Talo ko pa ang nilamog, sa aking bawat paghakbang ay kumikirot kasi ang aking buong katawan. Pero hindi ako pwedeng mag-inarte dahil hindi naman ako disney princess. Isa lamang akong babae na isang kahig at isang tuka.
Kapag hindi ako nagtinda ngayon, sigurado na wala kaming kakainin kinabukasan. Ganito kahirap maging mahirap na alipin ng salapi. Kahit may nararamdaman ka, kailangan mo tiisin. Dahil hindi makakatulong ang pag higa, mamamatay kang tirik ang mga mata sa gutom.
Nahihirapan man akong kumilos, naghanda na ako ng almusal namin ni Lola. Nagluto ako ng sinaing na kanin at nagpirito ako ng itlog. Walang katapusan na itlog pantawid gutom.
“La, halika na! Kumain na tayo. Mamimili pa ako sa bayan ng paninda. Kailangan ko kumita ngayon, pambili ng gamot sa kirot,” sabi ko sa matanda na tinitigan ako gamit ang kunot na noo.
“Ano ba ang nangyari sayo? Mukhang pareho na tayo ngayon na mabagal ang kilos,” seryoso na tanong nito.
“May matandang na aksidente, tinulungan ko po.”
Hindi na umimik pa si Lola. Kasi kung pagagalitan pa ako nito, ibabalik ko sa kanya ang lagi niyang pangaral na tumulong sa nangangailangan, dahil ang pagiging mabuti ay walang bayad, pero may sukli mula sa langit.
Mabilis lang ako kumain at nagliligpit. Nagtatalo kami madalas ni Lola dahil ayaw ko siya na kumikilos dito sa bahay. Kung kasing edad ko lang siya, bakit hindi. Ang kaso, matanda na ito sa edad na singkwenta ‘y tres.
Siguro dahil batak ito sa trabaho noon, kaya't ang katawan niya ay marami ng nararamdaman ngayon. Ang panlabas naman niyang anyo ay mas matanda din kumpara sa kanyang edad. Siya lang naman kasi ang umako sa responsibilidad ng aking mga magulang.
Mga magulang ko na pareho namin hindi kilala. Dahil literal na napulot lang niya ako sa basurahan. Kwento ni Lola, namimili siya ng mga sangkap sa iluluto niyang kakanin, madaling-araw. Pag-uwi niya, may nakita siyang kulay puti na tela, akala niya daw tuta lang, natuwa pa siya dahil gusto niya ng alagang aso.
Nagulat daw siya pagbuklat niya ng pranela, sanggol pala. Ipinaalam niya sa barangay, pero wala naman daw tugon. Kaya nagkasundo sila ng mga opisyal na siya na lang ang mag-alaga sa akin, hanggang walang naghahanap.
Pero lumipas ang mga taon, wala talagang nagpakilala na magulang ko. Kaya't nagpatulong siya sa barangay na mapagawan ako ng birth certificate. Wala kasing pinag-aralan si Lola, tanging pangalan lang niya ang kayang niyang isulat at hindi rin marunong magbasa.
Pero wag ka, sa kwentahan ng pera mahusay. Hindi na kailangan pa ng calculator. Titingala lang at pagyuko, alam na kung magkano ang sukli. Ako man ay nakatapak sana ng kolehiyo, pero hanggang unang semester lang sa accounting ang natapos.
Nagkasakit na kasi si Lola at wala na akong katulong magpa-aral sa aking sarili. Mataas ang dugo nito at hindi na pwede sa initan. Madalas na din manghina kaya't pinatigil ko na sa pagtitinda. Hindi naman ako natuto magluto ng kakanin, kaya't tusok-tusok na lang ang naisip ko lutuin para itinda.
Dahil hindi ko pwedeng iwanan ang matanda mag-isa para magtrabaho. Baka atakihin pa ito at wala ako sa kanyang tabi. Isa pa, konti ang oportunidad kapag wala kang backer na mataas sa mga kumpanya.
“Grabe, ang sarap talaga ng sauce na luto mo Joms. Kaya dito lang talaga ako bumibili ‘e, pwede talagang ulam,” sabi ni Tinay, ang kapitbahay namin na close ko.
“Oo na! Pero wag ka abusada, mahal ang kilo ng sili ngayon. Sampung piso lang binili mo, halos punuin muna ang baso ng sauce, kapal ng mukha mo,” sarkastiko na sabi ko sa babae.
Ganun dito, bardagulan ang labanan. Kapag hindi ka ganito, aabusuhin ka o malamang lalamangan ka ng mga tao. Kalakaran ng iskwater. Kapag tahimik ka lang, kawawa ka. Api-apihan ka talaga.
“Ay grabe ka! Suki muna ako dito ah. Sama ng tabas ng dila mo, Joms.” Hirit pa nito na inismiran ko lang.
Maraming bumibili at marami din akong niluluto. Labasan ngayon ng mga estudyante at mga nagtatrabaho sa kabilang pabrika, kaya't marami ang suki ko na pantawid gutom ang aking paninda. Nagtimpla na din ako ng buko juice na bestseller ko. Sa halagang limang piso, may tubig ka ng malamig na may konting buko.
Alangan naman purong buko ilagay ko, edi nalugi ako. Kaya mas marami ang asukal at tubig. Ang mahalaga naman sa taong gutom at uhaw, mapawi lang. Hindi na mahalaga ang lasa.
Naupo ako ng iilan na lang ang mga bumibili. Naubos ko na rin lutuin ang lahat ng aking dala. Pinapa-ubos ko na lang ang paninda ko na luto na. Napatingin ako sa mga naglalakad na mga nakasuot ng uniporme. Hindi ko maiwasan na hindi mainggit, dahil gusto ko talaga mag-aral.
Gusto ko umalis sa mabaho at maruming bahay namin na tinitirhan ni Lola. Minsan nagigising na lang kami na may mga naglalakad na malalaking daga sa higaan namin, nasanay na lang ako. Pero wala sa pangarap ko mamatay sa ganitong kalagayan.
Naniniwala ako na kapag hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, malayo na matupad ko ang mga pangarap ko para sa amin ni Lola. Gusto ko na bilihan at pagawaan ng pustiso ang matanda. Naaawa na ako sa kanya kapag kumakain siya ng mais na paborito niya, dinidikdik pa niya ng baso sa plastik para madurog at makain.
Nagliligpit na ako ng aking mga paninda ng may mga hindi pamilyar na kalakihan na bumili. Pinakyaw ang paninda ko na mga tusok-tusok at palamig. Medyo overpriced nga ang benta ko sa kanila, dahil pinainit pa. Ang mahal kaya ng gas at mantika. Imbis na apat na piraso ang limang piso, ginawa ko na tatlong piraso lang.
Matapos ko magligpit, paika-ika ako na naglalakad habang bitbit ang aking dalawang timba at kalan. Nakikipag patintero ako sa expressway na madilim. Tuwing makakatawid ako sa kabila, hinahalikan ko ang kamay ko at tinuturo ang langit.
Pasasalamat ko sa Diyos, dahil hindi ako namatay. Dahil may makakasama pa si Lola at mag-aalaga sa kanya. Nakakatawa na kay Lola lang umiikot ang mundo ko. Ang pangarap ko na maka-ahon sa kahirapan ay dahil sa kanya.
Matapos ko makaupo sa loob ng bahay ay nag-asikaso ako ng pagkain ko. Namuklat ako ng takip ng lamesa at may menudo kami na ulam. Minsan adobo, minsan kaldereta, mechado. Na pare-pareho lang naman ang lasa ng de lata na tuna.
“Salamat, Panginoon. Sana sa mga susunod na araw, tunay na karne na ito,” mahina na dasal ko bago isubo ang pagkain.
Kapag ako kumita ng sobra. Bibili ako ng isang kilo ng lyempro, iluluto ko ng adobo na totoo si Lola. Yung halos maghihiwalay na ang karne sa sobrang lambot. Mapait ako na napangiti sa aking naisip.
Ito ang kagandahan sa mahirap, simpleng bagay lang masaya na kami. Hindi masaya maging mahirap, pero ang kahirapan ang magtuturo sayo maging kuntento sa kung anong meron ka lang, sa ngayon.