chapter 1
Nang kalahatian ng 1906, na lumabas sa larangan ng Panitikang Tagalog
ang mahalagang aklat ng _"Kun sino ang kumatha ng Florante"_, ni
G. Hermenegildo Cruz, ay sinasabing may mga 106,000 nang salin ng
"Florante at Laura" ang naipalilimbag ng iba't iba; at sapul noon
hangga ngayon ay marami na ring taón ang nagsipagdaan, at sa loob ng
panahong iyan--lalo na nga't kung aalagataing siyang panahon ng
kaunlaran ng Panitikang Tagalog at ng kasiglahan sa pagbabasá at ng
pag-uumalab na lalo ng pagmamahal sa ating walang kahambing na
Makatang Francisco Baltazar--ay walang alinlangang sa datihang bilang
ng 106,000 ay di na rin kakaunti at di na iilang libo ang naparagdag
pa.
At sa harap ng kasiglahang iyan ay mapaghahalatang nagkaroon din ng
ibayong sigla ang nagsisipagpalimbag. Isa't isa ay gumagawa ng
kanikanyang kaya, upang mapalitaw na kalugodlugod ang "Florante at
Laura". Ngunit sa likod ng kasiglahang iyan at kapuripuring
pagpupunyagi ay kasakitsakit sabihing wari'y naipagwawalang bahala
kung minsan ng ilan yaong tagubiling:
"Di co hinihinging pacamahalin mo tauana,t, dustain ang abang
tula co gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyo ay houag mo lamang
baguhin ang verso".
Naipagwawalang bahala? Walang alinlangan. Pinatutunayan ng mga
pangyayari. Nguni't maaari namang paniwalaang hindi sa atas ng
masamang hangad na "paalatin ang matatamis na tula" kundi bagkus pa
ngang sa magandang nais, na lalo pang mapatamis. Lalong mapasarap.
Lalong mapabuti. Lalong maitumpak. Gayon man, at maging gaano man
kabanalang ganyang nais, ay di rin maipagkakailang tunay na
pagwawalang bahala sa tagubilin at tunay na ipinagkakamit ng malubhang
kasalanan ni Sigesmundong dinadaliri ng dakilang Makata.
Kailangan ngang kung ano ang akda ng dakilang Makata ay siyang
papanatilihing buhay magpakailan man, walang munti mang pagbabago, sa
maging labis man o kulang, kahi't mali mang nakikita. Ni isang titik,
ni isang kuwit--maliban na nga lamang kung hindi maiwasan dahil sa
makapangyarihang atas ng panibagong alituntunin sa pagsulat.
Sinasabing ni saan man ay wala na ngayong matatagpuang isa mang salin
ng "Floranteng" limbag noong buhay pa si Balagtas, at may paniwalang
ang iniingatan ni Dr. Pardo de Tavera ay siyang matanda sa lahat nang
nakatago ngayon; nguni't sa kagandahang palad ay sumakamay namin ang
isang salin ng lumabas noong 1861, linimbag sa papel Tsina ng
"Imprenta de Ramirez y Giraudier", at sa kanyang takip na papel
katalan--takip na ilinagay lamang ng maingat na may-ari--ay nakatitik
ito: "Es propiedad de Don Jose Dioniso de Mendoza". Si Balagtas ay
namatay noong ika 20 ng Pebrero ng 1862, sa gulang na magpipitongpu't
apat na taón. Kaya, maliwanag, na buhay pa si Balagtas ng limbagin
nina Ramirez ang "Floranteng" sumakamay namin, at matanda pang di
hamak sa iniingatan ni Dr. Tavera, sapagka't ang kanya ay limbag
lamang noong 1870 ng "Imprenta de B. Gonzales Mora" sa Binundok. Siyam
na taón nga ang katandaan dito. At kung aalagataing buháy pa nga si
Balagtas noong 1861 ay walang alinlangang dahil sa pagpipitagan man
lamang sa noon pa ma'y itinuturing nang "Hari ng mga Manunula", ang
sumakamay namin ay di pa "napanghihimasukan ng kamay ni Sigesmundo",
Ang saling iyan ay wala na sa amin, pagka't hindi amin. Naipagparanya
lamang sa amin--dahil sa paglabas noong 1906 ng "kun sino ang kumatha
ng Florante"--ng noo'y nag-aaral pa sa "Escuela de Derecho" at ngayo'y
abogado Alfonso Mendoza, masugid na demokrata; at sa likod ng ilang
buwang pag-iingat at pagsipi namin ay pinagpilitang bawiin ng
nagpahiram, dahil sa minamahal daw mabutí ng kanyang ama, palibhasa'y
sa mga nuno pa nila minana. Isinauli rin nga namin, sa likod ng kung
makailang pagwawalawalaan.
At kamakailang maitanong namin uli sa abogado Mendoza ay ganito ang
isinagot:
--Aywan bagá kung saan na naroon. Tila sira na ang mga unang mukha.
Kaya, nang paroonan ni Epifanio ay aywan kung nakuha niya o hindi....
Si G. Epifanio de los Santos--ang dalubhasang istoriograpo, ang guro,
ang akademiko, ang sumakastila ng "Florante"--ay siyang tinutukoy.
Kami ang sa kanya ay nakapagpahiwatig, upang mapawi ang maling
paniwala, na "wala na ngayong Floranteng limbag nang buháy pa si
Baltazar." At dahil diyan ay walang salang nagdumaling paroon, upang
makuha--sa paano man--ang mahalagang hiyas ng Literaturang Tagalog na
pinakamamahal niya. Sakaling nakuha niya, kahi't na nga sira-sira, ay
dapat ipagpasalamat, sapagka't parang napalagay sa "kabang may pitong
susi"; nguni't kung hindi, at kung natuluyan na ngang nasira, ay tunay
na kahinahinayang.
Kahinahinayang! Tunay na kahinahinayang!...
Sakaling nasira na nga.
Nguni't gayon man ay may sukat na rin tayong dapat ikaaliw; ang siping
naingatan namin. Pagkakapag-ingat, na maituturing nating isa na ring
tunay na kapalaran, at siping walang munti mang pagbabago, palibhasa'y
pinag-ingatan naming ilagay pati ng kanyang maliliwanag na kamalian sa
limbagan at di dinagdagan, ni kinulangan, ng kahi't na ano.
At ang siping iyang sa huli'y linagyan namin ng mga paliwanag ay
siyang ngayo'y inihahandog namin sa tanang magiliwin at mapagmahal sa
walang kamatayang "Florante at Laura".
Maipaliliwanag naming buháy pa ang dakilang Makata ay nasasaulo nang
mabuti ng kanyang mga anak ang "Florante at Laura". Paanong di
magkakagayon ay sa pati ng iba't iba pa niyang akda'y nasasaulo rin?
Ang "Florante" pa nga ba ang di mapapakintal sa kanilang ulo? At ang
"Floranteng" nalalaman nila at mapahangga ngayo'y sariwa pa sa isipan
ay isang saling ayon din sa kanilang ama ay siya niyang tunay na gawa.
Dito natin mapagkukuro kung bakit walang kamalian sa mga huling labas
ng "Florante", na di ang di mapupuna nila.
Kaya, nang ang ilang kabaguhang napuna namin, dahil sa masusing
pagsusumag sa "Kun sino ..." at sa siping nasa amin ay maipakitang
isaisa kay G. Victor Baltazar--anak na lalaki ng Makata at siyang
pinakamatanda sa tatlong nabubuhay pa hangga ngayon (Victor, Isabel at
Silveria), na laging nasa amin, tumitigil ng buwanan at lingguhan,
dahil sa kalimitan nilang magpagamot dito sa Maynila, gayon din ang
dalawang apong dalaga ni Balagtas, na sina Pepita at Vicenta[I.], anak
ng Victor[II.]--; ang mga kabaguhang nadaliri ay pinatunayang "iba nga
at di siyang nasa matandang nasasaulo nila". Nguni't, hindi naman
napagpakuan namin ng tingin ang lahat, kundi ang madla lamang lalong
mahalaga. Ni ang mga kamalian man ng pagkakalimbag sa siping nasa
aming kamay ay di rin napag-usapan.
At ang lahat nang kaibhang iyan at kamalian ay siyang naging sanhi ng
mga paliwanag namin sa dakong huli.
CARLOS RONQUILLO
Maynila, 10 Septiembre 1921.
Sa dakong huli ay may mga paliwanag na makikita, na aming ginawa,
bukod pa sa mga sariling paliwanag ni Baltazar sa kanyang akdang ito.
Lahat nang may bilang na ganito ay siyang amin, na pinagsunodsunod sa
dakong huli. At ang paliwanag sa bilang na ito (1) ay makikita sa
unahan ng lahat nang paliwanag namin.
CAY CELIA
Cong pag saulang cong basahin sa isip[2]
ang nan~gacaraang arao n~g pag-ibig,
may mahahaguilap cayang natititic
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Yaong Celiang laguing pinan~gan~ganiban
baca macalimot sa pag-iibigan;
ang iquinalubog niyaring capalaran
sa lubhang malalim na caralitaan.
Macaligtaang co cayang di basahin[3]
nagdaáng panahón n~g suyuan namin?
caniyang pagsintáng guinugol sa aquin
at pinuhunan cong pagod at hilahil?
Lumipas ang arao na lubhang matamis
at ualáng nátira condi ang pag-ibig[4],
tapat na pag suyong lalagui sa dibdib
hanggang sa libin~gan bangcay co,i, maidlip.
N~gayong namamanglao sa pan~gon~golila
ang guinagaua cong pag-alio sa dusa
nag daang panaho,i, inaala-ala,
sa iyong laraua,i, ninitang guinhaua.
Sa larauang guhit n~g sa sintang _pincel_
cusang ilinimbag sa puso,t, panimdim,[5]
nag-íisang sanláng naiuan sa aquin
at di mananacao magpahangang libing[6].
Ang caloloua co,i, cusang dumadalao
sa lansan~ga,t, náyong iyóng niyapacan
sa ilog Beata,t, Hilom na mababao
yaring aquing puso,i, laguing lumiligao.
Di mámacailang mupo ang panimdin
sa puno n~g mangang náraanan natin,
sa nagbiting bun~gang ibig mong pitasín
ang ulilang sinta,i, aquing ináaliu.
Ang catauhang co,i, cusang nagtatalic
sa buntong-hinin~ga nang icao,i, may saquit,
himutoc co niyao,i, inaaring Lan~git
Paraiso namán ang may tulong silíd.
Liniligauan co ang iyong larauan
sa Macating ilog, na quinalagui-an[7]
binabacás co rin sa masayáng doon~gan,
yapac n~g paá mo sa batóng tuntun~gan.
Nag babalíc mandi,t, parang hinahanp
dito ang panahóng masayáng lumipas
na cong maliligo,i, sa tubig áagap,
nang hindi abutin n~g tabsing sa dagat.
Parang naririn~gig ang laguî mong uica
"_tatlong arao na di nag tatanao tama_"
at sinasagot co ng sabing may touâ
_sa isa catauo,i, marami ang handa_.
Ano pan~ga,t, ualang dî nasisiyasat,
ang pagiisipco sa touang cumupas
sa cagugunitâ, luha,i, lalagaslás
sabay ang taghoy cong "¡ó, nasauing palad!"
Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami,i, baquít dí lumauig?
nahan ang panahóng isá niyang titig
ang siyang búhay co, caloloua,t, Lan~git?
Baquit bagá niyaóng cami mag hiualay
ay dîpa naquitil yaring abáng búhay?
con gunitain ca,i, aquing camatayan[8],
sa puso co Celia,i, dica mapaparam[9].
Itong dî matiis na pagdaralitâ
nang dahil sa iyo, ó nalayóng touâ,
ang siyang umacay na aco,i, tumulâ
auitin ang búhay nang isang na abâ.
Celia,i, talastás co,t, malabis na umid,
mangmáng ang _Musa_ co,t, malumbay ang tinig
di quinabahag-yâ cong hindí malait
palaring dinguin mo ng tainga,t, isíp.
Ito,i, unang bucal nang bait cong cutad
na inihahandóg sa mahal mong yapac[10]
tangapin mo nauâ cahit ualang lasáp
nagbúhat sa puso nang lingcód na tapát.
Cong casadlacán man ng pula,t, pag ayop
tubo co,i, daquila sa puhunang pagod,
cong binabasa mo,i, isá mang himutóc
ay alalahanin yaríng nag hahandóg.
Masasayáng _Ninfas_ sa laua nang Bay,
_Sirenas_, ang tinig ay cauili-uili
cayó n~gayo,i, siyang pinipintacasi
n~g lubháng mapanglao na Musa cong imbi.
Ahon sa dalata,t, pangpang na nag liguid
tunuhan nang lira yaring abáng auit
na nag sasalitáng búhay ma,i, mapatid,
tapát na pag sinta,i, han~gad na lumauig[11].
Icao na bulaclac niyaring dili-dili,
Celiang saguisag mo,i, ang M. A. R.
sa Virgeng mag-Iná,i, ipamintacasi
ang tapát mong lingcód na si F. B.
Salamat sa iyo, ó nánasang írog,
cong halagahán mo itóng aquing pagod,
ang tulâ ma,i, bucál nang bait na capós,
paquiquinaban~gan nang ibig tumaróc.
Cong sa bigláng tin~gi,i, bubót at masacláp
palibhasa,i, hilao at mura ang balát
ngunit cung namnamín ang sa lamáng lasáp
masasarapán din ang babasang pantás.
Di co hinihin~ging pacamahalín mo,
tauana,t, dustaín ang abáng tulâ co
gauin ang ibigui,t, alpa,i, na sa iyó
ay houag mo lamang baguhin ang _verso_.
Cong sa pagbasa mo,i, may tulang malabo
bago mo hatulang catcatin at licô[12]
pasuriin muna ang luasa,t, hulô[13]
at maquiquilalang malinao at uastô.
Ang may tandang _letra_ alin mang talata
dimo mauatasa,t, malalim na uicà
ang mata,i, itin~gin sa dacong ibabâ[14]
boong cahuluga,i, mapag uunauà.
Hangán dito acó ó nánasang pantás,[15]
sa cay Sigesmundo,i, houag ding mátulad
sa gayóng catamis uicang masasaráp
ay sa cababago nang tula,i, umalat.
(Sa cursiva o bastardilla)
PUNÒ NANG SALITÂ
Sa isang madilím gúbat na mapanglao[A]
dauag na matinic, ay ualáng pag-itan,
halos naghihirap ang cay Febong silang[B]
dumalao sa loob na lubhang masucal.
Malalaquing cahoy ang inihahandóg
pauang dalamhati, cahapisa,t, lungcót
huni pa n~g ibon, ay nacalulunos
sa lalong matimpi,t, nagsasayáng loob.
Tanáng mga baguing, na namimilipit
sa sangá ng cahoy, ay balót n~g tinic
may bulo ang bun~ga,t, nagbibigay sáquit
sa cangino pa máng sumagi,t, málapit.
Ang m~ga bulaclac n~g nag tayong cahoy
pinaca-pamuting nag ungós sa dahon
pauang culay lucsa, at naquiqui ayon
sa nacaliliong masangsang na amoy.
Caramiha,i, Ciprés at Higuerang cutád,[C]
na ang lilim niyaón ay nacasisindác
ito,i, ualang bun~ga,t, daho,i, malalapad,
na nacadidilím sa loob ng gubat.
Ang m~ga hayop pang dito,i, gumagalâ
caramiha,i, Sierpe,t, Baselisco,i, mad-la,
Hiena,t, Tigreng ganid nanag sisi sila,
ng búhay n~g tauo,t, daiguíng capoua.
Ito,i, gúbat manding sa pinto,i, malapit
n~g Avernong[D] Reino ni Plutong masun~git[E]
ang nasasacupang lupa,i, dinidilig[16]
n~g ilog Cocitong camandag ang túbig.[F]
Sa may guitnâ nito mapanglao na gubat
may punong Higuerang daho,i, culay pupás,
dito nagagapos ang cahabag habag
isang pinag usig n~g masamang palad.
Bagong tauong basal, na ang anyo,t, tindig[17]
cahit natatalì camay, paá,t, liig
cundî si Narciso,i,[G] tunay na Adonis[H]
muc-ha,i, sumisilang sa guitnâ n~g sáquit.
Maquinis ang balát at anaqui buroc
pilicmata,t, quilay mistulang balantók
bagong sapóng guinto ang cúlay n~g buhóc
sangcáp n~g cataua,i, pauang magca-ayos.
Dan~gan doo,i, ualang Oreadang Ninfas,[I]
gúbat na Palacio n~g masidhing Harpías,[J]
nangaaua disi,t, na acay lumiyag
sa himaláng tipon n~g caricta,t, hirap.
Ang abáng oyamin n~g dálita,t, sáquit
ang dalauang mata,i, bucál ang caparis,
sa lúhang nanatác, at tinan~gis-tan~gis
ganito,i, damdamin n~g may auang dibdib.
Mahiganting lan~git, ban~gis mo,i, nasaan?
n~gayo,i, naniniig sa pagcá-gulaylay
bago,i, ang bandilà n~g lalong casam-an[18]
sa Reinong Albania,i, iniuauagayuay?
Sa loob at labás, n~g bayan cong sauî
caliluha,i, siyang nangyayaring harî
cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî
ininís sa hucay nang dusa,t, pighatî.
Ang magandang asal ay ipinupucól
sa láot n~g dagat n~g cut-ya,t, lingatong
balang magagalíng ay ibinabaón
at inalilibing na ualáng cabaong.
N~guni, ay ang lilo,t, masasamang loób
sa trono n~g puri ay inalulucloc
at sa balang sucáb na may asal hayop
maban~gong _incienso_ ang isinusuob.
Caliluha,t, sama ang úlo,i, nagtayô
at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô,
santong catouira,i, lugamì at hapô,
ang lúha na lamang ang pinatutulô.
At ang balang bibíg na binubucalán
nang sabing magalíng at catutuhanan
agád binibiác at sinisican~gan
nang cáliz n~g lalong dustáng camatayan.
¡O tacsíl na pita sa yama,t, mataás![19]
¡o hangad sa puring hanging lumilipas!
icao ang dahilan n~g casamáng lahat[20]
at niyaring nasapit na cahabághabág.[21]
Sa Corona dahil n~g haring Linceo
at sa cayamanan n~g Duqueng Amá co,
ang ipinangahás n~g Conde Adolfo
sabugan n~g sama ang Albaniang[K] Reino.
Ang lahát nang itó, ma-auaing lan~git[22]
iyóng tinutunghá,i, anó,t, natitiis?[23]
mula ca n~g boong catouira,t, bait
pinapayagan mong ilubóg n~g lupít?
Macapangyarihang cánan mo,i, iquilos,
papamilansiquín ang cáliz n~g poot,
sa Reinong Albania,i, cúsang ibulusoc
ang iyóng higantí sa masamáng loob.
Baquit calan~gita,i, bingí ca sa aquin
ang tapat cong luhog ay hindi mo dingín?
dí yata,t, sa isang alipusta,t, ilíng
sampong tain~ga mo,i, ipinan~gun~gulíng?
Datapua,t, sino ang tataróc caya
sa mahál mong lihim Dios na daquilà?
ualáng mangyayari sa balát n~g lupà
dì may cagalin~gang iyóng ninanásà.
¡Ay dî saán n~gayón acó man~gan~gapit!
¡saán ipupucól ang tinangis-tangis
cong ayao na n~gayong din~giguin ng Lan~git[24]
ang sigao n~g aquing malumbay na voses![25]
Cong siya mong ibig na aco,i, magdusa
Lan~git na mataás aquing mababata
iságì mo lamang sa púso ni Laura
aco,i, minsan minsang mapag ala-ala.
At dito sa laot n~g dusa,t, hinagpis,
malauac na luhang aquing tinatauid
gunitâ ni Laura sa naabáng ibig
siya co na lamang ligaya sa dibdib.
Munting gunam-gunam n~g sintá co,t, mutyâ
n~g dahil sa aqui,i, daquilâ cong touâ,
higuít na malaquíng hírap at dalita
parusa ng táuong lilo,t, ualang aua.
Sa pagka gapus co,i, cong guni-gunihín
malamig nang bangcay acong nahihimbíng[26]
at tinatan~gisan nang sula co,t, guiliu,
ang pagca-búhay co,i, ualang hangá mandin.
Cong apuhapin co sa sariling isip
ang suyúan namin nang pili cong ibig,
ang pag luhâ niyá cong aco,i, may hapis
naguiguing ligaya yaring madláng sáquit.
¡Ngunì sa abá co! ¡sauing capalaran!
anópang halagá nang gayóng suyúan
cun ang sin-ibig co,i, sa catahimican
ay humihilig na sa ibáng candun~gan?
Sa sinapupunan nang Conde Adolfo
aquing natatanáo si Laurang sintá co,
camataya,i, nahan ang dating ban~gis mo?
nang díco damdamín ang hirap na itó.
Dito hinimatáy sa pag hihinagpís
sumúcò ang püsò sa dahás nang sáquit,
ulo,i, nalun~gay-n~gay, lúhà,i, bumalisbís,
quinagagapusang cahoy ay nadilíg.