Chapter 15
Katahimikan ang sumalubong kay Miguel pagpasok niya sa bahay ni Madam V. Nagtataka siya kung bakit tahimik ang buong kabahayan. Tinungo niya ang kusina kung saan madalas mag-istambay si Vanessa at Manang Isme. Pero tanging si Manang Isme lang ang naabutan niya. Busy ito sa pagluluto.
“Good morning po, Manang Isme,” bati niya sa ginang. Agad naman itong napabaling sa kanya at nakangiting tumugon sa pagbati niya.
“Napaaga ka yata, Miguel?” wika nito habang abala sa pag-aayos ng mga gamit. Umupo siya sa bakanteng upuan at nagtimpla roon ng kape.
“Susunduin ko po mamaya si Madam V. Ngayon po kasi ang dating niya,” tugon niya rito. “Nasaan nga po pala si Vanessa?”
Sandaling natigilan ito sa ginagawa at pasimpleng umiwas. Pero muli niya itong kinulit sa pagtatanong.
“Umalis po ba si Vanessa?”
Sa pagkakataong iyon ay napilitan na itong tugunin siya at sumulyap sa kanyang direksyon.
“Hindi ko alam. Kahapon kasi lumabas siya ng subdivision. Ang sabi ng guwardiya nakipagkita raw ito sa kaibigan. Hindi na siya bumalik,” iwas ang mga matang wika nito.
“Sino pong kaibigan?” takang tanong niya. Nakatuon ang mga mata sa ginang habang marahan siyang humigop ng kape.
“Hindi ko rin alam, eh. Basta hindi na siya bumalik pa.”
Hindi na nagtanong pa si Miguel sa matanda. Pinagmasdan niya na lang itong mabuti. Medyo balisa at kulang sa tulog ang itsura nito. Ilang minuto rin siyang nagtagal doon sa kusina bago muling magpaalam dito. Tumatawag na kasi ang driver nila. Marahil ay dumating na ang amo. Susunduin na niya si Madam V, sa airport.
Habang sa opisina naman ng The Eagles ay matamang pinag-uusapan ng mga kasamahan ni Miguel ang mga gagawin. May mga reports kasing dumating sa kanila ang tungkol sa tagong isla na kung saan naroroon ang mga babaeng nawawala kama-kailan lang. Nauuso na kasi ngayon sa Maynila ang kidnapping at madalas kinukuha ay mga babaeng nasa edad disi-otso pataas.
“Sa tingin ko si Brent ang ipapadala ni Miguel sa sinasabing isla. Kasi bawat isa sa atin dito ay may kanya-kanya nang misyon,” wika ni Theo na siyang namumuno ngayon sa ginagawang meeting.
“Parang ganoon na nga. Ako lang naman kasi ang free sa atin. Tapos ko na ang naunang misyon ko,” tugon naman ni Brent.
“Handa ka na bang mag stay roon kung sakaling makapasok ka sa nasabing isla?” baling naman sa kanya ni David.
“Of course! Sana'y naman ako sa mga ganitong kaso. At isa pa this is my job. Pinasok ko itong trabahong 'to hindi lang dahil sa grupo kung hindi dahil kagustuhan ko rin,” seryoso niyang wika.
“Lahat naman tayo ay gusto ang trabahong ito kaya nga tayo naririto. Masaya rin akong nabuo tayong grupo. Kahit papaano mukhang nakikilala na rin tayo. Marami nang kumukuha sa Eagles Empire para sa iba't ibang kaso at misyon na ibinibigay sa atin at masaya tayo sa ganoong bagay.”
“I agree! Mahirap, dahil buhay natin minsan ang nakasalalay pero marami naman tayong natutulungan, specially sa mga taong naging biktima,” sabat naman ni Clyde.
“And sometimes nagiging daan pa, to meet someone. I mean, minsan sa trabaho natin doon din natin nakikilala ang babaeng nakalaan pala para sa atin,” dagdag pa ni Bryan.
“Sus! Umiral na naman ’yang pagiging loverboy mo. Trabaho pinag-uusapan natin ’di ba? Bakit napunta na sa mga babae,” biro naman ni David sabay bato kay Bryan ng hawak na ballpen.
“Oh, bakit? Hindi ba totoo? I'm telling the truth!” palag pa ng binata.
Kaya ang seryosong usapan ng lahat ay napunta na sa biruan at tawanan. Habang seryoso lamang na nakikinig si Carla sa mga ito. Medyo nakaramdam siya ng konting kirot sa dibdib. Nakokonsensya siya dahil nagmukha siyang kontrabida sa sarili nilang agency. Lalo na sa kuya Miguel niya. Sigurado siyang kakamuhian siya ng kapatid kapag nalaman nitong nagtraydor siya, na mas pinili niyang pumasok sa Phoenix kaysa sa Eagles. Pero masisisi ba siya ng mga ito? Ayaw naman kasi siyang isama ng kuya niya sa mga trabaho nito. Hanggang ngayon maliit na bata pa rin siya kung ituring nito at dapat gala, bahay, at friends lang talaga ang routine niya. Kaya naman nagawa niyang magrebelde sa kabilang panig pa talaga.
“What's wrong, Carla? Mukhang tahimik ka yata ngayon?” puna ni David sa kanya.
“Mukhang hindi makakarating ngayon si Miguel. Kakatawag niya lang sa akin kanina. On the way na raw ang sugar mommy niya at kailangan niya na itong sunduin sa airport,” nagbibirong sabi naman ni Theo.
“Wala pa ba kayong nakuhang matibay na ebedensiya laban sa babaeng iyon?” tanong ni Carla sa mga ito.
“Sa ngayon, mukhang malabo pa. Matalino si Madam V. Kaya niyang lusutan ang mga ginagawa niyang illegal. Pero sa hawak at magiging witness natin sa kanya, mukhang malaki ang posibilidad na mahuhuli natin siya,” mahabang paliwanag naman ni Bryan na siyang may hawak ng facility para sa mga witnesses.
“Good news! Pero bukod kay Madam V, may iba pa ba kayong pinaghihinalaang kasusyo niya sa illegal na gawain?” pasimpleng tanong ulit ni Carla. Bigla siyang bumalik sa reyalidad at kinalimutan muna kung sino siya sa loob na iyon. Kailangan niya rin gawin ang trabaho niya bilang secret agent ng kabilang panig. Kaya nga madalas siyang naroon sa opisina ng Eagle's para makahanap din ng sagot sa kanyang trabaho. Doon siya kumukuha ng ibang impormasyon na hindi paghihinalaan ng mga ito.
“Yes! I think, kasusyo niya si Mister Gaspar. Ito kasi ang madalas niyang kasama sa business trip at out of town ng grupo ni Madam V. At kilala rin si Gaspar sa malalaking negosyo especially sa sasakyang pandagat. Marami siyang yatch na pag-aari na ayon pa sa mga espiya natin ay siyang ginagamit sa paghahatid ng mga droga.”
Napakislot si Carla nang marinig ang pangalan ng step father ni Leo. Paano nga kaya kung totoo ang mga hinala niya sa step father nito? Na isa rin ito sa mga utak ng illegal na nagsisimula nang kumalat sa bansa.
“So, for now kailangan na muna nating maghiwa-hiwalay. Tumatawag na ang fiancee ko para sa nalalapit naming kasal,” matamis ang mga ngiti sa labing wika ni Theo.
“Wow! Congrats, Pare! Kailangan na pala namin nitong magpatahi ng mga susuotin sa kasal? We sure naman na groomsmen kami riyan,” masayang sabi naman ni David.
“Of course!” agad na sabat ni Bryan.
“Sana, kami rin! Makakita na ng babaeng mamahalin,” kantiyaw naman ni Brent.
“Kaya ayaw kong pag-usapan ito, dahil alam kong maiinggit na naman kayo,” biro pa ni Theo.
“Oo na! Ikaw na ang in love ngayon!”
Nagkatawanan na lang ang lahat at nang matapos nga ang biruan ay balik na naman sa kanya-kanyang trabaho. Pero si Carla ay umalis na ng opisina. Alam niyang si Leo lang ang makakatulong sa kanya sa napagdesisyunan niyang gawin. Kailangan niya na ring kumilos para sa kanyang trabaho.
“Sorry, brother,” naibulong niya sa sarili habang kagat ang mga labi. Labis man siyang nakokonsensya sa kuya niya, wala naman siyang magawa kundi ang suwayin ito at hayaan ang sarili sa gustong gawin.
NAKAKASILAW na liwanag ang sumalubong sa hindi pa masiyadong maidilat na mga mata. Ramdam ni Vanessa ang pananakit ng katawan at ulo. Dahan-dahan siyang nagmulat at nilinga ang paligid na kinaroroonan. Maliit iyon na kuwarto na kulay puti ang paligid. May isang cabinet na may salamin ang nasa paanan niya kaya kitang-kita niya ang sariling repleksyon. May benda ang kanyang ulo at ang kaliwang binti. Nakasuot na rin siya ng kulay puti na kasuotan. Pero sa hula niya ay wala siya sa hospital dahil sa nakikita niyang matatayog na puno sa paligid mula sa malaking bintana. Nakabukas kasi iyon kaya ang malamig na hangin ay pumapasok din sa silid. Para siyang nasa liblib na lugar, dahil naririnig niya rin ang mga huni ng ibon at mga kulisap sa paligid. Mataas pa ang sikat ng araw pero humuhuni na ang mga ito. Nahagip ng kanyang paningin ang isang stop toys na nakapatong sa maliit na lamesa. Dahil doon ay unti-unting nagbalik sa kanyang ala-ala ang mga nangyari. Ang pagdiskubre niya sa sekretong kuwarto malapit sa kusina. Ang paghabol sa kanya ng mga tauhan ni Madam V, at ang pagpasok niya sa lagusan patungo sa kasukalan, ang ahas at nang mahimatay siya roon. Ang lahat ng iyon ay nag flashback sa kanyang isip.
“I'm glad you're awake!”
Napabaling siya sa nagsalita. Isang lalaking nakasuot ng kulay puti ang ngayon ay nasa pintuan na ng kuwarto.
“S-sino ka?”
“Hindi mo na kailangan pang malaman. But don't worry, Vanessa. You are safe now,” anito.
Lumapit ang lalaki sa higaan niya at tiningnan ang binti niyang naka-benda.
“Mabuti na lang at hindi malakas ang lason ng ahas na tumuklaw sa ’yo. Masakit pa ba?”
“O-oo. Ikaw ba ang nagligtas sa akin sa kakahuyan?” tanong niya sa lalaking hindi pa nakikilala.
“Hindi! May nagdala lang sa ’yo rito. My close friend. Ibinilin ka lang niya sa akin.”
“Sino?”
“Makikilala mo rin siya. . . Sa tamang panahon. Sa ngayon, magpahinga ka na lang muna at kumain. Dahil dalawang araw kang walang malay. I'm sure nagugutom ka na,” wika pa nito.
Tinitigan ni Vanessa ang lalaki. Gusto niyang kabahan dahil baka may masamang balak din ito sa kanya, pero hindi niya makapa sa dibdib ang takot. Mukha naman kasi itong maayos na tao. Matangkad, guwapo at halatang may lahing bughaw dahil sa mga mata nitong kulay asul na may halong green. Mahirap tukuyin kung ano ang lahi nito pero sigurado siyang hindi ito purong pilipino.
“Ipalagay mo na lang ang sarili mo, Vanessa. Hindi ako masamang tao at nasa safe house ka ngayon. Walang makakagawa ng masama sa ’yo rito. At isa nga pala akong doctor rito. Kaya feel free and safe,” nakangiting sabi nito.
Napabuntonghininga na lang siya at sinubukang kalmahin ang sarili. Medyo nakakaramdam na rin siya ng hilo dahil siguro sa wala pang laman ang kanyang tiyan.
“Wait a minute. Ipapahatid ko rito ang pagkain mo,” muling wika ng lalaki bago siya tuluyang iwan.
Naiwan si Vanessa na naguguluhan at maraming iniisip. Hanggang ngayon hindi niya pa rin maintindihan ang mga nangyayari. Kung sino at ano ba talaga ang mga taong nakatira sa bahay ni Madam V. Baka nga totoo ang mga nababalitaan niya noon kay Agot na may illegal na ginagawa si Madam V, at ang mga tauhan nito. Bigla niyang naalala si Miguel. Baka isa rin ito sa mga tauhan ni Madam V, na may plano rin sa kanya. Nakaramdam siya ng lungkot at kirot sa naisip. Kung ganoon din si Miguel, sayang naman ang pagmamahal niya rito. Oo, mahal niya si Miguel, simula noong una niya itong makita sa apartment na tinitirhan. Kaya nga naibigay niya ang sarili rito. Kahit pa sabihin na wala siya sa sarili nang may mangyari sa kanila, pero hindi niya iyon pinagsisihan. Naputol ang pagmumuni-muni niya nang biglang may pumasok naman na babae. Nakangiti itong sumulyap sa kanya habang may bitbit na malaking tray na may lamang mga pagkain. Nakasuot rin ito ng kulay puti na sa hula ni Vanessa ay isa namang nurse.
“Hi! Kumusta ka na?” bati nito sa kanya.
“Ma-mabuti naman,” nauutal niyang tugon. Pilit siyang ngumiti rito kahit nagsimula nang maramdaman ang kirot ng sugat sa kaliwang binti.
“Halika. Tulungan kitang bumangon para makakain ka na,” pagmamagandang loob nito.
Kahit hirap ay pinilit ni Vanessa na bumangon. Nahihiya siya sa magandang dalagang nasa harapan.
“So, ayan. Makakakain ka na,” wika pa nito matapos siyang tulungang makaupo.
Kinuha nito ang dalang pagkain at itinapat sa kanya. Humila ito ng isang upuan para may patungan siya.
“Salamat,” wika niya sa dalaga.
“Sige, kumain ka na. Dito lang ako sa tabi.”
Kahit nahihiya ay wala namang choice si Vanessa. Kailangan niya ng tulong sa ngayon dahil sa kalagayan. Nasa panganib rin kasi ang buhay niya. Kahit sabihin pang mahirap magtiwala sa mga taong hindi niya nakikilala. Pero sa mga ipinakita sa kanya ng mga taong pumapasok doon ay medyo nakampante na rin siya.
“Oo nga pala. Ako pala si Rona. Vanessa ang pangalan mo, ’di ba?” pagpapakilala at tanong nito sa kanya.
“Oo,” tipid niyang tugon habang ngumunguya ng pagkain.
“Saka na lang kita tatanungin sa mga nangyari sa ’yo kapag maayos ka na talaga. Total naman ay mahaba-haba pa ang pananatili mo rito,” wika nito.
Ngumiti lamang siya sa dalaga. Hangga't maaari ay ayaw munang magsalita ni Vanessa sa mga nangyari. Dahil hindi niya pa alam kung saan siya naroroon at kung sino ang mga ito. Natatakot na siyang baka matulad lang sa bahay ni Madam V. Nagmukha siyang inosenti roon. Buong akala niya talaga ay kakampi niya si Manang Isme, iyon pala ay may binabalak sa kanya. Bigla niyang naisip si Vicky. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang balita rito, pati na rin sa kaibigan niyang si Agot.
“Masasagot ang mga iniisip mong ’yan one of these days, Vanessa,” makahulugang sabi ni Rona. Parang nahuhulaan yata nito ang mga katanungang nasa isip. Hindi na lamang pa nagsalita si Vanessa.