FIRST KISS

1625 Words
"ARE you sure na sasakay tayo ng bump car?" tanong uli ni Carol kay Daryl. Iyon agad ang naisip ni Daryl na sakyan nila nang makarating sila sa Funny World. "Bakit hindi?" natatawang tanong ng binata. "Alam mo na favorite ko 'yan simula noong mga bata pa lang tayo, 'di ba?" Tumingkayad siya para bulungan ito. Marami kasing taong nakapaligid sa kanila. Nahihiya siya na baka may makarinig. "Baka hindi na tayo magkasya. Ang laki ko na, eh." Natawa ang kaibigan sa sinabi niya. "Kakasya 'yan, sexy naman 'tong kasama mo, eh. Kung hindi, eh, 'di kandungin mo na lang ako," biro nito. "Baliw!" At saka niya ito tinampal sa braso. "Gosh, baka bumigay ang bump car kapag sumakay siya. Kawawa naman ang may-ari nitong Funny World. Malulugi sa kaniya." Narinig nilang wika ng katabi nilang babae. Obviously, si Carol ang pinaparinggan nito dahil patingin-tingin pa sa kanila. "Oo nga, eh. At saka feeling maganda, ha? Porke't guwapo lang 'yong kasama, eh. Baboy naman. Mag-iinarte pa," dagdag naman ng isa. Nahihiya na lang na yumuko si Carol. Bago pa man niya namalayan ay hinarap na ni Daryl ang mga ito. At huli na para awatin niya. "Hi, miss. Excuse me lang po, ha..." mahinahon namang saad ng kaibigan niya. "Binigyan tayo ng Diyos ng mga mata para makita ang kagandahan ng mundo. Hindi para manlait ng ibang tao..." Napaawang ang mga labi ng dalawang babae na mukhang napahiya sa sinabi ni Daryl. Pagkatapos ay yumuko at biglang umalis. Puno ng pagmamalaking inakbayan naman siya ng binata at isinisiksik pa sa katawan nito. Na para bang hindi ito nahihiya kahit isang katulad niya ang kasama nito nang araw na iyon. Tumaba ang puso ni Carol . Feeling special talaga ang peg niya kapag ganitong ipinagtatanggol siya ni Daryl sa kahit sinong tao. Kaya nga hindi niya gaanong sineseryoso ang mga pag-aasaran nila dahil batid niya na biro lang iyon ng kaibigan niya at ito talaga ang number one admirer niya. "Sana hindi mo na lang 'yon ginawa," komento ni Carol kapagkuwan. Hangga't maari ay ayaw din naman niyang napapasama o napapaaway ang best friend niya nang dahil sa kaniya. "You know that I won't let anyone say anything bad about you. Handa akong makipag-away para sa'yo, Carol," puno ng kaseryosohan na sabi ni Daryl habang matiim na nakatitig sa kaniya. "And you know that. Kaya hayaan mo lang ako na ipagtanggol ka." Lihim na nasapo ni Carol ang kaniyang dibdib. Para kasing sasabog iyon sa sobrang tuwa na hindi niya maintindihan. Ang lakas ng kabog niyon habang nakikipagtitigan siya kay Daryl. Hindi rin naman niya kinaya ang pagtititigan nilang dalawa. Dahil pakiramdam niya ay matutunaw siya. Ano mang kakaibang naramdaman ni Carol nang mga sandaling iyon ay ipinagkibit-balikat na lang niya. NATULOY nga silang dalawa ni Daryl sa pagsakay sa bump car. Sobrang nag-enjoy sila, lalong lalo na si Carol. Kahit pa nagsiksikan silang dalawa at halos hindi na magkasya. "Hah! Grabe... nakakapagod!" hinihingal na bulalas ni Carol nang makababa sila sa bump car. "Pero aminin mo ang saya!" nakangiting tugon ni Daryl. "Ikaw yata ang may pinakamalakas na sigaw kanina nang muntikan na tayong bumangga sa poste." Hinila siya nito paupo sa isang bench para magpahinga. "Super saya!" natatawa niyang sagot. "Kahit kinabahan ako nang bongga do'n." Sumandal si Daryl sa upuan habang ang isang kamay ay nakapatong sa balikat niya. "Gutom ka na ba?" "Hindi, ah! Unang ride pa nga lang natin, eh. Ang dami kaya ng kinain natin bago tayo pumunta rito." Natawa lang ang binata. Ilang minuto silang nagpahinga bago ito muling tumayo at nagpaalam. "Just wait me here. Bibili lang ako ng tokens." Katapat lang nila ang cashier booth kaya hindi na sumama ang dalaga. Habang nakapila si Daryl ay napansin ni Carol na may grupo ng mga babae ang tingin nang tingin dito. Sanay na siya na pinagtitinginan ng ibang babae ang best friend niya kahit saan man sila pumunta. Normal lang iyon sa tulad ni Daryl na may kaguwapuhang taglay. Pero ewan kung bakit mas naalarma siya nang mga sandaling iyon. Lalo pa nang makita niya na itinulak ng grupo ang isang babae papunta kay Daryl. Mukhang maganda at mestiza pa naman. Matangkad at sexy rin kaya inatake ng pagkabahala ang puso niya. Lalo na at kilig na kilig naman ang babaeng blonde ang buhok. Dali-dali siyang tumayo at pinuntahan ang kaibigan niya. Sinadya niyang bungguin ang babaeng blonde pero nagkunwari siya na hindi iyon sinasadya. Sa laki ni Carol at sa lakas ng impact kaya tumalsik ang babae pabalik sa grupo nito. Namutla at parang napahiyang tumingin sa kaniya ang babae. Parang pinagbibintangan siya pero nagpatay-malisya lang si Carol. Sa loob-loob niya ay tawa siya nang tawa sa nakitang reaksiyon ng babae. Lihim siyang napahagikhik habang hinihimas ang tiyan. May gamit din pala 'tong ka-cute-an ko! Kapagkuwan ay isiniksik niya ang sarili kay Daryl na ipinagtaka naman ng binata. "Anong ginagawa mo rito? Magpahinga ka muna," pag-aalala nito. "Pagod ka pa, 'di ba?" "Dito na ako. Babantayan na lang kita laban sa mga malalanding nakapaligid sa'yo," pabulong niyang sabi. "Baka hindi na kita makasama sa pag-uwi kasi napikot ka na." Narinig niya ang munting halakhak ni Daryl bago ito yumuko at binulungan din siya sa tainga. "Napansin ko lately na parang napapadalas na yata ang pagseselos mo, cute. In love ka na ba sa best friend mo?" anito sa nang-aakit na boses. Kinindatan pa siya ni Daryl nang mapatingin siya rito. She gulped. Alam ni Carol na biro lamang iyon ng kaibigan niya pero hindi niya napigilan ang pag-init ng magkabilang pisngi niya. "Napaka-assuming mo, Daryl Eirik! Bakit naman ako mai-in love sa best friend ko? And besides, bawal 'yon sa'kin, 'di ba? Ang ma-in love," pagtatanggol niya sa sarili. Tinawanan lamang siya ng kaibigan. Mayamaya ay hnila na siya ni Daryl at ipinuwesto sa harapan nito nang may mga pumilang lalaki sa kanilang likuran. Hawak-hawak nito ang isang kamay niya habang ang isang palad naman ay nakapatong sa ibabaw ng kaniyang ulo. Simpleng bagay lang. Pero alam ni Carol na pino-protektahan siya nito sa mga lalaki. At lihim iyong ikinatuwa ng dalaga. PAGKATAPOS nilang makabili ng tokens ay pumila naman sila sa horror train. "Payakap ako kapag natakot ako mamaya, ha?"pabiro na bulong sa kaniya ni Daryl. Madalas naman silang sumakay sa horror train pero minsan talaga ay nagugulat pa rin siya sa mga effect kahit alam naman na niya na hindi iyon totoo. "Sira! Ako nga 'tong matatakutin, eh." Tumawa siya nang malakas. "Kaya humanda ka na dahil ako ang yayakap sa'yo." "Oo ba! Iyon lang pala, eh." Bigla na lang nitong kinuha ang kamay niya at pinagsalikop ang mga daliri nila. "Don't worry, cute. Safe na safe ka kapag ako ang kasama mo." Lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya nang makasakay na sila sa horror train. Pinisil-pisil pa nito ang palad ni Carol nang maramdaman ang panlalamig niya dahil sa takot at kaba. Unti-unting napalitan ang panlalamig na naramdaman ni Carol habang pinisil-pisil ni Daryl ang kamay niya. Hindi na lang niya gaanong pinansin ang kakaibang init na dulot niyon sa kaniya. Best friend niya ito kaya dapat lang na maging komportable siya. Bumuga siya ng hangin para ibalik sa dating huwisyo ang sarili. Ngunit hindi niya iyon nagawa hanggang sa makaupo na sila sa horror train. Katulad ng nangyari kanina sa bump car ay nagsiksikan ulit sila ni Daryl dahil sa laki niya. Magkadikit na magkadikit na ang kanilang mga balat. "Parang naririnig ko na ang sigaw mo, cute," bulong ulit ng kaibigan niya habang napakalapit ng bibig nito sa tainga niya. "Relax ka lang. Isipin mo lang na lahat ng makikita mo mamaya ay hindi totoo." At dahil umandar na ang horror train kaya bahagyang nawalan ng balanse si Daryl. Lumapat ang mga labi nito sa tainga niya. She felt electrified. Hindi na talaga normal ang nararamdaman niya. Simpleng pagkakadikit lang nila ni Daryl pero parang kinukuryente na siya. Parang sasabog na ang dibdib niya at nagwawala ang puso niya sa loob. Kailangan na talagang magpa-check up ni Carol bago pa man lumala ang sakit niya sa puso. Kahit wala ng space sa pagitan nila ni Daryl ay umusog pa rin si Carol. O mas tamang sabihing inilayo niya kay Daryl ang kaniyang mukha. Kaya lang yumakap naman ito sa kaniya at umaktong natatakot. Tila hindi man lang nakita o naramdaman ang pagkatigil niya. Natakot si Carol na baka ma-heart attack siya dahil sa tila naninigas niyang puso kaya itinulak niya ito nang bahagya. "Ang OA mo naman! Wala pa nga, eh." Idinaan na lamang niya sa biro ang werdong nararamdaman. "Nagpa-practice lang!" depensa nito, sabay tawa nang malakas. Habang papalayo nang papalayo ang train ay padami nang padami ang mga nakakatakot na effects na nadadaanan nila. Paminsan-minsan siyang napapatili na kunwaring sinasabayan naman ni Daryl. Para namang hindi niya alam na hindi ito matatakutin. Mayamaya ay mlakas na napatili si Carol nang may bumagsak na poster ng zombie sa tagiliran niya. Wala tuloy sa oras na napaharap siya at napayakap sa kaibigan. Pero eksaktong nakaharap din pala ito sa kaniya kaya aksidenteng naglapat ang kanilang mga labi. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Sa sobrang pagkagulat ay naitulak niya si Daryl. Maging ito man ay nagulat din. "I-I'm... I'm sorry. Hindi ko sinasadya, Carol," nauutal na paliwanag nito. Pero kung hindi siya nagkakamali, nahuli pa niya ang pagsulyap ni Daryl sa mga labi niya. "S-sorry din," mahinang sambit niya at saka yumuko para itago ang namumulang mukha niya. And her heart skipped a beat. Pero hindi na siya kumibo hanggang sa makababa sila ng train. Hindi na rin bumalik pa sa normal ang t***k ng puso ni Carol. Pakiramdam tuloy niya ay nagkasala siya sa Diyos. I'm sorry po, Lord...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD