"Mama!" Biglang sumulpot si Lalaine, nagmamadali itong lumapit at yumakap sa ina. Pagbaba na pagbaba n'ya mula sa itaas ay ang pagsampal ng kanyang ama sa kanyang ina ang kanyang inabutan. Pinandilatan n'ya ang may sala. "Bakit mo sinampal si mama?!" Galit niyang tanong.
Hindi pinansin ni Fernan ang kanyang panganay. "Bakit mo yun ginawa sa nanay ko, ha? Alam mo naman ang ugali niya diba, akala ko ba ay naiintindihan mo yun?" Galit niyang baling sa asawa.
"F-fernan.....s-sinampal mo ko?" Tila hindi makapaniwalang tanong ni Layla. Sa ilang taon ng pagsasama nilang mag-asawa ay ito pa lang ang kauna-unahang beses na pinagbuhatan s'ya ng kamay nito.
"Oo! At bakit hindi, e sinaktan mo ang nanay ko? Alam mo namang matanda na s'ya, diba? Paano na lang kung napasama ang pagkakauntog n'ya? paano kung hindi lang iyon ang nangyari sa kanya, mapapanagutan mo ba?"
"Pero Fernan, naisip mo man lang ba kung sinadya ko o hindi ang nangyari? Alam mo namang matagal ko nang pinagpapasensyahan ang nanay mo, diba? Saka, bakit hindi mo man lang itanong kung ano ang pinagmulan ng nangyari?"
"Hindi ko na kailangang alamin dahil sinabi na sa akin lahat ni cia."
"Heh, sinabi ng kapatid mo? At ano naman ang sinabi n'ya? Alam mo namang kung siraan ako niyan ay kaliwa't kanan, hindi ba? Alam mong may ugaling tirador yang kapatid mo, kaya bakit ang dali-dali mo siyang paniwalaan?"
"Huwag mong pagsasalitaan nang ganyan ang kapatid ko ha, hindi ikaw ang nagpapakain sa kanya!" Angil ni Fernan.
"Alam ko, pero, sa pagkakaalam ko rin ay wala akong anumang pagkakautang sa kanya para tratuhin n'ya ako nang ganito. At ikaw naman, kahit nalalaman mo ang ginagawa n'ya sa akin, may ginagawa ka ba? Sinaway mo man lang ba s'ya, ha?"
"Tama na, lumalayo na tayo e. Hindi naman tungkol kay cia ang pinag-uusapan natin e."
"So ano, naniniwala ka sa sinabi ng kapatid mo? Alam mo, kahit hindi ko alam kung ano ang eksaktong sinabi niya sayo, naniniwala ako na hindi lahat ng sinabi n'ya ay totoo. E sakit na 'ata n'ya ang mag-imbento ng kuwento e."
"Tama na! Hindi na mahalaga kung ano ang sinabi sa akin ni cia o kung ano ang dahilan ng pagkakagulo n'yo ni nanay, basta ito'ng tatandaan mo, ito ang huling beses na sasaktan mo ang nanay ko, dahil kung hindi, ako na ang makakalaban mo!" Nung araw na iyon ay hindi sa bahay nila ni Layla umuwi at natulog si Fernan, kung hindi, sa bahay ng kanyang ina.
Nung gabing yun ay hindi makatulog si layla, papihit-pihit lang ito sa higaan. Sa kanyang pagbubulay-bulay ay napagtanto n'ya na tila mas matimbang pa rin ata kay Fernan ang kanyang magulang at kapatid, kaysa sa kanila ng mga anak niya. Ngayon n'ya naisip na kaya siguro ang bilis nitong nakauwi nang malamang nadisgrasya ang kanyang ina, samantalang nang ma-dengue ang panganay nilang si Lalaine ay nagbalewala lang ito.
Tumulo ang luha ni Layla sa gilid ng kanyang mukha, hanggang dito na nga lang ba sila ni Fernan? Habang tumatagal kasi ay lumalala sila nang lumalala. Ngayon ay hindi lang ang kanyang damdamin ang nagagawa nitong saktan, nagagawa na rin siyang saktan nito nang pisikal. Naisip n'ya, paano kung masundan pa iyon? Dapat na nga ba niyang tuldukan na ang kanilang pagsasama?
Samantala, pilit pinaamin ni Fernan si Flor, ang kanyang ina, kung ano talagang pinagmulan ng pag-aaway nila ni Layla. Nang aminin ng matanda ang dahilan ay nahimas na lamang ni Fernan ang kanyang noo. Bigla siyang nakunsensiya sa mga sinabi at ginawa n'ya sa asawa. Sa kabila niyon ay nalalaman nya na hindi na n'ya mababago iyon dahil nagawa na n'ya, at bilang lalaki ay ayaw naman niyang maunang lumapit dito at magpakumababa dahil meron pa silang hindi pagkakaunawaan. "Sa susunod, huwag kayo basta-basta susugod sa kanya, dumerekta kayo sa akin kapag kailangan n'yo ng pera."
"E kuya, kaya lang naman kami napasugod sa inyo kasi hindi ka namin makontak e. Saka malay ba namin na hindi ka nga nagpadala sa asawa mo?" Sagot ni cia.
"Oy Fernan, totoo ba na nag-away kayo kaya hindi ka na nagpapadala sa kanya?" Usisa ni Flor.
Bumuntung-hininga si Fernan, ayaw nitong pag-usapan ang dahilan ng pag-aaway nila ni Layla dahil kung tutuusin ay kahihiyan at eskandalo iyon para sa kanya. "Oho, kaya mula ngayon ay sa inyo na ako magpapadala. Tutal naman, nagmamatigas sa akin si Layla. Kayo na lang po ang bahalang mag-abot ng sustento ng mga bata."
Natuwa nang husto sila Flor at cia, sa kagalakan nila ay tila hindi na nila inintindi ang huling sinabi ni Fernan.
Kinabukasan, habang nag-aagahan ay saka lang nalaman nila larence at lyndon na umuwi pala ang kanilang ama kahapon, ngunit nagtaka sila kung bakit wala ito sa kanilang bahay. Nang malaman nila na nasa bahay pala ito ng kanilang lola ay kinulit nila nang kinulit ang kanilang ina para sunduin ito. Natulala na lang si Layla dahil hindi n'ya alam ko paano niya mapagbibigyan ang kahilingan ng dalawang anak.
Nalalaman ni Lalaine ang suliranin ng ina at dahil sa tampo at pagkamuhi na nararamdaman n'ya para sa ama ay tila hindi na s'ya nakapagpigil sa pangungulit ng dalawang kapatid. Hinampas n'ya ang mesa. "Tumahimik nga kayo! Tigilan n'yo si mama!" Saway n'ya.
Natigilan ang dalawang batang lalaki. Ngumuso si Lyndon. "Bakit ate, ayaw mo bang makasama si papa? Hindi mo ba s'ya nami-miss?"
"Oo nga, ang tagal na natin siyang hindi nakikita, diba?" Segunda ni Larence.
"At bakit ko naman siya mami-miss, s'ya ba na-miss tayo?Pinagpalit na nga tayo nun sa iba e, kaya nga hindi na s'ya umuuwe dito e." Galit na sagot ni Lalaine.
"Lalaine!" Saway ni layla. Nahimas n'ya ang kanyang noo, habang nanlaki naman ang mga mata ng dalawang bata.
"Hindi totoo yan, ate!" May bahagyang galit na balik ni Lyndon.
"Hump! Anong hindi totoo? Kaya lang naman siya umuwi kasi nauntog si lola, untog lang iyon ha, ako nga, na-denge pero hindi s'ya umuwi e. Ibig sabihin, wala na siyang pakialam sa akin. Kayo, ganun din. Kase, hindi na n'ya tayo mahal!"
"Lalaine, tama na!" Saway ni Layla, ngunit hindi n'ya alam kung paano pipigilan ang anak. Nalalaman naman kasi n'ya na sa ginagawa ni Fernan ay hindi nga malayo na magtanim ng sama ng loob ang mga anak nila dito.
Biglang umiyak si Lyndon. Ang sinabi ng kanyang ate na wala nang pakialam ang kanilang ama sa kanila at ang hindi na sila mahal nito, ay tila pako na bumabaon sa mura niyang pang-unawa. Nasaktan ang kanyang damdamin at hindi n'ya iyon kayang tanggapin.
"Bakit, totoo naman ang sinabi ko a?" Baling ni lalaine kay layla, namumula na ang kanyang mga mata na parang anumang oras ay iiyak na ito. Tila naimpluwensyahan ito ng pag-iyak ni Lyndon. "Kahapon, nang sinampal ka niya mama, naisip ko na nagbago na nga si papa. Kung ganun, bakit pa natin s'ya aasahan? Mula ngayon, wala na akong pakialam sa kanya!" Tumayo ito at tumakbo paakyat sa kanilang kuwarto.
Naiwan ang tatlong mag-iina, tanging ang pag-iyak at paghikbi lang ni Lyndon ang maririnig mesa. Pinatahan ni Larence ang bunsong kapatid at inudyukan na itong ituloy na ang kanyang pagkain, habang si Layla naman ay biglang nanahimik. Itinukod niya ang kanyang siko sa mesa at sinapo ang kanyang noo. Kung makikita lang ang kanyang mukha ay makikita na nagsisimula na ring tumulo ng kanyang mga luha.