HEAVEN IN HELL KABANATA DALAWA

2294 Words
"Panget!" Ibinuntong hininga ko na lang iyon. Sanay na ako sa tawag na ganyan. Hindi na ako nakakaramdam kahit ano sa tuwing tinatawag akong panget o halimaw. Sa sobrang pagkasanay ko nga'y itinuring ko nang nickname ko ang mga pangalan na iyon. Magsasampong taon na kaya sanay na sanay na ako. "Napakabagal mong halimaw ka! Kanina ko pa inuutos na ibili mo ako ng sigarilyo sa labas, e! Panget na nga kukupad kupad pa!" Hindi pa ako tapos sa ginagawa may panibagong utos na naman sila. Binaba ko ang hawak na iskoba. Tinanggal ko ang bula sa aking kamay at hinilot ang aking batok. Sinipat ko ng tingin ang brasong mayroong pasa dahilan ng init ng ulo ni tiyo. Noong nakaraang araw pa ito nang magkamali ako ng bili sa alak pero hindi pa rin nawawala ngayon. Pinadaanan ko ng aking mga daliri ang nangungulay violet na balat bago tumayo para sundin ang inuutos ni Lea sa akin, isa sa mga pinsan ko. "Bakit ngayon ka lang lumapit?! Kanina pa kita tinatawag!" "May pinapalaba kasi sa akin na damit si Ate Lora-" "Oo na! Huwag ka na nga magpaliwanag! Sundin mo na ako at lumayas ka na sa harapan ko! Panira ng araw 'yang mukha mo!" Sabay pabatong hinagis nito sa aking mukha ang barya na ipambibili ko ng sigarilyo. Pinulot ko ang mga pera na nagkalaglag sa sahig. Sumiksik pa sa ilalim ng lamesa ang isa kaya medyo nahirapan akong kunin. Pagkalabas ko, tinitigan ko ang baryang nasa aking kamay. Nakuha na siguro ni tiyo ang pera ko sa buwan na ito kaya may pambili na naman sila ng mga alak at sigarilyo. Kaya rin siguro wala ang mag asawa dahil parehong nasa sugalan na. O di kaya naman ay nasa hide out nila para magdroga. Buwan buwan ay may dumarating sa akin na pera. Galing iyon sa insurance na naiwan ng mga magulang ko. Napag-alaman ko na kaya pala ako kinuha ni tiyo sa ampunan at nagvolunteer ito na maging guardian ko ay dahil doon. Para magkaroon sila ng pensyon buwan buwan. Pagkatapos nila akong makuha sa ampunan, lumipat sila ng tirahan. Kahit piso sa pera na iyon wala pa akong nahawakan. Magdidisi-otso pa lang ako kaya hanggang ngayon ay siya pa rin ang tumatanggap ng pera ko. Hindi nila ako pinagpatuloy sa pag aaral dahil dagdag gastos lang daw. Ipinasok na lang ako ng asawa ni Tiyo Rubino sa trabaho bilang utility sa isang club para raw mayroon akong pakinabang. Iyon lang kasi ang trabaho na pupwede sa akin. Hindi ako pwede sa waitress bilang makikita ako ng ibang tao at baka mawalan daw ng customer ang club. Exclusive sa mayayaman ang hilera ng mga club na naroon. Kung hindi roon nagtatrabaho si tiya hindi ako tatanggapin doon kahit Janitress lang. Lalo namang hindi ako pwedeng ihanay sa mga babae na hawak niya dahil lahat ng babaeng ipinapasok niya sa club ay magaganda. Doon lang ako nagpasalamat na wala akong magandang mukha, kung nagkataon siguro ginawa na akong prostitute ni Tiya Helena. "Ayan na! Lumabas na si Freddy Krueger! Magtago na tayo!" Nagtakbuhan ang mga bata pagkasigaw no'n. Sinundan ko lang sila ng tingin. Ginawa nila akong katatakutan dahil sunog ang aking mukha katulad ng sa palabas na iyon. Minsan narinig ko pang ginawa akong panakot ng isang nanay sa anak niya. Na kukunin ko raw ito kung hindi ito uuwi. Na kumakain daw ako ng mga bata. Hindi ako manhid para hindi makaramdam ng lungkot at masaktan paminsan minsan. Kahit sa edad ko na ito, gusto kong maranasan na makipaglaro sa mga bata dahil napagkaitan akong maging bata noon. Gayunpaman, naiintindihan ko sila kung bakit nilalayuan nila ako. Kailangan ko silang palaging intindihin. Dahil kahit wala na ang mga magulang ko, hindi nawawala sa isip ko ang mga iniwan nilang payo sa akin. Na kahit maging masama ang lahat, mananatili akong mabuti. Pagkabalik ko sa bahay at pagkaabot sa inutos ni Lea'ng sigarilyo'y naabutan ko si tiyo na nagbabasag ng pinggan at nagbabato ng walang laman na kaldero. Hindi pa ako nakakapagluto dahil maraming pinapagawa ang mga anak niya. Hindi tuloy ako mapakali nang makita ko siya. Alam na alam ko kung kailan maganda ang mood niya sa hindi. At sa mga oras na ito nasisiguro kong masama ang timpla niya. Ramdam ko iyon sa paraan ng pagbagsak niya sa mga kagamitan ng kusina. "Talo na nga sa sugal! Pag uwi wala pang pagkain! Punyeta!" Sumigaw siya nang makita ako at ibinato ang isang baso sa paanan ko. Tumalsik ang bubog sa aking isang paa. Nakita ko ang paglandas ng pulang likido roon pero wala akong oras na dulutan iyon at gamutin. "Iyang ampon mo ang sisihin mo! Pasarap buhay lang naman iyan dito! Hindi maasahan!" Si tiya iyon na mayroong hithit na sigarilyo bukod sa sigarilyong nakaipit sa tenga niya. Pagbaling sa akin ni tiyo, halos mapaatras ako sa sama ng ibinigay niyang tingin. Hindi naman niya ako madalas masaktan. Hindi araw araw pero may pagkakataon kaya natatakot akong magkamali. Natatakot akong galitin siya. Kapag nakasinghot siya ng droga natatakot akong hindi na niya malaman ang ginagawa niya. "Pasensya na po. Kakauwi ko lang po tiyo. Inutusan po ako ni Lea na bumili sa tindahan-" "Hoy! Ano iyan?! Gago itong panget na ito! Ako pa ang sisisihin mo kaya hindi ka nakapagluto?!" Lumapit si Lea sa akin at malakas na hinila ang buhok ko pababa. Dinuro niya ako sa mukha. "Huwag mo akong dinadamay diyan sa pagiging tamad mo! Ayusin mo iyang mga sinasabi mo tangina ka!" "Dapat kasi diyan pinapatikim mo ng latigo, Rubino, para magtino! Kung hambalusin mo ng dos por dos ang hina! Kung hindi mo uutusan hindi pa kikilos! Dagdag palamunin lang iyan! Wala namang ginagawa!" Singit ulit ni tiya na panay dutdot naman sa telepono ngayon habang ngumunguya ng chewing gum. Binitiwan ni Lea ang buhok ko. Yumuko na lang ako at dinampot ang mga nabasag. Kahit hindi ko kasalanan. Ako na lang ang aako. Hindi naman ako mananalo sa kanila. Kahit magpaliwanag ako hindi rin naman ako papakinggan ni tiyo. Isa pa, ayokong magalit sa akin si tiya at ang mga pinsan ko. Kahit baliktarin ko ang mundo, sila na lang ang natitirang pamilya ko. At ang pamilya dapat minamahal. Dapat inaalagaan. Yung mga bagay na hindi ko na maaari pang magawa sa mga pumanaw ko na magulang sa kanila ko na lang gagawin dahil pamilya ko sila. Gusto ko silang ingatan dahil hindi ko iyon nagawa sa mga magulang ko noon. Hindi ko sila ipapahamak dahil ayoko nang maulit ang nagawa ko dati. Ayokong may mawala sa kanila nang dahil sa akin. Gusto kong punan ang pagkukulang ko bilang anak subalit hindi ko na iyon magagawa. Kaya nangako ako sa aking sarili na lahat gagawin ko para sa pamilyang ito. Na lahat gagawin ko para maging maayos ang pamumuhay nila. Yung iba walang bahay na natitirhan. Walang pagkain. Walang pamilya. Walang trabaho. Palagi kong iniisip na kahit ganito ang kinahinatnan ko, maswerte pa rin ako kaysa sa ibang tao. May tiyo ako. May tiya ako. May mga pinsan ako. I have never forgotten what my parents used to tell me when they were alive. That I should think about good things even the whole world is being mean to me. If I seek for good, I'll find good. If I look for bad, I'll find bad. Kung masama ang hahanapin ko, masama rin ang mahahanap ko. Subalit kung mabuti ang hahanapin ko, mabuti ang mahahanap ko. Na kahit mayroon masama, mayroon pa ring mabuti. May dahilan. Nagiging masama lang ang mga tao dahil may dahilan sila. Kailangan ko lang silang intindihin, at kapag naintindihan ko na ang rason nila, makikita ko na mabuti rin silang tao. Siguro marami lang silang problema ngayon kaya minsan nasasaktan ako ni tiyo. Ayoko nang dagdagan kung sakali man na marami silang iniisip. Kung mas magiging mabait akong pamangkin at pinsan, sigurado na mas matutuwa sila at mas magiging mabait sa akin. "Pasensya na tiyo. Magluluto na po ako." "Dapat lang! Anong oras na! Dapat nga kanina ka pa nakapaglutong de puta ka!" Lumapit ako kay tiyo para sana kunin ang kaldero na nasa kanyang kamay. Bago ko pa abutin, binato na niya sa akin iyon. Tumama iyon sa balikat ko bago bumagsak sa sahig. Umupo ako at kinuha iyon. Habang nag aasikaso at nagluluto ng kakainin nila tinatalakan ako ni Tiya Helena. "Pagkatapos mo magluto pumasok ka na ha! Mag over time ka na rin! Malaki silang magpa-over time ngayon! Kailangan natin ng pambayad sa kuryente! Walang natira sa amin ni Rubino!" "Bakit, Nay? Naubos na yung pera niya? Kakakuha lang ni tatay ah?" Si Ate Lora, mas matanda siya sa amin ni Lea ng ilang taon. Wala silang trabaho pare-pareho. Si tiya, nagdadala lang ng mga babae sa club kaya nagkakaroon ng komisyon. Si tiyo naman nagtatrabaho raw siya sa sugalan gamit ang buwanan na nakukuha niyang pera ko. Na kapag nanalo raw siya roon, magagamit daw iyon sa bahay. Hindi ko alam kung totoo, maaari ring dinadahilan niya lang iyon para makapagsugal. "Natalo kami! Naubos!" Si Tiyo iyon. Masama ang loob nitong nagkamot sa ulo. Kaya pala hindi maganda ang mood niya. Natalo sila sa sugal ni tiya. Wala sigurong natira na pambili ng bisyo nila kaya padabog kung kumilos. Kung mas malaki lang sana ang nakukuha nilang pera galing sa akin hindi sana nila kailangan mamroblema ng ganito. Kailangan kong mas pagbutihan sa trabaho nang sa gayon ay mas malaki ang maibigay ko sa kanila. Kapag ganoon, mas matutuwa sila sa akin. "Madaling araw ka na umuwi para mas malaki ang overtime mo! Naiintindihan mo?" Pinitik ni tiya ang upos ng kauubos niya lang na sigarilyo palabas sa bintana. "Opo..." Magalang akong tumango at nagmadali na sa pagluluto nang masulyapan na kaonti na lang ang oras ko para mag ayos papuntang trabaho. Pagkatapos ko maghain, nagsiupo na sila sa lamesa. Sanay na akong hindi inaalok ng pagkain. Hindi nila ako isinasabay dahil nawawalan sila ng gana. Kaya madalas sa trabaho na ako kumakain. Mahuhuli kasi ako kung hihintayin ko pa silang matapos. Ang mga pinagkainan nila, pagkauwi ko na hinuhugasan. Tinapos ko muna ang pagsalin ng inumin sa baso nila bago tinungo ang maliit ko na kwarto para mag ayos. Ang higaan ko dito'y higaan ko pa nang walong taong gulang ako. Sira na ang mga paa ng maliit na papag pero naaayos ko pa naman kaya pwede pang umabot ng ilang taon. Maraming biniyak na bote ng tubig ang nakapalibot sa buong kwarto. Sa tuwing umuulan kasi'y halos magbaha na rito dahil sa kaliwa't kanan na butas sa bubong. Malamig rin tuwing tag ulan dahil maikli na ang kumot ko at kalahating katawan lang ang natatakpan. Ang lagayan ko ng damit ay mga gamit nang kahon. Mga pinagliitan lang din nina Ate Lora at Lea ang sinusuot ko. Ang iba pa'y galing sa basurahan na tinapon na ng mga kapitbahay. Tinitigan ko sa maliit na salaming nakadikit sa dingding ang aking mukha. Itinaas ko ang aking isang kamay upang padaanin ang daliri roon. Ang kalahati ng mukha ko ay sunog na sunog. Madulas ang parteng ito ng aking balat at bukol bukol mula kalahati ng aking noo hanggang sa aking leeg pababa sa aking balikat at braso. Tanging kilay, mata, at labi ko lamang ang hindi nasunog at walang peklat sa aking mukha. Maihahambing ngang tunay ang balat ko sa kinakatakutang palabas ng mga bata. Pagkaligo ay lumapit ako sa ginawa kong krus na kahoy malapit sa paanan ng aking higaan. Nagsindi ako ng dalawang kandila at humarap sa manikang natirang regalo ng mga magulang ko. Gulagulanit man ang mga damit nito'y malinis naman dahil kahit matagal na taon na'y inaalagaan ko. Kahit mukha siyang nahihirapan, hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya. "Kumusta na po kayo? Hindi na po ba kayo galit sa akin?" Pagkausap ko sa manika. Iniisip ko na ito ang mga magulang ko dahil nasa manikang ito ang presensya nila. Mahina akong natawa ngunit nagsisimula nang uminit ang gilid ng mga mata. Hanggang ngayon binabalikan ko ang nakaraan. Kung nag-iba ba at hindi ako nagpumilit na pumunta ng Pilipinas, buhay pa kaya sila? Kasama ko kaya sila ngayon? Ano na kayang pinagkakaabalahan nila? Siguro nakikipagtawanan sila ngayon sa mga tauhan nila. Siguro rin nakangiti sa akin ngayon si Mr. Taylor at sasabihin na napakaganda kong bata. "Hayaan niyo po... Kapag nagkaroon po ako ng pera magpapapinta ako ng mga litrato niyo... Sa ngayon ganito muna..." Ang ilalagay ko sana rito ay litrato ng mga namayapa kong magulang ngunit wala akong kahit isang litrato nila. Sa ala-ala ko na lang nakapinta ang mga itsura nila. Kahit ilang taon na ang lumipas hindi kumukupas sa balintanaw ko ang mga huling ngiti nila. Ang magagandang salita nila at mga ala ala kung gaano nila ako kamahal. "Kung napatawad niyo na po ako at kung nasaan man po kayo ngayon, huwag po kayong mag alala dahil nasa maayos po ako na kalagayan. Masaya po ako kasama ang pamilya ni Tiyo Rubino. Mababait sila sa akin at mahal nila ako. Mamahalin ko sila ng higit sa buhay ko katulad kung gaano ko kayo kamahal. Miss na miss ko na po kayo at maghihintay ako sa pagkakataon na magkikita tayong muli. Kapag nangyari iyon, mas magiging mabuti na akong anak." Bumagsak ang isang butil ng luha ko. Maliit akong ngumiti at inabot ang aking manika na kasama ko sa lahat. Nang haplusin ko ang pisngi nito'y parang nahaplos ko na rin ang pisngi ng aking mga magulang. Ramdam kong nasa malapit lang sila. Binabantayan ako. Pinapanuod ako. Pinapakinggan ako. "Hindi ko sasayangin ang mga pangaral niyo. Magiging mabuti akong tao hanggang sa huling hininga ko. Dahil iyon ako. Dahil iyon ang itinuro niyo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD