Napanganga ako ng huminto ang sasakyan namin sa tapat ng malaking gate ng Queen Homes Subdivision. Ang pangarap ko na tirahan namin ni Lola Anita. Halos maluha ako habang nakatakip ang aking palad sa aking bibig.
Hindi ko akalain na ang simpleng pagtulong ko lang sa isang matanda ang tutupad sa isa sa mga pangarap ko. Sino ang mag-aakala na ang pangarap ko na makapasok lang kahit sa loob ng gate nito ay hindi lang yun ang mangyayari, mukhang dito pa ako titira.
“Welcome home Ma’am, Sir.” Magalang na pagbati ng dalawang kasambahay sa amin.
Malaki at malawak ang bahay. Sumunod lang ako kay Manong Suki papasok sa loob. Halos malaglag ang panga ko, dahil kumpleto na ito sa kagamitan pang bahay.
“Ito ay nakapangalan na sayo. Ito ang bahay na nasa kontrata mo at isa lang ito sa mga regalo sayo ni Enrique, dahil sa pagligtas mo sa kanyang buhay. Manatili o umalis ka man sa trabaho, sayo na ito at hindi na babawiin pa.” Nakangiti na sabi ni Manong.
Kaagad akong tumakbo sa taas para silipin ang mga silid. May isang silid lang doon at malawak na patio. May parang sala din sa taas na may mga frame na malalaki. Pagbukas ko ng pinto, napangiti ako sa kulay pink at mukhang princess theme ng silid.
Muli akong bumaba at napangiti ako ng libutin ang bahay. May apat pang silid, malawak na laundry area, kusina na maganda at may dirty kitchen din. Malaki pa ang sala at may maliit na space sa likod bahay na pwedeng pagtaniman.
Ang harap ng bahay ay gate na kaagad. Sa gilid ay may space kung saan pwedeng pag tambayan, may garahe na kasya ang tatlong sasakyan at maliit na garden.
“Grabe! Ang ganda po dito, Manong Suki!” umiiyak na sabi ko. Yumakap ako sa matandang lalaki at hinaplos nito ang aking likod.
“You deserve this all, dahil mabuti ang puso mo. Dahil hindi ka nag dalawang isip na tumulong. Kung tutuusin, ano ba ang pakialam mo sa sasakyan na ‘yon, hindi ba? At alam mo ba, minuto lang na hindi mainom ni Enrique ang kanyang gamot, maaaring ikamatay niya!
Kaya't tumahan ka na. Dahil mas marami pang biyaya na paparating sayo. Sana ay wag kang magbago o lumaki ang ulo. Ipagpatuloy mo lang ang pagiging mabuting tao.”
Kumalas na ako sa pagkakayakap kay Manong Suki at tumango-tango dito. Para pa rin akong nananaginip sa mga nangyayari.
“Salamat pa rin po.” Tanging nasabi ko sa matanda na nakangiti na tumango lang.
“Dito muna titira si Acer para may driver ka. Sa isang silid muna ng mga bisita siya matutulog. May kasama ka rin na dalawang kasambahay na sa isang silid matutulog, magkasama na sila doon.
Maaaring sa taas ang gamitin mo na silid, malawak ang isang ‘yon at bagay sayo. Sa pagdating naman ng Lola mo dito, sa silid sa bandang dulo, malaki ‘yon, maaari niyang okupahin.
“Ikaw po ba o si Don Enrique ang nagbayad ng mga bills?” Tanong ko sa matanda na hindi naman tumanggi.
“Oo, Iha. Awang-awa sayo ng araw na ‘yon ang aking kaibigan. Hindi niya alam kung paano ka lalapitan, dahilan kaya ako ang humaharap sayo araw-araw. Dahil hindi pwedeng madawit sa eskandalo ang kanyang pangalan.
Baka pag-isipan ka ng masama ng mga tao na naghahanap at nag-aabang lang ng gagamitin na bala laban kay Enrique.” Paliwanag ng matanda sa akin na medyo magulo.
Basta't ang alam ko lang, hindi malaya ang mayaman na gumalaw. Dahil nga may mga pagbabanta sa kanilang yaman at buhay.
“Paano, iwan ko na kayo dito? Okay ka na ba dito iha? Nga pala, matulog ka na muna dito, bukas mo na lang kunin ang mga mahahalagang papeles mo sa dati ninyong tirahan. Wag ka na magdala ng iba pa.”
“Salamat po, Sir Salas.” Pormal na pasasalamatan ko sa matanda na tumango habang nakangiti.
“Ma’am saan po pala namin dadalhin ang mga pinamili mo?” tanong ng isang kasambahay.
“Anong pangalan ninyo mga Ate?” tanong ko sa dalawa.
“Ako pala si Nina, siya si Cindy.” pakilala ng dalawang babae.
“Ako naman si Jomelyn, sa taas na lang ninyo ilagay ang mga yan, pasuyo na lang.” sabi ko sa dalawa na sinundan ni Acer at may bitbit din na paper bags.
Naupo ako sa sala at hindi makapaniwala sa mga nangyari. Trabaho lang naman ang ipinunta ko kanina, hindi ko akalain na instant house and lot with matching helper's pala ang mapapala ko.
“May kailangan ka pa ba Ma’am? Kung wala na, magpapahinga na sana ako.”
“Okay na, pwede ka ng pumasok sa silid mo. Salamat Acer.”
Tumango lang ang lalaki habang ang dalawang kasambahay ay pababa pa lang ng hagdan. Mukhang inayos pa nila ang mga pinamili ko.
“Ma’am, ano po ang ihahanda namin na pagkain sayo?” tanong ng kasambahay na si Cindy.
“May dala akong pagkain, initin na lang ninyo. Ulamin ninyo, busog na ako at magpapahinga na.” Paalam ko sa dalawa at diretso na akong tumayo at humakbang paakyat sa taas.
Pagpasok ko, ngayon ko lang napansin na kumpleto pala ang laman ng vanity mirror. Ang daming pabango na mga mamahalin, make-up at mga beauty and skin care products.
Pagpasok ko ng banyo, kumpleto din ng mga gamit pampaligo. Hindi pa ako na ligo, muli akong nag lakad para tingnan kung ano ang meron sa walk-in closet. Napakaraming damit na sa palagay ko, free sizes.
Mula sa lingerie, undergarments, dress, sapatos, bags, mga pambahay at mga damit pang work-out ay kumpleto talaga. Hindi ko alam kung bakit kahit nandito na ang mga pangarap ko na magkaroon ako ay malungkot pa rin ako.
Siguro, dahil si Lola ay wala pa sa tabi ko hanggang ngayon. Siya lang kasi ang tao na nagpapasaya sa akin ng lubusan. Napabuntong hininga ako at magsimula ng maghubad ng suot ko na damit, para maligo ng mabilis at matulog.