#1
Pansit Canton.
Iyan ang paborito ni Abi kapag naisstress siya. Nitong mga nakaraang araw kasi, napapansin ko na para bang ang sungit-sungit niya. Biniro ko pa nga siya na baka nagdadalang tao siya pero tinalikuran niya lang ako at nag-walk out. Hindi ko na siya kinulit kasi ayaw niyang kinukulit siya, lalo na kapag ayaw niya iyong topic na gusto kong pag-usapan. Dalawang taon na kaming mag-asawa at nagsasama sa iisang bahay na siyang nabili ko dito sa may Sta. Maria Bulacan, at hanggang sa oras na ito, ayaw pa rin niyang pag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon namin ng anak. Hindi naman sa nagmamadali ako na magkaroon ng Gino the Junior. O Princess Abi na magtatakbuhan sa loob ng malaki naming tahanan pero, sa tuwing ipinapasok ko ang usapang iyon, palagi nalang siyang umiiwas. Kaya hindi ko na siya kinukulit pa.
Minsan narinig ko siyang may kausap sa kabilang linya at tila nagtatalo silang dal'wa. Marahil ay mga ka-teammates niya ito. Sa isang malaking advertisement company kasi nagtatrabaho si Abi, at double ang stress niya kapag papasok ang panahon ng ber-months. Sunod-sunod kasi ang pasok ng mga ads na kinakailangan nilang gawin ng kaniyang team at marahil nang oras na iyon ay nareject ang kanilang idea kaya siya nagagalit ng mga oras na iyon.
Sinabi ko na rin naman sa kaniya na kaya ko naman siyang buhayin. Pagkatapos ng kontrata ko sa cruise ship ay nagtrabaho nalang ako sa isang bpo company bilang isang team leader. Mas malaki nga lang ang sahod niya pero sapat na ito para mabayaran namin ang mga dapat naming bayaran, katulad ng kuryente. Internet. Car loan. House loan sa Cavite at iba pa. Pero, ayaw niyang tumigil sa pagtatrabaho. Pinagtalunan na namin ito minsan, kesyo bago pa man raw kami muling magkita ay nagtatrabaho na siya dito. Pangarap niyang makapasok sa ganitong klaseng trabaho at dahil lang sa gusto kong magsama kaming dal'wa ay kakailanganin na raw niyang iwanan ang pangarap niya? Do'n ko siya naintindihan. Dahil imbis na magreklamo ako ay sinuportahan ko nalang siya. Dahil, gano'n naman talaga siguro kapag mahal mo ang isang tao, pilit mo itong iintindihin at mamahalin ng lubos.
'"Good evening sir," masayang bati sa akin ni Karen. Ang nightshift na guard sa opisina nila Abi.
"Si Abi?" tanong ko sa kaniya. Napatingin siya sa bitbit ko.
"Mukhang masarap iyan, sir ah?" tila natakam siya sa bitbit ko.
"Dadalhan kita nito sa susunod, o siya? Aakyat na ako ah?" sabi ko. Saka siya tumango at muling bumati sa sumunod na pumasok na tao sa bldg. nila.
Bumukas ang pintuan ang elevator, pumasok ako. Pinindot ko ang 3rd floor. Doon kasi ang opisina ni Abi. Habang umaangat ang elevator ay tila nakaramdam ako ng pagkahilo ng minutong iyon at nang bumukas ang pintuan ay bigla kong nakita si Abi at tila gulat na gulat siya at ang lalaking katabi niya. Maya-maya mas lalong lumabo ang paningin ko, hanggang sa bumagsak ang katawan ko. Narinig ko ang boses ni Abi, tila natataranta siya. Nagsisigaw. Humihingi ng tulong. Maya-maya ay naramdaman kong may bumuhat sa akin. Habang papalayo ako sa kinaroroonan ko kanina, do'n ko napansin na iyong Pansit Canton na para sana kay Abi ay tapak-tapak na nang lalaking kahalikan ni Abi kanina.
...
Low blood.
Wala naman ibang finding ang doctor sa akin kundi mababa raw ang dugo ko, at kasama na rin raw dito ang stress. At ang klase ng trabaho na mayro'n ako. Nasa loob ng kwarto si Abi at kausap ang doctor na siyang nag-asikaso sa akin kanina. Nakapikit ako pero naririnig ko silang dal'wa. Binigyan siya ng mga reseta na siyang magagamit ko para muling bumalik iyong sigla ng dugo ko at maiwasan na muli ang ganitong pagkahilo at pagkahulog ko.
Habang nakapikit ako ay hindi maalis-alis sa aking paningin ang pangyayaring aking nasaksihan ng oras na iyon. Lapat na lapat ang labi ng lalaking iyon sa bibig ng asawa ko. At para bang walang pagdadalawang isip si Abi at bukal sa kaniyang loob na tanggapin ang labi at laway ng lalaking kaniyang kahalikan.
"Doc. Thank you so much sa pag-asikaso sa asawa ko." Sabi ni Abi sa doctor.
"Don't forget iyong mga sinabi ko ah?" sabi ng doctor sa kaniya at maya-maya ay lumabas na rin ito.
Naramdaman kong lumapit si Abi sa akin. Tumabi siya sa gilid ko. Umupo sa may kama at hinawakan ang mukha ko, do'n ko na unti-unting dinilat ang mga mata ko. Tapos ngumiti ako. Ngumiti rin siya at dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa mukha ko para halikan ang noo ko. Hindi ko alam ang mararamdaman ko ng minutong iyon. Dahil, marahil nando'n parin ang lasa ng laway ng lalaking kahalikan niya kanina sa labi niya. Pero, hindi ko nalang ito pinansin. Muling nagtagpo ang aming mga mata, pinipilit kong hindi maluha ng minutong iyon. Kinuha ko ang kaniyang kamay at hinalikan ito.
"Magpalakas ka, dahil may surpresa ako para sa iyo." Sabi niya sa akin.
Surpresa? Hindi kaya makikipaghiwalay na siya sa akin?
"Oh, bakit parang hindi ka ata excited? May masakit ba sa iyo?" tanong ni Abi sa akin.
Masakit? Iyong puso ko. Parang may kulang ata sa ginawa ng doctor. Hindi niya tsinek iyong puso ko. Pakiramdam ko may nakatusok na kutsilyo. Ang sakit-sakit.
"W-wala. A-anong surpresa?" tanong ko sa kaniya. Kumunot ang noo niya saka siya nagsalita.
"Surpresa nga hindi ba? Kung sasabihin ko sa iyo, edi hindi na iyon surpresa." Sabi pa niya sa akin. Tama nga naman siya. Pero, nagtataka talaga ako kung ano iyong surpresa niya para sa akin at bakit parang masaya pa siya? Baka napapraning lang ako. Baka dala lang ito ng paghilo ko. Baka, mali rin iyong nakita ko. Baka nga mali ako.