“Anong balita doon sa kaibigan mong binigyan mo ng offer para sa reality based singing academy house?” usisa kay Via ng kapatid nang maabutan siya nitong abalang nagbabasa ng mga article sa isang entertainment site. Nasa salas sila
Tumigil muna siya saglit sa ginagawa. Huminga muna siya upang sumagap ng hangin. Iniisip pa rin niya kung sasabihin ba niya sa kanyang sister na tinanggihan ni Gareth ang offer. At napagpasyahan niyang gawin nga.
“Sadly, tinanggihan niya. Ayaw niya sa magiging condition na kailangan natin para sa kanyang image. May partner na siya, ‘yong ka-schoolmate rin naming dati. Hindi niya ipagpapalit ‘yon para lamang sa fame.” Walang kagana-gana sa boses niya. Talaga namang dismayado siya sa resulta ng lakad niya.
Kung bakit ba naman kasi nasa landas pa niya si Mildred.
Kahit kelan talaga, sagabal ang taong iyon sa kanya. ‘Di niya ma-take ang pagiging b***h ng hitad. Well, sinikap naman niyang makipag-close rito. Kinaibigan pa nga niya. Siyempre, para kahit paano ay mapalapit rin siya kay Gareth. Pero wala talaga. Ayaw niya sa ugali nito. Alam naman niyang pinaplastik lang siya nito.
Well, the feeling is mutual! ‘Di naman siya nagpatalo rito. Kung b***h ito, siya naman ay BIATCH! Muntik pa nga siyang mapahalakhak nang makita niya ang reaksyon nito sa funeral ng magulang ni Gareth. Hindi yata makapaniwalang iba na ang kaharap na VIA ILLUSTRE sa dating kaklase nito noon.
Kabahan na ito sa kanya. Feeling niya nga na-threaten na nga ito. Which satisfied her.
“So, paano ‘yan? Nganga tayo? Pero, ‘di ba, Matagal mo nang gusto si Gareth? Paano ka pa magkakaroon ng chance na mapalapit sa kanya?” Halata sa boses ng ate niya ang pangangantiyaw.
Sanay na siya rito. Pero siyempre, wala na ngang nangyari… kakantiyawan pa siya.
“Don’t worry, hindi pa naman ako sumusuko. Ako pa ba? You know me better, right? What I want is what I get!” Depinido niyang wika. Bakit siya susuko? Eh, nag-uumpisa pa lang siya sa plano niya. May pasabog pa siyang dapat abangan ni Mimi. “Maghintay ka lang sa gagawin ko.” Confident siyang sabihin iyon sa harap ng kapatid.
Tinaasan siya ng kilay ng kapatid. Tinatantiya yata kung sigurado ba siya sa kanyang mga sinasabi. “At ano naman ang balak mo? Siguraduhin mo lang na magtatagumpay ka at walang iyakan.”
“Believe me, hindi ako ang iiyak sa huli.” Tumawa siya na parang sigurado na siya sa kanyang tagumpay. Tinalikuran niya ang kanyang kapatid. Tinungo niya ang hagdan papuntang second floor nila.
Pagkaakyat ay sa kanyang kuwarto siya nagpunta. Konektado iyon sa kanilang terrace. Itinulak niya ang sliding door. Doon muna siya sa terrace magpapalipas ng oras.
Magpapahatid na rin siya ng almusal sa kanilang kasambahay.
Nakapikit pa si Mimi habang pinakikinggan si Gareth na kumakanta sa online live streaming nito. Tutal ay wala pa naman siyang student na tuturuan ay nagpasya siyang panoorin muna ang asawa.
Gusto niya ang boses nito. Well, dati pa naman at hindi pa rin nagbabago ang pagkagusto niya tuwing kumakanta ito. Para sa kanya ay kakaiba ang timbre ng boses nito kumpara sa mga singers na napapakinggan niyang umawit.
He had a euphonious voice… so pleasant in her ears. Kaya hindi siya nagsasawang pakinggan ito kahit ilang awit pa ang awitin nito.
Pero ang hindi niya inaasahan ay ang tawagin siya nito para ayaing kumanta. Ipinakilala rin siya bilang kabiyak ng puso nito.
Alam kasi ng kanyang asawa na marunong din siyang kumanta. May talent siya sa pagkanta rin tulad nito pero hindi na niya gaanong na-practice. Mas magaling ito kaysa sa kanya. Saka nahihiya pa siya sa naging experience niya sa kanyang audition noon sa music club. Until now, dala pa rin niya ang hiya.
Nilakasan na lang niya ang loob niya ng ipakilala siya nito sa mga audience online.
Teka, nakapag-ayos ba siya ng kanyang sarili? Maayos ba ang kanyang buhok? Wala ba siyang dumi sa mukha? Ang kanyang damit? Conscious siya at mahirap nang mapintasan. Dapat maganda siyang haharap sa viewers.
Huminga siya nang malalim para mawala ang kanyang kaba. Nakabawas siguro sa kaba niya ang encouragement ni Gareth. Binulungan pa siya ng ‘I love you’ at kapag na-perfect niya ang kakantahin niya ay ite-treat siya nito sa Yellow Cab.
Sino ba naman siya para tumanggi pa? Masarap kumain sa totoo lang.
“As long as stars shine down from heaven, and the rivers run into the sea… ‘till the end of time forever, you're the only love I'll need. In my life You're all that matters, in my eyes the only truth I see, when my hopes and dreams have shattered… you're the one that's there for me…”
Tuluyan na ngang nawala ang kanyang hiya. Pakiramdam niya ay bumalik na ulit ang kanyang confidence. And she’s enjoying herself now. Binibigay niya ang kanyang best.
Pero higit sa lahat, para kay Gareth ang kanyang kinakanta ngayon. Para sa pagmamahal nito sa kanya.
Siguro nga’y dati na siyang may nararamdaman para sa asawa pero nahihiya lang siya o ayaw niyang aminin dahil sa pagiging magkaibigan nila.
“Imagine me without you, I'd be lost and so confused. I wouldn't last a day I'd be afraid without you there to see me through…”
Habang kumakanta pa siya ay hawak nito ang kanyang kamay. Para tuloy silang onscreen love team. Kung siya ay kinikilig sa asawa, pati ang mga nanonood sa kanila ay kinikilig na rin base sa comment sa screen na nababasa niya.
Pero ang nakapagpagulat sa kanya ay nang halikan siya nito sa labi nang matapos na niya ang kanta.
Ramdam na ramdam niya ang pamumula ng magkabila niyang pisngi. Para kasi siyang hinalikan nito sa public place. Para siyang teenager na nag-blush nang makita ang crush.
Paano pa kaya kung sa mismong public na? Siguro lulubog na siya sa lupa sa sobrang hiya.
Humiling pa nga ang mga viewers ng isa pang kanta mula sa kanya pero wala na siyang maisip na puwedeng kantahin na alam niyang kaya ng kanyang boses at hindi siya mapapahiya.
Kaya nangako na lang siya na sa uulitin na lang. Marami pa namang pagkakataon.
Bumalik na ulit siya sa kinauupuang sofa at balik sa panonood sa kanyang esposo. Nakuntento siyang makinig ulit sa kanta nito.