Sun’s POV
“Thanks. Keep the change na lang po.”
Tinanguan ko na lang ang Uber driver at kumaway habang papalayo. Pinaandar niya na din ang sasakyan habang ako ay naiwan sa may guard house at naglalakad ngayon sa kahabaan ng village na ito.
Kanina kasi ay may tumawag kay Manong at halatang emergency iyon kaya’t sinabi kong ibaba na lang ako sa entrance ng Soleil, ang exclusive village kung saan kami currently naninirahan ni Art.
Muling bumalik sa akin ang sinabi nito bago siya umalis. Ilang oras na ang nakakalipas pero may parte pa din sa dibdib ko ang kumikirot dahil sa mga salitang binitawan niya.
“Being jealous only applies when you love the person. I don’t even like you – what more para magselos dahil hindi naman kita mahal?”
“Tama na!” Tinakpan ko ang tenga sa pag-asang matitigil ang boses ngunit paulit-ulit lang iyon sa pag-echo sa aking tenga. Para itong sirang plaka at sa bawat minuto na lumilipas ay mas nadudurog ako ng paulit-ulit.
“Ahh Ma’am Sunny?” Napabalik ako sa reyalidad at napalingon sa tumawag sa akin.
Isang lalaking naka-uniporme ang nag-bow na ikinakunot ng noo ko.
“Kayo po ba si Sunny Aether Hale – Silvesa?” Magalang na tanong niya. Bakas ko ang pagmamadali at takot sa boses nito na lalong ikinataka ko.
“Bakit?” Kinapa ko sa bitbit na purse ang pepper spray at mahigpit itong hinawakan in any case na may mangyaring iba.
Napababa ang tingin nito sa suot ko at napabuntong hininga kasabay ng malawak na ngiti. Mula sa troubled expression nito kanina ay napaltan ito ng relief saka kinuha ang kaniyang cellphone. May nai-dial itong numero at inilagay sa kaniyang tenga.
“I found her, boss. Sh—aaah!”
Naghumiyaw ito sa sakit nang i-spray ko sa kaniyang mukha ang bitbit na pepper spray. Namumula ito ngayon at nakasalampak sa sahig habang patuloy sa pagwawala. Nakatakip ang kamay nito sa mata habang nagtatatarang sa sakit.
Kinuha ko iyong pagkakataon para tumakbo palayo at tahakin ang ibang direksyon. Malayo na ako sa guard house kaya’t imposibleng makahingi ako ng tulong ngayon sa kanila. Sinilip ko ang mga bahay at walang makitang bukas na pinto sa mga ito.
“Nandoon siya!” Dinig kong sigaw mula sa malayo. Nanlaki ang aking mata at mas binilisan ang pagtakbo. Hindi ko alam kung saan ako patungo ngunit wala akong pake dahil ang mahalaga ngayon ay matakasan kung sino man itong mga humahabol sa akin ngayon.
“Ano bang nagawa ko at hinahabol ako ng mga ‘yon?” Bulong ko sa sarili at lumiko sa eskinitang nadaanan ko. Walang tao o sasakyan dito dahil under construction pa ang parteng ito ng village.
Puro poste ng bahay at tambak na materyales ang nandito kaya’t madaming puwesto ang puwedeng pagtaguan. Mabilis kong tinungo ang pinakamalapit na bahay nang marinig ang papalapit na yabag at nagtago dito.
Umayos ako ng puwesto upang matiyak na hindi nila ako makikita. Sumilip ako mula sa ginagawa pa lang na bintana at sinipat ang mga taong humahabol sa akin.
“Nakita niyo na ba siya? Bakit mo naman kasi pinakawalan pa!” Dinig kong singhal ng isa sa mga ito.
Ang isa pa nitong kasama ay ang lalaking pinisikan ko ng pepper spray kanina. Namumula pa din ang kaniyang mukha maging ang mata ngunit mukhang naka-recover na ito ng kaunti ngayon. Kamot ulo itong nagpalinga sa paligid kaya’t agad akong yumuko nang makitang titingin siya dito.
“Aahh –“ Tinakpan ko ang bibig para di makagawa ng ano mang ingay nang maapakan ko ang isang pako malapit sa puwesto ko.
Ipinikit ko ang mata at nagdasal na sana ay hindi nila ako nakita. Higit ko ang hininga habang pinapakiramdaman ang paligid sa ano mang pagbabago dito. Gusto ko mang tanggalin ngayon din ang pakong nakabaon sa paa ko ay hindi ko magawa dahil makakagawa lang ako ng ingay.
“Hindi ko naman akalain na may pang-atake siya. Hindi naman kasi ako na-inform na –“
“Hay nako, huwag ka ng magpaliwanag dahil mamaya magdidilim lalo ‘yang mukha mo pag nalaman ni boss na nawala ang kanina niya pa hinahanap. Tara na nga!”
Dinig ko ang kanilang mga yabag habang papalayo sa lugar na ito. Pinalipas ko muna ang ilang minuto para masigurong wala na sila at saka umalis sa aking pinagtataguan.
“Ang sakit!” Impit kong daing habang binubunot ang nakabaon sa aking paa. Umaalpas na ngayon ang dugo dito at wala akong choice kung hindi ay hawakan at pigilan ito gamit ang kamay.
Tiningnan ko ang bag ngunit wala akong makitang panyo para mapigilan ang pagdudugo dito. Huminga ako ng malalim at tumayo saka naglakad papalayo sa lugar na iyon. Masyadong madaming hazard at baka kung ano pang mangyari sa akin lalo na kung mag-stay pa ako doon.
Nagpalinga-linga ako sa paligid para masigurong wala ng tao nang biglang kumidlat at kumulog kasabay ng mabilis at malakas na buhos ng ulan. Madilim na din ang lugar dahil mag-gagabi na at hindi ko na alam kung saang parte ng village ba ako napadpad lalo at wala pang kabahayan sa banda dito.
“Ano bang kamalasan ‘to?” Sambit ko sa sarili at pagak na tumawa. Kasabay nito ay ang pagtulo ng luha sa aking mga mata na waring nakikipagsabayan sa patak ng ulan.
Napatigil ako sa paglalakad nang may mag-flash ng ilaw mula sa harapan. Nanigas ako sa puwesto at hindi makagalaw nang bumilis ang pag-arangkada nito papihit sa aking direksyon. Ipinikit ko ang mata at hinintay na tumama ito sa akin ngunit...
‘Bakit hindi ako nababasa? Patay na ba ako?’
Unti-unti kong idinilat ang mata at napaawang ang bibig nang makita ang pinakagwapong anghel sa harapan ko.
Seryoso ang kaniyang eskspresyon habang nakatitig sa akin. Iniangat ko ang tingin at nakita ang payong nitong nakasilong sa akin habang siya ay nababasa ng ulan.
“A-Art...” Nauutal na sambit ko sa pangalan niya.
Binigyan niya ako ng malungkot na ngiti at hindi ko inaasahan ang sunod nitong ginawa. Napapikit ako habang dinadama ang katawan nitong nagbigay init nang magtama ang aming balat habang mahigpit na nakayakap sa akin.
Iniangat ko ang tingin at sinalubong ang mata nitong nangungusap at puno ng emosyon... Pababa sa kaniyang matangos na ilong at mapulang labi na kay sarap halikan ngayon.
Napalunok ako upang mawala ang naiisip at ibinalik ang tingin sa kaniya. Binigyan ako nito ng tipid na ngiti at hinawakan ang aking mukha habang marahang pinupunasan ang tubig ulan na dumadaloy dito. Inilagay niya din ang takas na buhok sa likod ng aking tenga at kinuha ang aking kamay saka ipinatong sa balikat niya.
Punong-puno ng butterflies ang aking tiyan at gusto kong tumalon sa saya dahil sa ipinapakita niya. Tila nawala lahat ng tampo at sakit na naramdaman ko nitong mga nakaraan mula sa kaniya lalo na sa sunod na sinabi niya.
“I’m sorry, Sunny... Please don’t let me down.”