Chapter 1

2604 Words
CHAPTER one   “GRACIE!” Agad na tinuyo ni Grace ang mga kamay niyang abala sa paghuhugas ng mga pinggan. Katatapos lang niyang mananghalian kasama ang dalawa niyang kaibigan na sina Marissa at Sisi. Maagang umalis si Sisi dahil may pupuntahan pa ito, samantalang si Marissa ay nagbabad agad sa harap ng telebisyon. May sinusubaybayan itong TV series na kinalolokohan nito nang sobra. Apartment nila iyon ni Marissa sa Maynila dahil taga-Cebu talaga sila. “Kung makatili ka naman. Bakit ba?” Ibinato niya kay Marissa ang towel na ipinantuyo niya sa kanyang mga kamay. Talo pa ang may emergency sa lakas ng pasigaw na pagtawag nito sa kanya. “May solusyon na tayo sa problema natin!” patiling wika nito. Ang problema ba nila sa pera ang tinutukoy nito na may solusyon na? Aba, magtatatalon siya sa tuwa kung ganoon nga. Pero saang lupalop naman kaya ng mundo ito nakakita ng solusyon para sa halagang four hundred fifty thousand pesos na kailangan niya? “Maupo ka muna rito, bilis! Itutok mo lang ang mga mata mo sa TV. Sayang, umalis agad si Sisi. Pero hindi bale, ikukuwento ko na lang sa kanya nang bonggang-bongga mamaya.” Pabirong binatukan niya ito, saka siya umupo sa tabi nito. “Ano ba kasi `yon?” “Nandito ang sagot, Gracia— O, `ayan na uli. Panoorin mong mabuti, huwag kang kukurap.” Nagtataka man ay itinutok na lang niya ang kanyang mga mata sa telebisyon at pilit hinahanap kung bakit naroroon ang sagot sa problema nila sa pera. Halos mapasinghap siya sa napanood. Tama si Marissa, nandoon nga ang sagot. Isang reality show sa Villamor Broadcasting Network o VBN. Tila halaw sa The Bachelor ang konsepto niyon. May isang lalaki na hahanapin ang pag-ibig sa sampung babaeng magpa-paligsahan sa pagkuha sa atensiyon ng lalaki. All the girls would live in the same house and each of them would have a chance to date the man in search of Miss Right. Naiintindihan na niya kung bakit iyon ang magiging solusyon sa problema nila. Five hundred thousand pesos ang premyong naghihintay sa mananalo. Malaking pera talaga iyon at sobra-sobra pa sa perang kailangan niya. At kung pagbabasehan ang requirements para sa mga gustong sumali, sa palagay niya ay pasado naman siya. At least five-five ang taas—five-eight ang height niya, salamat sa matangkad niyang ama na dating PBA player; with pleasing personality—hindi lang pleasing ang personality niya kundi nag-uumapaw pa at hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, maganda siya. “Sasali ka, `di ba, Galeng?” Ang tinig ni Marissa ang pumutol sa pagmumuni-muni niya. Sa loob lang ng ilang minuto ay natawag na siya nito sa mga pangalang Gracie, Gracia, at Galeng. Sigurado siyang hindi rin nito makakalimutang tawagin siyang “Gale,” bagaman ang totoo talaga niyang pangalan ay Grace Fernandez. “Hmm… malaki nga ang perang makukuha ng mananalo. Pero sorry, dahil isang malaking ‘hindi’ ang sagot ko,” matatag na sabi niya bago tumayo at iniwan ito. Nagtungo siya sa kusina upang ituloy ang paghuhugas ng mga pinggan. Agad naman itong sumunod sa kanya. “At bakit? Hayan na nga ang sagot sa problema mo, o.” “Diyos ko, Marissa, TV iyon! Para namang hindi ka nakakapanood ng mga reality show. Kita mo nga sa The Bachelor, grabe kung maghalikan ang mga kasali do’n. Hindi ko keri ang gano’n.” Napahagikgik ito sa sinabi niya. Hindi kaya ng powers niya na magpaka-daring nang ganoon sa telebisyon at makita siya ng milyon-milyong manonood. Baka mamaya ay bumangon mula sa hukay ang mga magulang niya at itakwil siya. No, she wasn’t that naïve, but she wasn’t someone used to media attention. Kaya nga hindi niya pinatulan ang ilang offer ng mga talent scout noong nanalo siya sa isang beauty contest sa kanilang bayan. “Grace, baka nakakalimutan mong nasa Pilipinas ka at Pilipino ka. For sure, hindi ganoon kabulgar ang ipapalabas sa TV. Isa pa, late night ang time slot n’on! At saka `yong mga kissing scene na sinasabi mo? Aba, baka nakakalimutan mong mas daring pa roon ang mga eksenang binubuo mo sa mga libro mo?” Natameme siya. Tama ito, mas daring pa nga kaysa sa halikan ang mga eksenang nabubuo niya mula sa kanyang imahinasyon. Isa siyang romance writer, at dahil romance, marami talagang romansa. At tama rin ang kaibigan niya na hindi lang kissing scene ang nagagawa niya. Nagsusulat din siya ng love scenes kung talagang kailangan sa eksena. Hindi niya alam kung paano niya naisusulat ang mga iyon samantalang isang beses pa lang siyang nagkaroon ng boyfriend. Ah, malawak lang talaga siguro ang kaalaman niya dahil mahilig siyang magbasa ng kung ano-anong libro. Hindi naman siya sikat na writer, kumbaga ay sideline lang niya iyon. Sa awa naman ng Diyos ay nakakapasa ang mga manuscript niya. “Para kang timang. `Yong mga isinusulat kong kuwento, coach lang ang papel ko roon at hindi iyon base sa experience ko. Alam mo namang isa pa lang ang naging boyfriend ko,” nakangusong wika niya. “Basta, hindi mo ako mapapapayag na sumali!” “Bahala ka. Magpakasal ka na lang kay Francis, kung gano’n,” sabi nito. Iyon ang problema nila—ay, niya lang pala, dinadamayan lang siya ng mabubuti niyang kaibigan. Malaking halaga ng pera ang kailangan para ipambayad sa pamilya ng kababata niyang si Francis. Nagkasakit kasi ang kuya niya at kinailangang maoperahan agad. Dahil kamamatay pa lang noon ng mga magulang nila sa isang car accident at wala naman silang malaking pera sa bangko, napilitan siyang isangla ang ilang ektaryang sakahan nila sa Cebu. Ayos naman ang usapan nila ng ina ni Francis sa simula. Hanggang sa dumating na sa puntong pinipilit na siya nitong ipakasal kay Francis. Wala siyang mairereklamo pagdating kay Francis. Magkaibigan sila at pareho nilang alam na hanggang pagiging magkaibigan lang ang damdamin nila para sa isa’t isa. Masyado lang nahuhumaling sa kanya ang ina nito kaya ganoon na lang ang kagustuhan nitong maging manugang siya. “Graciana, hanggang pagiging girlfriend lang naman ang ending ng TV show. Hindi naman katulad ng sa The Bachelor na may proposal talagang nagaganap. Isa pa, sigurado akong contract signing pa lang ay may datung na,” ayaw paawat na wika ni Marissa. Pinagdikit pa nito ang hintuturo at hinlalaki nito para ipakita sa kanya ang sign ng pera. Humugot siya ng malalim na hininga. Sa ngayon, tila iyon lang ang malinaw na solusyon para sa perang kailangan niya. “Paano kung hindi ako makapasa sa screening at hindi ako makapasok sa top ten list?” “Ewan ko na lang sa kanila kapag pinakawalan nila ang beauty mo, ha. Kung ako lang ang may ganyang kagandahan, sasalihan ko lahat ng beauty contest.” Napahagikgik siya. “Hay, naku, nambobola ka na naman! If I know, sasabihin mo sa akin ang lahat para mapapayag mo ako riyan. Sorry, pero ‘hindi’ ang sagot ko. Final answer!” aniya na para bang ito ang may problema at hindi siya. “At saka, sino namang matinong lalaki ang hahanap ng Miss Right kapalit ng pera?” hamon niya. “Ah, ewan ko sa `yo. Basta iyan lang ang solusyong meron ka ngayon. Take it, or marry Francis!” “WHAT?! Pakiulit nga po, Tito, dahil mali yata ang pagkakarinig ko sa sinabi ninyo.” Halos mapatayo si Mikael Henric mula sa kanyang kinauupuan dahil sa sinabi ng Tito Oscar niya. “You heard it right, Mike, so please don’t pretend that you didn’t,” kampanteng sagot nito, hindi pinansin ang pagsasalubong ng mga kilay niya. “I won’t do it!” mariing sabi niya. Walang matinong negosyanteng tulad niya ang papayag sa gustong mangyari ng tito niya. Kilala siyang tao at may iniingatang pangalan. Isa pa, kapag pumayag siya ay tiyak na katakot-takot na pang-aasar ang aabutin niya mula sa mga kaibigan niyang sina Randall, Jared, Milo, Miro, Art, at Pierro. “You will do it for your dad, Mikael. Kailangan nating ibangon ang network mula sa pagbagsak ng ratings. Hindi lingid sa kaalaman mo na bumabagsak ang ratings ng mga palabas natin. All we need to do is introduce a new show; a show that will capture the interest of the people. We need to give them something interesting.” Hindi siya nakapagsalita. Ang kanyang ama at si Tito Oscar ang nagtayo ng Villamor Brodcasting Network o VBN. Noon ay isa ang VBN sa mga nangungunang TV networks sa bansa at nakikipagsabayan sa mga kilalang istasyon sa pataasan ng ratings. Pero iyon ay noong nabubuhay pa ang ama niya. Nang mamatay ito, tila unti-unti rin nitong isinasama sa hukay ang network dahil patuloy na bumabagsak iyon. Wala siyang magawa dahil wala roon ang puso niya kaya ipinaubaya na lang niya sa tito niya ang pamamahala niyon. Alam niyang pahahalagahan nito ang kompanyang pinaghirapan nito at ng kanyang ama. Iyon nga lang, kahit ano ang gawin nila ay kung bakit hindi umangat-angat ang ratings ng kanilang mga programa. Maayos naman ang marketing at promotions ng kompanya. “Are you sure it will work, Tito?” alanganing tanong niya. Ang naisip kasi nitong paraan para makahatak ng viewers ang VBN ay ang paggawa ng mga reality show tulad ng ginagawa sa ibang bansa. Isa nga sa mga nabuong plano ay ang dating game na siyang isiniwalat nito sa kanya kanina. Iyon nga lang, siya ang naisip nitong bachelor searcher para sa initial season ng programa. Malaking bentahe diumano na siya ang ilagay roon dahil kilala siya pati na ang mga kaibigan niya. “There’s no harm in trying, Mike. I know it’s going to be a big risk, pero paano natin malalaman ang resulta kung hindi natin susubukan?” May punto ito. Isa pa, lalaki naman siya at walang mawawala sa kanya. Iyon nga lang, kailangang isakripisyo ang privacy niya. Pero kung iyon ang tanging paraan para makaagapay sila sa ratings ng ibang networks, gagawin niya alang-alang sa kanyang ama. “Fine, I’ll do it! But you owe me one, Tito,” kapagkuwan ay sabi niya, salubong ang mga kilay at labag na labag sa kalooban ang gagawin. Natawa na lang ito sa kanya.   NGALINGALI nang damputin ni Mike ang bote ng beer na nasa harap niya para iumang kay Milo. Sinasadya na kasi nito ang pang-aasar sa kanya; panay ang ngisi nito habang nakatitig sa kanya. “Stop it, Attorney!” saway niya kay Milo nang hindi na makatiis. Sa lakas nitong mang-asar ay walang mag-iisip na ang matinik na abogadong ito ay ganoon kaisip-bata. Hindi niya alam kung bakit ito pa ang tinawagan niya para ibahagi ang kapalarang sinapit niya. Sana ay ang kapatid na lang nitong si Jared, o kaya ay isa kina Pierro, Randall, Miro, at Art. Tuloy ngayon ay asar-talo siya rito. Kung isa sa mga kaibigan nila ang tinawagan niya, may matino sana siyang kausap ngayon. “Hey, I like the idea, bro! Ang galing ng naisip ni Tito Oscar,” sabi pa nito, namumula na ang mukha sa kakatawa. “National TV `yon, Milo. Can’t you see my point?” Naghahanap siya ng kakampi at makikisimpatya sa kanya, pero tila enjoy na enjoy naman ito sa uneasiness niya. “O, bakit, may reputasyon ka pa bang kailangang i-preserve? Para namang hindi alam ng buong Pilipinas ang pagiging playboy mo,” tatawa-tawa na namang sabi nito. “Saludo ako kay Tito, naisip niyang pakinabangan `yang pagiging popular mo sa mga babae para mapataas ang ratings ng VBN!” Dumampot siya ng mani sa pulutan nila at ibinato iyon sa mukha nito, pero mabilis nitong naibuka ang bibig para saluhin iyon. Nang-aasar pa nitong nginuya iyon habang mababakas sa mga mata nito ang pinipigilang tawa. “Bakit ba ikaw pa ang natawagan ko? Hindi ka matinong kausap, Milo, hindi naman bilog ang buwan!” hindi na niya napigilang bulalas. “Kaya ako ang tinawagan mo kasi hindi mo mahahagilap `yong mga may asawa na,” sagot nito. May punto ito. Totoong wala siyang mahahagilap sino man sa limang kaibigan nila dahil nang mga sandaling iyon ay nasa beach na naman ang mga ito. Nakasanayan na kasi nilang magkakaibigan ang pagba-bonding nang dalawang beses sa isang buwan. Hindi lamang nakasama si Milo ngayon dahil may hawak itong kaso sa kasalukuyan at siya naman ay kagagaling lang ng United Kingdom kaya nag-excuse muna siya sa lakad. “Seriously, Mike, sa tingin ko ay wala namang masama kung pagbibigyan mo ang gusto ni Tito Oscar. Kilala ang pangalan mo. Siguradong marami kang maa-attract na viewers, lalo na ang kababaihan.” Bumuntong-hininga siya. “I know, but I still don’t like the idea,” aniya. Kumislap ang mga mata niya nang may maisip. “Tama! Bakit nga ba hindi kita gawing confidante ko sa show?” nakangising wika niya rito. “Ang magiting na si Attorney Michael Lorenzo ang magiging katulong ni Mikael Henric sa pagpili ng babae! Hihingin ko ang opinyon mo kung sino ang dapat o hindi ko dapat piliin sa weekly elimination. `Pag nagkataon, mas dadami ang viewer dahil sa pag-aabang sa mga opinyon mo,” nakangising wika niya. “Huwag kang magkakamaling ituloy `yang binabalak mo, Mike!” nanlalaki ang mga matang babala nito. “Respetadong abogado ako. Mawawalan ako ng kredibilidad sa gusto mong mangyari. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga natalo ko sa korte? Na hindi lang ako legal expert, kundi puwede ring maging love consultant?” Malutong na halakhak ang pinakawalan niya. Iyon lang pala ang kailangan niyang sabihin para mawala ang nang-aasar nitong tingin sa kanya. Gumaan ang dibdib niya kahit paano. “That’s exactly my point, Milo. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga kasosyo ko sa negosyo?” “But you’ll still do it, won’t you?” “Wala na akong magagawa, I’ve already given my word.” Napailing-iling siya. “Kumusta na nga pala `yong kasong hawak mo? `Yan na yata ang pinakamatagal, ah. Don’t get me wrong, pero napapansin ko na parang gumagawa ka pa ng delaying tactics.” “Matatalo ako sa kaso.” “What? Seryoso ka? Ang all-win record ni Attorney Michael Lorenzo Montecillo ay mababahiran na ng pagkatalo? Sigurado ka bang matatalo ka?” “Yeah, thanks to that witch,” nakangiwing wika nito ngunit tila hindi naman ito nababagabag kung sakaling matalo nga ito. Natatawang napailing na lang siya. Ang witch na tinutukoy nito ay ang abogadang kalaban nito sa kasong kasalukuyang hawak nito. “That beautiful witch…” tumatangong wika niya. Napapalatak siya nang may ideyang biglang pumasok sa isip niya. “Sa tingin ko, hindi ka lang sa kaso matatalo dahil mukhang pati puso mo ay talo na rin!” Nagkibit-balikat lang ito. Pumalatak siya. “Umatake na naman pala ang lovebug. You’ve been bitten, pare.” Ganoon silang mag-usap na magkakaibigan kapag ang love life na ng isa’t isa ang topic. “Hindi ko type `yon. `Yong pustahan namin ang pinoproblema ko. Kapag natalo niya ako sa kaso, magiging sunod-sunuran ako sa kanya. Imagine that?” “Ows?” “Puwede ba, Mikael Henric, mind your own business. Either tanggap mo na sa sarili mo ang trabahong nakaatang sa balikat mo o kaya ay naghahanap ka lang ng mapagbabalingan niyang frustration mo!” “Yeah, whatever, Michael Lorenzo,” nakaingos na sabi niya, na ikinahalakhak nilang dalawa. Napatingin tuloy sa gawi nila ang iba pang customer doon.            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD