Chapter 13
Maalinsangan ang gabi at hindi magawang makatulog ni Vanessa. Nagpasiya siyang lumabas ng kuwarto at nagtungo sa balkonahe. Mas masarap kasi roon magpahangin dahil umaabot doon ang sariwang hangin na nanggagaling sa malawak na kasukalan. Alas-kuwatro na ng hapon kanina nang ibalik siya ni Leo sa bahay. Hindi niya naabutan sina Miguel at Madam V. Ayun sa isa nilang guwardiya roon, hindi pa raw dumarating ang mga ito dahil may importanteng pinuntahan. Hanggang ngayon nga na alas-diyes na ng gabi ay wala pa rin ang mga ito.
“Baka kung saan pa nagpunta at gumagawa pa ng milagro!” sigaw ng kanyang isip. Napabuntonghininga na lang siya at umaktong babalik na sa loob. Ngunit natigil ang kanyang paghakbang nang may maaninag ng isang bulto ng tao. Dahil madilim at walang buwan sa mga oras na iyon ay hindi niya makilala kung sino ito. Nakatayo itong nakaharap sa kasukalan at parang may hinahanap. Lumapit pa siya ng konti upang makita niya ang mukha nito. Pero kahit ano’ng dilat niya sa mga mata ay hindi niya talaga maaninag. Pero sa hula niya ay babae ito, dahil sa mahaba ang buhok nitong nililipad ng hangin. Ilang segundo rin iyong nakatayo sa kinaroroonan, bago tuluyang pumasok sa makipot na daan na pinasukan niya rin noon. Nagmamadali siyang tumakbo pababa ng balkonahe para tunguhin ang likod bahay. Muntikan pa siyang madapa dahil sa hindi nakitang upuan. Gumawa iyon ng malakas na ingay kaya sandaling napahinto siya sa pagtakbo. Nang wala namang nagising sa mga kasamahan ay nagpatuloy na siya sa paglabas ng bahay. Sa kusina na siya dumaan dahil doon ang mas malapit na daanan. Huminto muna siya sandali at hinanap ng mga mata sa dilim ang nakitang babae kanina. Pero wala na ito doon ngayon. Marahil ay tuluyan nang nakapasok sa kasukalan. Labis na siyang nagdududa kung ano talaga ang meron doon. Kahit kasi si Madam V, ay hindi niya nakitang nagawi sa bahaging iyon. Maging ang mga kasamahan niya sa bahay at mga drivers ay never niyang naringgan. Bigla niyang naisip si Vicky. Tanging ito lamang kasi ang naglakas loob nagsabi sa kanya ng tungkol sa kasukalan na talagang ipinagbabawal ang magawi roon. Nag-umpisa na siyang humakbang nang may mga kamay na pumigil sa kanya.
“Ano na naman ang ginagawa mo rito?” Pabulong ngunit may pagdiing wikang sabi nito.
Agad niyang nakilala ang may-ari ng boses kaya't agad niya itong hinarap. Hindi man lang niya namalayan ang pagdating nito.
“Nagpapahangin, bakit?” mataray niyang tugon dito. Kahit madilim ang paligid, alam niyang salubong na naman ang kilay ng binata.
“Huwag mo nga akong pinagloloko! Alam kong may binabalak ka na naman, Vanessa!”
Hindi siya kumibo at nakiramdam na lang. Wala rin naman siyang magandang idadahilan dito.
“Papasok na ako!” sa halip ay paalam niya rito. Pero hindi pa man nakakahakbang ay napigilan ulit siya ni Miguel. Mahigpit siyang hinawakan at halos pakaladkad na dinala siya sa kuwarto nito. Gusto niyang tumutol at magpumiglas, ngunit malakas si Miguel at mukhang nakainom pa. Dahil naaamoy niya ang amoy alak nitong hininga. Pagpasok sa kuwarto ay agad nitong isinara ang pintuan at pabagsak siyang itinulak sa kama. Naiinis man ay nakadama ng excitement si Vanessa na gusto niyang ikagalit sa sarili. Naging advance ang pag-iisip niya sa maaaring gawin ni Miguel sa kanya. Kumuha ng isang upuan si Miguel at pumuwesto ito ng upo sa harap niya.
“Let's talk seriously,” anito.
Umayos ng upo si Vanessa at bahagyang tumagilid. Bigla siyang naasiwa sa ayos nilang iyon.
“Puwede bang sabihin mo sa akin ang totoo?” Malumanay na ang boses ng binata kaya naging seryoso na rin siya.
“Ano ba ang gusto mong malaman at dito pa talaga sa kuwarto mo ako dinala?” tanong niya.
“Bakit gusto mong pumasok sa masukal na kakahuyan na iyon? May napapansin ka ba roon?” Napatitig si Vanessa sa mukha ni Miguel. Nag-iisip kung dapat ba niyang sabihin dito ang mga nakikita.
“Hi-hindi ko rin alam. Para kasing may kung ano’ng meron ’dun.”
Hindi naman nagsalita si Miguel. Pinagmasdan niya lang si Vanessa ng maigi.
“Ano ba kasing meron sa gubat na iyon?” balik tanong ni Vanessa sa binata. Upang maiwasan ang matalim niting titig. Tanging buntonghininga lamang ang naging tugon nito sa kanya at Sumandal na ito sa kinauupuan.
“Hindi pa ang tamang oras para malaman mo ang lahat,” tipid na sabi nito kaya mas lalong naguluhan si Vanessa. “Bumalik ka na sa kuwarto mo at huwag nang lalabas. Delikado na kapag ganitong oras.”
Dismayado man dahil hindi natupad ang inaasam niya. Mabilis pa rin siyang lumabas ng kuwarto nito at tinungo ang katabing kuwarto. Papaano ba siya matutulog ng mahimbing kung maraming gumugulo sa kanyang isip.
“Manang Isme?” may pagtatakang sambit ni Vanessa nang mabungaran kinabukasan sa kusina ang labandera nilang si Manang Isme.
“Gising ka na pala, Vanessa,” nakangiting tugon naman nito habang naghahanda ng pagkain.
“Bakit ikaw po ang gumagawa niyan? Nasaan po si Vicky?” usisa niya.
“Nagpaalam sa akin kahapon na uuwi ng kanilang probinsiya.” Sabay silang napabaling ni Manang Isme sa pintuan. Nandoon na si Madam V. Nakasandal at may hawak itong tasa.
“Good morning po, Madam!” sabay nilang bati rito ni Manang Isme.
“Good morning! Bakit mo pala hinahanap si Vicky, Vanessa?”
“Wa-wala po. Hindi po kasi kami nagkita kahapon. Kaya hindi ko po alam na umuwi ng probinsiya nila,” tugon niya. Hindi alam ni Vanessa kung bakit bigla siyang kinutuban.
“Umalis kayo kahapon ni Leo kaya hindi na siya nakapagpaalam pa sa ’yo,” anito. Naputol lang ang usapan nilang iyon nang bumungad si Miguel. Agad itong niyaya ni Madam V, sa gym nito. Sinundan niya na lang ng tingin ang dalawa habang papalabas ng bahay.
“Mukhang crush mo rin si Miguel, ah?” panunukso ng matanda sa kanya.
“Naku, Manang. Ayaw ko pong maging karibal si Madam V. Wala akong panama sa kanya.”
“Bakit? Maganda ka rin naman. Saka mukhang may pag-asa rin kay Miguel. Lagkit ng titig niya sa ’yo kanina,” kinikilig nitong sabi.
Nagmamadaling nilapitan niya ito.
“Manang, huwag ka na mang ganyan. Baka marinig tayo ni Madam V, mawalan pa tayo ng trabaho,” wika niya na palingon-lingon sa sala. Baka kasi biglang bumalik ang dalawa at mahuli silang nagtutuksuhan.
“Kung sa bagay. Delikado pa naman magalit si Madam.”
“Bakit po? Paano po ba siya magalit?”
“Kasabihan nga ng iba. Mukhang Santo kapag nasa harap mo, pero kapag ika'y nakatalikod, lalabas ang totoo nitong kulay.”
“Pero, 'di ba marami namang tinutulungan si Madam V? Sa katunayan nga ay sikat siya maging sa television.” Unti-unti na siyang naniniwala na may mali talaga sa bahay na iyon ni Madam V. At may kung ano itong itinatagong sekreto.
“Mahirap na magsalita. Pero kung ako sa ’yo, Vanessa. Mag-iingat ka.” Nahihimigan niya sa tono ng pananalita ni Manang Isme na may alam ito sa pagkatao ni Madam V. Hindi na siya nagtanong pa at piniling bumalik na lang sa sala upang maglinis. Wala si Vicky kaya siya muna gagawa ng mga gawain nito. Pero hindi pa rin siya kombensido na umuwi ito ng probinsiya. Wala naman kasi itong nababanggit sa kanya. Mga nagdaang araw nga ay tila wala ito sa sarili at parang takot na takot. Bigla niyang naalala ang babae kagabi na pumasok sa kasukalan. Muli ay nabuhay ang hinala sa kanyang dibdib. Hindi naman puwedeng basta na lang siyang magbintang. Hindi niya nga nakita ang mukha ng babae kagabi dahil nababalot ng dilim ang kapaligiran. Pinilit niya na lang kalimutan ang lahat at mag-pokus na lang sa paglilinis. Wala naman sigurong lalakarin si Madam V, kaya feel free na lang siya sa bahay. Napasimangot siya nang maisip na kasama nito si Miguel sa gym. Nilingon niya ang hindi kalayuang gym nito. Wala siyang makita bukod sa kurtinang nakaharang sa loob.
“Ano na kaya ang ginagawa ng mga ’yon?” Bigla siyang nakaisip ng kalukuhan. Binitawan niya ang hawak na walis at nagmamadaling tinungo ang kinaroroonan nina Miguel at Madam V. Nang makalapit na sa kinaroroonan ng mga ito ay naghanap siya ng puwedeng masisilipan. Pero na-ikot na niya ang buong gym ay wala siyang makitang butas man lang. Hanggang sa mapadapo siya sa pintuan nitong nakaawang ng konti. Sliding door iyon, kaya dahan-dahan niyang hinihila, Hanggang sa lumaki na ng konti ang awang. Pasimple niyang iwinalis ang makapal na kurtina at unang inilapit ang isang mata roon. Una niyang nasilip ay ang mahabang upuan. Kasunod ay ang isang paa na sa hula niya ay kay Madam V. Inilapit niya pa ang mukha sa nakaawang kurtina para makita niyang maigi. Nakahiga si Miguel sa mahabang upuan habang minamasahe ito ni Madam V. Nakatingin lang sa mukha nito si Miguel. Ilang minuto rin ang ginawang pagmasahe rito ni Madam V, hanggang sa hindi na yata ito makatiis ay hinalikan na ang binata. Napatutop ng bibig si Vanessa at dahan-dahang lumayo. Babalik na sana siya nang makita ang isang ipis sa may paanan. Pigil ang hiningang hinawakan niya ang maliit nitong pakpak at inilapit sa nakaawang pintuan. Agad iyong lumipad papasok ng gym. Ilang sandali lang ay narinig na niya ang malakas na pagsigaw ni Madam V. Mabilis siyang humakbang pabalik ng bahay at dumiretso sa kusina. Hingal siyang napaupo sa gilid at pinipigilang huwag matawa at baka mahalata ni Manang Isme. Nang mahimasmasan ay uminom muna siya ng tubig at pagkatapos ay bumalik na sa paglilinis. Nagpanggap siyang walang nagawang kapilyahan sa amo. Ilang minuto pa ang lumipas ay natanaw na niya ang dalawang pabalik sa bahay. Halatang namumutla pa rin si Madam V. Marahil ay takot talaga ito sa ipis. At dahil doon ay sumilay na naman ang mga ngiti niya sa labi. Nagdidiwang ang kanyang kalooban dahil hindi natuloy ang napipintong gagawin ng mga ito.
“Vanessa!”
“Yes, Madam?”
“Maghanda ka na. Aalis tayo,” utos nito.
“Yes, po!”
Mabilis niya namang tinapos ang paglilinis. Nasisilip niya sa gilid ng mga mata ang tila nang-uusig na mga titig ni Miguel sa kanya.
“'Di kaya nakita ako nito kanina? Kaya ang sama ng tingin sa akin?” tanong niya sa isip. Nang makatapos ay agad din siyang pumasok sa kuwarto at naligo.
Pasalampak na nahiga si Miguel sa malambot at malapad niyang kama. Matapos makuha sa lambing kanina si Madam V, ay nakuha niya rin ang pagpayag nito na aalis siya. Ngayon nga ay naririto na siya sa sariling bahay. Hindi muna siya dumiretso sa apartment na inuupahan, dahil alam niyang may mga matang nakabantay roon sa kanya. Gusto niya ring makakilos ng maayos at magawa ang gusto niyang gawin. Kung sa apartment kasi ay para siyang nasasakal dahil sa liit ng ispasyo. Hindi katulad sa kuwarto niyang iyon na halos triple ang laki. Doon na rin kasi siya nag-o-opisina kapag nasa bahay siya. Pati kusina dinala niya na rin sa kuwarto. May sarili siyang fridge at dinning table na good for two, maliban lang sa lutuan. Kapag nagsisimula na kasi siya sa pagsasaliksik ng mga impormasyon at iba pang gawain, mas gusto niya ’yong tutok talaga at walang iistorbo. Ayaw niyang naaabala sa oras ng kanyang trabaho. Kaya para hindi na siya mahirapan pa, hinakot na niya lahat. Hinagilap niya ang cellphone at tumawag sa opisina. Nais niyang itanong sa mga kasama kung may nakuha na bang impormasyon tungkol sa pagkawala ni Vicky. Lingid sa kaalaman ni Vanessa ay alam na niya ang pagkawala ng dalaga. Kahapon pa lang ay may napansin na siya rito. Kakaiba ang mga kilos nito. Madalas ding nakatingin sa kawalan na para bang may iniisip. Dahil umalis sila kahapon, pinasiya niyang maglagay ng CCTV malapit sa kuwarto ni Vicky. Iba kasi ang naging kutob niya ng araw na iyon. Una pa lang ay pansin niyang may itinatago ito, pero hindi niya mahulaan dahil wala naman siyang nakitang kahina-hinala sa mga kilos nito. Maayos naman itong nagta-trabaho sa bahay ni Madam V. Maliban na lang noong may mga bisitang dumalaw. Nanibago siya sa naging kilos nito. Naging maharot at madalas magpapansin ang dalaga kay Jonathan. Hanggang sa nakita niya nga ang paglagay nito ng ipinagbabawal na gamot sa inumin nito. Napaisip si Miguel. Maaari kasing may kinalaman ang binata sa biglang pagkawala ni Vicky. Pero ano naman kaya ang kailangan ni Jonathan kay Vicky? Halata naman kasi na hindi nito gusto ang dalaga at mukhang napipilitan lang. Dahil sa mga naisip ay muli siyang tumawag sa opisina. Ipapahanap niya sa mga staff ang files ng tunay na pagkatao ng binata at ang ugnayan nito kay Madam V.
SAMANTALA laking tuwa naman ni Vanessa nang sa T-appliances sila nagpunta ni Madam V. Hindi na siya mahihirapan pang kumustahin ang mga kaibigan. Iniwan siya ni Madam V, sa mismong tindahan nila at nagtuloy naman ito sa opisina ng kapatid nitong si Mister Tingga. Agad niyang pinuntahan ang kaibigan sa puwesto nito at nang makita siya ni Agot ay parang nakakita ito ng artista kung makatili. Dali-daling lumapit sa kanya ang kaibigan at niyakap siya ng mahigpit.
“Bruha ka! Buhay ka pa pala!” wika nito sa kanya sabay hampas sa braso niya.
“Aray naman! Ganyan ba ang pa-welcome mo sa akin? Aba'y masakit!” biro niya.
“Ito naman! Malayo naman sa bituka ’yan! Kumusta na pala ang buhay mo sa bahay ni Madam V?” usisa nito.
Napangiting sumagot siya rito ng medyo na ikinakunot naman nito ng noo.
“Ano’ng medyo?”
“Noong una masaya naman. Kasi si Madam V, ’yong amo ko. Sikat at hinahangaan. Pero nang tumagal na ako sa kanila ng isang buwan, parang may kakaiba na,” mahina ang boses niyang sabi.
“Ano’ng kakaiba? May multo ba sa bahay ni Madam V?” nanlalaki ang matang sambit nito.
“Hindi! Ibig kong sabihin, parang may kung ano’ng itinatago si Madam V.”
“Diretsuhin mo na kaya ako! Hindi ako manghuhula para hulaan at alamin ’yang mga sinasabi mo!” napapakamot na reklamo ni Agot.
Hindi naman malaman ni Vanessa kung papaano sasabihin dito ang mga natutuklasan.
“Duda pa lang naman. Hindi pa sure! Basta atin-atin lang ito, ha!” pakiusap niya sa kaibigan.
“Teka nga! Iyan ba ay sekretong malupit? Iyong hindi puwedeng isa-publiko? Dahil kapag kumalat, tigok tayo? Ganoon ba?” paniniguro pa nito.
“Mismo! Kaya kung ako sa ’yo. Zip your mouth!”
“Ay! Katakot pala doon. Buti hindi ako ang napili ni Madam na gawin niyang alalay.”
“Ano’ng alalay? Assistant ako ni Madam V,” pagtatama niya naman.
“Wee! Ano ba ang ginagawa mo? ’Di ba taga-sunod at utusan ka lang niya?” pang-aasar pa nito.
Inirapan na lang ni Vanessa ang kaibigan. Talagang hindi pa rin ito nagbabago, matabil pa rin ang dila. Kung sa bagay, isang buwan pa lang naman buhat nang maghiwalay sila sa trabaho. Palinga-linga siya sa paligid nang may mahagip ang mga mata. Pinakatitigan niyang mabuti ang babaeng nasa magazine. Hindi pa siya nakontento ay ipinakuha niya pa iyon kay Agot.
“Kilala mo ba ’to?” tanong niya sa kaibigan.
“Iyang babae sa magazine?”
“Oo,” tugon niya.
“Si Escarlett Cuevaz. Isang sikat na model na bigla na lang naglaho na parang bula,” sagot ni Agot na nakatingin din sa magazine.
“Bakit, Vanessa?”
Hindi pinansin ni Vanessa si Agot. Nakatuon lang ang pansin niya sa babae. Kahit ano kasing tingin niya rito ay kamukha talaga iyon ni Vicky. Kahit na mas maputi at mas matangos ang ilong nito kaysa kay Vicky, pero ang hugis ng mukha at ang mga mata nito ay parehong-pareho talaga.
“Ano’ng alam mo sa kanya?” muli ay tanong niya kay Agot.
“Wala naman masiyado. Narinig ko lang kasi ang pangalan niya nang mabanggit siya ni Mister Tingga at Madam V, noong araw na nagkausap sila sa opisina. Narinig kong bigla na lang daw umalis ang babaeng ’yan at hindi alam ng mga kakilala kung saan nagpunta. Haka-haka nga ng iba, baka raw nagtago kung saan, dahil pinatay raw kasi ang mga magulang nito ng mga hindi kilalang kalalakihan,” salaysay ni Agot sa kanya. Napangiti naman si Vanessa. Kahit papaano, napapakinabangan niya rin pala ang pagiging tsismosa ng kaibigan.
“Akin na lang itong magazine, ah! Dadalhin ko sa bahay ni Madam V.”
“Bahala ka! Basta ilibre mo muna ako ng snacks.” Natatawang niyaya niya na itong kumain sa labas. Total breaktime naman nito at wala pa si Madam V.