At parang pangkatapusan ay minarapat naming daliriin din ang mga
sumusunod:
LAURA. Para kay Balagtas, ang "Laura" ay maaaring gawing dalawa o
tatlong pantig. Tatlo sa ganitong halimbawa at iba pa:
"Uala na Laura,t, icao nan~ga lamang
ang macalulunas niyaring cahirapan"...
nguni't dalawa namang pantig sa susunod na halimbawa at sa iba't iba
pa:
"N~gunî !sa abáco! !ay sa laquing hirap!
ualâ na si Laura,i, !aquing tinatauag!"
Ano pa't ang "Laura" ay napahahaba niya at napaiikli, na gaya rin
naman ng:
CIUDAD. Maikli sa ganitong halimbawa at iba't iba pa:
"Dî cong acó poo,i, utusang mang-gúbat
nang Harî mong Amá sa alin mang Ciudad...?"
dadalawang pantig at maikli nga lamang dito; nguni't sa susunod na
halimbawa at sa iba't iba pa ay pinahaba naman at ginawang tatlo:
"putong na turbante ay calin~gas-lin~gas,
pananamit moro sa Persiang Ciudad".
at gayon din, pinahaba rin, sa ganito:
"...masayáng Ciudad na lúpà ni iná?
disin ang búhay co,i, dî lubháng nag dusa".
Pinapaging anim nga ang limang pantig na "masayáng Ciudad"; kaya, ang
ginawa ni P. Sayo ay pinangunahan ng "sa" ang "masayang Ciudad",
ginawang anim; nguni't sapagka't wala nang magawang pagdaragdag sa
lilima ring "sa Persiang Ciudad" (sa una) ay pinabayaang gaya rin nang
dati at di dinagdagan.
RUBE. Sa aming sipi ay "rube" ang nakalagay, at hindi "rubí" gaya ng
nasa iba. Walang makatitiyak kung alin ang katotohanan, bagama't ang
"rubi" ay siyang wasto't tama.
BINALAT-CAYO. Sa aming sipi ay may "capucha" o kudlit na biglang
paimpit ang "yô"; kaya, tumutunog na pabigla at paimpit sa lalamunan
ang pagbigkas. Nguni't, ayon sa tulang ito:
"Dito na nahubdan ang cababayan co
n~g hirám na bait na binalat-cayo"...
ang "binalat-cayo" ay hindi gaya ng atin ngayon, na paimpit nga ang
pagbigkas sa "yo". Maliwanag ngang nang panahong yaon ni Balagtas, at
maging nang panahon nina Noceda at Sanlucar, ang salitang iyan ay
pabigla lamang, nguni't hindi paimpit, gaya ngayon. Walang kaibhan sa
"taliba"--na ginagawa na ngayong "talibà" ng mga may mahihinhin at
binabaing dila. At makikita nati't ganyan ding kapalaran ang sasapitin
ng "bini-bini"--na sapagka't kawangis ng "mabini"--ay binibigkas na
ring paimpit sa dulo. Bukas-makalawa ay maririnig na nating
"kabinibian" ang "kabinibinihan" ngayon.
BIANAN. Ano ang lasa ninyo sa "titic ng Monarcang caniyang bianan"?
Ito ay nakasulat na "bienan" sa iba, bagama't sa matandang diksionario
ay talagang "bianan"; ano nga sa pangdingig ninyo ang "caniyang
bianan"? Maikli baga o sukát na?
Sa pakinig namin ay maikli, gaya rin naman ng "itinapon" sa tulang:
"Touáng pan~galauá cong hindî man Lan~git
ang itinapon nang mahinhing titig"...
nguni't ang "itinapong" ito ay napaghahalatang kamalian lamang ng
limbagan, at dapat basahing "itinatapon".
LAHI. Tila mali, tila hindi "lahì" kundi kaipala ay "lakì" ang nasa
sumusunod na tula:
"at sa ca-auay ma,i, dî co ninanais
ang lahì ng dusang aquing napagsapit".
tila nga lalong tama riyan ang "laki ng dusang aking napagsapit";
nguni't ano at "lahi" ang naririyan? Hindi kaya mali? Siyang nasa
lahat na. Mahirap ngang maging mali. At sa katotohanan ay talagang
hindi nga mali. "Lahi" ngang talaga, at ang katagang iyang kay
pagkagandaganda ng pagkakagamit diyan, ay di kaya pinananaghilian ng
ating mga makata ngayon?
DIGMA. Sa tulang:
"siyang paglusob co,t, nang hucbong aquibat
guinipit ang digmáng cumubcób sa Ciudad".
ang "digma" riyan ay di siyang nalalaman natin ngayon, kundi
kasingkahulugan ng "hukbo", sapagka't hukbo lamang ang maaaring
kumubkob sa isang siudad. At maliwanag na hindi kasingkahulugan ng
"guerra", gaya ngayon, sapagka't sana ay hindi na ginamit ni Balagtas
ang salitang "guerra".
NALAGALÁG. Isa ring kataga ito, na sa tulang:
"Sa caliua,t, cánan niya,i, nalagalág
man~ga soldados cong pauang mararahás"...
ay lipas na ngayon. Iba sa "naglagalag", "nagyao't ditong walang tiyak
na patutunguhan" o "naghampas-lupa"; nguni't mapaghahaka nating
kasingkahulugan ng "napatalatag" o "nátalatag".
TINAMPAL. Sino nga ang tumampal at sino naman ang tinampal? Sa sipi
namin ay ganito ang nakalagay:
"Pupugutan dahil sa hindi pagtangáp
sa sintang mahalay nang Emir sa Ciudad,
nang mag-ásal hayop ang morong pangahás
tinampál sa muc-hâ ang himalang dilág".
Ganito rin ang kay P. Sayo, at lumalabas na ang himalang dilag na si
Laura ay siyang tinampal. Ganito rin ang kay De los Santos. Nguni't
kung pakasusuriin natin ay tila mahuhulog tayo sa paniwalang tama ang
nasa "Kun sino ..." na ang tumampal ay ang "himalang dilág".
Tinampal ang morong pangahas, sapagka't nag-asal hayop; at dahil sa
pagkakatampal ay napoot ang Emir at ipinag-utos na pugutan ang
"himalang dilág". Ang tampal ay siyang tanda ng "hindi pagtangap sa
sintang mahalay nang Emir sa Ciudad".
At ano ang sabi ninyo sa:
"Umupo,t, quinalong na naghihimutoc,
catauan sa dusa hinin~ga,i, natulog"...
at saka sa:
"N~guni't, sa púsò co,i, matamís pang lubhà
natuloy naquitíl ang hinin~gang abà"...
ano nga ang inyong sabi tungkol sa dalawang iyan? At ano ang inyong
lasa? Sa una ay may kaunting kabaguhan, sa palimbag ni P. Sayo, ang
huling talata ay ginawang "katawan sa dusa'y hininga'y natulog";
nguni't binago man ay tila kasinglasa rin ng "matamis pang lubha
natuloy naquitíl ang hiningáng aba". Mga tulang inabot ng "tabsing sa
dagat", mga lipad na sa kaitaasa'y inabot ng pagkahapo; opo,
pagkahapo, gaya na nga nitong inyong lingkod, na nahahapo na at
kinakapos; kung kaya, tinatapos na rito ang mga paliwanag na ito.
Lubha ngang kanaisnais, kung sa likod ng mga pagpapagod na ito ay
matuklasan at mapagsamasamang panibago ang lahat nang sangkap, na
waglitwaglit ngayon ng dakilang likha ni Balagtas, upang ang walang
kahambing na Monumento ng Panitikan at ng Lahing Tagalog ay muling
maibangong gaya rin nang dati.
Carlos RONQUILLO
Sept. 1921.
tunay na sipi.
3-9-65
rop
End of the Project Gutenberg EBook of Florante at Laura, by Francisco Baltazar