Chapter 14
Araw ng linggo. Araw na dapat uuwi si Vanessa sa apartment niya, ngunit dahil sa walang kasama si Manang Isme, pinaliban niya muna ang pag-uwi. Pinuntahan niya si Manang Isme sa kusina na abala sa pagloloto.
“Good morning po, Manang,” bati niya rito. Nakangiting binalingan naman siya nito pero hindi gumanti sa kanyang pagbati. Bagkus ay may ininguso ito sa kanya. Nagtatakang sinundan niya naman ang pagnguso nito. Mabilis siyang lumapit dito at halos pabulong na nagtanong.
“Bakit po? Ano pong meron doon sa kuwartong iyon?”
“Kanina kasing madaling araw may dumating na mga kalalakihan. Hindi ko kilala pero mukhang kilala ng guwardiya natin dito dahil agad na pinapasok. Nakita kong may dala silang mga kahong malalaki at ipinasok d’yan sa kuwarto na ’yan,” paliwanag ni Manang Isme. Halos maghalikan na sila sa lapit ng mga mukha nila. Takot na takot silang may makarinig. Tinitigan niyang mabuti ang kuwartong nasa unahan ng kusina nila. Ni minsan ay hindi pa siya nagagawi roon dahil nakakandado ang kuwarto at kahit noon pa man na nandito pa si Vicky ay hindi talaga nila iyon binubuksan.
“Wala po ba ngayon si Miguel?”
“Wala. Baka bukas pa ang balik ’nun!”
Naisip niyang baka umuwi rin ito sa apartment. Bahagyang sumilay ang mga ngiti niya sa labi. Sila lang ni Manang Isme roon at wala rin si Madam V, dahil may business trip ito kasama ang mga kasusyo. Ibig sabihin malaya siyang makakapaglibot-libot sa buong kabahayan. Muli ay napasulyap siya sa misteryosong kakahuyan.
Naglalaro sa isip niya ang posibleng gawin sa araw na iyon. Hindi lang siya magpapahalata sa mga bantay at kikilos lang na parang normal. Pagkakataon niya na iyon.
“May plano ka na ba?” Tila nahulaan ni Manang Isme ang nasa isip niya.
“Nag-iisip pa po,” tugon niya. “Manang, kayo rin po ba ay may napapansin dito?” balik na tanong niya rito.
“Matagal na. Pero nagsasa-walang kibo na lang ako dahil may pamilya rin akong binubuhay. Kailangan kong magtrabaho, kaya hindi ako gumagawa ng hakbang na maaari kong ikasama. Nagbibingihan at nagbubulagbulagan na lang ako sa mga naririnig at nakikita ko. Mahirap na,” paliwanag nito.
“Wala po ba kayong susi sa kuwartong iyan?” wika niya na bahagyang lumapit sa pintuan.
“Wala rin. Susi lang ng kuwarto ko at itong kusina ang mayroon ako. Ang pagkaka-alam ko ay nasa kuwarto lahat ni Madam V, ang susi ng buong bahay. Hindi niya iyon ibinibigay sa mga katulong.”
Nag-isip pa siya kung saan posibleng inilagay ng ginang ang mga susi. Nakapasok na kasi siya sa kuwarto nito at napakalinis, konti lang ang gamit dahil may sariling kuwarto rin kasi ang mga closet nito. Kaso sarado rin iyon at walang pinapapasok.
“Huwag munang ituloy kung may binabalak ka. Masiyadong delikado, baka ikakapahamak pa ng buhay mo,” ani Manang Isme.
“Wala naman po akong binabalak. Nagtataka lang po talaga ako rito. Kasi maliban sa pinakadulo na ng subdivision itong bahay ni Madam V. May kakahuyan pang nakakatakot.”
“Ganito talaga kapag marami kang negosyo. Dapat nasa liblib na lugar ang bahay mo at maraming bodega. Dahil iyong iba kailangan ng tambakan at tapunan ng mga produkto na hindi na nagagamit.”
Tumango-tango na lamang si Vanessa sa mga sinabi ni Manang Isme. Dahil baka mas lalo pa itong maghinala sa kanya. Pero sa kanyang isip ay may naglalaro na ng isang plano.
Buong maghapong naglinis ng bahay si Vanessa. Habang si Manang Isme ay busy sa pag-a-asikaso ng garden. Ang ibang security naman ay pakape-kape lang at ang iba naman ay panay ronda sa buong kabahayan. Kaya ang binabalak niyang gawin ay hindi niya natuloy. Naglinis siya sa kuwarto kanina ni Madam V, pero may nakabantay sa kanya na dalawang guwardiya. Hinintay talaga siya ng mga ito na matapos sa paglilinis ng kuwarto bago siya tuluyang iwan. Nang nasa likurang bahagi naman siya ng bahay kung saan naroroon ang kasukalan, may nakabantay rin, kaya wala talaga siyang natupad sa mga plano. Naglalakbay pa ang isip nang tumunog ang kanyang cellphone. Agad niya iyong dinukot sa bulsa ng maong short sa pag-aakalang pamilya ang tumawag. Pero ibang number iyon. Sinagot niya ang tawag at nalaman niyang si Agot lang pala. Humihingal ito sa kabilang linya na parang galing sa pagtakbo.
“Bakit ka humihingal? Tumakbo ka ba?” agad niyang tanong.
“Vanessa! May humahabol sa akin kanina! Mabuti at natakasan ko! Nasa labas ako ngayon ng subdivision, puntahan mo ako. Importante ang sasabihin ko sa ’yo!” Iyon lang at nag-end call na kaagad. Sinubukan niya pang tawagan ulit si Agot, pero out of coverage area na. Bigla siyang binundol ng kaba, kaya nagmamadaling tinapos na niya ang gawain. Nag-isip muna siya ng idadahilan sa mga security bago lumapit sa mga ito para magpaalam na lalabas. Mabuti na lang at naniwala naman nang sabihin niyang bibili lang siya ng snacks sa labas. Ang buong akala niya nga ay susundan pa siya ng mga ito. Mabuti ay napakiusapan ni Manang Isme na huwag na siyang samahan dahil mas kailangan ng magbabantay sa bahay. Naglakad lang muna siya palayo sa mga ito. Nang hindi niya na matanaw ang kinaroroonan ng mga ito ay mabilis siyang tumakbo. Kailangan mapuntahan niya kaagad si Agot sa labas ng subdivision. Ilang minuto nga ay nakarating na siya ng gate ng subdivision. Agad siyang nagtanong sa guwardiya kung may nakita ba itong babae roon na naghihintay. Sinabi naman nito na mayroon daw kanina. Pero may sumundo raw rito na isang sasakyan at agad na sumakay ang dalaga. Labis naman siyang nagtaka, dahil wala namang kasintahan si Agot. Wala rin naman silang kaibigan na may sasakyan. Naghintay muna siya roon ng ilang segundo, baka kasi bumalik pa ang kaibigan. Pero mahigit kalahating minuto na ang lumilipas ay wala nang Agot pang bumalik. Nagpasalamat at nagpaalam na lang siya sa guwardiya at nagbilin dito na kung sakaling bumalik si Agot ay tawagan siya.
Nang gabi ding iyon ay hindi makatulog si Vanessa. Labis ang pag-aalala niya kay Agot. Hindi niya na ito makontak kahit ilang beses na niyang tinatawagan. Balak niyang puntahan na lang ito sa tindahan sa susunod na mga araw. Dahil ayaw nang dalawin ng antok ipinasiya niya muling lumabas ng kuwarto. As usual, madilim ang buong paligid. Bawat sulok ng bahay tanging ilaw ng poste nila sa labas ang nagsisilbing liwanag. Kailangan mo pang idilat maigi ang iyong mga mata para lang maaninaw mo ang kapaligiran. Napakalaki ng bahay ni Madam V, at napakayaman nito pero tipid sa ilaw. Ang mga guwardiya nila roon ay nasa guard house lang at nag-uusap ang mga ito. Umupo siya sa sofa sa sala at pinagmasdan ang maluwang na espasyo ng bahay. Hanggang sa mapadapo sa kusina ang mga mata. Bigla niyang naalala ang saradong bodega roon, tumayo siya sa kinauupuan at tinungo ang kusina. Ginamit niya ang flash light ng cellphone upang kahit papaano magkaroon ng liwanag sa dinadaanan. Hindi niya puwedeng buksan ang ilaw roon dahil malalaman ng mga nakabantay. Diretso siya sa bodega at pinihit ang seradura ng pinto. Sarado nga iyon. Nag-isip siya kung papaano iyon mabubuksan. Sinilip niya sa bintana ang mga bantay. Abala ang mga ito sa paglalaro ng baraha habang nag-iinuman. Wala namang mawawala kung susubukan niyang pasukin muli ang kuwarto ni Madam V. Hahanapin niya lang naman ang mga susi. Hindi niya talaga maintindihan ang sarili, para kasing may nag-uudyok sa kanya na buksan ang bodega. Pakiramdam niya ay may matutuklasan siya roon. Walang ingay na inakyat niya ang hagdanan at tinungo ang kuwarto ni Madam V. Mabuti na lang at hindi iyon naka-lock. Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura at tuluyan na ngang nabuksan ang pintuan. Nagmamadali siyang pumasok at agad na naghalughog sa buong kuwarto gamit pa rin ang flash light ng cellphone. Pero halos inabot na siya ng kalahating oras wala siyang makitang susi. Napasandal na lang siya sa pader. Ngunit nawalan siya ng panimbang at natumba sa kinatatayuan. Sa paanan siya ng kama ni Madam V, lumagapak. Napapangiwing naghanap siya ng makakapitan. Hindi sinasadyang nakapa niya ang ilalim ng kama. May tila kung ano’ng bilog doon na nakausli. Agad niya iyong inilawan at nakita niyang parang handle iyon ng cabinet. Inusisa niya ito at napag-alamang maliit iyon na pintuan. Kinakabahang binuksan niya iyon at laking tuwa niya nang makita ang mga laman ng maliit na secret box na iyon. Mga susi, alahas, at kung ano-ano pa ang nakatago roon. Mukha talaga iyong dinisenyo para sa mga mahahalagang bagay. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Agad niyang kinuha ang isang pumpong susi at mabilis na bumalik sa kusina. Isa-isa niyang ipinasok sa butas ng door knob ang mga susi hanggang sa may mag-click. Napasuntok siya sa hangin sa labis na tuwa. Agad siyang pumasok sa loob ng bodega. Dahil madilim ay hindi niya nakita ang hagdanan pababa. Nahulog siya at gumulong ng ilang baitang. Sinalo ng mga kahon ang katawan niya kaya halos hindi siya makatayo. Mabuti na lang at gawa sa kahoy ang hagdanan kaya hindi siya masiyadong nasaktan. Paika-ika niyang kinuha ang cellphone na sa mga oras na iyon ay nakabukas pa ang flash light. Inilawan niya ang paligid at sa hula niya isa iyong underground. Hinanap niya ang switch ng ilaw at nang makita ay nagmamadaling tinungo niya iyon at binuksan. Bumulaga kay Vanessa ang napakaraming kahon doon, halos lahat ay naka sealed. May isang kahon na bukas kaya agad niyang tiningnan kung ano ang laman. Puro stop toys iyon na sa tingin niya ay para sa mga bata sa church na tinutulungan ni Madam V. Nakuha ng atensiyon niya ang isang manika na simula bata pa lang ay pinangarap niya nang magkaroon. Kinuha niya iyon at pinasadahan ng tingin. Napangiti siya sa naisip. Wala namang nakakakita sa kanya kaya puwede niyang kunin at dalhin sa kuwarto ang manika na iyon. Ipapasalubong niya sa pamangkin pag-uwi. Hindi naman siguro mahahalata ng mga tao roon na may nawawalang manika. Kinuha niya ang manika at inipit sa kili-kili. Pagkatapos ay nilibot niya ang buong bodega, puro lang talaga kahon ang mga naroroon, hanggang sa marating niya ang pinakadulo ’nun. May isang pintuan na nakasarado rin. Akmang bubuksan niya na ito nang may magsalita sa likuran niya. Pagbaling niya ay si Manang Isme.
“Talaga ngang makulit ka, Vanessa,” nakangisi nitong sabi. Napasulyap siya sa hawak nitong kutsilyo.
“Ma-manang Isme! Bakit po may dala kayong kutsilyo? Magloloto na po ba kayo?” taka niyang tanong rito.
“Hindi! Pero may tatadtarin akong tao!”
Hindi nakapagsalita si Vanessa. Ang tingin niya kay Manang Isme sa mga oras na iyon ay parang nababaliw. Magulo ang buhok nito at nanlalaki ang mga mata. Maghigpit din ang pagkakahawak nito sa kutsilyo.
“Handa ka na bang makipaglaro sa akin, Vanessa?”
Mas lalo pang natakot dito si Vanessa. Parang kanina lang ay ang ganda ng usapan nila at napaniwala pa siya nitong walang alam sa mga nangyayari roon.
“Alam mo bang may kabayaran ang lahat ng kapahangasan mo? Hindi kami makakapayag na ikaw ang magiging dahilan para mabulyiyaso ang negosyo ni Madam V. katulad ka rin ni Vicky. Pakialamera!” Sa mga isiniwalat nito ay nakompirma na niya na hindi talaga umuwi si Vicky. Talagang nawawala ito at sa tingin niya, sila ni Madam V, ang may kagagawan.
“Humanap ka na ng matatakbuhan mo, Vanessa! Dahil hindi ka na namin bubuhayin!” Nakita ni Vanessa ang pagbaba ng mga bantay roon. Mga nakangisi itong nakatingin sa kanya.
“Ano pang hinihintay mo! Takbo na!”
Tuluyan nang binuksan ni Vanessa ang pintuang nasa harapan at walang pagdadalawang isip na pumasok. Gamit ang ilaw ng cellphone, mabilis siyang tumakas. Hindi alintana ang madilim na paligid. Doon niya napagtanto na lagusan pala iyon pero hindi niya alam kung saan patungo. Wala na siyang pakialam kung saan siya dadalhin ng mga paa. Lakad takbo ang ginawa niya para lang makatakas sa humahabol sa kanya. Bigla niyang naisip na pina-sasakay lang pala siya ni Manang Isme pero ang totoo ay may binabalak na pala ito. Maya-maya ay may natanaw na siyang liwanag. Marahil iyon na ang pinakadulo ng tunnel. Binilisan niya pa lalo ang pagtakbo, himala na hindi niya nabibitawan ang hawak na manika. Ilang sandali lang ay tuluyan na siyang nakalabas, pero nagulat siya nang nasa gitna na siya ng kakahuyan. Lalo siya nakadama ng takot, pero wala siyang nagawa kundi ang magpatuloy sa pagtakbo. Nakita niya kasing papalapit na ang mga humahabol. Sa pagkakataong iyon ay nagpapaputok na ang mga ito ng baril. Halos mapugto na ang kanyang hininga sa sobrang pagod. Naghanap siya ng mapagtataguan at nang makahanap ay agad siyang nagtago. Pigil ang hininga habang nakikiramdam sa paligid. Nakarinig siya na parang may nagbubugnuan. Ngunit hindi siya nagtangkang sumilip sa takot na baka makita ng mga bantay. Ilang sandali lang, putok ng baril naman ang kanyang narinig. Napapikit at napatutop na lang siya sa bibig para hindi makagawa ng ingay. Ilang minuto pa ang lumipas ay tahimik na ang kapaligiran. Lumabas siya sa pinagtataguan ngunit sinalubong naman siya ng isang makamandag na ahas. Grabe ang kamalasan niya sa gabing iyon. Kaagad ay tinuklaw siya nito na naging dahilan para manghina at mahilo siya. Unti-unti siyang bumagsak sa lupa dahil sa magkahalong pagod at sobrang takot. Hanggang sa nawalan na nga siya ng malay.