Chapter 2

2297 Words
CHAPTER two   “SEE? TAMA ako, `di ba? Hindi nila pakakawalan ang alindog mo. Sayang, hindi namin nakita ni Sisi kung paano ka nila inapura para pumirma ng kontrata. Kung bakit naman kasi hindi mo ako isinama. Ni hindi ko alam na nag-audition ka roon,” nagtatampong wika ni Marissa. Tinutulungan siya nitong mag-empake ng mga damit niya habang si Sisi naman ay pangiti-ngiti lang sa isang tabi. “Sus! Huwag ka nang magtampo, ipapasalubong ko naman sa iyo ang mapapanalunan kong boyfriend. Basta akin lang ang cash, ha?” Lingid sa kaalaman ng dalawang kaibigan niya ay pumunta siya sa huling araw ng audition ng Search for Miss Right. Urong-sulong pa siya kung tutuloy sa VBN. Hanggang sa mapagdesisyunan niyang tumuloy sa pag-o-audition. Nakarating siya sa itinakdang audition site. Halos puno ang auditorium ng kababaihang nais humabol sa audition. Kumakabog man ang dibdib niya sa nerbiyos ay pumila pa rin siya. Habang nakapila, napansin niya ang ilang staff na paroo’t parito na para bang tinitingnan silang mga nag-o-audition. May isa pa ngang tumigil sa harap niya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Tatarayan na sana niya ito nang tumalikod ito, at nang bumalik ay may kasama ng isa pang staff. Halos hindi na niya naunawaan ang mga sumunod na nangyari. Basta namalayan na lang niyang kasama na siya ng dalawang staff sa isang silid at ipiniprisinta sa kanya ang mga dokumentong dapat pirmahan bilang isang opisyal na kandidata sa reality show. Tinanong din siya kung desidido raw ba siya, at kung ano-ano pa. Kailangan talaga niya ng pera at iniisip niya ang halagang puwede niyang mapanalunan doon kaya agad siyang napapirma ng kontrata. Halos hindi nga niya naunawaan kung ano-ano ang mga nakalagay roon. “Tarsier ang ipasalubong mo sa akin, ipapaubaya ko na kay Marissa ang boyfriend,” wika ni Sisi. Natawa siya. “Para namang puwedeng ipasalubong ang tarsier. Endangered na kaya ang mga `yon. Chocolate hills, type mo?” Sa isang private beach house sa Bohol ang location ng show. Hindi pa nila alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng beach house, pero sa unang gabi nila sa Bohol ay sa LaVill Hotel muna sila tutuloy para sa karagdagang instruction at briefing. Hula niya na ang “Vill” sa pangalan ng hotel ay Villamor ang ibig sabihin. Kung ganoon ay may posibilidad din na pag-aari ng mga Villamor ang beach house na iyon. “Sige, sa akin mo ipasalubong ang boyfriend, dahil ibig sabihin n’on ay ikaw ang nanalo. Kapag nagkataon, solve na agad ang problema mo. Huwag kang mag-alala, magsasayaw ako sa Obando para ikaw ang manalo.” Napatayo bigla si Sisi mula sa kinauupuan nito at pabirong sinabunutan si Marissa. “Anong magsasayaw ka sa Obando? Fertility dance `yang sinasabi mo!” Ang lakas ng tawa ni Marissa. “Alam ko `yon. Pinapatawa ko lang itong si Grace. Kung makapag-react ka naman…” “Mabuti na iyong maliwanag,” nakaingos na sabi ni Sisi. Bumaling ito sa kanya. “Gracie, huwag mong kalilimutan na reality show `yon. Beinte-kuwatro oras na umiikot ang mga camera sa beach house na tutuluyan n’yo.” “Alam ko `yon. At saka malabo sigurong makalimutan ko iyon dahil beinte-kuwatro oras din na may nakakabit na lapel mic sa katawan ko,” wika niya, bagaman hindi pa niya alam kung paano mag-a-adjust sa ganoong sitwasyon. Kunsabagay, sinabi sa orientation sa kanilang mga kasali sa show na mahigit isang buwan lang diumano gagawin ang shooting dahil dalawang babae ang tatanggalin kada linggo. Sampu lang naman silang mga babae kaya sa tantiya niya ay isang buwan at isang linggo lang tatagal iyon kung double elimination ang mangyayari. Sa tingin niya ay makakaya niya iyon. “Basta mag-iingat ka roon, ha?” bilin ni Marissa. “Oo naman. Isa pa, allowed naman kaming gumamit ng cell phone. Madali akong makakatawag sa inyo.” “Allowed ang cell phone? Hindi ba weird `yon? `Di ba dapat walang cell phone o kahit na anong bagay na puwede ninyong magamit para makapag-communicate sa outside world?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Sisi. “OA ka na, Sisi, hindi naman Big Brother ang sinalihan ko,” natatawang sagot niya. “Makakalabas naman kami ng bahay sa dates namin. At `yong sa cell phone, allowed nga pero ‘call at your own risk’ ang paggamit. Ibig sabihin, hindi kami puwedeng magbigay ng impormasyon o development tungkol sa nangyayaring taping. Nakalagay sa kontrata na kakasuhan ang sino mang pagmumulan ng leakage,” paliwanag niya. Tumango-tango ang mga ito. “Siyanga pala, Grace, huwag kang masyadong iinom ng alak kapag nandoon ka na, ha?” ani Marissa na kumikislap ang mga mata sa panunukso. “Mars!” hiyaw niya bago dumampot ng damit at ibinato iyon dito. Hanggang maaari ay ayaw na niyang alalahanin pa ang pagkakalat na ginawa niya sa isang bar dahil nalasing siya nang husto. Itinaas nito ang kamay. “Ikaw na nga itong pinapaalalahanan, eh. Mamaya niyan, kung ano ang gawin mo ro’n, ha,” anito, sabay tago sa likuran ni Sisi na hindi rin maitago ang panunukso sa mga mata. Ilang sandali pa at hinahabol na niya ng kurot ang dalawa.                                           “WALA ba kayong maisip na magandang proposal? Pulos pang-short-term goal ang mga ito. Ang gusto kong proyekto ay pang-long-term! What’s wrong with all of you? Baguhan ba kayong lahat dito, ha?” sermon ni Mikael sa mga department head ng kompanya. Ilang araw nang mainit ang ulo niya. Hindi pa rin niya natatanggap nang lubos ang napipintong pagpasok niya sa show business. Tuloy ay naibubunton niya sa mga empleyado niya ang inis niya. “This is all—” Naputol ang paglilitanya niya nang umalingawngaw ang ringing tone ng kanyang telepono. Iyon ang ringing tone na naka-assign sa mga kaibigan niya. Batas sa pagkakaibigan nila ang pagsagot sa tawag ng bawat isa kahit nasaan pa sila—nasa kalagitnaan man sila ng meeting o kaya ay nasa kasarapan ng tulog. “Pier,” aniya nang mabasang si Pierro ang tumatawag. Sinenyasan niya ang limang ka-meeting na lumabas na ng opisina niya. “I heard the news,” ani Pierro nang balikan niya ang tawag nito. Gusto niyang mapailing. Hayun at mag-uumpisa na ang pang-aasar sa kanya! At siguradong sunod-sunod nang magsisitawag ang iba pa niyang kaibigan. Hindi nga siya nagkamali dahil may pumapasok na uling tawag sa cell phone niya. Napapalatak na lang siya nang makita niyang conference call iyon mula sa iba pang kaibigan niya. “Don’t you dare laugh at me, guys!” agad na babala niya nang maikonekta na ang lahat ng kaibigan niya sa iisang tawag. “Jared, napakadaldal talaga niyang kapatid mo!” Tumawa si Jared. “You’re accusing the wrong person, Mike. Hindi si Milo ang nagsabi sa amin.” “Then who?” “Si Tito Oscar,” sabay-sabay na sagot ng mga ito, saka binuntutan ng malakas na tawa. Napaungol siya. “Si Tito Oscar talaga!” “Who would believe that you’re searching for Miss Right when the girls are chasing after you?” biro ni Randall. “Mike, may importanteng meeting ka ba ngayon? Pumunta ka rito sa bahay. Gusto tayong pag-eksperimentuhan ni Ada ng bago niyang putahe. Tamang-tama, we can talk about that reality show you’re in over lunch,” sabi naman ni Art. “Mabuti pa nga, nang may mailaban naman ako diyan sa mga pang-aasar ninyo,” pagpayag niya. “Okay, we’ll see you in an hour or so,” wika ni Art bago nagpaalam. Ilang palitan pa ng pang-aasar ang nangyari bago nagpaalam na rin ang iba pa niyang kaibigan. Iiling-iling na ibinalik niya ang telepono sa kanyang bulsa. Kung hindi nga lang talaga sa VBN ay malabong mapapayag siya ng tito niya na gawin ang bagay na iyon. Pero may isang salita siya kaya wala na siyang choice kundi gawin ang reality show na iyon, labag man sa loob niya. Ngayon tuloy ay kailangan niyang isantabi muna ang isang bagay na nagpapagulo sa kanyang sistema—ang paghahanap sa babaeng iyon na nakaengkuwentro niya sa isang bar. Nagpasya siyang umakyat sa rooftop ng building para doon hintayin ang helicopter na ipinadala ni Art. “s**t!” bulalas niya nang paghila niya sa jacket na nasa ibabaw ng desk ay nagsilaglagan ang mga file folder na naroon. Babale-walain na sana niya iyon nang maagaw ang atensiyon niya ng isang folder na nakabukas. Alam niyang iyon ang folder ng mga kandidata sa Search for Miss Right. Ilang araw na iyon sa desk niya pero hindi niya pinagkaabalahang buklatin man lang. Pero ang litratong iyon na tila nakangiti sa kanya ay nagpakabog sa kanyang dibdib. Dali-dali niyang dinampot iyon at pinakatitigan. “It’s her!” Hindi siya maaaring magkamali at sigurado siya na ito ang babaeng hinahanap niya. Kung kanina ay halos maghuramentado na siya, ngayon ay may nakapaskil nang malapad na ngiti sa kanyang mga labi. Parang bigla siyang nasabik na magsimula na ang taping para sa reality show.   ILANG ulit na bumuga ng hangin si Grace bago lumapit sa nakaumpok na siyam pang kababaihan. Nakilala na niya ang mga ito, pero si Joewelyn ang mas nakapalagayang-loob niya dahil ito ang kasama niya sa hotel room. Nasa LaVill Hotel pa sila nang mga sandaling iyon. Ilang sandali na lang ay magsisimula nang umikot ang mga camera para sa unang araw ng shooting. Mula sa LaVill ay sasakay sila sa isang limousine para ihatid sa private beach house na magiging location ng reality show. Nakilala na niya ang siyam pang kababaihan. pero hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin siyang ideya kung sino at kung ano ang hitsura ng binatang naghahanap ng Miss Right. Tila top secret iyon dahil maging sa mga TV plug ay hindi rin ipinapakita kung sino ang lalaking iyon. Ang sinasabi lang ay sikat ito at pantasya ng kababaihan. Bigla tuloy siyang napaisip kung sino ang sikat at pantasya ng kababaihan. Artista kaya ito?  “Isa-isa kayong bababa ng limousine, pagkatapos ay makikita ninyo ang man-in-search na naghihintay sa patio. Lalapit kayo sa kanya at magpapakilala. Bahala na kayong gumawa ng gimik na gusto ninyo para makuha ang atensiyon ng man-in-search. Remember, ladies, ang makakakuha ng first impression rose mula sa ating man of the hour ay ligtas sa unang double elimination.” Halos mapaubo si Grace sa sinabi ng direktor na siyang nagbibigay ng instruction sa mga dapat nilang gawin. Sinasalakay na kasi siya ng kaba at parang gusto na niyang mag-back out. Pero hindi na puwede dahil ang perang natanggap niya noong pumirma siya ng kontrata ay naipadala na niya kay Francis bilang paunang bayad sa utang niya. Iisipin na lang siguro niya ang mukha ng pinakamamahal niyang kuya para magkaroon siya ng lakas ng loob na ituloy pa rin iyon. Sinulyapan niya ang iba pang kasali. Pawang magaganda ang mga ito at sa tingin niya ay determinado rin ang mga ito na manalo. Siya nga lang yata ang inaatake ng nerbiyos nang mga sandaling iyon, dahil excitement ang nababasa niya sa mga mukha ng mga ito. Aba, teka! lihim na bulalas niya nang makita niyang tinitingnan siya ni Myla mula ulo hanggang paa na para bang pinag-aaralan nito ang bawat detalye ng katawan niya. Itinaas niya ang kanyang noo at iniliyad ang dibdib. Wala siyang dapat ikahiya sa kagandahan niya. Hindi siya tulad nito na sa unang tingin ay tila perpekto ang kagandahan, pero halata namang “salamat, Doc” iyon. Well, dapat nitong malaman na hindi siya ang tipong basta na lang magpapatalo. Iyon ang mensaheng nais niyang makita nito sa mga mata niya. Nayabangan na kasi agad siya sa ginawa nitong paghagod sa kabuuan niya. Hanggang maaari ay gusto niyang kaibiganin ang ibang mga kalahok, pero mukhang mabibigo siya sa isang ito. Kung kakompetisyon ang tingin nito sa kanya, iyon ang ibibigay niya rito. Gagawin niya ang lahat para manalo. Sayang ang pera at ang bonus na boyfriend! Napangiti siya sa huling naisip. Ni hindi siya sigurado kung magugustuhan niya ang man-in-search. “Okay, ladies! Keep your poise, the camera will start rolling in one, two, and three!”                     HINDI ganoon kalayo ang ang beach house sa LaVill Hotel dahil ilang minuto lang ay naroon na sina Grace. Kailangan lang kunan ng footage ang limousine na sinasakyan nila kaya nagkaroon pa ng ganoong eksena. Alam na nila ang pagkakasunod-sunod ng pagbaba nila. Panghuli siya kaya lalo siyang kinakabahan. Para na siyang sinisilihan sa pagkakaupo niya nang isa-isa nang magsibaba ang mga kasama niya. “Grace, it’s your turn.” Napapitlag siya nang marinig ang instruction na iyon. Nawaglit sa isip niya na bukod sa lapel mic ay may maliit na earplug ding nakakabit sa tainga nila kaya kahit umiikot ang camera ay nabibigyan pa rin sila ng instruction ng director. Huminga muna siya nang malalim bago bumaba. Halos mapasinghap siya nang makita niya ang napakaliwanag na beach house dahil punong-puno iyon ng mga ilaw. Kahit gabi ay kitang-kita ang kakaibang arkitektura ng beach house. Kung hindi siya nagkakamali, si Architect James Red Montecillo o Jared ang nagdisenyo niyon. Alam niya dahil kinokolekta niya ang mga disenyong ginagawa ng magaling na arkitekto. Pero ang mas nakaagaw ng atensiyon niya ay ang lalaking nakatayo sa harap ng bahay. Nakasuot ito ng formal attire at matikas na nakatayo. May suot din itong maskara na halos tumatakip na sa buong mukha nito, hindi tuloy niya makita ang hitsura nito. Ang buhok nitong bahagyang inililipad ng hangin ay tila lalong nakadagdag sa misteryong hatid ng suot nitong maskara. “Lapitan mo na siya Grace. Good luck!” anang tinig sa tainga niya. Pinayapa muna niya ang sarili bago siya dahan-dahang naglakad palapit sa kinaroroonan ng man-in-search.          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD