Chapter 3

2839 Words
CHAPTER three   DAHAN-DAHANG lumakad si Grace patungo sa kinaroroonan ng lalaki. Ang nakalugay niyang buhok ay mabining inililipad ng hanging-dagat, gayundin ang damit niyang kinulang sa tela sa likod. Backless ang gown na suot niya kaya marahil nakakadama siya ng lamig. This is it Grace! First impression pala, ha. Puwes, bibigyan ko siya ng first impression… Sa isip niya, tumugtog ang kantang “Beautiful Girl.” She walked regally like a newly crowned Miss Universe. Nakataas ang noo niya, nakaliyad ang dibdib, at nakapaskil sa mga labi ang ngiting nagtatago ng kabang nararamdaman niya. Hindi mahirap para sa kanya ang maglakad nang ganoon dahil naging beauty queen siya sa maliit na bayan nila sa Marinduque. Ilang hakbang na lang at malapit na siya sa kinatatayuan ng misteryosong lalaki. Bukod sa a la Miss Universe niyang lakad ay may naisip pa siyang gimik para magpapansin dito. She needed to make a scene. Ang naisip niyang plano ay ang kunwaring pagkatalisod niya. Gagawin niya iyon para makuha ang atensiyon ng lalaki. Kapag susuwertihin siya ay sasaluhin siya ng man-in-search, kapag minalas ay buhanginan ang bagsak niya,kailangan lang niyang umakto ng natural. Pino ang mga buhangin at walang paraan para matalisod siya pero nagawa niya nang maayos ang plano niya, at sa isang iglap ay kunwaring nawalan siya ng balanse. Agad namang nakalapit sa kanya ang man-in-search, nahaklit siya sa baywang at naiwasan ang tuluyang pagsadsad niya sa buhanginan. Lihim siyang napangiti. Iyon talaga ang balak niya, ang mahawakan siya nito upang iparamdam dito kung gaano kalambot at kabango ang katawan niya, lalo pa nga at nakahantad ang likod niya. Mukhang nagtagumpay naman siya dahil hindi pa siya nito binibitiwan. Kunwari ay nahihiyang bumitiw siya rito at inayos ang sarili, Great! Puwede ka nang mag-artista, Grace! puri niya sa sarili. Next move, pakipot style. “Salamat! My name is Grace Fernandez. It’s nice to meet you.” Iniabot niya rito ang kamay niya at hindi ang pisngi niya na alam niyang siyang ginawa ng iba pang mga babae. Hindi nakaligtas sa kanya nang bahagyang umangat ang isang sulok ng mga labi nito bago tinanggap ang kamay niya. Akala niya ay makikipagkamay lamang ito, pero ganoon na lang ang gulat niya nang dalhin nito iyon sa mga labi nito at dampian ng halik. Bahagya pa nitong pinisil ang kamay niya na hindi niya maunawaan ang ibig sabihin. Idagdag pa ang kakaibang init mula sa palad nito na tila nanunulay sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan. “The pleasure is all mine, Graciana,” sagot nito. Halos mapasinghap siya nang magsalita ito dahil hindi niya inaasahan ang dating ng boses nito sa kanya. Buong-buo iyon at tila may kakaibang kiliting hatid ang pagkakabigkas sa pangalan niya. Teka! Wait! Sandali! Tinawag niya akong Graciana?! Awang ang bibig na pilit niyang kinikilala kung sino ito sa likod ng maskarang suot nito. Kilala ba siya nito o kilala niya ito?  Ah, kunsabagay, ito nga pala ang man-in-search, maaaring napag-aralan na nito ang mga profile nilang mga kandidata. “The camera has been rolling for almost two minutes now, and the only scene they’ve got is you staring at me like you can see my face behind this mask,” wika nitong nakatingin nang deretso sa kanyang mga mata. Napapahiyang iniiwas niya ang mukha mula sa mga mata nito. Kakaiba kasi ang mga mata nito—tila nangungusap. Iyon pa naman ang isa sa mga kahinaan niya; iyong lalaking nagtataglay ng kakaibang karisma ang mga mata at may nakapanlalambot-tuhod na epekto. “Conceited,” mahinang bulalas niya ngunit may pekeng ngiti naman sa kanyang mga labi dahil alam niyang nakatutok pa sa kanila ang camera. Agad din naman niyang nasaway ang sarili. Tiyak na na-record ang sinabi niyang iyon. Bakit ba nakalimutan agad niyang may lapel microphone na nakakabit sa damit niya? “Thank you. I’ll take that as a compliment,” tila naaaliw na wika nito, bago siya inakay papasok sa bahay. “I’ll tell you a little secret, Grace,” pabulong na wika pa nito habang naglalakad sila. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya nakalimutan ang lapel mic na suot niya. In-off niya iyon bago siya sumagot sa lalaking nakamaskara. “I’m not interested!” mahinang angil niya. Parang gusto na niyang magsisi na napasok pa siya sa gulong iyon. Malay ba naman niyang ganoon kaangas ang man-in-search na ito, kung sino man ito. “Oh, you will be interested once you hear it. Remember what happened on May fifth?” Nanigas ang katawan niya bago nagtatakang tiningnan uli ang lalaking kaagapay niya sa paglalakad. Pilit niyang kinikilala kung sino ang lalaking ito, pero wala talaga siyang maalala. Sinenyasan ng man-in-search ang cameraman na nakasunod sa kanila. Tumaas ang isang kilay niya nang walang salitang umalis ang cameraman at iniwan sila. Pagkatapos ay hinarap siya ng lalaki. “You don’t recognize me? That really hurts, Gracia! Hindi mo ba talaga ako nakilala? It’s either you were really drunk that night, or I was not a good kisser.” Napamulagat siya. Parang kidlat na biglang bumalik sa alaala niya ang nangyari noong nakaraang buwan… “Truth or dare?” “D-dare!” namumungay ang mga matang sagot niya kina Marissa at Sisi. Nasa isang bar sila sa Libis at nagsasaya dahil malapit nang bumalik sa Italy si Sisi. Hanggang sa maparami na ang inom nila at nauwi sila sa paglalaro ng truth or dare. At dahil malakas na rin ang tama niya ay pinatulan niya ang larong iyon. “D-dare daw, Marissa!” Tawa nang tawa si Sisi dahil sa sobrang kalasingan. “Dare her, buddy!” Kapag lasing ito ay tawa ito nang tawa kahit wala namang nakakatawa sa mga sinasabi nila. “Yeah! Gusto ko `yong pinakamatinding dare ang gagawin ko!” palaban pang hamon niya. “Nakikita mo `yong guy na `yon?” wika ni Marissa na itinuro sa kanya ang isang sulok ng bar. Tumango siya nang maaninag niya ang isang lalaking umiinom. Hindi niya masabi kung lasing lang ba talaga siya kaya matikas ang rehistro ng profile nito sa paningin niya. “G-great. Ganito ang gusto kong gawin mo, Grace… kiss him!” Pilyang ngumiti siya. “`Yon lang? Chicken!” nakataas ang isang kilay na sabi niya. “Ano? Gagawin mo talaga?” hindi makapaniwalang tanong ni Marissa. Sa kanilang tatlo, tila ito na lang ang matino pa ang isip  at hindi pa lasing. “J-just watch and learn,” nakangising sagot niya bago tumayo at pasuray-suray na tinungo ang kinaroroonan ng lalaki. Nang makalapit dito, kinuwelyuhan niya ang lalaki at walang babalang siniil ito ng halik. “Gracia! Tama na `yan, halika na! S-sorry, mister. Lasing na kasi itong kaibigan ko,” mabilis na wika ni Marissa na hinila siya palayo sa lalaki. “S-shandali lang,” tutol niya bago binalikan ang lalaki at muli itong hinalikan. He had such sweet lips!   NANLALAKI ang mga matang hinila ni Grace sa isang sulok ang lalaki. At nagpahila naman ito sa kanya. May malapad na ngiti sa mga labi nito. “P-paano mo nalaman ang tungkol sa bagay na iyon? Kinunan mo ba kami ng video ng lalaking iyon? Nasaan ang video? Huwag mong sabihing in-upload mo sa YouTube? Ibigay mo sa akin ang video!” sunod-sunod na tanong niya. Tumawa muna ito bago marahang itinaas ang baba niya. “Baka nakakalimutan mo kung nasaan tayo ngayon, Gracia. Ipapaalala ko lang sa iyo na nagte-taping tayo ng unang episode ng Search for Miss Right. Pero heto ka at hinila mo ako sa isang tabi para komprontahin sa ginawa mong pagkakalat noong nakaraang buwan. You’re interrupting the flow of events here, honey.” Hindi niya naunawaan ang sinabi nito dahil ang atensiyon niya ay nasa isang daliri nito na humahaplos sa balat niya. May kakaibang init na nagmumula roon na tila may binubuhay na kung ano sa pagkatao niya. Nakagat niya ang kanyang labi dahil sa kakaibang sensasyon na iyon. “Oh, hell! Stop doing that!” wika nitong ang tinutukoy ay ang pagkagat-kagat niya sa kanyang labi. Agad naman siyang tumigil nang maalala niya ang sinabi sa kanya nina Marissa at Sisi. Kapag kinakagat daw kasi niya ang labi niya ay para siyang nang-aakit na ewan. She had full bow-shaped lips. At ilang beses nang may nagsabi sa kanya na kaakit-akit daw ang mga labi niya. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang sa isang iglap ay kabigin siya ng man-in-search at angkinin ang kanyang mga labi. Nanlaki ang mga mata niya, hindi sa pagkabigla kundi sa isang realisasyon nang magtagpo ang mga labi nila. The way his lips moved over hers, the familiar warmth, the sweet sensation… Para siyang ibinalik sa madilim na bahagi ng bar. Ang halik ng lalaki ngayon ay kaparehong-kapareho sa halik ng lalaki sa bar noon. Lasing ba ako? napapantastikuhang tanong niya sa isip. Hindi siya maaaring magkamali, ang lalaking ito at ang lalaki sa bar ay iisa. Tandang-tanda niya kung paano kumilos ang mga labi nito kahit lasing siya. Nahumaling siya sa ekspertong mga labing iyon kaya nga binalikan pa niya nang hilahin na siya ni Marissa. That was the most embarrassing moment of her life. Hindi niya akalaing magagawa niya ang bagay na iyon. Ang masama, tumatak na sa isip niya ang mga labing iyon gaano man siya kalasing. Malinaw iyon sa memorya niya kahit nang maalis na ang hangover niya. Hindi siya nagkakape at wala siyang insomnia pero ilang gabi siyang hindi pinatulog ng mga labing iyon. His lips moved gently over hers. Ngunit kahit napakabanayad, napakatindi pa rin ng epekto niyon, deretso sa kanyang puso. It was simply magical. Bago pa siya tuluyang matangay ay nagawa na niyang makalaya mula rito. Ano’ng nangyayari dito? wala sa sariling tanong niya. Putik na brain cells ko, magtrabaho ka! Hindi kasi organisado ang isip niya kaya hindi niya maunawaan kung ano ang nangyayari sa paligid niya. Parang nahipnotismo siya na hindi niya maunawaan. Humakbang siya palayo sa lalaki at hindi maka-paniwalang umiling-iling. “I-ikaw ba ang l-lalaking iyon sa b-bar? S-sino k-ka ba?” Nang humakbang ito palapit ay muli siyang napahakbang paatras. “Damn! I hate it when you react that way, Grace. Na para bang natatakot ka sa akin.” Tumaas ang tinig nito, pero agad ding huminahon. “I’m sorry,” wika nito nang makita ang takot sa mukha niya sa pagtaas ng tinig nito. “Come here,” muling wika nito sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay mahinahon at mapanghibo na ang tinig nito. Namalayan na lang niya na humahakbang na siya palapit dito. Sumikdo ang puso niya nang gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. “I love it here but we have to go back to the hall, Grace. May show pa tayo na kailangang tapusin. You’ll get your answer later,” sabi nito. Hindi na siya nakatutol nang alalayan na siya nito pabalik sa function hall ng bahay. Dinala siya nito sa umpukan ng kababaihan, pagkatapos ay umalis na ito. “Good job, Grace!” anang tinig na nagmula sa earpiece niya. “H-ha?” gulat na tanong niya. Hindi kasi niya maunawaan kung ano ba ang ibig sabihin ng sinabi nitong “good job.” Ngunit bago pa siya makapagtanong uli ay umalingawngaw na ang kalansing ng mga kopita. Nagto-toast na pala ang mga kasama niya. Dali-dali na siyang lumapit sa kinaroroonan ng cocktail drinks bago pa may makapuna sa pagkawala niya sa sarili niya. “Grace, your lapel mic is off. Switch it on,” sabi uli ng tinig mula sa earpiece niya. Natatarantang pinindot niya ang “on” button ng lapel mic. Napansin din niya na wala nang mga cameraman na umiikot sa kanila. Marahil ay ang mga camera na nasa loob ng bahay ang kumukuha ng mga pangyayari doon. Ilang sandali pa ay kinuha na ng host na si Bernadette ang atensiyon nilang lahat. Napansin niyang nasa tabi na nito ang man-in-search na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makilala. Hindi man niya makita ang mukha nito ay hindi maitatanggi ang kakaibang presensiya nito. Nag-uumapaw iyon nang sobra-sobra at imposibleng hindi mapansin. “Ten gorgeous ladies like me. Unfortunately, I’m not qualified to be amongst you…” panimula ng host na ikinatawa ng lahat. Ilang jokes pa ang binitiwan nito bago ito sumeryoso. “You’re all here to capture the heart of the man in search of Miss Right. You can do whatever you want to make him fall for you. But in the end, only one lady will come out victorious. And that lucky lady will be the girlfriend of our man here. Alam kong nasasabik na kayo na makilala kung sino ang ating man-in-search. Kaya bago pa ninyo ako masabunutan ay ipakikilala ko na sa inyo kung sino ang ating man-in-search.” Napuno ng katahimikan ang buong silid, lahat ay nasasabik na malaman kung sino ang lalaki. Lalo yatang dumagundong ang dibdib niya. Hindi na kasi siya makapaghintay na malaman kung sino ang lalaking nagmamay-ari ng mga labing hindi nagpatulog sa kanya nang ilang linggo; ang lalaking pinagkuhanan niya ng inspirasyon para makabuo ng mga romantikong eksena sa kanyang hindi pa natatapos na nobela. Hindi pa natatapos ang nobelang iyon dahil hindi niya malagyan ng wakas. “Okay, let’s play a little guessing game…” natatawang wika ng host. “Kabilang siya sa sikat na grupo ng pitong lalaki. May nakabihag na sa mga puso ng limang miyembro...” Umugong ang bulungan sa function hall. Kahit siya ay biglang kinabahan. Napaka-giveaway kasi ng clue na ibinigay ng host at kahit sino ay malalaman kung ano ang sagot doon, lalo na kung babae ka. Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa grupong iyon? May asawa na sina Pierro, Jared, Randall, Art, at Miro habang ang wala pang asawa ay sina Milo at Mike. Awang ang bibig na ibinalik niya ang tingin sa man-in-search. Si Milo o si Mike… Ang alam niya ay may hawak na kaso sa ngayon si Attorney Milo kaya imposibleng magkaroon pa ito ng oras para sumali sa isang dating game. Oh, my God! So this is Mikael Henric Villamor! Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa realisasyon na iyon. Si Mike pala ang lalaking hinalikan niya noon sa bar. “Ladies, it’s my pleasure to present to you the man searching for Miss Right. None other than Mikael Henric Villamor himself!” pagkumpirma ng host sa iniisip ng lahat. Inaasahan na niya iyon pero hindi pa rin niya maiwasang mapasinghap sa rebelasyong iyon, lalo na nang unti-unting tanggalin ni Mike ang suot nitong maskara. Napakaguwapo nito habang matikas na nakatayo sa pinakapuno ng hagdan. Nananaginip lang ba siya? Anong lason ang nakain ni Mikael Henric o mas kilala sa tawag na “Mike” para sumabak sa ganoong palabas? Isa itong businessman at ang mga bagay na tulad ng dating ay parang napakalayo sa tipo nito. Oo nga at pagmamay-ari ng pamilya nito ang Villamor Brodcasting Network, pero ni sa panaginip ay hindi niya naisip na papatulan nito ang ganoong palabas.  Oh, dear! Si Mike ang hinalikan ko noon?! Hindi makapaniwalang hinabol niya ng tingin ang lalaking abala na sa pakikipagbeso sa ibang mga dalaga. Para namang may ESP at naramdaman yata nitong nakatingin siya rito kaya lumingon ito sa gawi niya bago nagpaalam sa ibang mga babae at tinungo ang direksiyon niya. “Hello, Grace, my name is Mike. So, nakuha mo na ang sagot sa tanong mo kung sino ang lalaking hinalikan mo last month?” mahinang wika nito, makikita ang panunukso hindi lamang sa tinig kundi pati sa mga mata nito. “I’ve been wondering, nakatulog ka kaya no’n?” “B-bakit naman h-hindi?” Ano ba, Grace? Nami-milipit ang dila mo! Tumikhim muna siya bago taas-noong hinarap ito. “O-of course, bakit naman hindi ako makakatulog? Wala lang `yon sa akin. Hindi naapektuhan ang sistema ko kaya maayos pa rin ito hanggang ngayon. Lasing ako kaya nangyari iyon. Thank God dahil paggising ko ay itinuring ko na lang iyon na isang nakaaaliw na adventure,” defensive na wika niya, pero sana ay hindi nito iyon mahalata. Bakit lagi nitong ipinapaalala sa kanya ang bagay na iyon? Ano ba ang gusto nitong palabasin? Gusto niyang magdiwang nang mawala ang nanunuksong ngiti nito at sa halip ay bahagya pa ngang nagsalubong ang mga kilay nito tanda ng pagkadisgusto sa sinabi niya. Akmang magsasalita na sana siya nang bigla silang lapitan ng isang babae at hilahin nito palayo sa kanya si Mike. Nakahinga siya nang maluwag, pero alam niyang mula sa araw na iyon ay hindi na matatahimik ang buhay niya. Kung hindi nga lamang siya hopeless romantic ay baka nagpakasal na siya kay Francis makabayad lang sa utang niya. Alam niyang magiging mabuting asawa ang kaibigan niya, iyon nga lang, emotera siya at gusto niya ay may approval ng puso niya ang taong pakakasalan niya.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD