Kabanata 2

3290 Words
Bumungad sa akin ang masasarap na pagkain sa lamesa ni Lola. “Ano pong meron, Lola? Ang dami niyo pong pagkain!” Naramdaman ko ang matinding gutom. Bumungisngis si Lola sa akin. “Iha, kaarawan kasi ng apo ko ngayon. Naisip kong maghanda kahit pa malayo ako sa kanya. Saka naisip kong nariyan ka naman para tulungan akong maubos ang mga ito. Kung hindi man maubos ay iuwi mo para may makain ka bukas.” Nagtataka ko siyang tinignan. “Bakit po hindi ka niya binisita? Sabi niyo ay binata naman na iyon,” wika ko dito. Sa totoo lang ay naiirita ako sa pamilya ni Lola Grace. Hinahayaan nila ang matanda na mamuhay nang mag-isa dito. Hindi sapat na binibigyan lang nila ito ng maraming pera. Hindi sapat na napakaganda ng kanyang apartment. Kailangan niya ng makakasama, kahit na hindi pa ganoon katanda si Lola Grace ay dapat hindi siya hinahayaan na mag-isa. Paano kung may manloob sa kanya dito? Paano kung magkasakit siya? Hindi ba nila naiisip iyon? Lalo na ang hinayupak na apo ni Lola. Alam ko kung gaano kamahal ni Lola ang apo niyang iyon dahil bakas sa mukha nito ang saya sa tuwing ikinukwento niya iyon sa akin ngunit tama bang hindi niya bisitahin ang Lola niya ngayon? Nakakainis! Ang swerte niya nga at may pamilya pa siya. Ako kasi wala. Si Ate Maricar na lang ang meron ako. Namatay ang mga magulang namin noong bata pa ako. Wala na kaming balita sa iba pa naming pamilya kaya nagsikap ang Ate para mabuhay kaming dalawa. Tumigil siya sa pag-aaral at pumasok sa kahit anong trabaho para may makain kami sa araw-araw. Ilang taon siyang naghirap sa ganoong sitwasyon hanggang sa makatanggap siya ng offer sa Japan na agad din naman niyang tinanggap. Sa ngayon ay pitong taon na si Ate doon habang ako ay naiwan lamang sa apat na sulok ng apartment na ito. Sa murang edad ay natuto akong mamuhay ng mag-isa. Grade 5 ako noon at laging sa school at bahay lang ang punta ko. Takot akong magpunta kung saan-saan katulad ng mga kaedad ko dahil wala naman na akong iba pang kilala dito sa Maynila. Ako ang gumagawa ng diskarte para sa mga kakainin ko, ganoon din sa kakailanganin ko sa paaralan. Ang tanging pinanghahawakan ko lang noon ay ang palaging sinasabi sa akin ni Ate Maricar. “Gabby, aalis ang Ate ha? Kukunin ko ang trabahong inaalok sa akin sa Japan. Para ito sa kinabukasan mo. Mahihirapan akong kumita ng pera dito dahil hindi naman ako nakatapos.” Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko. Bakas sa kanyang mata ang namumuong luha doon. Tahimik akong umiiyak at sinisikap na pakinggan at intindihin ang sinasabi niya. “Gabby, kailangan ko na magpakatatag ka. Mahal na mahal ka ni Ate kaya ko gagawin ito. Naniniwala naman ako na kaya mo ang sarili mo. Matalino kang bata. Pangako ko sayo, kapag nakapag-ipon na ako nang malaki ay uuwi din ako kaagad. Ayokong malayo sayo ngunit kailangan kong gawin ito. Kung pwede lang kitang isama ay dadalhin din kita talaga doon ngunit bawal, Gabby. Sana maintindihan mo ko,” mahabang paliwanag nito. Humagulgol siya sa harap ko. Niyakap niya ako nang mahigpit. Ganoon din ang aking ginawa sa kanya. Nagtagal iyon ng ilang minuto at siniguro kong namnamin ang oras na iyon dahil malapit na siyang umalis. Mabuti na lamang at nandito si Lola Grace. Siya ang madalas na umaalalay sa akin noon. First year highschool ako nang lumipat siya sa aking katabing unit. Nang malaman niya na mag-isa lang ako doon ay nahabag siya sa kalagayan ko. At first, I was hesitant to tell her our story because she’s a stranger to me. Natatakot akong magtiwala sa ibang tao. Iyon ang itinatak sa akin ng kapatid. I should only trust myself and nobody else. Palagi niya akong hinahatiran ng pagkain. Minsan pa ay binibigyan niya ako ng pagkakataon na makitulog sa kanya para lang may makasama ako. Minsan ay mawawala siya sa kanyang unit ng ilang linggo ngunit sa tuwing bumabalik siya ay marami na siyang dalang gamit at pagkain para sa akin. Sobrang malaki ang pasasalamat namin sa kanya ni Ate Maricar. Kung hindi siguro dahil kay Lola ay baka hindi ko rin kakayanin na mabuhay mag-isa. “Alam mo Gabby, hindi naman ako kailangan puntahan dito ng apo ko o ng kahit na sino sa pamilya ko. Kaya ko pa naman mag-isa. Saka okay na sa akin ang matawagan sila o di kaya ‘yung video call ba iyon? Nagkakakitaan naman kami doon kaya ayos lang.” Huminga ako nang malalim. “Basta po kapag may kailangan kayo o may naramdaman kayong kakaiba, tawag lang din po kayo sa number ko o katukin niyo lang po ang pinto ko. Ako na lang po muna ang apo niyo,” masayang ngumiti si Lola sa akin. Sinandukan niya ako ng mga pagkain na alam niyang paborito ko. Nagsimula kaming magkwentuhan tungkol sa nangyari sa araw ko. “Apo, hindi mo dapat hinahayaan na abusuhin ka ng mga kaklase mo. Matalino kang bata at nasubaybayan ko iyon habang lumalaki ka. Matuto kang lumaban kapag inaapi ka na,” naaaburidong sabi ni Lola. Natawa ako sa kanya dahil mukhang mas galit pa ang matanda kaysa sa akin. “Lola, ayos lang naman po. Dagdag pera rin iyon. Ilang linggo na lang po at bayaran na naman ng tuition ko, nakakahiya naman po kay Ate Maricar kung hihingiin ko sa kanya lahat,” mahinahon kong paliwanag. “Magkano ba ang pinapadala sayo ni Maricar? Dadagdagan ko na lang. Aba, hinayaan ka na nga namin ng Ate mo sa kagustuhan mong magpart time job tapos tatanggap ka pa ng mga assignments ng mga kaklase mo? Paano naman ang oras ng pahinga mo niyan?” nag-aalalang wika nito. Pakiramdam ko ay may humaplos na mainit na kamay sa aking puso. I can feel her care for me. Kahit pa hindi niya ako kadugo ay ganoon na lamang ang pagpapakita niya ng halaga sa akin. Hindi siya nag-atubiling alagaan ako habang lumalaki kahit hindi niya naman ako kilala. Sobrang nagpapasalamat talaga ako sa kanya. Hinawakan ko ang kamay niyang nakapatong sa lamesa. Maingat kong hinaplos iyon saka ngumiti sa kanya. Napatigil siya sa pagrereklamo at tumitig sa akin. “Lola Grace, salamat po sa lahat ng ginawa niyo sa akin. Salamat din po sa pag-aalala pero ayos lang po talaga ako. Hindi naman po nila ako sinasaktan. Hanggang tingin lang naman po sila sa akin at sanay na ako doon. Huwag po kayong mag-alala, sa oras na may manakit sa akin ay lalaban po talaga ako,” sabi ko na lang dito kahit hindi ako sigurado doon. Hindi ako sanay sa ibang tao at natatakot ako sa mga kaklase ko sa mga maaari nilang magawa sa akin. Alam ko agad ngayon pa lang na kapag sinaktan nila ako ay baka hindi ako makapalag. Ganoon ako kawalang tiwala sa sarili ko. Sobrang baba ng confidence at self-esteem ko. Dala na rin siguro ng nakasanayan ko. “Gabby, napamahal ka na sa akin. Para na kitang tunay na apo. Sabi ko nga sayo ay irereto ko sayo si Cocong para maging legal na apo kita eh.” Natawa ako sa sinabi niya. Sa tuwing ikukwento niya ang kanyang apo sa akin ay hindi nawawala ang mga hirit niya tungkol sa amin. Pasimple niyang hinihiling na magkatuluyan kami ng Cocong na iyon. Natatawa nalang ako dahil wala akong alam sa itsura niya ngunit itong si Lola ay panay reto sa kanya. Ganoon din siya, batid kong sinasabi din ni Lola ang tungkol sa akin doon sa apo niyang iyon. Nakakahiya dahil hindi ako maganda. “Lola naman. Nakakahiya,” natatawa kong sabi. “Anong nakakahiya? Ang sabihin mo may iba ka kasing napupusuan kaya hindi mo kinokonsidera ang Cocong ko.” Mabilis na umarteng nagtatampo si Lola. Lumakas ang aking tawa. “Ang gwapo po ni Sir Marco, Lola. Sayang lang kasi hindi ako maganda. Hindi niya tuloy ako mapansin.” Humaba ang nguso ni Lola. “Gwapo din si Cocong! Engineer pa kaya wala ka ng hahanapin sa apo ko. Sobra-sobra din magmahal iyon.” Napailing na lang ako. Nagtuloy-tuloy ang kwento niya tungkol sa kanyang apo. Kahit hindi pa kami nagkakaharap ng Cocong na iyon ay nasisigurado kong makikilala ko siya dahil halos alam na alam ko na ang lahat sa kanya. Hindi nga lang ipinapakita sa akin ni Lola ang itsura nito ngunit hindi rin naman ako kuryosong makita. Busog na busog ako pagkapasok ko sa unit. Nilagay ko sa ref ang limang tupperware na pinahiram ni Lola Grace. Malaki ang matitipid ko sa pagkain nito dahil buong araw akong may pagkain bukas. Ang bait bait talaga ni Lola. Humiga ako sa aking kama at nagpahinga. Ngayon ko naramdaman ang pagod para sa araw na iyon. Ang daming nangyari sa araw na ito at talagang nakakapagod kaya naman mabilis akong hinila ng antok. Nagising ako sa malakas na pagtunog ng aking phone. Pinunasan ko ang aking mata bago tinignan ang aking phone. Naningkit ang aking mata dahil bukod sa talagang malabo iyon, lalo pa iyong nanlalabo dahil kakagising ko lang. Naaninagan ko ang pangalan ng caller. Si Ate Maricar iyon. “Hello, Ate?” Namamaos pa ang aking boses. Sinilip ko ang oras at nakitang alasnuebe na ng umaga. Napasarap ang tulog ko. Sobra talaga akong napagod kahapon. Madalas ay alasais o alasiete pa lang ay gising na ako kapag weekends para maglinis ng bahay. “Gabby? Natutulog ka pa ba?” Napangiti ako nang marinig ang malamyos na tinig ni Ate Maricar. Halos dalawang araw din siyang hindi nakatawag sa akin. Siguro ay naging abala nanaman sa kanyang alaga. Domestic Helper si Ate Maricar sa Japan. Sa pagkakaalam ko ay may inaalagaan siyang matanda sa isang pamilyang nakatira doon. Pinoy din daw ang mga iyon ngunit sa Japan lang nakabase dahil sa negosyo ng pamilya. Maayos ang pakikitungo ng mga ito sa aking kapatid kaya naman halos pitong taon na itong nagsisilbi sa kanila. Mabait din ang pamilya nito para alukin si Ate ng scholarship kaya naman nagawa niya pang makatapos ng pag-aaral doon. Hinahayaan din siya ng mga ito na umuwi tuwing Pasko hanggang sa Bagong taon. Noong huling uwi niya ay marami siyang dalang pasalubong para sa akin dahil binigyan daw siya ng malaking halagang pera ng kanyang mga amo para makapag-celebrate ng maayos. Alam kong malaki na ang naiipon ni Ate para sa balak nitong business ngunit nakaatang pa rin ang responsibilidad niya sa akin kaya naman hangga’t maaari ay hindi na ako nagpapabigat sa kanya. Napapayag ko siya na magtrabaho ako kahit part-time lang. Labag iyon sa loob niya dahil ayaw niyang mahati ang focus ko sa pag-aaral ngunit nangako ako sa kanya na hindi ako magpapabaya sa pag-aaral ko kaya naman sa huli ay pumayag na din siya. “Kakagising ko lang po. Medyo napagod lang kahapon.” Hindi alam ni Ate ang tungkol sa pagtanggap ko ng mga assignments ng mga kaklase ko. Sana lang ay hindi sinabi ni Lola Grace dahil kapag nalaman iyon ni Ate ay baka mapagalitan ako ng wala sa oras. “Gabby naman, diba nga sabi ko sayo huwag ka ng magpart-time? Napapagod ka na tuloy ng sobra. Dapat magfocus ka sa pag-aaral mo. Kung noong highschool ka ay hinayaan kita, ngayong college ka na ay dapat iyan na lang ang iniisip mo. Mas mahirap na ang college, Gabby. Nangangailangan pa ng maraming oras iyang kurso mo.” Kahit pinapagalitan ako ni Ate ay mahinhin pa rin ang kanyang boses. “Ate, hindi naman po dahil sa trabaho kaya ako napapagod. Medyo marami lang po akong assignments na ginawa kahapon.” Kasama na ang sa mga kaklase ko doon eh. Pero okay na rin, ang mahalaga may extrang pera. Narinig ko ang buntong-hininga niya sa kabilang linya. “Siguraduhin mo lang ha? Ayokong napapagod ka. Baka magkasakit ka sa ginagawa mong iyan. Sino na lang mag-aalaga saiyo niyan? Wala ako diyan, Gabby. Alagaan mo ang sarili mo ha?” Napailing ako sa sinabi niya. “Opo. Kamusta ka naman diyan, Ate?” tanong ko dito Masayang nagkwento sa akin si Ate. Nagbirthday daw ang apo ng alaga niya noong isang araw kaya hindi ito nakatawag sa akin agad. Ramdam ko sa boses ni Ate ang pagkamangha habang kinukwento ang bawat pangyayari sa birthday party. Sabi niya ay gusto niya din daw paghandaan ang debut ko dahil nainspire daw siya sa nakita niya. Maghahanda din daw siya ng ganoon kaenggarande. Hindi ko alam kung maiinsulto ba ako o matatawa sa naiisip ng aking kapatid. Ni wala nga sa isip ko ang paghahanda sa bawat birthday ko, kahit pa debut. Nakakakita ako ng mga ganoon sa minsang pagbubukas ko ng f******k sa pet shop. Magaganda ang mga babaeng nagdiriwang ng kaarawan, halatang pinaghandaan ang make-up, gowns at maging ang venue. Tingin pa lang ay alam ko na agad na sobrang magastos iyon kaya wala sa isip kong mangyayari iyon sa akin. Saka baka magsiuwian ang bisita kapag nakita nila akong naka-make-up at gown. Imbis na debut iyon ay baka isipin nilang children's party dahil mukha akong clown. “Ate naman, ipunin nalang natin ang pera para sa tuition ko.” Mahinhing tumawa si Ate. “Ano ka ba naman, Gabby? Matagal pa naman iyon. Tatlong taon pa kaya mapag-iipunan ko iyan kasabay ng pag-aaral mo. I want to give you the best. I want you to experience everything that I haven’t. Hayaan mo na ko,” pakiusap niya sa akin. Pinalagpas ko na lang muna iyon dahil matagal pa naman, baka makalimutan niya rin paglipas ng taon. Matapos ang ilan pang kamustahan ay binaba na ni Ate ang tawag dahil kailangan na raw siya ng kanyang alaga. Ako naman ay tuluyan nang bumangon para kumain. Ininit ko ang isang ulam para makakain na. Kailangan ko ng lakas para sa umaga na ito dahil maglilinis ako ng bahay. Tuwing weekends lang kasi ang oras ko na maglinis. Tambak na din ang labahan ko kaya naman kailangan ng umpisahan. Hapon na ako natapos sa lahat ng gawain. Sumalampak ako sa sala dahil sa pagod. Binuksan ko ang TV at nagpahinga muna bago maligo. Amoy pawis at ang baho ko na talaga. Naghanap ako ng magandang palabas. Napahinto ako sa isang channel kung saan may nakita akong pamilyar na lalaki. Si Sir Marco iyon at nakangiti ito habang iniinterview ng isang babae. Nagulat ako na makita siya sa TV. Ang palabas na iyon ay isang show kung saan inaanyayahan ang mga business owners para maifeature ang kanilang mga pinagkakakitaan sa buhay. Interesado akong nanuod at nakinig sa interview. Pangalan, mukha at alagang mga aso lang ang alam ko tungkol sa kanya at ito na ata ang pagkakataon para may bagong malaman tungkol sa kanya. He is a business owner of several food chains here in the country and around Asia. Sa ngayon ay siya na ang namamahala sa isang kumpanya nila dito sa Manila at ang kanyang magulang naman ngayon ay nakabase sa Japan. Puro Japanese restaurant ang kanilang pagmamay-ari at talaga namang tinatangkilik iyon ng maraming tao. Sa ngayon ay may mga franchise na ng restaurant nila sa mga naglalakihang malls sa buong Pilipinas. Nakatatak na din sa mga tao ang magandang reputasyon nito. “Mr. Marco De Guzman, maiba lang po tayo ano? You’re one of the hottest bachelor in the country at usap-usapan din talaga palagi sa tuwing may na-li-link sa inyong babae ngunit ni isa doon ay walang confirmed.” Natawa si Marco doon sa sinabi ng babae. Ang killer smile nito ay talagang agaw-pansin. Ang malalim nitong dimples ay nakalitaw na naman. “May girlfriend po ba kayo ngayon?” Mapaglarong tanong ng interviewer. Nilaro ko ang aking kamay habang nag-aabang ng sagot sa kanya. Hindi ko malaman kung bakit kinakabahan ako. Para namang may kinalaman ako doon. Asa naman. Humalakhak si Sir Marco. Pasimple niyang inayos ang kanyang buhok bago sumagot. “Alam niyo, medyo friendly lang talaga ako sa girls. Nagugulat na lang din ako na may na-li-link sa akin pero wala po akong girlfriend ngayon.” Nakahinga ako nang maluwag. Napailing ako, friendly raw pero may kahalikan sa bar. Natapos ang interview at ibang business naman ang na-feature. Pinatay ko na ang TV dahil na-bored na ako. Habang naliligo ako ay inisip ko ang mga nalaman ko kay Sir Marco. Halos kaedaran siya ng Ate ko at ang laki ng agwat naming dalawa. Napatawa ako. Ano ba naman itong iniisip ko, umaasa ba talaga ako na mapapansin niya ako? Sa pangit kong ito? Pagtapos maligo ay nagbihis ako at humarap sa salamin. Bakit ba kasi hindi ko naging kapareho ng mukha si Ate? Lahat ng ganda ay napunta sa kanya. Napakakinis niya at maputi pa. Akala mo ay hindi tinutubuan ng tigyawat. Samantalang ako ay halos di mawalan ng tigyawat sa baba at pisngi. Hindi naman sila ganoon karami pero lagi talagang may kumakaway na tigyawat sa aking mukha. Napakarami ko ding black heads sa ilong. Nang maasiwa sa aking mukha ay tinignan ko na lang ang aking mga gamit kung meron pa ba akong mga assignments na hindi pa nagagawa. Mukhang okay naman na ang lahat dahil natapos ko na pala iyon kahapon sa pet shop. Kinabukasan ay wala akong magawa kaya naman naisipan kong mamasyal na muna sa mall. Libangan ko ito sa tuwing nababagot ako sa apartment. Wala naman kasi akong magandang cellphone at lalong hindi ako gumagastos sa internet kaya naman wala akong magawa habang nasa apartment. Wala namang magandang palabas sa TV kaya naiisipan kong umalis na lang. Nakasuot ako ng sumbrerong itim para matakpan ang pangit kong mukha, maluwag na pantalon na halos sumayad na sa sahig at malaking tshirt na halos umabot na sa aking hita. Alam kong ang pangit tignan ngunit kumportable ako sa ganito, samahan pa ng halos butas ng sapatos. Pansin ko agad ang kakaibang tingin sa akin ng mga nakakasalubong ko. Katulad nga ng sabi ko ay sanay naman ako. These are my comfort clothes and I love wearing them. Pumasok ako sa entrance ng mall ngunit hinarang ako ng gwardya. “Miss, bawal mga jejemon dito. Gagawa na naman kayo ng eksena sa loob. Doon kayo sa kalsada mag-picture-picture ng ganyang itsura.” Bumaba ang tingin niya sa aking suot saka bahagyang nakipagtawanan sa isa pang guard. Nakita ko ang tinginan sa akin ng ilang mga tao at tulad ng mga gwardya ay nagbubulungan at nagtatawanan din ang mga ito. Pakiramdam ako ay napahiya ako nang sobra dahil sa sinabi at ginawa ng mga gwardya. “H-Hindi naman po ako gagawa ng eksena sa loob. Ito lang po talaga mga damit ko. May bibilhin lang po ako.” Nanginginig kong sabi dito. Hindi ako pinansin ng dalawang gwardya at nagtawanan lamang ang mga ito habang sinenyasan ang mga nakapila sa aking likod para paunahin ng papasukin. Naiiyak na ko dahil labis na akong napapahiya sa ginagawa nila. Gusto ko lang naman makapamasyal sa loob. Bakit kailangang ibase sa panglabas na anyo ang pagpapasok sa mall? Wala naman akong dalang armas o patalim. I’m harmless. Hindi lang maayos ang itsura ko at wala na akong magagawa para sa bagay na iyon. “Excuse me… you’re the cashier from Irina’s pet shop right?” Umangat ang aking tingin sa lalaking nagsalita. Inayos ko ang aking salamin para mamukhaan iyon. Si Sir Marco De Guzman. Humarap siya sa mga gwardya. Seryoso ang kanyang mukha sa mga ito. “Why are you not letting her to come inside? Where’s the head of security? Irereport ko kayong dalawa. This is bullying.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD