#15
Nakapag-usap na kami ni Abi. Inamin na niya sa akin ang lahat. Nitong nakaraang buwan lang raw muling nagparamdam si James. Nakita raw siya nito sa isang event. No'ng una, alanganin pa raw si James na lapitan siya kasi dahil na rin sa takot na baka may galit parin sa puso niya. Hanggang sa nakuha nito ang numero ni Abigail. Gawa na rin ng organizer na nagset ng event na iyon. Tapos do'n na muli sila nakapag-usap. No'ng una, hindi pa raw pinapansin ni Abi ang mga messages na iniiwan ni James, dahil kaagad raw niyang naiisip ako. Iyong pakiramdam ko. Iyong mararamdaman ko kapag nalaman ko. Pero sa hindi maintindihang pakiramdam, bigla nalang siyang nagreply.
Nakipagkita siya kay James.
It was supposed to be a closure, para sa kanilang dal'wa, pero ang inaakala niyang pagtatapos ay siyang panibagong panimula pala para sa kanilang dal'wa. May nangyari. Hindi naman niya iyon itinanggi. At hindi ko rin itinanggi na nasaktan ako habang kinukwento niya iyon, pero tinatagan ko lang ang loob ko. Pinakinggan ko siya, hinayaan ko siyang magpaliwanag.
Nagpatuloy ang kanilang pagkikita, hanggang sa tila muling nanumbalik iyong nararamdaman niya rito. Na para bang kapag kasama niya ito, masaya siya. Na kapag nakikita niya ito hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya. Na kapag kasama niya ito, nakakalimutan niya ako. Nasaktan ako do'n. Sa totoo lang, umiyak ako sa harapan niya. Hindi ko na kasi nakayanan pa. Tao lang ako. Marupok. At nasasaktan. Kaya tinanong ko siya, kahit na mayro'n akong ideya sa maaaring maging isasagot niya sa akin.
"Mahal mo pa ba si James?"
"Oo," nahihiyang sagot niya.
"Hindi naman nawala ang pagmamahal ko sa kaniya." Dagdag pa niya.
"B-bakit hindi mo sinabi?" tanong ko sa kaniya.
"Hindi madali, Gino. Akala mo ba, madaling sabihin ito sa iyo? Alam ko ang nararamdaman mo ngayon. Alam ko ang tingin mo sa akin ngayon at tatanggapin ko ang lahat ng mga sasabihin mo dahil alam kong deserve ko naman iyon." Sabi pa niya. Halos sumakit na ang ulo ko sa pakikipag-usap ko kay Abi.
"Mahal na mahal kita, pero..."
"Abi, nung nasa harapan tayo ng Diyos, wala naman akong narinig sa iyo na "Pero," sana sinabi mo, na hindi ka pa nakakamove-on sa Ex mo,"
"Hindi ko naman sinabi na pakasalan mo ako. Ikaw ang namilit sa akin na pakasalan ako, Gino. Nasa proseso palang ako ng pagmo-move on ko ng dumating ka. Ipinakita mo ang sarili mo. Ang pagkatao mo, trinay kong tanggapin ka, kahit na malaki parin ang puwang ni James sa puso ko, kasi umaasa ako na magiging maayos pa kaming dal'wa, pero narealized ko na wala na talaga. Kaya tinanggap ko ang proposal mo, trinay naman kitang mahalin, Gino. Sinubukan ko. Sa tatlong taon, masasabi kong natutunan kitang mahalin, pero bumalik siya. Gino, bumalik si James. At naguguluhan ako, Gino." Habang sinasabi niya ito ay para bang unti-unting nawawarak ang puso ko. Sa totoo lang, hindi ako sanay sa usapang ganito. Iyong pranka siya. Iyong para bang alam na niya iyong sasabihin niya. Iyong para bang, siguradong-sigurado na siya sa desisyon niya.
"Mahal kita, Gino pero mahal ko rin si James." Sabi niya.
"H-hindi kasi pu-pwede iyon, Abi."
"Ayaw mo akong mawala sa iyo, hindi ba?" hindi ako nakakibo.
"Gino, sagutin mo ako. Ayaw mo akong mawala sa iyo hindi ba?" napabuntong hininga ako ng malalim saka ako sumagot.
"Oo naman. Pinangarap kita, alam mo iyan." Sabi ko sa kaniya.
"Ayaw ko ring mawala pa si James sa buhay ko," naguguluhan ako sa mga sinasabi ni Abi sa akin.
"A-anong gusto mong mangyari?"
"Tanggapin na natin si James sa buhay natin." Mas lalo akong naguluhan.
"A-Abi, hindi ko maintindihan." Mas lalong sumasakit ang ulo ko.
"Ikaw, ako at si James, pwede naman hindi ba?"