Bago bumalik sa Maynila ay dumaan muna si Fernan sa kanilang bahay para makita ang mga anak n'ya. At dahil wala siyang naibiling pasalubong para sa mga ito dahil naging madalian ang kanyang pag-uwi ay nagpatulong na lang siya sa kapatid niyang si cia na mamili ng mga laruan sa mall.
Hindi alam ni Fernan kung bakit, pero bago pa man s'ya tumuntong sa loob ng bahay nila ay natigilan s'ya. Tila pakiramdam n'ya ay hindi na s'ya kasing excited at kasing saya ng dati kapag umuuwi s'ya sa kanila. Tila ang pag-uwi n'ya sa tahanan nila ni Layla at ng kanyang mga anak ay nagbibigay sa kanya ng alaala sa mga panahong hikahos at mahirap pa ang kanilang buhay. Mga panahong hindi pa nila mabili ang mga gusto at pangangailangan nila. Hindi n'ya gusto ang pakiramdam na iyon at iyon ang isa sa mga gusto niyang takasan. At dahil ayaw na niyang bumalik pa sa ganoong buhay, pakiramdam n'ya ay tila hindi na s'ya masaya kapag umuuwi s'ya.
Nang masilayan ang kanilang ama ay tuwang-tuwa sila larence at lyndon. Masaya itong sinalubong ni Lyndon. "Papa!" Excited na bati ng bata, halos tumalon na ito sa
bisig ng ama.
Niyakap ni Fernan ang bunsong anak, dahil sa hindi pag-uwi nang matagal ay doon n'ya naramdaman ang pagka-miss sa mga bata. Nang masulyapan n'ya ang nakatayo lang na si larence ay nagtaka siya kung bakit hindi siya sinalubong nito. "Larence, bakit nakatayo ka lang diyan?" Saka lang lumapit ang bata nang tawagin n'ya ito.
Habang palapit sa ama ay tila ingat na ingat si larence na ipinagtaka ni Fernan. "Anong nangyayari sayo, ha, larence?"
"Kasi...." Ngumuso ang bata. "Ang sabi ni ate, ayaw mo na raw sa amin e, hindi mo na raw kami mahal."
"Ano?" Natigilan si Fernan. "Anak, hindi totoo yan. Halika nga dito." Niyakap niya ang bata. Anak, hindi totoo yun. Huwag kang maniniwala kay ate, ha?"
"Kita mo na, kuya. Sabi ko sayo hindi totoo ang sinabi ni ate e." Pagmamalaki ni Lyndon.
Habang yakap ang anak ay napaisip si Fernan, bakit nasabi iyon ni Lalaine? Hindi kaya..... Kumunot ang noo ni Fernan. Gusto sana niyang humingi ng paumanhin kay Layla matapos niyang malaman ang totoo mula sa kanyang ina, ngunit ngayon ay hindi na.
Nang tumanggi si Lalaine na kitain ang ama ay hindi na ito pinilit ni Fernan, ni hindi n'ya pinuntahan sa kuwarto ang bata bagaman nalalaman niyang nagtatampo ito sa kanya, ganito kataas ang kanyang pride.
Gusto sana niyang kausapin si Layla para pagpaliwanagin ito kung bakit ganun ang sinabi ni Lalaine tungkol sa kanya, ngunit wala ito dahil umextra ito sa catering na pinagtatrabahuhan ng kaibigan nitong si Lucy. Hindi na n'ya hinintay pa ang pagdating nito, matapos magpaalam sa mga anak ay umalis na s'ya.
Habang bumibiyahe ay kinokontak ni Fernan si Layla ngunit hindi ito sumasagot. Kumunot ang kanyang noo, pinagmamalakihan na naman ba s'ya ng asawa? Ngayon n'ya naranasan ang ginagawa n'ya dito noon nang hindi n'ya sinasagot ang mga tawag nito.
Matapos ang maghapon ay umuwi na si Layla, dahil sa pagod ay nagpahinga muna siya. S'ya lang mag-isa sa bahay dahil nasa nanay n'ya ang mga anak n'ya. Nang makapagpahinga na ay saka n'ya ginalaw ang kanyang cellphone. Doon nya nakita ang miss call ng asawa, nakita din n'ya ang text nito na nagsasabi na sagutin nito ang kanyang tawag.
Ilalapag na sana n'ya ang cellphone nang biglang mag-ring ito. Nang makitang si Fernan ang tumatawag ay sinagot nya iyon. "O, fernan..." Tamad niyang sagot.
"Anong sinasabi mo sa mga bata tungkol sa akin? Layla, gawain ba yan ng mabuting ina?" Kaagad na bungad ni Fernan.
"Ha?" Pagtataka ni Layla, napukaw din ang kanyang interes na kausapin ang asawa.
"Anong sinasabi mo kay lalaine? Bakit mo ako sinisiraan sa bata?" Mababakas ang galit sa boses ni Fernan.
Tila naunawaan naman ni Layla ang pinagmumulan nito. "A, yun ba? Sa maniwala ka man o sa hindi, wala akong sinasabi sa mga bata na masama tungkol sayo. Alam mo namang siyam na taon na si Lalaine, diba? Kaya may isip na yung bata at nakakaunawa na s'ya. Saka, sa ginagawa mong pagbabalewala sa kanila at sa nakita niyang pagsampal mo sa akin, maiisip talaga nung bata na walang mabuting asawa at ama ang gumagawa ng ganun. Kaya Fernan, huwag mo akong sisisihin kung lumayo man ang loob ng mga anak mo sayo, dahil ikaw ang may kagagawan n'yan."
Hindi nakasagot si Fernan dahil guilty ito. "Suma-sideline ka raw sa catering na pinagtatrabahuhan ni Lucy?" Pag-iiba n'ya ng usapan. "Bakit, ubos na ba ang ipon mo?"
Lumamig ang mga mata ni layla. "Ano naman sayo, bakit mo pa tinatanong yan, e diba, inabandona mo na kami?"
"Para namang napakasama kong tao kung pagsalitaan mo ako nang ganyan. Alam mo naman kasi kung ano ang dapat mong gawin pero hindi mo ginagawa, nagpa-pride ka kasi."
"Kung hindi ako magpa-pride, baka wala nang matira sa akin. Nang hinayaan kita sa gusto mo, parang itinapon ko na rin ang dignidad ko bilang may-bahay at asawa mo. Kaya sinasabi ko sayo Fernan, hindi ko na magagawang sikmurain pa ang kababuyang ginagawa n'yo ng matanda mong amo!" Sa kanilang pag-uusap ay umiinit na ang ulo ni Layla.
"Ang arte mo naman! Ano ba ang magagawa ng dignidad na sinasabi mo, kaya ba kayong buhayin niyan? Maibibigay ba n'yan ang pangangailangan n'yo? Mabibili ba niyan ang mga gusto n'yo?"
"Diretsuhin mo na nga lang ako, ano ba talaga ang gusto mong sabihin?" Dahil pagod sa maghapong trabaho ay tila wala nang lakas si Layla para makipagtalo pa sa asawa, kaya gusto na nyang tapusin ang pakikipag-usap, o mas tamang sabihing, gusto na niyang tapusin na ang pakikipagtalo dito para makapagpahinga na s'ya.
"Magpapadala na ulit ako sa inyo, pero sa isang kondisyon....... Hayaan mo na ako sa ginagawa ko. Huwag kang mag-alala, kapag–"
"Ayoko." Putol ni layla.
"Layla! Hanggang kailan ka ba mag-iinarte nang ganyan? Bakit ba ang tigas ng ulo mo? Gumagawa na nga ako ng paraan para guminhawa ang buhay natin e. Pumayag ka lang, sapat na. Huwag na huwag mo na ring uulitin yung ginawa mong pagluwas at pagsugod dito. Hindi mo alam, buhat ng pumunta ka dito sa trabaho ay pinagchi-chismisan na ako. Pati si monica, pinag uusapan na rin dito. Hindi ka ba nahihiya sa gulong ginawa mo?"
"Tapos ka na?" Malamig na tanong ni Layla. "Sasabihin ko sayo ha, hindi ako ang nakakahiya dito kung hindi kayo ng amo mo, dahil mga imoral kayo! At kung pinag-uusapan man kayo diyan, deserve n'yo yan. Tungkol naman sa pagpapadala mo, kapalit ng pagpayag ko na ituloy mo ang kababuyan n'yo ng amo, e huwag na lang. Pero kung sabagay, kahit naman hindi ako pumayag, itutuloy-tuloy mo pa rin naman ang pagsa-SIDELINE mo diyan e........ Sayo na lang ang pera mo Fernan, magsusumikap na lang ako para mabuhay kami ng mga anak ko." At pinutol na ni Layla ang Linya.
Samantala, sa locker room, sa restaurant na pinagtatrabahuhan ni Fernan:
"Layla!" Tawag ni Fernan sa asawa ngunit putol na ang linya. Ngayon lang n'ya naranasang pagbabaan ng ganito ng asawa. "Buwiset!" Sinuntok n'ya ang kanyang locker sa inis na ikinagulat ng ilang naroon, pagkatapos ay pabagsak siyang naupo. Ikinuyom niya ang kanyang mga kamao. 'Yan ba ang gusto mo? Sige, ipagpatuloy mo lang yang pagmamatigas mo, tingnan ko lang kung hanggang saan ka tatagal.'
Matapos makipag-usap kay Fernan ay tumulo ang luha ni Layla. Nalalaman niya na magmula dito ay magiging mahirap na ang buhay nilang mag-iina, ngunit ayaw niyang magpatalo. Ma-pride na kung ma-pride, pero hindi niya hahayaang masaktan pa s'ya dahil sa ginagawa ni Fernan. Para sa kanya, mas mainam pang palayain na lang n'ya ito at hayaan na lang itong gawin ang gusto n'ya.