DARATING ka talaga sa stage ng buhay mo na lahat ng tao kinaiinisan mo. Ganon talaga kapag may dalaw ka. 'Yung tipong gusto mo manapak ng kaklase sa kadahilanang huminga siya. Badtrip!
Nataon pang may dalaw ako nang patayuin kame sa gitna ng field sa ilalim ng naglalagablab na sikat ng araw ng mga CAT officers namin. Halo ang init ng araw, init ng dugo at init ng ulo ko. Namimilipit ako sa sakit, hindi ko lang pinahalata.
Kahit saan ako lumingon, isa lang nasa isip ko, 'Gusto kong manghampas ng rifle sa mukha.'
Nagunahan kaming maka-upo sa ilalim ng puno para makapagpahinga pagkatapos naming maranasan ang free-trial sa impyerno. Hindi naman ako makaangal kahit na minsan trip lang nila akong pagtripan. Humanda sa'kin lahat kapag officer na ako! Sila ang paghihigantihan ko.
Wala na kaming oras para magpahinga pa. May susunod pang klase, magluluto kami sa Home Economics room. Mas gusto ko namang magluto kumpara sa maglinis ng kuko ng teachers namin. Ayos na sana e, amoy patay na daga lang paa nila!
Nahati kami sa tatlong grupo. Sabi ni Ma'am Macapagal, kahit anong lutuin namin ay ayos lang basta edible. Napagusapan namin na bananacue at turon ang amin. Wala akong kagrupo ni isa sa mga tropa ko.
Sumama akong mamalengke kaninang umaga sa bagong palengke sa lugar namin. May dalawa kasing palengke sa'min. Bago at lumang palengke na ilang lakad lang ang layo. Pinagkaiba lang-- Walang bubong sa luma.
Si Cindy, Nikkoi, Julio, Morgan, Jaison at ako ang magkakasama. Hindi talaga ako kasama sa listahan. Silang lima lang, pero dahil sumunod ako, 'di na sila pumalag pa. Masaya lang talaga ako tuwing namamalengke.
Proud na proud ako sa sarili ko kapag nananalo ako sa tagisan ng talino sa pakikipagtawaran sa tindera. Pakiramdam ko pwede na akong mamuhay mag-isa.
Likas na dumadaloy sa dugo ko ang pagiging siga at bida-bida (minsan). Pero galit talaga ako sa bida-bida. Iba-iba kasi ang level noon. Kung ako level 5, si Barbie level 100. Lagpas na siya sa kategorya ng bida-bida, natural na mayabang na!
Nakasuot kami ng sariling bitbit ng makukulay na apron, hair net, plastic gloves. Kumilos na lahat. Sa pagtutusok ng saging ako napunta. Ayokong mapahiya ang grupo namin kaya talaga namang ginalingan ko pagtuhog.
And it's done!
Tapos na ang pinaghiraparan naming bananacue at turon na may bangs ng kaklase kong si Eunice. Perpektong tignan ang pagkakaprito noon. Bilo-bilo 'yung niluto ng unang grupo, pancit luglog naman sa pangalawa.
Sa hirap nang dinanas ko kanina sa arawan, sa pagseseryoso ko sa pagtuhod, nawalan na akong gana. Garantisadong masarap 'yung gawa namin, pulido, perpektus! Nga lang, nahulugan ng buhok! Dakilang kutuhin pa naman ang kaklase kong 'yon... Kinimkim ko na lang at walang sinabihan. Balakayojan!
Nasa computer shop sila Ando para magpa-burn ng kanta ng parokya ni edgar, e-heads at rivermaya. Sinabi ko pang susunod ako pero hindi naman talaga. Kinakalas ko 'yung kadenang nakapulupot sa bike ko para iwas nakaw. Medyo kinakalawang na 'yun, nakakasulasok ang amoy.
"Kailangan mo ng tulong, my labs?" Pagaalok ni Denver na naka-squat sa likuran ko.
Hindi ko pinansin. Hindi naman ako nahihirapan, e. At kung mahirapan man, hindi siya ang hihingian ko ng tulong. No choice lang talaga ako last time.
Ngayon ko lang napansin na may bitbit din siya bike nang tumayo ako. Malapad naman ang ngisi niya, umaasang kakausapin ko. Neknek niya! Sumakay akong bike at umarangkada na.
"Hinanap ko kayo nila Betong ah. Saan kayo umikot?"
Deadma! Sumipol-sipol pa ako at binilisan ang padjak.
"My labs, wait!"
Humabol pa! Bumuntong hininga ako saka siya nilingon at mataray na tinaasan ng kilay.
"Naglalakad ka lang dati, ah! Bakit biglang may bike ka na? Nakaw 'yan 'no?"
"Sa gwapo kong 'to magnanakaw?" Mayabang na aniya.
"Uluuuul! Pakyu!"
Humalakhak lamang siya. "Matagal na ako may bike. Naglalakad lang ako para sabay tayong umuwi." Ngumuso siya at umarteng hahalikan ako.
"Nakakakilabot! Tumigil ka nga, Denver. Kadiri mukha mo." Literal na kinilabutan talaga ako. Ganito nararamdaman ko kapag nakakanuod akong horror movies. 'Yung naalimpungatan ka sa madaling araw tapos pakiramdam mo may matang nakamasid sa'yo sa bintana. Ganon!
"Kaya pala sabi ni kuya Bert nami-miss mo ako."
"Naniwala ka naman? Inuuto ka lang nun. Saka ba't nakiki-kuya ka? Close kayo?"
"Sinasanay ko lang sarili ko para kapag kinasal na tayo, nakapag adjust na ako."
"Gago ako pero hindi sira ulo ko para pumatol sa'yo, hoy!"
"Masyado pang maaga para magsalita ng tapos."
"Hapon na kaya tinatapos ko na 'tong walang kwentang usapan natin."
"Psh. Kakainin mo rin 'yang sinabi mo."
"No thanks! Busog ako."
Binilisan ko na lang ang takbo. Grabe, 'yun! Saan kaya siya kumukuha nang lakas ng loob? Anlupit. Maingay na naman sa barangay namin.
Bagong dating ata galing Qatar 'yung asawa ni Aling Duday, e. Iba't ibang uri ng tao mga bisitang nagkukumpulan sa tapat ng bahay nila.
Hindi mawawala 'yung mga chismosa, mga gusto lang makakuhang chocolate na may niyog sa loob, makahinging lux o dove soap, madiligan ng alak ang tiyan at mala contestant sa singing contest. Nanginginig ang lupa sa lakas ng bass mula sa karaoke nila. Sabayan pa nang kumakantang lasing na nagg-growl pa.
Basta may inuman, present lagi ang kantang 'pusong bato' with feelings pa 'yun.
"Bye, my labs. Kitakits mamaya!" Kumakaway na sigaw niya habang ipinapasok ko sa gate ang bike. Samantalang nakataas naman ang gitnang daliri ko sa ere.
"Oh, san na prince charming mo?" Pangasar na bungad ni kuya Limuel pagpasok ko sa bahay.
Halos tumirik na ang mata ko kaka-irap ko e. Nilampasan ko lang siya at pumasok na sa kwarto para magbihis. Naririnig ko pa rin naman ang boses nilang dalawang pinagkakanlulo ako sa bao na 'yon.
"Nak, bilisan mo riyan. Kakainin na tayong hapunan." Tawag ni nanay sa labas ng pintuan ko.
"Opo, nay. Saglit lang!" Sagot ko. Kanina pa ako tapos magbihis. Sadyang busy lang ako sa pagbabasa ng 'GM' galing na clan ko. Si Trixie kasi may paka noon, e. Wala naman akong hilig sa text. Wala rin naman kasi akong load.
"LABAS NAAAA!!" Tumilapon 'yung cellphone ko sa sobrang gulat. Sunod sunod ang malakas na katok 'yung ginawa ni kuya Limuel.
"OO LALABAS NA!!" Padabog kong binuksan ang pinto, ready na 'yung kamao kong panuntok kay kuya kaso wala na siya nang buksan ko.
Tinuloy ko ang padabog na lakad papuntang kusina. Nahagip na agad ng mata ko si kuya kaya tumakbo ako pasugod doon na parang torong galit sa bandanang pula.
"Magandang gabi, Andeng." May pamilyar na boses akong narinig na bumati sa akin kaya natigilan ako sa pagtakbo papalapit kay kuya.
Lumingon ako sa bandang kaliwa, sa hapag.
"Hi, Sandy."
Nanlambot ang kamao ko, nanlaki ang mata ko, nalaglag ang panga ko, nasira ang gabi ko. Anong ginagawa ng baong naging tao sa bahay namin? Sa kusina namin? Sa hapag namin? Sinasandukan pa siya ng kanin at ulam ni nanay.
Kumurap-kurap pa ako... totoo nga!
"Sino nagpapasok sa'yo? Bawal pangit dito. Hindi mo nakita? Nakapaskil sa labas ng bahay namin 'yung sign board." Nagpamaywang ako.
Walang pumansin sa akin at sa sinabi ko. Tahimik na naupo sila kuya sa pwesto nila. Ganon din sila nanay at tatay. Wow ha!
"Hoy, Denve---"
"Tumahimik ka na, Sandy at maupo ka." Utos ni tatay.
Sumunod ako at naupo na. Si kuya Roberto ang katapat ko pero dahil nandito si Denver, siya ang kaharap ko sa hapag. Nakaka walang gana! Masama ang titig ko kay Denver habang hinihiwa 'yung pork steak na nasa plato ko.
Todo ngiti naman ang bao sa paguusap nila, nila kuya.
"Sandy, simula pala ngayon, dito na titira si Denver sa atin."
Nabilaukan ako sa nakakatakot na balita ni nanay sa'kin. Mabilis kong inabot 'yung malamig na tubig at uminom.
"Ano!?" Bulalas ko. Natawa sila kuya pati na rin si Denver.
"Pansamantala lang. Umalis kasi ang lola niya. Magisa lang siya sa bahay kaya pinakiusapan ako ng lola niya kung pupwedeng dito muna. Dalawang linggo lang naman, e." Mahinahong paliwanag niya na hindi ako tinitignan.
"Kaya naman niya mag-isa sa kanila, e. Hindi na siya bata, nay. Kaya na nga niyang gumawang bata, e." Katwiran ko na nagpasamid sa kanilang lahat.
Sabay sabay silang uminom ng tubig. Nilingon ko si Denver na agad ding yumuko at namumula pa ang pisngi.
"Ano ba 'yang bibig mo, Sandy. Mahiya ka naman! Andito lang si Denver! Mabuti na rin nandiyan siya, para maturuan ka sa mga assignments mo."
"Tamad lang ako, hindi bobo. Kaya ko naman, e."
"Sandy!" Mapagbantang tawag ni tatay sa pangalan ko.
Tumahimik na talaga akong tuluyan. Naiinis na si tatay. Kapag ganyan siya, sa puno na naman ako sisikatan ng araw. Pahamak talaga 'yang Bao na 'yun! Mukhang kailangan kong magtiis ng dalawang linggo na kasama siya.
Sa umaga, sa tanghali, sa hapon at sa gabi! Maisip ko pa lang 'yun naiiyak na ako.