AOI’S POV
Pagpasok pa lang ng kotse ay hindi ko na napigilan pang umiyak at ilabas ang bigat ng aking nararamdaman.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala dahil parang napakabilis ng mga pangyayari ngunit habang umiiyak ay tila doon ko lang napagtagpi- tagpi ang lahat.
Kaya pala lagi silang magkasama.
Kaya pala walang ibang bukambibig si Louisa noon na ang swerte ko sa aking nobyo, yun pala ay may gusto na ito kay Zyran.
Kaya pala naging tila matamlay ang relasyon namin ni Zyran kasabay ng pagdalang ng pagtawag sa akin ni Louisa na para bang umiiwas ito.
Kaya pala noong nasa labas kami ng boutique ay labis ang naging pag-aalala ni Zyran sa kaibigan ko na hawak ang kanyang sinapupunan.
Ang pagtangis ay tuluyang naging hagulgol na hindi ko na alintana kung nasaan ako ngayon. Ang tanging nais ko lang ay mailabas ang sakit na aking nararamdaman.
Lumipas ang hindi ko na nabilang na sandali ay saka ko lang naisipan na tumingin sa driver. Naalala kong pumasok na lamang ako sa sasakyan na iyon at nakalimutang sabihin kung saan ako pupunta.
“Are you okay now?” Isang pamilyar na boses ang aking narinig sa aking tabi dahilan upang maipihit ko ang aking paningin mula sa drayber patungo sa lalaking aking katabi. Napaawang ang aking mga bibig kasabay ng paglaki ng aking mga mata. Pinunasan ko pa ang mga luha sa aking mga mata upang masiguradong hindi ako nagkakamali sa aking nakita.
Hindi nga ako nagkakamali.
Si Mr. Eoghan Bergin nga ang aking katabi.
“Ikaw?! Anong ginagawa mo rito?” gulat na tanong ko sa kanya.
“You are inside my car,” sagot lang nito.
“Sasakyan mo, ito?” hindi makapaniwalang tanong ko sabay napatingin pabalik sa driver. Tumango ito na parang nakikinig ito sa aming pag-uusap at kinumpirma ang aking katanungan.
“Kuya, pakibaba na lang ako sa gilid,” sabi ko dito kahit hindi ko alam kung nasaan na kami. Basta ang tangi kong napansin ay nasa tapat kami ng isang convenience store.
“No. Ihatid ka na namin,” sabi ni Mr. Bergin.
“Hindi na po kailangan, Mr. Bergin. Maraming salamat na lang at pasensya na sa abala,” tanggi ko at tinapik pa ang driver. Tumingin muna ito mula sa rearview mirror.
“Kuya, please pakibaba na lang po ako sa tabi. Okay na po ako rito,” ulit ko pa nang hindi pa rin itinatabi Ng drayber kotse at patuloy lang sa pagmamaneho.
Muli itong tumingin kay Mr. Bergin at isang tango lang nito ay agad na sumunod ang drayber.
“Are you sure you're okay? I can lend you my precious time if that's the only thing I need to cheer you up,” sinserong saad ng lalaki.
“Thank you for your offer, Mr. Bergin pero sa ngayon mas kailangan ko mapag-isa. Again, thank you for the rides,” magalang na sagot ko saka binuksan ang pinto.
Naglakad ako patungo sa direksyon kung saan ako dalhin ng aking mga paa. Wala naman kasi akong ibang pupuntahan. Si Louisa lang naman ang tangi kong naging sandalan at napaghihingan ko ng problema pero ngayon, siya ang sanhi ng aking problema. Pakiramdam ko nga, ito na ang pinakamasakit na pagsubok na ibinigay sa akin. Simula ng mawala ang aking mga magulang ay hindi na ako muling umiyak pa pero hindi ko naman inaasahan na makakaramdam pa ako ng ganito kasakit pagkatapos noon.
Kinaya ko nga ng walang magulang sa loob ng ilang taon.
Kinaya ko nga mag-tengang kawali at hayaan ang ibang tao sa pagmamaliit sa akin.
Kinaya ko nga ang hirap maging isang ulila at magtrabaho kasabay ng pag-aaral para makatapos.
Lahat iyon, kahit sobrang nahihirapan na ako ay hindi ko iniyakan pero hindi ko in-expect na Ang dalawang taong malapit sa akin ngayon ay siyang susugat sa puso ko.
Habang naglalakad ay muli na naman tumulo ang aking luha. Napatingala ako sa madilim na kalangitan upang awatin sa patuloy na pagdaloy ang aking mga luha. Pilit kong pinapakalma ang aking sarili dahil pakiramdam ko ay may mga matang nakatitig sa akin na hindi naman impossible dahil nasa pampubliko akong lugar. Kahit sino naman ay mapapalingon sa isang babaeng parang baliw na naglalakad habang umiiyak.
Habang pinupunasan ang aking mga mata ay dumako ang aking paningin sa isang bar sa di kalayuan. Walang pagdadalawang isip na naglakad ako patungo roon at pumasok. Bumungad sa akin ang napakaingay na paligid dala ng napakalakas na tugtog. Kakaunti pa lang ang tao dahil alas siete y media pa lang ng gabi pero may ilan na ring sumasayaw at umiinom dahil sa palagay ko, katulad ko rin silang may mga problema.
Naupo ako sa pinakasulok na bahagi ng bar kung saan hindi masyadong nahahagip ng maharot na ilaw saka ako tumawag ng waiter at nag-order kaagad ng isang bucket ng beer. Ilang sandali lamang ay nakita ko na lamang ang aking sarili na nagpapakalunod sa alak.
I am not an alcoholic.
Para ngang mabibilang lang sa isang kamay kung ilang beses lang ako uminom ng alak dahil mas inilaan ko ang aking oras sa pag-aaral at pagtatrabaho, habang ang natitirang oras ay nakalaan naman para kay Zyran.
They were my support system.
Sa kanila ako humuhugot ng lakas pero sila rin pala ang mananakit at magtatraydor sa akin.
Para akong siraulong umiiyak habang mag-isang tumutungga sa bote ng beer. Nakakalahating bote ko na ang laman ng alak na aking iniinom nang may lalaking umupo sa bakanteng upuan sa tapat ko kung saan ako nakapwesto.
“Ikaw na naman? Pwede ba Mr. Bergin, tantanan mo muna ako ngayon. Wala ako sa mood at ayaw ko ng kausap,” inis na sabi ko habang pinupunasan ang aking mga mata gamit ang likod ng aking kamay.
“Masama bang damayan ka? I just want to cheer you up, that's it,” anito na hindi mo mababakasan ng yabang gaya ng nakagawian nito sa hospital. Ilang buwan ko rin itong hindi nakita dahil pagkatapos nitong ma-discharge ay ilang araw pa itong dumalaw sa hospital at pagkatapos noon ay wala na, kaya hindi ko inaasahan na makikita ko siya ngayon.
“Bahala ka na nga,” nasabi ko na lang at hinayaan itong maupo sa tapat ko. Hindi ko na ito pinansin pa at saka ipinagpatuloy ko ang pag-inom at pag-eemote.
Nagsayang lang ako ng oras para pagandahin ang sarili ko, hindi lang pala oras kung hindi pati Pera dahil dumaan pa ako sa salon para magpa-make up at magpaunat ng buhok kahit na hindi ako sanay na laging nakalugay.
“I’m the one who sent you the invitation,” ani Mr. Bergin.
Malakas ang nakakabinging musika sa paligid subalit hindi nakaligtas sa aking pandinig ang sinabi nito.
Nabitin sa ere ang bote na tutunggain ko na sana at ibinaba ko iyon sa lamesa saka ko ito tinitigan.
“Anong ibig mong sabihin? Anong imbitasyon?” Nakataas ang kilay na tanong ko sa kaniya.
“About that dinner a while ago. I am the one who sent you the invitation.”
Note:
Ang pronunciation ng pangalan na Eoghan ay Owen.