Natatakot kong sabi dito. Nakita ko ang pagkagalit sa kanyang mukha. “So what? Babayaran ka naman ha!” Masyadong naging malakas ang boses nito kaya naman sinita siya ng librarian. Sinamaan ako ng tingin ng aking kaklase. “Pwede bang gawin mo na lang kasi? We will pay you 500 pesos per notebook.” Napaisip ako sa alok niya. Sinilip ko ang oras sa aking relo at tinantya kung kakayanin ko pa ba iyon. Nang makapagdesisyon ay huminga ako ng malalim. “Sige. Idadaan ko sa table niyo mamaya pagkatapos ko,” nanginginig kong sabi. She had this satisfied smile before walking back to their table. Pinagmasdan ko ang grupo nilang mga babae doon. Ngayon ay prente na silang nakaupo doon habang hawak ang kanya-kanya nilang phone. May nakasalpak pang mga earphone sa mga ito at may iba-ibang ginagawa. Tinignan ko ang limang notebook nila at isa-isa ng inumpisahan iyon. Panay ang silip ko sa oras. Huling limang minuto na lang nang matapos ko ang mga assignments nila. Masakit at pagod na ang aking kamay habang nililigpit ko ang aking gamit. Naglakad ako palapit sa kanila at maingat na nilagay ang mga notebook sa kanilang lamesa. Nag-angat ng tingin sa akin ang mga ito bago ako binayaran. Wala akong narinig na kahit na ano galing sa kanila. Kahit mahinang pasasalamat ay wala. Hinayaan ko na sila doon at nagtungo na sa sunod kong klase. Magandang bagay din ang pagtanggap ko sa mga assignments ng aking mga kaklase dahil nagkakaroon ako ng agarang pera. Malaking tulong iyon para makapandagdag sa baon at tuition ko. Natapos ang klase ko para sa araw na iyon. Inaayos ko ang aking bag nang biglang lumapit sa akin ang aking tatlong kaklase sa huling subject. Iba sila sa grupo ng mga babae na nagpagawa sa akin kanina. “Gawa mo ako ng reflection ha. Babayaran ko sa Lunes,” sabi ng isa at mukhang ganoon din ang balak sabihin ng dalawa pa nitong kasama. Tumango ako sa mga ito at hiningi ang kanilang buong pangalan pati na rin ang kanilang ID number. Pumara ako ng tricycle pagkalabas ko ng unibersidad. Agad akong nagpahatid sa apartment na aking tinutuluyan. Malapit lang iyon dito kaya naman hindi hassle. Minsan kapag walang pera ay nilalakad ko na lamang iyon ngunit dahil may pera ako ngayon, pinili ko na lamang na sumakay. Medyo sumasakit din kasi ang balikat ko sa dami ng isinulat kanina. Mabilis lang akong nagbihis pagkarating ng apartment na aking tinutuluyan. Nagpalit ako ng t-shirt na nagsisilbing uniform sa aking trabaho. Masaya akong naglakad papunta sa malapit na pet shop. Dito ako nakakuha ng part time na trabaho at malaking advantage sa akin iyon dahil malapit lang siya sa aking tinutuluyan. Hindi rin gaanong mahirap ang trabaho dahil kahera lang naman ako doon. Tumunog ang pintuan dahil sa pagpasok ko. Umangat ang tingin sa akin ni Ma’am Irina, ang owner ng pet shop na ito. Siya ay isang veterinarian at siya talaga ang humaharap sa mga tao sa tuwing may nagpapakonsultang aso. Maluwag ang ngiti niya sa akin. “Nandito ka na pala, part-timer!” Iyon ang tawag niya sa akin. Noong una ay naiilang ako dahil pwede naman niya akong tawaging Gabby na lang para hindi mahaba ngunit ito talaga ang gusto niya. Mabait si Ma’am Irina sa akin kaya naman mas na-e-excite pa ako pumasok ng trabaho kaysa sa paaralan. Kung pwede nga lang na dito na lang ako magfull time at sa pag-aaral na lang magpart-time ay ginawa ko na. “Magandang hapon po, Ma’am Irina.” Maligayang bati ko sa kanya. Halos kaedaran siya ng Ate Maricar ko kaya madaling napalagay ang aking loob sa kanya. “Nako mabuti at dumating ka, si Charles ay maagang nag-out kanina. Wala tuloy akong kasama ng dalawang oras.” Napailing ako sa sinabi ni Ma’am. Si Charles ang kapalitan ko dito. Full-time siya dito kaya naman mula alas-otso ng umaga hanggang alastres ng hapon ay siya ang nagkakaha. Ako naman mula alastres hanggang sa alasais ng gabi. Araw-araw na ganoon ang sistema namin. Mabait din si Charles at tinuturing ko siyang kaibigan. Makulit kasi ito at madaldal. Higit pa doon ay hindi ko naramdaman sa kanya ang panglalait sa itsura at katayuan ko sa buhay. Pareho sila ni Ma’am Irina kaya naman napapamahal sa akin lalo ang aking trabaho dito. “May assignment ka ba? Kung meron ay gawin mo na habang wala tayong customer.” Nagpaalam si Ma’am Irina saka pumasok na sa kanyang office. Nakangiting inilabas ko ang mga papel para maumpisahan ang aking assignment, ganoon din ang para sa mga kaklase ko. Sinamantala ko ang pagkakaroon ng internet sa shop kaya naman naging madali ang paggawa ko niyon. Nakakapagod lang at masakit sa kamay dahil apat na reflection ang dapat kong gawin. Tumingala ako at pinatunog ang aking batok. Naramdaman ko ang pangangalay ng aking leeg dahil sa matagal na pagyuko. Itinago ko ang mga papel at ibinalik na iyon sa bag. Ni-lock ko muna ang kaha bago ako tumayo at naglakad-lakad sa paligid ng shop para ayusin ang mga nagulong paninda. Umangat ang aking tingin nang tumunog ang pinto. “Goodafternoon, Sir. Welcome to our pet shop.” Nakita ko ang pamilyar na mukha ng aming regular na customer. Dala niya ang kanyang alagang aso. Isa iyong husky at sa liit niyon ay mukhang isang buwan pa lang ito. Nanganak na kasi ang malaking husky na madalas niyang dala dito. “Si Irina?” Baritono ang boses ni Sir Marco habang nakangiting nakatingin sa akin. Nakaramdam ako ng matinding hiya. Sa madalas kasi na pagpunta niya dito ay namamangha ako sa bait at sa itsura niya. Sa pagkakaalam ko ay pinopormahan niya si Ma’am Irina kaya madalas siya dito. Galing na siya noong isang araw dito habang dala ang ibang tutang husky. Kung normal na tao ka ay sabay-sabay mo na lang dadalhin ang mga alagang tuta para mabakunahan. Hindi ka mag-aaksaya ng oras at gas ng sasakyan para isa-isang dalhin ang mga iyon dito. Halatang nagpapapansin. Tumikhim ako at inayos ang aking salamin. “Tatawagin ko po. Wait lang…” wika dito. Kumatok ako sa kwarto ni Ma’am Irina. Ipinasok ko ang kalahati ng aking katawan sa kanyang office at ibinalita na naririto ulit si Sir Marco. Natawa ako nang umirap siya. Naiinis siyang lumabas ng kanyang silid at hinarap si Sir. Nagtungo ako sa counter at hinayaan silang mag-usap. “Nandito ka na naman? Bakit ba kasi hindi mo na lang dalhin dito lahat ng anak ni Pochi para mabakunahan na lahat. Bibigyan pa kita ng discount!” iritableng sabi ni Ma’am Irina. Pinagmasdan ko ang pagtawang ginawa ni Sir Marco. Lumitaw ang malalalim nitong dimples. Palihim akong napangiti dahil doon. Gwapo talaga itong si Sir Marco ngunit ayon kay Ma’am ay chickboy raw ito. Kaya naiirita si Ma’am Irina sa kanya dahil sa kaalamang iyon. Ang lakas daw ng loob nitong magparamdam sa kanya pero kamakailan lang ay nakita niya raw ito sa isang bar na may kahalikang babae. Napailing ako. “If I do that, then I won’t have any reason to come here and see you again. Baka ma-miss mo naman ako niyan…” ngisi ni Sir Marco dito. Sarkastikong tumawa ang aking boss. “No thanks! Sumunod ka na nga sa akin para mabakunahan na iyang alaga mo at umalis ka na dito!” Sir Marco wiggled his brows. “Mag-ingat ka, baka ikaw ang turukan ng alaga ko.” Hindi ko maiwasang mapatawa mula sa kinauupuan ko. Kitang-kita ko ang pandidiri sa mukha ni Ma’am Irina at mabilis itong nagmartsa papasok sa opisina. Natatawang lumingon sa akin si Sir Marco. Agad akong napatuwid ng upo. “Sungit niya talaga ano? Ganda pa naman,” sabi nito sa akin. Hindi na ako nagsalita sa kanya dahil nahihiya na naman ako. Sumunod na siya sa loob ng opisina. Nakahinga ako nang maluwag. Halata sa kilos niya na babaero nga ito. Lahat ata ng makita niyang magandang babae ay po-pormahan niya. Napatingin ako sa salamin. Dahil sa itsura kong ito, kahit kailan ay hindi niya ako mapagtutuunan ng pansin. Habang buhay ko na lang na itatago sa sarili ko ang paghanga sa kanya. Papanuorin ko na lamang siyang magpalipat-lipat ng babae dahil kahit anong gawin ko, hindi niya ako makikita dahil hindi naman ako ang tipo niya. Ilang minuto ang lumipas nang tumunog muli ang pinto. Pumasok ang isang lalaki dala ang isang shitzu. Napangiti ako dahil napaka-cute ng asong iyon habang naglalakad sa gilid ng kanyang amo. Isa ito sa gustong-gusto ko sa aking trabaho. I get to see different kinds and breeds of animals. Nakakawala sila ng stress sa tuwing nilalaro ko ang mga iyon. “Is the vet available?” sabi ng lalaki. Malalim ang kanyang boses at seryoso ang kanyang mukha. Inayos ko ang aking salamin para makita siya nang maayos. “May client pa po sa loob, Sir. Kung willing po kayo maghintay ay proceed po muna kayo sa lobby,” pormal kong sabi dito habang itinuturo ang mga upuan sa gilid. Tumango ito sa akin. Akmang pupunta na siya doon nang pigilan ko siya. “Ay Sir, bago po ba kayo dito? May record na kayo?” Tumango siya. Tipid akong ngumiti sa kanya saka siya hinayaan na magtungo na doon sa lobby. Kumuha ako ng isang papel para magsilbing fill-up form. I called his attention to fill up this form para maayos at mabigyan ko siya ng membership card. Habang nagsusulat siya ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapagmasdan ang kanyang mukha. Sobrang tangos ng ilong niya at napakakinis ng kutis. Mahaba din ang kanyang pilikmata. Mapungay ang kanyang mata. Ang kanyang labi ay mapula at hindi dry katulad ng akin. Bigla akong nahiya sa itsura ko. Natapos siyang magfill-up. Walang sabi-sabing tinalikuran niya ako saka bumalik sa lobby. Hawak nito ang kanyang cellphone habang nilalaro ang balahibo ng kanyang alagang shitzu. Bumaba ang tingin ko sa papel na hawak. Pinasok ko ang data niya sa aming computer. Nico Alcantara. Twenty-two years old. Daisy ang pangalan ng kanyang alagang aso. Nang matapos kong gawin ang kanyang membership card ay muli ko siyang tinawag. “Sir Nico, ito po ang card niyo ni Daisy para po sa susunod na check up niya or kapag may binili kayo ay may matatanggap kayong points or rewards. You can use your accumulated points to redeem something in our shop," nakangiti kong sabi dito. “Thanks.” Iyon lang ang sinabi niya. Walang bakas ng ngiti at sobrang seryoso lang siya saka muling bumalik sa lobby. Hindi siya gaanong friendly ha. Dahil sa walang ibang tao sa shop bukod sa kanya ay pinagmasdan ko na lamang siya at kanyang alagang aso. Kumakawag ang buntot ni Daisy habang naglalambing sa kanyang amo. She is using her paws to poke him whenever he got busy with his phone. Nakakatuwa dahil tahimik ito at mukhang malambing. Hindi nagtagal ay lumabas na din si Sir Marco. Nakasunod sa kanya si Ma’am Irina na nakabusangot. Mukhang kung ano-ano nanaman ang sinabi niya sa aking boss kaya high blood na naman. Inabot ni Ma’am Irina sa akin ang papel para sa dapat kong isingil sa lalaki. “Ma’am, may new client po tayo. Nagawan ko na po siya ng membership card. Nandoon po siya sa lobby.” Tumango sa akin si Ma’am saka tinawag ang sunod na client. Bago tuluyang pumasok ay tumingin sa akin si Ma’am. “Huwag mo nang hayaan iyang lalaking iyan na manatili dito sa shop. Pagkatapos magbayad ay paalisin mo na.” Sa huli ay inirapan niya si Sir Marco na ikinatawa naman nito. Bumaling ako dito at nakitang natatawa pa rin ito. Nagtama ang aming mata ngunit agad din akong yumuko at inasikaso ang kanyang babayaran. Kinakabahan ako habang inaayos iyon. Natatakot akong magkamali at mapahiya kaya naman medyo napatagal ako sa aking ginagawa. “You’re shaking, are you okay?” Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Napasinghap ako nang hawakan niya ang malamig at nanginginig kong kamay. “Why don’t you lower down your aircon? Nilalamig ka na eh.” Mabilis kong binawi ang aking kamay. Malalakas ang kabog ng aking dibdib. Pakiramdam ko ay lalo akong nanginig kahit ramdam ko na sa aking batok ang maliliit ng butil ng pawis. “Ayos lang po, Sir. Three thousand fifty po lahat including the vitamins.” Mahina kong sabi dito. Hindi ko siya magawang tignan sa mata kaya naman itinuon ko na lamang ang tingin sa alaga niya. Doon sa aso niya. He handed me four thousand pesos. Matapos kong ibigay sa kanya ang sukli ay muli niya akong nginitian. Bumaba ang tingin niya sa nameplate na nakalagay sa aking dibdib. “Thank you, Gab.” Tumalikod na siya at lumabas ng shop. Napahawak ako sa aking dibdib. Sumikdo ang aking puso dahil sa pangalan na itinawag niya sa akin. Gabriella ang buo kong pangalan ngunit nakasanayan ko ang Gabby bilang palayaw na tinatawag sa akin ng aking mga magulang at maging ni Ate. Siya lang ang tumawag sa akin ng Gab at hindi ko maipaliwanag kung bakit gustong-gusto ko iyon. Gusto ko siya lang ang tatawag sa akin ng ganoon. Sunod na lumabas ang bago naming client. Pormal silang nag-uusap ni Ma’am Irina. Katulad kanina ay binigay niya ang papel kung saan nakasulat ang babayaran ni Sir Nico. Tahimik lang itong naghihintay sa akin. “Two thousand pesos po lahat.” Kinuha niya sa bulsa ang kanyang wallet at binigay sa akin ang pera. Habang ginagawa niya iyon ay lumuwag ang pagkakahawak niya sa alagang si Daisy. Tumakbo iyon palapit at papunta sa akin. Napangiti ako nang dilaan niya ang sapatos na aking suot. Lumuhod ako at binuhat siya. Dinilaan niya ang aking mukha. Mabilis kong nahawakan ang aking salamin dahil muntikan pa iyon mahulog. Natawa ako dahil sa kiliting naramdaman. Mabilis niyang kinuha si Daisy sa akin. “I’m sorry about that.” Pinagsabihan niya si Daisy ngunit nakatingin lamang sa akin ang aso. Mabilis ang kawag ng kanyang buntot at ang dila nito ay nakalabas. Tila nakangiti ito sa akin. Inabot ko ang resibo sa kanya. “Ang cute niya naman po, Sir," nawiwiling sabi ko dito. Hinaplos ko ang mukha ni Daisy at agad niya namang dinilaan ang kamay ko. Mabuti at hindi ito takot sa ibang tao. Tipid lang na ngumiti si Sir Nico saka nagpaalam. Pinanuod ko silang lumabas ng shop. Buhat nito si Daisy habang ang mukha ay nasa balikat. Nakatingin ito sa akin at nakangiti pa rin habang nakalabas ang dila. Napaka-cute naman ng shitzu na iyon! Tinulungan ako ni Ma’am Irina sa pag-aayos ng shop. Magsasara na kami para sa araw na iyon. Pinatay niya ang aircon habang sinisikop ko ang aking gamit. Nilagay ko sa kanyang box ang lahat ng pera para sa araw na iyon at binigay sa kanya. “Thank you, part-time! Have a good weekend.” Kumaway ako kay Ma’am Irina habang hindi pa nakakalayo ang kanyang sasakyan. Nang mawala sa aking paningin iyon ay niyakap ko ang bag na aking dala saka sinimulang maglakad pauwi. Ang bilis talaga ng araw. Friday pala ngayon kaya wala akong pasok sa trabaho maging sa paaralan. Pahinga ko ang araw na iyon bukas at sa linggo. Pagdating ko sa labas ng aking tinutuluyang apartment ay nakita ko si Lola Grace sa katabing unit ko. Mukhang may hinihintay ito dahil may hinanda pa siyang upuan sa labas ng kanyang unit at prenteng nakaupo doon. “Magandang gabi po sa inyo, Lola.” Maaliwalas ang kanyang ngiti sa akin. “Magandang gabi din saiyo, iha. Kumain ka na ba? Saluhan mo ako, tara.” Malugod kong tinanggap ang paanyaya niya. “Salamat po, Lola.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD