“CAROL? Ano ang ginagawa mo rito?” Hindi agad nakasagot si Sister Carol. Hindi dahil sa ayaw niyang sabihin ang totoo kay Daryl kundi dahil nag-alala siya nang makita niya ang dugo sa manggas nito. Nanginginig pa ang mga kamay. Agad niya itong nilapitan at pinayungan para hindi mabasa ng ulan. “Pumunta ako rito para iligtas ka. Napilit ko si Briella na sabihin sa’kin kung saan ka pumunta. Pero ang sabi niya sa’kin, makikipagkita ka lang daw sa kakilala niya. Hindi niya alam na nanganganib na pala ang buhay mo. Masama lang ang kutob ko kaya pinuntahan kita rito,” mahabang paliwanag ni Sister Carol. Pinipilit niya ang sarili na kumalma at huwag mataranta kahit alalang-alala na siya kay Daryl. “Alam mo pala na nasa panganib ang buhay ko. Pero bakit pumunta ka pa rin?” sermon sa kaniya ng

