MAAGA SIYANG pumasok sa shop. Marami kasing dapat asikasuhin lalo na at padating na ang mga bagong gawang furnitures na kanyang inorder. Kasalukuyan siyang nasa opisina ng shop. Minasdan niya ang larawan ng kanyang magulang na nakasabit sa wall. Kailangan niyang alagaan ang shop na ibinilin sa kanya ng kanyang dad dahil nangako siya rito na hindi niya pababayaan ang kanilang family business.
Legacy ito sa kanya.
Ewan nga niya kung paano pa niya nagagawang i-manage ang kanyang time sched. Para sa shop, sa kanyang Online Live streaming at higit sa lahat, para sa kanila ni Mimi.
Mabuti na nga lang at nang dumating ang pinakamadilim na yugto ng buhay niya, Mimi was there. She as there for him always. Hindi siya nito iniiwan. Sa gitna ng kalungkutan niya, ito ang nagpasaya sa kanya. Naging karamay. Kaya nga lalo niya itong minamahal sa araw-araw.
Lumabas siya mula sa opisina nang tawagin siya ng isang tauhan niya na dumating na ang mga bagong furnitures. Kasalukuyan nang ibinababa sa truck ng ilang pahinante at mga tauhan niya.
“Gareth…”
Natigilan siya sa ginagawa. Pamilyar kasi siya sa boses ng tumawag sa kanyang pangalan. Kilala na niya kung sino.
Si Via.
Napatikhim siya. Parang alam na niya ang sadya nito sa kanya. Malamang ay hindi pa ito sumusuko about sa offer sa kanya.
“Hey, Via. Kumusta? What brought you here?” magiliw niyang bati rito at sinalubong ito. He open his arms to give her a hug. Hinalikan naman siya nito sa pisngi.
“Napabisita lang. Ikaw talaga, alam mo na… For old time’s sake. Na-miss kasi kitang kausap. Iba kasi ang Messenger kaysa sa personal,” rason nito sa kanya, na wala siyang choice kundi paniwalaan.
“Sana sinabi mo na lang muna sa Messenger para di na lang ako nagpunta ditto sa shop at doon ka na sa bahay dumiretso. Para makapagmeryenda ka na rin. May ginawang lasagna si Mimi. Tiyak na magugustuhan mo.” Binuhat niya ang isang foam at inilapag iyon sa wooden table na malapit sa kanila.
“Okay lang. Actually… aayain nga sana kasi kitang kumain sa labas. Magkape sana tayo. Libre ko.”
Tabingi ang ngiti niya. “Hindi ako puwedeng umalis rito. Marami kaming inaasikaso. Nakikita mo ba ‘yang mga bagong arrival naming mga furnitures? Need ko pa asikasuhin ‘yan. Busy nga rin ang ilan kong mga kasama.” Itinuro niya kay Via ang mga muwebles, sofa at dining sets. Merong locally made at may import rin sila galing ng ibang bansa tulad ng Hongkong at USA.
“Kahit saglit lang naman. Please?” samo ni Via.
Napakamot ng batok si Gareth. Nag-aalangan rin kasi siyang lumabas kasama ni Via dahil tinanggihan na niya ang alok nito. Wala na rin naman silang dapat pag-usapan talaga.
Isa pa’y ayaw niyang makarating sa kaalaman ni Mimi. Magtatampo ito tiyak. Hindi dahil sa selos kundi mabigat ang loob nito kay Via. Hindi naman lingid sa kanya ang bagay na iyon.
“Ganito na lang… kung ayaw mong lumabas tayo para magmeryenda. Dito na lang tayo. Order na lang ako ng food at coffee thru Food Panda. Na-miss kasi kitang kausap. Alam mo naman sa bahay namin, boring.” Bumuntonghininga ito habang naupo sa isang silya.
At dahil lalo siyang kukulitin nito kung hindi niya pagbibigyan ay pumayag na siya. Kaysa nga naman lumabas sila.
Naupo sila sa isang bangkito na nasa may shop. Kumuha siya ng box at pinatungan ng plywood para maging improvised table nila nang dumating ang mga in-order ni Via.
Tanaw nila ang mga nagdaraang sasakyan.
“Ang suwerte ni Mildred sa ‘yo, Gareth.” wika ni Via. Matapos humigop ng coffee.
Napangiti siya sa tinuran ng dalaga. “Masuwerte rin naman ako sa kanya.”
“’Di ko nga akalain na kayo ang magkakatuluyan. Though, alam ko naman na mag-bestfriend na kayo dati pa.” Nakatingin ito sa kanya. Medyo mapait ang ngiting sumilay sa mga labi nito.
“Mahal ko siya dati pa, Via... At ‘yong pagmamahal na ‘yon... itinago ko lang nang matagal hanggang sa magkaroon ng tamang pagkakataon.” Sumulpot sa isip niya ang unang pagkakataon na may nangyari sa kanila ni Mimi.
“Kaya nga nagulat rin ako nang malaman ko na kayo ang nagkatuluyan. Kasi ang alam ko... hinahabol niya ‘yong isa pa ninyong kakilala. Si Calyx.”
“Natauhan rin naman siya. Na-realize niyang mas okay ako kaysa doon sa hinabol niya,” pabirong sabi niya kay Via. Tiningnan niya ang iniinom. Malapit na palang maubos.
Saglit na tumahimik ito. Tinitigan siya. Mayamaya ay humingi ng permiso sa kanya kung pwedeng magtanong.
“Bakit si Mildred? Ano bang meron sa kanya?”
Huminga muna siya nang malalim. Paano ba niya ipapaliwanag rito nang mauunawaan nito? Bahala na.
“Because she acts naturally. Kung ano siya… ‘yun siya. She doesn’t need anyone’ approval para lang kumilos. Kung gusto niyang sabihin, sinasabi niya. Kung gusto niyang gawin… ginagawa niya,” aniya, pagkatapos ay tuluyang inubos ang laman ng baso.
“Alam mo ba... dati na kitang gusto, Gareth... hanggang ngayon.”
Hindi na siya nagulat sa naging pag-amin nito. Sa halip ay nginitian niya na lang. “Makakahanap ka rin nang mas higit pa sa akin. ‘Yong para sa ‘yo talaga... mamahalin at tatanggapin ka nang buo.”
Napabuntonghininga si Via. “Kung ‘di rin lang katulad mo, salamat na lang. Kahit ‘wag nang dumating pa.” Inubos na rin nito ang iniinom na kape.
“Nasasabi mo lang ngayon kasi ‘di mo pa nakikita.” Iniarko niya ang kanyang katawan, ang kanyang mga bisig ay nakapatong sa magkabilang hita habang magkasalikop ang mga palad niya.
“Well, hindi ko naman siya need pang hanapin dahil kusa siyang babagsak sa mga kamay ko.” Pinunasan ni Via ng tissue paper ang labi, titig na titig sa kanya at kakaiba ang ngiti matapos makapagpunas.
“Goodluck for you,” pabirong sabi niya.
“Yes. Anyway. Thanks sa time.” Tumayo na ito at bahagyang inayos ang damit. “Babalik na lang ako minsan,” paalam nito.
“No worries. Thank you rin sa treat. Bawi kami ni Mimi next time.” Tumayo na rin siya.
Makahulugang ngiti lang ang tanging isinagot ni Via sa kanya at pagkatapos ay tumalikod na ito. Pinagmasdan pa niya ang papalayong imahe nito papunta sa kinaparadahan ng kotse nito.
Alam niya ang pakay ni Via. Pero hindi siya nag aalala. Alam niyang wala itong magagawa sa kanila ni Mimi.