Nagitla ang matanda. "A-ano? Hindi s'ya nagpapadala?" Maniniwala na sana siya nang bulungan s'ya ni cia. Sumama ang kanyang mukha. "Wala palang ipinadadala ha, ang sabihin mo ay maramot ka! Bakit ayaw mo akong bigyan, e pera naman ng anak ko yan? Hoy layla, huwag ka ngang sakim. Alalahanin mong ako ang ina ng asawa mo kaya dapat lang na makinabang din ako sa pera niya!"
Sumama ang mukha ni Layla. "Anong sakim? Ano po bang sinasabi n'yo diyan? Bakit, kailan ko po ba kayo pinagdamutan? Palagi ko nga kayong inaabutan sa tuwing nagpapadala s'ya, hindi ba? Kahit nung kakarampot pa lang ang sinasahod n'ya ay obligado pa rin kaming tumulong sa inyo...." sumulyap s'ya kay cia na noo'y may hindi magandang tingin sa kanya. "Gayong may anak naman kayo na malakas pa sa kalabaw na puwede niyong pagtrabahuhin. Bakit n'yo kasi binebeybi yan e, ilang taon na po ba yan? Bente nuebe na yan a." Katulad ni Layla ay hindi din n'ya gusto ang hipag niyang ito dahil puro paninira sa kanya ang naririnig n'ya mula dito.
"At bakit ako nadamay diyan? Ang entrega kay nanay ang intindihin mo, huwag mong ibahin ang usapan." Balik ni cia.
"E sa wala ngang padala ang kuya mo e, anong gagawin ko?" Nakakaramdam na ng inis si Layla.
"Balae...." Tawag ni Mila. "Totoo ang sinasabi ng anak ko, may hindi kasi sila pagkakaunawaan, kaya pati pagpapadala niya ay apektado."
"Nag-away kayo ni Fernan?" Kunot-noong baling ni Flor, ang ina ni Fernan kay kayla. "At ano na naman ang ginawa mo, e matino naman ang anak ko? Teka, huwag mong sabihin na nadiskubre niyang nanlalalaki ka?"
Sarkastikong nagtawa si Layla. "Ako pa po talaga, ha? Kung alam n'yo lang ang ginagawa ng anak n'yo."
"A basta, ibigay mo na lang sa akin ang entrega ko para maka-alis na kami. Huwag kang umasa na maniniwala ako na wala siyang ipinadala, may mga anak kayo kaya siguradong maiisip niya ang mga bata."
"E, sa wala nga po e."
Tila naubos na ang pasensiya ng matanda, nabugnot na ito nang tuluyan. "Hindi mo ba talaga ibibigay, gusto mo pa bang puwersahin kita?" At diri-diretso siyang pumasok sa bahay.
Agad itong sinundan nila Layla at mila hanggang sa makarating sila sa kuwarto nila ni Fernan. "Nay, ano pong gagawin n'yo? Wala nga pong padala si Fernan, bakit ba ayaw nyong maniwala?"
"Tumabi ka diyan! Bakit mo ko hinaharangan kung wala?" Hinawi ni Flor si Layla na noo'y nakaharang sa isang cabinet. Nalalaman n'ya na doon naglalagay ng pera ang mag-asawa.
Nagalit na rin si Mila sa masagwang inaasta ng kanyang balae, para kasi itong bandido sa ginagawa nito. "Balae, hindi na ata tama 'yang ginagawa mo, bakit mo panghihimasukan ang gamit ng mag-asawa, e pribado na nila yan? Hindi ba puwedeng maghintay ka na lang na abutan ka? O kaya bakit hindi mo tawagan ang anak mo kung ayaw mong maniwala na wala nga siyang pinadala?"
Ang hindi masabi ng mag-ina ay sinubukan na nilang kontakin si Fernan ngunit katulad ni Layla, ay hindi din nito sinasagot ang kanilang tawag. "Huwag ka ngang makialam dito, akala mo siguro ay hindi ko alam na nakikinabang ka dito nang palihim, ano? Sigurado, binibigyan ka niyang anak mo sa perang ipinapadala ng anak ko."
"Ano? Ano ka ba naman Flor, paano ako bibigyan ni Layla, e wala ngang ipinapadala si Fernan."
"Basta, hindi ako naniniwala! Tumabi ka diyan!" At muli niyang hinawi si Layla at tinangkang pakialaman ang lagayan nila ng pera, ni hindi nito naisip na baka nasa e-wallet pala ni Layla ang inaasam niyang pera.
Pinigilan nila layla at mila ang mag-ina kaya para na rin silang nagbubuno. Nagkagulo na nang tuluyan. Sa hindi sinasadyang pagkakataon ay naitulak ni Layla ang biyenan, at dahil matanda na ay hindi na matatag ang tuhod nito kaya na-out of balance ito. Nauntog ito sa may kanto ng lamesa.
"Nay!" Sigaw ni cia. Nang saklolohan n'ya ang kanyang ina ay nakita niyang dumudugo ang noo nito. Galit siyang bumaling kay layla na noo'y makikitaan ng natakot sa nangyari. "Nakita mo na ang ginawa mo? Isusumbong kita kay kuya! Kapag may nangyari sa nanay ko, hindi kita mapapatawad!"
Lumapit si Layla para tulungang alalayan ang biyenan ngunit galit itong itinulak ni cia. Inalalayan nito ang kanyang ina at ibinaba. Dahil sa pag-aalala ay sumunod si Layla sa ospital habang naiwan naman ang kanyang inang si mila dahil walang kasama ang mga anak n'ya sa bahay.
Nakarating kay Fernan ang nangyari sa kanyang ina sa pamamagitan ng text dahil hindi naman ito matawagan. Nagpaalam siya sa amo niyang si monica at kaagad umuwi. Pagpunta sa ospital ay nadatnan niya ang ina na idinadaing ang kanyang ulo.
Nagtataka na lang ang nurse dahil tila ayaw pa ring umuwi ng mag-ina, gayong wala naman silang nakitang problema sa ulo ng matanda. Hindi n'ya alam kung ano pa ang ginagawa nila doon nang makita n'ya ang humahangos na si Fernan.
"Nay, anong nangyari? Bakit kayo nadisgrasya?" Nawala ang pag-aalala ni Fernan nang makitang, hindi naman pala ganun ka-seryoso ang sinapit ng kanyang ina, hindi katulad ng exaggerated na text sa kanya. Ngunit bumakas ang galit sa kanyang mukha nang magkuwento ang bunso niyang kapatid na si cia sa nangyari. Siyempre ay meron itong ilang idinagdag para lalong sumama ang sitwasyon.
Samantala, nakauwi na si Layla matapos siyang itaboy ni cia sa ospital kanina. Dahil s'ya naman ang nakadisgrasya sa kanyang biyenan ay s'ya na ang nagbayad ng medical fees nito.
Nagi-guilty siya, paano kung sisihin s'ya ni Fernan sa nangyari at isipin na pinatulan n'ya ang kanyang biyenan? Nag-iisip pa s'ya ng sasabihin kay Fernan kapag kinuwestiyon s'ya nito nang bigla naman siyang makatanggap ng MMS mula kay cia. Nagtataka man ay
tiningnan pa rin n'ya iyon. Nakita n'ya ang picture ng mga nakabukadkad na lilibuhing perang papel, na hawak ng isang kamay, kasunod niyon ay ang text message nito: "Galing kay kuya."
Natigilan si Layla, ibig bang sabihin ay nagpadala na si Fernan? Ngunit nakaramdam s'ya ng pait dahil hindi pa rin ito nagpapadala sa kanya gayong may tatlo silang anak na pawang mga nag-aaral. Higit sa kanyang biyenan ay di hamak namang mas kailangan ng mga anak nila ang padala n'ya. Hindi bale nang ipuwera s'ya nito ngunit sana naman ay huwag na nitong patuloy na tiisin ang mga anak nila. Hindi man lang ba nito naiisip kung may pang-gastos pa sila?
Natigilan na lang si Layla nang matanaw n'ya ang isang lalaki sa labas ng bintana, patungo ito sa kanilang bahay. Nagtaka s'ya, kung ganun pala ay nakauwi na ito? At kung ganun pala, marahil ay ito pa mismo ang nag-abot ng pera sa ina nito.
Pumunta sa pinto si Layla para salubungin ang asawa na matagal nang hindi umuuwi sa kanila. Nakahanda na sana siyang magpaliwanag sa nangyari sa kanila ng kanyang biyenan, dahil nagi-guilty s'ya, ngunit paglapit nito, hindi pa man n'ya naibubuka ang kanyang bibig nang isang malakas na sampal ang isinalubong nito sa kanya.
Tila nagpantig ang tenga ni Layla, at tila ba tumigil sandali ang oras sa paligid n'ya. Hindi n'ya maunawaan ang nangyari nung una, ngunit nang mahimasmasan at nang bumaling s'ya sa asawa ay malalamig na tingin na may kasamang panlilisik ang tinging ipinukol nito sa kanya. Saka n'ya nasapo ang kanyang pisngi na noo'y pumipintig-pintig na sa sakit.